top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | June 30, 2023




Dadalhin ni Jaja Santiago ang kanyang karanasan at kahusayan sa JT Marvelous sa Japan V.League dala-dala ang ibang numero upang ipagpatuloy ang paglalaro sa labas ng bansa bilang premyadong middle blocker.


Inanunsiyo ng V.League division 1 ang pagkuha nila sa serbisyo ng 27-anyos mula Tanza, Cavite matapos ang ilang taon sa Saitama Ageo Medics na tinulungan niyang makakuha ng second seed sa regular season para sa 24-9 kartada, subalit kinapos sa round-robin semifinals nitong nagdaang season para sa 4th place finish.


I think this season will be an exciting and challenging year,” pahayag ni Santiago sa inilabas na statement sa kanilang website. “I will do my best to work together with my new teammates and show the best performance.”


Minsang hinirang na two-time Best middle blocker ang 6-foot-5 defender na naging laman ng balita na muling magbabalik sa Premier Volleyball League sa koponan ng Chery Tiggo Crossovers matapos mapabilang sa official line-up ng koponan sa 2023 Invitational Conference.


Tumapos sa 5th place ang JT Marvelous noong nagdaang regular season, matapos kapusin sa Top 4, para umabante sa playoffs patungong kampeonato. Nagsimulang maglaro sa Japan ang dating National University Lady Bulldogs standout noong 2018 para sa Aego Medics at dito na rin nakilala ang kanyang nobyo na si Japanese women’s assistant coach Taka Minowa, na na-engage sa kanya noong isang taon.


Huling beses kinatawan ni Santiago ang Pilipinas sa 31st SEA Games sa Hanoi, Vietnam, kung saan tumapos sila sa ikaapat na puwesto, habang naglaro ito sa Premier Volleyball League (PVL) noong 2021 Open Conference para tulungan ang Chery Tiggo na makuha ang unang kampeonato sa liga katulong ang kapatid na si Dindin Santiago-Manabat.


 
 

ni Gerard Arce @Sports | June 30, 2023




Mga laro bukas (Sabado)

(FilOil EcoOil Arena)


1:30 n.h. – PLDT High Speed Hitters vs. Akari Chargers

4:00 n.h. – Foton Tornadoes vs. Choco Mucho Flying Titans

6:30 n.g. – F2 Logistics Cargo Movers vs. Cignal HD Spikers


Madaling dinispatsa ng defending champions Creamline Cool Smashers ang baguhang Gerflor Defenders sa straight set sa iskor na 25-18, 25-11, 25-12 upang maagang makuha ang liderato sa Group A at lumakas ang tsansa sa semifinals, habang nakabuwenamanong panalo si Cherry Ann “Sisi” Rondina para sa Choco Mucho Flying Titans sa sumunod na laro sa pagpapatuloy ng aksyon sa 2023 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference kahapon sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.


Muling nagbida para sa Cool Smashers si three-time conference MVP Diana Mae “Tots” Carlos na bumanat ng game-high 15 puntos mula sa 13-of-19 atake, habang sinundan ni Jema Galanza ng 10 puntos at Julia Morado-De Guzman na may limang puntos at 12 excellent sets. Nag-ambag naman sa kanyang ika-30th kaarawan si Alyssa Valdez ng apat na puntos at newly-acquired hitter Bernadeth Pons na may apat na markers.


Nag-contribute talaga yung mga players, that’s why we’re very happy na nakuha namin yung panalo,” pahayag ni Creamline head coach Sherwin Concepcion sa maagang 2-0 kartada.


Wala namang tumapos na double-digits para sa Gerflor na pinagbidahan nina Justine Dorog at Andrea Marzan sa tig-anim puntos, habang may limang puntos na ambag si dating UP Lady Maroons power-hitter Alyssa Bertolano kasama ang 18 excellent receptions.


Impresibo naman sa kanyang pagbabalik sa indoor volleyball court si Rondina na bumanat ng game-high 14 puntos mula sa 13 atake at limang receptions, na sinegundahan ng kapwa dating UST Golden Tigresses na si Caitlyn Viray sa 13pts, habang nagpamalas si dating Ateneo Blue Eagles playmaker Deanna Wong ng walong puntos mula sa limang service ace at dalawng blocks, kasama ang walong excellent sets upang talunin ang Farm Fresh Foxies sa straight set sa pamamagitan ng 25-14, 25-7, 25-16.


Tanging si dating Adamson Lady Falcons Trisha Tubu ang naging maliwanag na manlalarong nanguna sa atake ng Farm Fresh sa pitong puntos na sinundan nina Kate Santiago ag Zamantha Nolasco ng tig-apat puntos.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | June 29, 2023




Nananatiling buhay ang tsansa ng Gilas Pilipinas women sa kontensyon sa 2023 FIBA Women’s Asia Cup matapos araruhin ang Chinese Taipei sa iskor na 92-81 sa Group B sa Sydney Olympic Park Sports Centre sa Sydney, Australia.


Naging matatag sa pagtala ng double-double nina Jack Animam sa 16 points at 15 rebounds, Afril Bernardino sa 18 markers at 10 boards, kasama ang tig-tatlong assists at steals, habang mainit sa kanyang shooting si Vanessa de Jesus sa 25 puntos.


Ito ang kauna-unahang panalo ng Gilas Women sa group phase sa continental meet sapol ng hatiin sa dalawang dibisyon ang torneo, habang ito rin ang unang panalo ng Pilipinas sa Chinese Taipei sa tatlong paghaharap.


Dahil sa nakuhang panalo ng Pilipinas ay malalagay ito sa 1-2 kartada sa Group B at nakatakdang makatapat ang second-placed na koponan ng Group A sa play-in sa darating na Biyernes.


It’s our first win in pool play and we’re happy about it,” pahayag ni Gilas women head coach Patrick Aquino. “It shows that we truly belong in this tournament and hoping to get more wins in our next games.”


Naging kauna-unahang beses sa kasaysayan ng Gilas Women na hindi maitatapon sa relegation match sa FIBA Women’s Asia Cup Division A, kasunod ng magandang pasimulang laro ng Gilas mula first hanggang third quarter matapos mailista ang pinakamalaking kalamangan sa 76-62 sa fourth canto. Subalit tinapyas ito paunti-unti ng Chinese-Taipei sa 78-74 sa nalalabing apat na minuto sa laro.


Nagtulong sina Animam at Camille Clarin upang maitigil ang pagkasablay ng Pinay ballers, na sinundan ng pamatay-tira ni De Jesus sa nalalabing 2:09 ng laro.


Nag-ambag rin ang beteranong si Janine Pontejos ng siyam na puntos mula lahat sa tres, na may dinadamdam na karamdaman, habang nagbigay rin ng anim na puntos si Ella Fajardo, at tig-lima kina Mikka Cacho at Clarin.


Makakaharap naman ng Chinese-Taipei ang Lebanon sa relegation match na pinagbidahan ni Lin Yuting na may 21 puntos.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page