top of page
Search

ni GA @Sports | January 14, 2024





Hindi naging mahirap para kay 2-time pro-league MVP Myla “Bagyong” Pablo ang pagbabalik sa Petro Gazz Angels dahil sa pagiging pamilyar nito sa mga kakampi at sa pamunuan ng koponan upang dalhin ang kanyang kaalaman at karanasan sa pagbubukas ng bagong season ng Premier Volleyball League (PVL) sa susunod na buwan.


Kahit pa man kabi-kabilang manliligaw mula sa ibang koponan ang nagnanais na makuha ang serbisyo ng 5-foot-10 outside hitter mula sa National University Lady Bulldogs, mas pinili pa ring makipagbalikan ng tubong Tarlac sa Petro Gazz.


First choice ko talaga Petro Gazz since nag-disband 'yung F2 [Logistics]. Yung Petro 'yung unang nag-message [sa 'kin]. I’m really thankful din naman talaga kasi grabe 'yung tiwala sa'kin ng Petro Gazz ulit,” pahayag ni Pablo sa panayam dito ng One Sports’ The Game nitong Miyerkules. “Kaya pinili ko 'yung Petro Gazz talaga kasi familiar na sakin ang team. Alam ko na 'yung bawat galaw ng mga teammates ko, ugali ng mga teammates [ko]. Two years din ako sa Petro Gazz, alam ko na din ugali ng mga management namin, mga boss namin.”


Muling makakasama ni Pablo sa Petro Gazz sina Aiza Maizo-Pontillas, Djanel Cheng.


Kecelyn Galdones, Mary Remy Joy Palma, Jonah Sabete, Nicole Tiamzon at Mariane Buitre, habang gagabayan ito ni headcoach Timmy Sto. Tomas.


Tumalon noong nagdaang season ang 30-anyos na dating Best Spiker ng UAAP season 75 matapos hindi mag-renew ng kontrata sa Petro Gazz upang palakasin ang noo’y matibay na puwersa ng F2 Logistics na kinabibilangan nina team captain Aby Marano, Kim Fajardo, Shola Alvarez, Ivy Lacsina, Dawn Macandili, Elaine Kasilag, Ara Galang, Iris Tolenada, Majoy Baron, Kim Kianna Dy, at Cha Cruz-Behag sa koponan.                                                                                                                                  

 
 

ni GA @Sports | January 10, 2024


Photo: PVL / FB

Muling nagsama-sama sa iisang bakuran ang mga dating De La Salle University Lady Spikers upang bumuo ng matibay na grupo para subukang dalhin sa kauna-unahang podium finish ang PLDT High Speed Hitters kasunod ng panibagong karagdagang arsenal sa katauhan ni opposite hitter Kim Kianna Dy.


Pormal na inanunsyo ng PLDT nitong Linggo ang pagtapik sa dating F2 Logistics Cargo Movers power-hitter na si Dy, upang samahan ang mga naunang kakampi na sina Kim Fajardo at Majoy Baron para makipagsanib-pwersa sa mga dating Lady Spikers na sina Mika Reyes at Erika Santos tungo sa seventh season ng Premier Volleyball League (PVL) sa susunod na buwan.


Maituturing na isa sa mga pinakamahusay na opposite hitter ang 2021 PNVF MVP, kabilang ang dekoradong karera sa balibol sa pagiging five-time pro-league at three-time collegiate champion, para maging parte ng mas matatag na sandata kasama ang powerhouse cast na kinabibilangan nina ace playmaker Rhea “DMac” Dimaculangan, Filipino-Canadian at best scorer Savannah Dawn Davison, dating national team middle blocker Dell Palomata, spikers Honey Royse Tubino, Jules Samonte at Fiola Ceballos at league best floor defender Kathleen Arado. “Stepping out of your comfort zone can be scary sometimes. But at the same time, that's when you realize that you can learn so much more from new coaches and teammates,” wika ni Dy na magiging ika-apat na koponan sa kanyang karera matapos ang pitong taong pamamalagi sa F2 Logistics.


Minsang naglaro ito sa Shopinas.com Lady Clickers at Meralco Power Spikers nung 2015 sa Pilipinas Super Liga at Shakey’s V-League. “Knowing that there’s still so much to learn inspires me to thrive and work harder. It's going to take a lot of hard work, but I hope we can meet the expectations set for us here in PLDT.”                                              

 
 

ni GA @Sports | January 8, 2024



Napurnada man ang pinupuntiryang game plan ni dating IBF at WBA junior-featherweight champion Marlon “Nightmare” Tapales kontra kay two-time undisputed at super-bantamweight titlist Naoya “Monster” Inoue, subalit nasilip nito ang kahinaan sa bodega ng undefeated Japanese Pound-for-Pound star sa kanilang unified bout nitong nagdaang Disyembre 26 sa Ariake Arena sa Tokyo, Japan.


Maituturing ni Tapales (37-4, 19KOs) na isa sa pinakamahuhusay at pinakamagaling na boksingero ang Japanese boxer na sinubukan niyang sabayan at matumbahin para sa pangarap na maging kauna-unahang Filipino na nag-uwi ng undisputed titles sa four-belt era. Ngunit sadya umanong mabilis at mataas ang Intelligent Quotient (IQ) ni Inoue (26-0, 23KOs) kaya’t nahirapan rin itong sabayan sa banatan sa 12-round battle na nagtapos sa 10th round technical knockout.


Magaling at mataas ang IQ, yung footwork at bilis niya at madaling maka-adjust sa laban. Yung suntok kaya naman, kaso sa dami na rin ng suntok na pumasok, talagang mahihilo ka talaga,” eksplika ni Tapales sa programang Power N’ Play ni dating PBA commissioner at PSC chairman Noli Eala. “Talagang tinamaan talaga ako tsaka nahirapan ako sa style niya, kase mabilis siya pero ‘di ko masabayan, gusto ko sabayan pero di ko makuha.”


Pangunahing target ng kanilang kampo na masabayan sa suntukan ang 30-anyos mula Zama, Kanagawa upang makatyempo ng knockout, subalit matibay umano ang four-division World titlist. “Ang game plan namin ay sabayan yung suntok ni Inoue para makatama kami ng clean shot at may tsansang mapabagsak siya. Eh matibay rin yung hapon,” pahayag ng 31-anyos mula Tubod, Lanao del Norte.   


Subalit napansin nitong may kahinaan ang unbeaten boxer, na nagpatulog sa maraming Pinoy boxers, sa kasagsagan ng kanilang upakan, kaya’t sinubukan nitong bumitaw ng mga patama katawan nito. Kapag sinusuntok rin siya sa katawan, tumatakbo rin siya, nasasaktan rin siya,” pagbubunyag ni Tapales. “Sinubukan ko na, gusto kong pasukin na makasuntok at makatama ng maganda sa bodega niya pero sabi ko nga mabilis si Inoue, nahihirapan ako.” 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page