- BULGAR
- Jul 9, 2023
ni Gerard Arce @Sports | July 9, 2023

Mga laro sa Martes (Hulyo 11)
(Philsports Arena)
9:30 am – Petro Gazz vs Farm Fresh
12:00 nn – Cignal vs Foton
4:00 n.h. – Akari vs Chery Tiggo
6:30 n.g. – Choco Mucho vs F2 Logistics
Nakahanda nang makipagsabayan ang dalawang foreign clubs mula Japan at Vietnam bilang opisyal na koponang sasabak sa semifinal round ng 2023 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference simula Hulyo 20 sa Philsports Arena sa Pasig City.
Sasabak ang Kurashiki Ablaze mula sa Yokohama sa Japan at Kinh Bac Bac Ninh galing Vietnam ang kumpirmadong makikipaghatawan sa local clubs na papasok sa semifinal round sa mid-conference na inaasahang magbabalik ang aksyon sa darating na Martes matapos ang bakbakan sa men’s Volleyball Nations League na isinasagawa sa kasalukuyan sa bansa.
Magpapatuloy ang aksyon sa eliminasyon ng 11 koponan na hinati sa dalawang grupo, kung saan ang dalawa sa pinakamataas na puwesto ang aabante sa susunod na yugto para samahan ang dalawang guest teams.
Matatandaang umatras ang koponan mula Japan na Kobe Shinwa sa huling minuto ng desisyon noong isang taon sa 2022 PVL Invitationals matapos magpositibo ang isang miyembro nito sa COVID-19, upang maiwan ang KingWhale Taipei na nag-iisang guest team. Nakatapat ng Taiwanese club sa finals ang reigning at defending champions na Creamline Cool Smashers sa winner-take-all laro, kung saan itinanghal na finals MVP si Ced Domingo.
Ipaparada ng Kurashiki Ablaze ang matitinding manlalaro na sina hitters Saya Taniguchi, Sayaka Tanida, Yukino Yano at Saki Tanabe kasama sina opposite strikers Asaka Tamaru, Reina Fujiwara at Honoka Okuda, na siyang kumakampanya sa Japan V.League Division 3 at pangunahan ang 13th National Six-Man Volleyball League, Western tournament, habang sumegunda sa 12th National Volleyball League, gayundin ang pagtapos sa ikatlong pwesto sa 13th National Volleyball League Grand Champion Match.






