top of page
Search

ni GA @Sports | December 8, 2023



Mga laro sa Sabado

(Philsports Arena)

Game 2: Best-of-3 semifinals

4 n.h. – Choco Mucho vs Cignal HD

6 n.h. – Creamline vs Chery Tiggo


Namumurong makabalik muli sa championship round ang Creamline Cool Smashers matapos walisin ang Chery Tiggo Crossovers sa bisa ng straight set sa 25-18, 27-25, 25-22 upang masungkit ang Game 1 ng best-of-three semifinal series kagabi sa 6th Premier Volleyball League (PVL) Second All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.


Bumanat ng husto sa third set si 2019 Open Conference MVP Jessica Margaret “Jema” Galanza na tumapos ng kabuuang 17 puntos mula sa 16 atake at isang block, kasama ang siyam na excellent receptions at 7 excellent digs, upang pahabain sa 12 sunod na panalo ang Cool Smashers sapol ng preliminary round na nangangailangan ng isang panalo sa nakatakdang laro sa Sabado sa ikalawang laro sa alas-6:00 ng gabi.


During games tinitignan ko lang yung team mates ko kung gaano sila ka-eager manalo, so sino ba naman ako para sumuko, syempre ilalaban talaga [which is] yung ang goal namin sa game,” pahayag ng 27-anyos na tubong San Pedro, Laguna matapos ang laro, na lubusang nahamon ng husto laban sa mas batang manlalaro.


Grabe sila maglaro yung mga bata, grabe yung energy, so masayang sabayan din.”


Maagang rumatsada ng puntos galing sa atake ang Cool Smashers sa unang set nang bumitaw ito ng 17 kills laban sa 10 lamang ng Chery Tiggo upang maging pangunahing arsenal ng defending champions sa panibagong paghaharap.


Naging sandalan ng naman Cool Smashers ang three-time conference MVP na si Alyssa Valdez, na tumapos ng 12 puntos, sa mga huling bahagi ng second set ng iniskor nito ang huling 3 puntos kabilang ang magkasunod na hambalos at service ace.


 
 

ni GA @Sports | December 6, 2023



Mga laro bukas (Huwebes)

(Philsports Arena)

Best-of-3 Semis

4 n.h. – Creamline vs Chery Tiggo

6 n.g. – Choco Mucho vs Cignal


Kumunekta ng mahusay na atake ang Cignal HD Spikers upang matagumpay na maselyuhan ang ikatlong pwesto sa semifinals matapos madaling walisin ang kulelat na Gerflor Defenders sa straight set 25-22, 25-11, 25-10 upang pormal na kumpletuhin ang semifinal cast sa pagtatapos ng preliminary round ng 6th Premier Volleyball League (PVL) second All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.


Nagpamalas ng mahusay na pagmamando sa opensa si Gel Cayuna, habang nanguna sa atake si last conference MVP Frances Molina upang makuha ang 8-3 kartada at mahigitan sa ikatlong pwesto ang katablahang Chery Tiggo Crossovers at kaharapin ang No.2 Choco Mucho Flying Titans simula sa Huwebes, habang makakatapat ng Crossovers ang No.1 Creamline Cool Smashers.


Ipinadama ng HD Spikers ang mahusay na takbo ng opensa sa paggabay ng two-time Best Setter mula Dapitan City, Zamboanga del Norte nang mamahagi ng 16 excellent sets kasama ang 5 puntos mula sa 3 aces at tig-isang atake at block upang tulungan ang koponan na makabalik sa semis para kaharapin ang mataas na lipad ng Titans sa best-of-3 semis sa 6 p.m.


Dami pa naming pagtatrabahuhan talaga para sa semis at du'n na kami pupukpok talaga.


Sina coach na bahala talaga, tiwala naman kami sa sistema nila,” pahayag ng 25-anyos na dating FEU Lady Tamaraws na nalampasan ang pagsubok na hatid ng Gerflor sa first set ng makipagsabayan sa atake at depensa. “Communication talaga kase parang hindi bumabagsak 'yung mga bola namin, yun ang pinag-usapan namin para mas makaangat pa sa second at third set.”


Bumida sa scoring para sa Cignal si last conference MVP Frances Molina sa 9 na puntos mula sa 8 atake.

 
 

ni GA @Sports | December 5, 2023



Lumaki ang posibilidad na makapasok sa Summer Olympic Games ang Esports matapos na paboran ni International Olympic Committee (IOC) President Thomas Bach na makapagbuo ng Esports Games sa prestihiyosong sports event, matapos ang matagumpay na pagdaraos nito sa Southeast Asian Games at Asian Games.


Hindi maipagkakaila ang pag-angat ng mga Filipino online gamers sa pandaigdigang kumpetisyon kabilang ang paboritong Mobile Legends: Bang Bang, kung saan kasalukuyang ginaganap sa Pilipinas ang M5 World Championships sa EVM Convention Center sa Quezon City.


Ayon kay Bach, inatasan na nito ang IOC Esports Commission na pag-aralan ang pagsasagawa ng Olympic Esports Games kasunod umano ng mas lalo pang lumalaking popularidad ng Esports sa buong mundo, na inaasahang aabot sa tatlong bilyon ang maaaring lumahok mula sa iba’t ibang bansa. “What is even more relevant to us, a majority of them are under the age of 34,” pahayag ni Bach.


Wala pang inilalabas na tugon at kumento rito ang International Esports Federation, ang opisyal na samahang pandaigdigan ng Esports, patungkol sa inilabas na pahayag ni Bach, na isang dating Olympic Fencing medalist.


Naging maganda naman ang simula ng Pilipinas mula sa M2 champion na AP Bren ng talunin ang Burmese Ghouls ng Myanmar sa iskor na 2-0 na binubuo nina Angelo Kyle "Pheww" Arcangel, Marco "Super Marco" Requitano, Michael "KyleTzy" Sayson, Rowgien "Owgwen" Unigo, David “Flap Tzy” Canon, Vincent “Pandora” Unigo sa pagmamando ni Francis “Ducky” Glindro, gayundin ang M3 champions na Blacklist International na ipinahinga ang top-two players na sina Johnmar “OhMyv33nus” Villaluna at Danerie “Wise” Rosario, ngunit ipaparada nina Stephen “Sensui” Castillo, Edward “Edward” Dapadap, Salic “Hadji” Imam, Kiel “Oheb” Soriano, Renejay “Renejay” Barcase, Lee “Owl” Gonzales, Kenneth “Yue” Tadeo na kino-coach ni Ariel “Master the Basics” Jiandani.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page