- BULGAR
- Aug 2, 2023
ni Gerard Arce @Sports | August 2, 2023

Papalo para sa bayan ang karamihan sa manlalaro ng collegiate champions National University Lady Bulldogs sa pangunguna ng power-hitters na sina Mhicaela “Bella” Belan at Alyssa Solomon para sa national squad na sasabak sa paparating na Southeast Asia Volleyball League (V.League) women’s tournament ngayong darating na weekend sa Vietnam.
Tiyak na mas mahahasa ang kakayanan at kapasidad ng laro ng Lady Bulldogs na pagbibidahan ng UAAP season 84 Rookie-MVP kaantabay ang dating best opposite spiker na kasamang kakagat sina ace playmaker Camille Lamina, Shaira Jardio, Minierva Maaya, Evangeline Alinsug, Erin Pangilinan at Myrtle Escanlar sa torneong katulad ng nilahukan ng men’s squad na SEA V.League na ginanap nitong weekend sa Santa Rosa Sport Complex.
Makakatulong rin ng 2022 UAAP champions ang iba pang high school sensations at incoming rookies na sina Arah Panique at Abegail Pono, gayundin sina Roma Doromal at AC Miner ng Ateneo Blue Eagles, at Niña Ytang at Kamille Cal ng University of the Philippines Lady Maroons.
“This is a young team and we are investing for the future of the federation’s national team program,” saad ni Philippine National Volleyball Federation president Ramon “Tats” Suzara nitong Lunes
Nakatakdang simulan ng women’s team ang kanilang kampanya sa darating na Biyernes ang first leg sa Vihn Phuc, Vietnam at second leg simula Agosto 11 hanggang 13 sa Chiangmai, Thailand, na makakatapat ang Vietnam, Thailand at Indonesia sa regional tournament. “We’re confident in the capability of these young stars seen as the future of Philippine volleyball,” wika ni Suzara. “We have no doubts that they can carry our flag against the best in the region.”






