top of page
Search

ni GA @Sports | September 13, 2023




Matinding butas ng karayom ang pagdaraanan ng Gilas Pilipinas para sa nalalabing apat na pwesto para sa 2024 Paris Olympics men’s basketball tournament.


Kinumpirma ng International Basketball Association (FIBA) na mayroong nalalabing 19 national squad na naglaro sa nakalipas na 2023 FIBA World Cup sa Indonesia, Japan at Pilipinas na magsisilbing huling biyahe patungo sa tsansang makakuha ng isang slot sa qualifying tournament sa Paris Olympics sa susunod na Summer.


Inihayag ng international federation ang mga koponan mula Europa na Latvia, Lithuania, Slovenia, Italy, Montenegro, Greece, Georgia, Finland at dating World champions Spain na maaring umabante sa qualifying tournament.


Nakalinya naman para sa Americas region ang Puerto Rico, Brazil, Dominican Republic at Mexico, habang kasama ng Egypt, Angola at Ivory Coast ang mula sa Africa, and para naman sa Asia at Oceania ang mga koponan mula Lebanon, New Zealand at Pilipinas.


Kabilang rin sa mga bansang nabanggit ang iba pang koponan sa pre-qualifying tournament winners na Cameroon, Bahamas, Bahrain, Poland at Croatia na maghahangad na makasungkit ng isang pwesto sa inaasam na Summer Olympic Games.


Gaganapin ang Olympic Qualifying sa Hulyo 2-7, 2024, kung saan patuloy na inaalam ang magiging host country na idinaraan pa sa bidding.


Ang nalalabing 24 na bansa ay bubunutin sa isa sa apat na torneo na binubuo ng tig-anim na koponan kada kompetisyon. Ang apat na mananalo sa isasagawang torneo ang makakausad sa Paris Olympics, para samahan ang runner-up Serbia, France, Canada, Estados Unidos, Australia, Japan, South Sudan at World Cup champion Germany sa Olympic field.


Aalamin pa ang pinal na listahan ng Gilas Pilipinas squad sa naturang kumpetisyon na manggagaling sa Samahang Basketbol ng Pilipinas, kung saan inaasahang panibagong head coach ang tatayo rito matapos isantabi ni coach Chot Reyes ang desisyong hawakan ang national team.

 
 

ni Clyde Mariano / GA @Sports | September 6, 2023




Pitong manlalaro mula sa katatapos lang na 2023 FIBA World Cup ang kabilang sa listahan ng mga manlalarong isinumite ng Philippine Olympic Committee (POC) para sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China habang kabilang ang dalawang naturalized players na sina Ange Kouame at Justin Brownlee.


Inilabas ni POC President Abraham 'Bambol' Tolentino ang pinal na listahan ng mga atleta para sa 39 sports na isasabak sa Asiad meet na nakatakdang simulan sa Set. 23 hanggang Oktubre 8.


Gayunpaman, inanunsiyo ng Philippine Basketball Association (PBA) na magkakaroon ng pinal na listahan at coaching staff nito sa Huwebes, kasunod na rin ng resignasyon ni coach Chot Reyes at pagtanggi ni Brgy. Ginebra coach Tim Cone na humalili sa bakanteng pwesto. “The deadline for the Entry by Names [EBN] was last July 25 and whatever list a national Olympic committee submitted is deemed official,” pahayag ni Tolentino, na sinabing isasangguni pa sa Hangzhou Asian Games Organizing Committee ang mga gagawing pagbabago sa kanilang line-up.


Pareho namang maaaring ilagay sina Kouame at Brownlee sa listahan dahil parehong pinapayagan ng Asian Games ang mga ito sa kadahilanang may lehitimong Philippine Passport na tinataglay.


Dito tinitingnan ngayon kung maaaring maisama ang ibang Filipino-Foreign players na hindi kuwalipikado sa mahigpit na FIBA rules tulad nina Ginebra forward Christian Standhardinger at TT scorer Mikey Williams.


Parte rin ng koponan ang mga World Cup veterans na sina veterans Kiefer Ravena, Scottie Thompson, Roger Pogoy, June Mar Fajardo, CJ Perez, Japeth Aguilar at Jamie Malonzo na ipinasa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), maging sina Chris Newsome, Calvin Oftana, at Brandon Ganuelas-Rosser.


Hindi naman kasama sa pinal na listahan ng Asian Games sina Filipino Asian-imports Dwight Ramos, Rhenz Abando, Kai Sotto, AJ Edu at naturalized player Jordan Clarkson.

 
 

ni GA @Sports | September 5, 2023



Lalo pang lumala ang puwestuhan ng Philippine women’s volleyball team International Volleyball Confederation (FIVB) women's World rankings matapos masadsad sa ika-apat na sunod na pagkatalo kontra Iran nitong Linggo ng gabi sa pamamagitan ng 25-22, 22-25, 21-25, 26-24, 12-15 upang lumaban para lamang sa ika-13th place ng classification round ng 22nd Asian Seniors Women’s Volleyball Championships sa Chartchai Hall of The Mall sa Nakhon Ratchasima sa Thailand.


Nalasap ng bansa ang pagbaba lalo ng puwesto nito sa FIVB women's World rankings mula sa malaking pagtalon galing sa 63rd place patungong 72nd ay lalo pang sumadsad ito sa 76th place matapos mahirapang maiahon ng malaking grupo ng National University Lady Bulldogs na pinagbidahan ni Alyssa Solomon na tumapos ng 19 pts mula sa 16 atake, dalawang blocks at isang ace, habang sumegunda si Mhicaela Belen sa 14pts mula lahat sa atake at Vange Alinsug na tumapos ng 11pts galing sa 10 kills at isang ace.


Nanatiling bokya sa panalo ang Philippine-NU squad sa nagdaang apat na laro kasunod ng pagbagsak sa group classification nang ma-olats sa Pool D kontra sa Kazakhstan, China at Hong Kong sa ligang inorganisa ng Asian Volleyball Confederation (AVC) katulong ang Thailand Volleyball Association.


Matapos makuha ang unang panalo sa first set ay mas tumindi ang laro ng World no.67 upang masungkit ang set 2 at 3, subalit kinailangang lumaban ng 'Pinas-NU squad upang maitulak ang deciding set kasunod ng 6-1 run mula sa 20-23 iskor pabor sa Iran.Nanatiling dikitan ang laban pagdating ng fifth set, kung saan nagawang makalamang ng 'Pinas. Subalit hindi pa rin pumabor ang tadhana para sa bansa upang lumagpak sa 0-4 kartada sa kabuuan ng liga at lumaban para sa 13th place kontra Uzbekistan ngayong Martes ng 9 a.m.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page