top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | June 2, 2023




Nagpaplanong bumalik sa laban sa bagong weight category si dating WBC featherweight champion Mark “Magnifico” Magsayo sa darating na Setyembre o Oktubre sa mas mabigat na junior lightweight o super-featherweight division kasunod ng malasap ang ikalawang sunod na pagkabigo sa 126-pound category kontra American Brandon “The Heartbreaker” Figueroa noong Marso 4 sa U.S.


Nagpakita ng intensyong umakyat ng panibagong dibisyon ang tubong Tagbilaran City, Bohol kasunod ng unanimous decision pagkatalo kay Figueroa (24-1-1, 18 KOs) para sa WBC interim 126-lb belt at reigning WBC titlist Rey Vargas (36-1, 22KOs) ng Mexico noong Hulyo 9, 2022 na nagresulta ng split decision.


Ito na rin ang ipinabatid ni MP Promotions President Sean Gibbons sa panayam ng isang online website matapos sumabak sa tatlong mabibigat na laban si Magsayo (24-2, 16 KOs), kung saan napanalunan ang WBC title laban kay Gary Russel Jr. noong Enero 22, 2022. “Mark had an unbelievably tough year-and-a-half,” ayon kay Gibbons sa ProBox TV News. “He beat Gary Russell, arguably [the] number-one featherweight in the world, then he had to fight the worst guy ever in the world, Rey Vargas, and he gave a heck of a [fight] to Brandon Figueroa,” saad ng international matchmaker sa ProBoxTV. “The weight [fighting at featherweight] took a little bit out of him. So, he is going to return in September or October at 130 [lbs].”


Gayunpaman, bago pa man ang laban kay Figueroa, nauna ng inamin ni Gibbons na plano ng umakyat ng 27-anyos mula Tagbilaran, Bohol sa 130-lbs division, subalit nabigyan lang ng oportunidad na lumaban sa 126-lb title belt.


 
 

ni Gerard Arce @Sports | May 30, 2023




Pormal ng inanunsyo ng Chery Tiggo Crossovers ang pagkakakuha sa serbisyo ni University of Santo Tomas Golden Tigresses ace player Ejiya “Eya” Laure upang kumpletuhin ang limang bagong recruit na isasalang sa paparating na 2023 Invitational Conference ng Premier Volleyball League (PVL) simula Hunyo 29.


Kasunod ito ng pagbitiw ng tinaguriang Queen Tigresses sa kanyang huling playing year sa UST nitong Huwebes nga gabi sa kanyang social media account.


Kukumpletuhin ng 24-anyos na UAAP season 81 Rookie of the Year ang mga bagong tapik na sina UST middle blocker Imee Hernandez, at season 84 champions mula National University Lady Bulldogs Joyme Cagande, Princess Robles at libero Jennifer Nierva.


Labing-dalawang taon na naglaro sa UST ang all-around open spiker mula sa juniors hanggang sa huling taon sa women’s matapos lumapag sa magkasunod na fourth-place finish sa 84th at 85th season, na aminadong nabigong maibigay ang hinihinging kampeonato sa koponan.


Makakapagbigay ng solidong tulong ang mga bagong recruits ng Crossovers upang mahigitan ang fifth place finish sa All-Filipino Conference para samahan sina Cza Carandang, Roselle Baliton, Jaycel Delos Reyes, Jaila Atienza, Seth Rodriguez, EJ Laure, Pauline Gaston, at Shaya Adorador, Alina Bicar at 2022 Reinforce Conference MVP Mylene “Mama P” Paat.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | May 29, 2023




Ipinakilala ng Chery Tiggo Crossovers ang bagong tatlong manlalaro mula National University Lady Bulldogs na sina libero Jennifer Nierva, setter Joyme Cagande at collegiate Finals MVP Princess Robles para isalang sa darating na 2023 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference simula Hunyo 29.


Inanunsiyo ng Crossovers ang panibagong karagdagan sa hanay ng mga manlalaro, kung saan unang pinakilala ang 23-anyos na 5-foot-4 libero na si Nierva, habang sunod na inilabas ang setter na si Cagande at ang huli ay si University Athletic Association of the Philippines (UAAP) season 84 Finals best na si Robles.


Naging malaking tulong ang tatlong manlalaro para sa Lady Bulldogs upang lumikha ng kasaysayan noong nagdaang season ng women’s volleyball tournament matapos putulin ang 65-taong pagkagutom sa liga para walisin ang kabuuang torneo patungo sa 16-0 kartada, habang tumapos ang koponan ng runner-up nitong katatapos lang na 85th UAAP laban sa De La Salle University Lady Spikers.


Buwis-buhay na dinadamba at sinasalo ang matinding floor defense ni Nierva upang magawaran itong Best Libero noong 84th season, habang naging kahalili ni Camila Lamina si Cagande pagdating sa playmaking, gayundin ang 25-anyos na power-hitter na si Robles na kapalitan ni Alyssa Solomon sa opposite.


Sa pagtatapos ng collegiate career ng tatlo, nakaabang na ang panibagong yugto sa kanilang buhay sa pagpasok sa professional league, kung saan inaabangan na itong masilayan sa bakuran ng Crossovers para samahan sina 2022 Reinforce Conference MVP Mylene “Mama P” Paat, EJ Laure, Pauline Gaston, at Shaya Adorador.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page