top of page
Search

ni GA @Sports | October 06, 2023



Hindi ininda ni 2-time World c.hampion Margarita “Meggie” Ochoa ang trangkaso at nararamdaman na injury sa katawan upang kunin ang kauna-unahang gintong medalya at ikalawang titulo ng Pilipinas sa women’s under-48kgs kontra kay double World titlist Balqees Abdulkareem Adboh Abdulla ng United Arab Emirates Finals kahapon sa 19th edition ng quadrennial meet sa Xiaoshan Linpu Gymnasium JJII Mat 2 sa Hangzhou, China.


Naipaghiganti ni Ochoa ang masaklap na sinapit sa nagdaang 2023 SEAG sa Phnom Penh, Cambodia ng mabigo kay dating 2018 Jakarta-Palembang Games titlist at American-Cambodian jiujitsu artist Jessa Khan sa mas mabigat na women’s under-52kgs.


Walang pagsukong nararamdaman ang 33-anyos na black belt laban sa 19-anyos na grappler sa bisa ng Advantage point. Bukod dito ay nalampasan din ng 5-foot 2019 SEAG gold medalist ang bronze medal sa Indonesia meet noong nakaraang 5-taon. “Sobrang overwhelming kase sobrang daming nangyari pagpunta rito, kase hanggang kahapon may trangkaso ako, so akala ko hindi ko na kaya. As in ang dami kong ininom na gamot para lang makalaban,” pahayag ni Ochoa matapos ang laban.


Naging impresibo ang simula ng karera sa Hangzhou Games ng 2017 Asian Indoor Martial Arts Games champion matapos patapikin si Odgerel Batbayar ng Mongolia sa round-of-16.


Nakamit naman ng Hanoi meet titlist sa parehong kategorya ang daan patungong semis nang mahigitan sa puntusan si Pechrada Kacie Tan ng Thailand. “Tapos na-pull pa yung hop ko dun sa semis, masakit siya pero sabimko ibibigay ko lahat basta kahit di na ako makalakad basta ibibigay ko ang lahat,” kwento ni Ochoa sa kanyang semifinal match.


Hindi naman pinalad si 2023 Cambodia Games gold medalist Marc Alexander Lim na makuha ang tansong medalya nang mabigo laban kay Mansur Khabibulla ng Kazakhstan sa men’s under-62kgs.

 
 

ni GA @Sports | October 05, 2023



Mga laro ng Biyernes

(FilOil EcoOil Centre)

2 n.h. – LPU Pirates vs Arellano Chiefs

4 n.h. – Letran Knights vs SBU Red Lions


Mas lalong nag-init sa mga krusyal na laro si Paolo Hernandez upang tulungan ang Mapua University Cardinals na matakasan ang nangangapang College of Saint Benilde Blazers para matakasan sa 75-71, habang ibinigay ng Jose Rizal University Heavy Bombers ang unang pagkatalo sa Emilio Aguinaldo College Generals sa iskor na 77-71 kahapon sa kambal na laro ng 99th season ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) men’s basketball tournament sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.


Binitawan ni Hernandez ang mainit na jump shot mula sa mahigpit na depensa ni Miggy Corteza upang ibuslo ang pang-aagaw na kalamangan na basket na nagbigay sa kanila ng 72-71, habang sinundan naman ng krusyal na turnover ni Robi Nayve sa nalalabing 3.5 segundo sa laro.


Dito na isinalpak ng third-year player ang tatlo pang free throws upang iselyo ang ikatlong panalo sa apat na laro. Tumapos si Hernandez ng kabuuang 22 puntos kasama ang 11-of-15 sa free-throw line, kabilang ang 4 rebounds at tig-iisang assist, block at steal, habang sumegunda sina rookie Clint Escamis sa 12pts at Jopet Soriano sa 12pts.


Na-ambag din si JC Recto ng 8 puntos.


Nanguna sa Blazers si Corteza sa 15pts, 3rebs, na sinundan ni Oczon sa 14pts at Gozum sa 11pts at 5rebs. Nagdagdag rin sina Nayve at Paul Turco ng tig-8pts at tig-8rebs upang bumagsak ang kartada sa 1-3 marka.


Nagbida para sa JRU si Agem Miranda sa 20pts, 5 assts, 3 rebounds at 3 steals upang tumabla sa Mapua sa pagsosyo sa 2nd place sa 3-1 kartada, kaagapay sina Marwin Dionisio na may 15pts, 7rebs, 6 assists at 2 blocks.

 
 

ni GA @Sports | October 04, 2023



Tatlong Filipino ang nakatakdang magpapakitang-gilas sa 2024 Paris Olympics matapos makakuha ng puwesto si Pinay gymnast Aleah Finnegan sa Artistic Gymnastics World Championships sa Antwerp, Belgium.


Ito ang magiging kauna-unahang pagkakataon na makakapaglaro ang isang Pinay gymnast sa Summer Olympic Games matapos ang mahabang panahon at nakatakdang samahan si Tokyo Olympian Carlos “Caloy” Yulo.


Makakatuntong ang 20-anyos na Filipino-American sa Olympics matapos mapagdesisyunang dalhin ang bandila ng Pilipinas kasunod ng mga pagsabak sa kompetisyon sa Estados Unidos, kung saan nagbulsa ito ng pilak na medalya sa team all-around sa 2019 Pan-American Games.


I’ve been wanting to go to the Olympics since I knew what the Olympics were,” wika ni Finnegan na isa sa mga pinapangarap nito sapol pa noong kabataan, na nabigong gawin ng kanyang nakatatandang kapatid na si Sarah para sa US national team. “I was kind of calculating how old I would need to be and what years that would be. I never really thought growing up that it would be 2024, but here I am with this opportunity.”


Ipinanganak at lumaking Filipino ang kanyang ina na si Linabelle, habang ang kanyang nakatatandang ate na si Hannah ay minsang kinatawan ang Pilipinas sa Southeast Asian Games.


Rumehistro si Finnegan ng 51.366 puntos mula sa apat na apparatus bilang ika-14th highest ranked na gymnasts sa women’s all-around. Nakakuha ito ng 13.400 sa vault, 12.433 sa bars, 12.700 sa balance beam, at 12.833 sa floor exercise upang tumapos sa ika-32nd sa kabuuang 117 competitors.


Bukod kay Yulo ay makakasama nito si World No.2 at 19th Asian Games men’s pole vault champion Ernest John Obien ana naging unang Filipino na nagkuwalipika sa Paris Olympics.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page