top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | August 5, 2023



Palipad tungong finals ang Adamson University Lady Falcons matapos patalsikin at walisin ang University of Perpetual Help System Dalta Lady Altas sa pamamagitan ng kumbinsidong panalo sa 25-19, 25-21, 25-16 sa ginanap na semifinals ng Shakey's Super League (SSL) National Invitationals kahapon sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City.


Hindi gaanong kinailangang pahabain ng Lady Falcons ang hampasan ng tumagal lamang ng kabuuang 76 minuto ang laro sa straight set para patalsikin ang mga bigating koponan mula sa NCAA kasunod ng back-to-back NCAA champions College of Saint Benilde sa quarterfinals.


Nanguna sa puntusan si Ayesha Juegos na kumamada ng 29 puntos na sinundan nina Maria Rochelle Lalongisip sa 21 puntos, habang nag-ambag ang mga beteranong sina Lucille Almonte at Lorene Toring ng tig-15 at 10pts para lumapit sa pangwawalis sa 12-team SSL na itininnghal ng Eurote, Victory Liner sa pakikipagtulungan sa Commission on Higher Education (CHED).


Unang-una, sabi ko nga with God’s will, makakaakyat kami ng finals. Ito na ‘yun, binigay na sa amin. Kailangang paghandaan namin ‘yung finals,” wika ni first-year coach JP Yude na ginagabayan ang batang koponan na nakamit ang bronze medal finish sa nagdaang 85th season ng UAAP women’s volleyball tournament.


Maaaring makatapat ng Adamson ang UAAP champions De La Salle University Lady Spikers o ang University of Santo Tomas Golden Tigresses sa best-of-three finals sa susunod na linggo na nilahukan ng mga kampeong koponan at nagkwalipika mula sa National Capital Region, Luzon, Visayas at Mindanao.


Nagbida naman para sa UPHSD Lady Altas si Shaila Omipon na may 17pts na sinundan ni Razel Paula Aldea sa 16pts at Charmaine Ocado sa 14pts, habang nakuntento si NCAA MVP Mary Rhose Dapol sa siyam na puntos matapos sumiklab sa 33pts kontra St. Benilde.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | August 4, 2023



Magsasalubong ang landas ng defending UAAP season 85 champions De La Salle University Lady Spikers at rebuilding University of Santo Tomas Golden Tigresses, habang aasaming makapasok ng UAAP bronze medalist Adamson Lady Falcons na higitan ang NCAA team na UPHSD Altas sa semifinals ng 2023 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals ngayong araw sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City.


Ipaparada ng DLSU ang twin-tower na sina Thea Gagate at Shevana Laput laban sa mga baguhang manlalaro ng UST sa pinakatampok na laro ng 4 p.m., habang makikipagduwelo ang bagong balasang Lady Falcons kontra Mary Rhose Dapol-led na Lady Altas sa unang laro ng 2 p.m.


Ang magwawagi sa semis matches ay nakatakdang magbabanggaan sa best-of-three finals sa susunod na linggo upang maging kauna-unahang national champion ng SSL na itinaguyod ng CHED. Muling maghaharap ang magkaribal sa collegiate league na Lady Spikers at UST matapos walisin ng La Salle ang Jose Maria College Foundation ng Mindanao25-18, 25-14, 25-19, habang sinibak ng UST ang Luzon qualifier na Enderun Colleges sa bisa ng 25-13, 25-16, 21-25, 25-14.


Paborito ang DLSU matapos magkampeon sa UAAP volleyball tourney, habang tanging ang UST lang ang nakabahid ng pagkatalo sa Taft-based squad sa nagdaang season ng UAAP elimination round. “Ibang labanan na dito sa semis. Sabi ko lang sa team, hindi pwedeng ganito ‘yung lalaruin namin. Kailangan iangat yung level ng play pagdating ng semis,” wika ni La Salle deputy coach Noel Orcullo.


Nilisan na ang UST ng mga importanteng manlalaro tulad nina Ejiya “Eya” Laure, Imee Hernandez at Kecelyn Galdones na tumalon ng pro-ranks, habang nilisan na rin nina Jolina Dela Cruz, Mars Alba at Fifi Sharma ang Lady Spikers. Sa kabilang banda, puntirya naman ng Lady Altas na makatuntong ng Finals.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | August 4, 2023



Muling magpapamalas ng mahika sa pakikipagbuntalan si dating World ranked contender Mike “Magic” Plania kontra sa streaking Elijah Pierce ng Amerika sa isang super-bantamweight bout ngayong Biyernes sa Overtime Elite Arena sa Atlanta, Georgia.


Matapos na mabigo laban kay Ra'eese Aleem para sa World Boxing Orgasnization (WBO) North American noong Setyembre 4, 2022 sa Cyrpto.com Arena, magkasunod na impresibong first round panalo ang itinala ng dating 2013 Philippine National Games bantamweight titlist laban kina Jeffrey Francisco at dating World challenger Mark Anthony “El Heneral” Geraldo.


Tinapos ng dating International Boxing Federation (IBF) North American super-bantamweight titlist ang kababayang si Geraldo sa bisa ng first round sa nagdaang laban nito noong Mayo 17 sa Sanman Gymnasium sa General Santos City matapos ang matinding kaliwang suntok upang maiangat ang kartada nito sa 27 panalo mula sa 14 knockouts kasama ang dalawang talo, na galing sa regional title shot.


Magiging malaking daan para kay Plania (27-2, 14KOs) ang makukuhang panalo kay Pierce matapos hanapan ng makakalaban sa Amerika ang 26-anyos mula General Santos City upang mas mapataas ang kanyang World rankings kontra sa mga bigating kalaban sa 122-pounds.


“We’re looking for big names and big fights in the US. And this impressive win is one step closer to another fight, that’s why we always keep him ready,” pahayag ni Sanman Promotions CEO Jim Claude Manangquil na napabilib sa malaking improvement ni Plania sa kanyang boxing career.


“We thought that against Geraldo, it could be a tough task for him, but we’ve seen a different Mike and showed a good improvement on him and surely try to test him to bigger names in the states,” dagdag ng promoter nina unified IBF/WBA 122-lbs titlist Marlon “Nightmare” Tapales at WBO minimumweight title holder Melvin “Gringo” Jerusalem.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page