top of page
Search

ni GA @Sports | August 31, 2023



Mukhang tutuparin ni 8th-division World champion na si Manny “Pacman” Pacquiao ang pangarap na makasabak sa Summer Olympic Games matapos sumangguni kay Philippine Olympic Committee (POC) president Mayor Abraham “Bambol” Tolentino patungkol sa posibilidad na sumabak sa 2024 Paris Games.


Inilahad ni Tolentino ang naging pag-uusap nila ng Filipino boxing legend at nakipag-ugnayan na umano ang Tagaytay City chief sa Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) at the International Olympic Committee (IOC). “Senator Pacquiao’s camp reached out saying our Filipino ring idol wants to fight in Paris,” wika ni Tolentino. “But the Senator can no longer vie for qualification in the Asian Games in Hangzhou next month.”


Ayon sa alituntunin ng Asian Games, na isa rin sa mga gagawing Olympic Qualifying Tournament, nililimitahan sa 40-anyos ang lahat ng atleta sa naturang palaro, subalit maaari pang makuwalipika si Pacman sa Paris sa dalawang nalalabing Olympic Qualifying na gaganapin sa first at 2nd quarter ng 2024.


Ani Tolenitno, posibleng idaan sa ‘Universality Rule’ ang estado ni Pacquiao ayon sa IOC. Ngunit tanging siyam na posisyon lang ang nakasaad ayon sa Universality Rule, at ito ang lima para sa babae at apat sa mga lalaki.


Si Pacquiao umano ay nakahanda nang lumaban sa Olympics pero isasalang siya sa national team qualification. Tumitimbang si Pacman ng 66kgs na maaaring piliin ang 63.5kgs o 71kgs sa Paris boxing program, kung saan pinapayagan ng sumabak ang mga professional boxers sa Olympics tulad ni Eumir Felix Marcial.


Matatandaang muntik sumabak si Pacman noong 2016 Rio Games, pero nagwagi bilang Senador ng bansa. Hawak na rin noon ni Pacquiao ang titulo ng WBO International welterweight title at sumunod ang WBO 147-lbs belt. Tatlong professional boxers ang sumabak sa Rio Games na sina Hassan N’Dam N’Jikam ng Cameroon sa Light-Heavyweight; lightweight Carmine Tommasone ng Italy; at Amnat Ruenroeng ng Thailand sa 132-lbs (60kgs) division – lahat ng mga ito ay pawang natalo sa quadrennial meet.

 
 

ni GA @Sports | August 30, 2023



Pinasuko ng tinaguriang “Thai Killer” na si Pinoy boxer Herlan Sixto Gomez ang katunggaling si Vikash Dahiya ng India sa mabilis na first round technical knockout kasunod ng matinding tama sa bodega nitong Sabado ng gabi sa The Plush, La Meridien Dubai Hotel and Conference Centre (Airport DXB) sa Dubai, United Arab Emirates.


Kumaldag ng malutong na kaliwang uppercut sa kanang tagiliran ang 24-anyos na tubong Enrique B. Magalona, Negros Occidental upang paayawin ang Indian boxer sa kalagitnaan ng unang round sapat upang makamit ang ika-10 panalo laban sa isang talo, kaantabay ang pitong panalo mula sa knockout.


Sinukat muna ni Gomez ang laro at diskarte ni Dahiya sa pagsisimula ng laban ng bumitaw ito ng ilang jabs at right straight, habang sinusubukang makipagsabayan ng Indian boxer. Minsan ng nakapaglabas ng kaliwang hook sa tagiliran si Gomez sa pagsisimula ng laban, habang nakapagpakawala pa ito ng kaliwang hook at kanang patama sa sikmura.


Subalit sa palitan ng suntok ay tumama ang kaliwang suntok sa bodega ni Gomez na sinabayan naman ng right hook sa katawan at kaliwang hook sa mukha, ngunit mas matindi ang pagdapo ng suntok ng Negrense boxer upang sundan ang kanyang ikalimang sunod na knockout victory kina Thai boxers Thanachai Khamoon, at Wicha Phulaikhao, Phissanu Chimsunthom at Jakpan Sangtong na nakalaban para sa Asian Boxing Federation bantamweight title, na ginanap lahat sa Spaceplus Bangkok RCA sa Thailand.


Malayo pa man ang ranking ni Gomez sa masikip na 118-pound division na pinamumunuan ng matitinding Pinoy boxers na sina Vincent “Asero” Astrolabio, Reymart “Assassin” Gaballo, Jerwin “Pretty Boy” Ancajas at dating four-division World titlist Nonito “The Filipino Flash” Donaire.


 
 

ni GA @Sports | August 29, 2023



Isang resultang hindi inaasahang makakamit ni Garen “Hellboy” Diagan sa mga kamay ni reigning at defending World Boxing Organization (WBO) minimumweight champion Oscar “El Pupilo” Collazo ang nagtapos sa 6th round technical knockout noong Linggo ng umaga (oras sa Pilipinas) sa Coliseo Roberto Clemente sa San Juan, Puerto Rico.


Isinuko ng tubong General Santos City ang unang pagkakataon sa World title fight sa pagtatapos ng sixth round ng hindi na nagawang makabalik sa laban matapos ang round dulot ng malulutong na suntok at patama ng hometown-favorite na unang beses dinepensahan ang korona sapul nang maagaw ito sa dating Filipino champion na si Melvin “Gringo” Jerusalem noong nagdaang Mayo 27 sa TKO panalo sa Fantasy Springs Casino sa Indio, California.


Naputol ang 2-fight winning streak ni Diagan na bumagsak sa 10-4 kartada kasama ang 5 panalo mula sa KO, habang nalasap nito ang ikatlong pagkatalo sa limang laban, gayundin ang ikalawang pagkabigo mula sa knockout na minsang pinatumba ni April Jay Abne sa 5th round noong isang taon.


Minsang hinawakan ni Diagan ang Philippine Boxing Federation light-flyweight title noong 2019, subalit nabigong masungkit ang WBC Asian light-fly kay Danai “Laser Man” Ngiabphukiaw ng Thailand sa unanimous decision para sa kanyang huling talo noong Hulyo 30, 2022 sa Suamlum Night Bazaar sa Bangkok, Thailand.


Ilang buwan pa lang nang magtala ng panibagong rekord ang 26-anyos na southpaw na si Collazo (7-0, 5KOs) ng maging pinakamabilis na kampeon sa Puerto Rico sa pitong laban pa lang nang paayawin ang dating kampeon na Jerusalem at isasalang ang unang title defense sa kanyang tinubuang-lupa. “All I knew was I had to put pressure and he was going to break down,” pahayag ni Collazo matapos ang laban. “He began to feel those punches (I threw). He’s a good fighter, but the jab and the mental pressure was too much for him.”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page