- BULGAR
- Aug 12, 2023
ni GA @Sports | August 12, 2023

Mga laro ngayong Sabado
(Filoil EcoOil Centre, San Juan)
2 p.m. – UST vs UPHSD (battle-for-bronze)
4 p.m. – DLSU vs ADU (Finals)
Tatangkang tapusin ng Adamson University Lady Falcons ang misyong makamit ang matamis na tagumpay kontra sa reigning UAAP champions De La Salle University Lady Spikers sa kanilang best-of-three Finals Game 2, habang sasakmalin ng University of Santo Tomas Golden Tigresses ang third place podium finish sa Game 2 ng sariling serye kontra University of Perpetual Help System Dalta Lady Altas double-header na aksyon sa 2023 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals ngayong araw sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City.
Nais tuldukan ng Lady Falcons ang serye matapos ang dikdikang 22-25, 25-17, 17-25, 27-25, 16-14 comeback victory upang maging kauna-unahang national champion ng SSL.
Magsasalpukan sa ikalawang pagkakataon ang top-two teams sa 12-team tourney sa pinakatampok na laro ng 4 p.m., habang nakahanda ang mga pangil ng Golden Tigresses na lapangin ang Lady Altas matapos ang kumbinsidong pangwawalis sa Game 1 para sa unang salpukan ng 2 p.m.
Patutunayan ni team captain at beteranang si Lucille Almonte na kaya nilang tumapos ng serye, kasunod ng third place finish sa nagdaang 85th season ng UAAP, na kukuha ng suporta kina Lorene Toring Ayesha Juegos at Sharya Ancheta, gayundin si super-rookie Red Bascon, na bumuhos ng mga panapos na hambalos sa malupit na come-from-behind na panalo.
“Kailangang gustuhin natin na laging manalo. When it comes na tatapak kami sa loob ng court at maglalaro lang kami na La Salle ang kalaban natin, kakainin tayo ng buhay ng La Salle,” wika ni Adamson coach JP Yude patungkol sa kakayanan ng La Salle na makabalik sa laban na sasandal kina Shaveena Laput, Thea Gagate, Baby Jyne Soreno at Leiah Malaluan.






