top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | February 26, 2024





Hindi pinalad na makuha ni dating World champion Jerwin “Pretty Boy” Ancajas ang kanyang ikalawang pagsubok sa kampeonato matapos sumuko sa ika-siyam na round laban kay reigning at defending World Boxing Association (WBA) bantamweight titlist Takuma Inoue matapos masapol ng malakas na upak sa bodega sa 12-round main event bout ng “Prime Video Presents Live Boxing 7” Sabado ng gabi sa Ryogoku Kokugikan National Sumo Arena sa Sumida City sa Tokyo, Japan.


Nagtapos ang pag-asang magtagumpay muli sa ikalawang weight division si Ancajas kasunod ng pagyuko nito sa bilang ni referee Mark Nelson sa 44 segundo ng naturang round matapos tamaan ng kanang uppercut sa sikmura kasunod ng ilang palitan ng suntok upang malasap ang ikaapat na pagkatalo kasama ang 34 panalo at dalawang table, habang nakuha ni Inoue ang kanyang ika-anim na sunod na panalo kabilang ang matagumpay na unang depensa sa naunang bakanteng titulong napanalunan kay Liborio Solis ng Venezuela nung isang taon.


Ito ang unang beses na napatumba ang 32-anyos mula Panabo City, Davao del Norte sa isang laban na unang beses ring sumabak sa bansang Japan, para malasap ang kanyang ika-apat na pagkabigo matapos mabitawan ang kanyang International Boxing Federation (IBF) super-flyweight laban kay Fernando “Pumita” Martinez ng Argentina sa dalawang beses na paghaharap nung 2022.


Nagmistulang hindi umepekto ang plano ng mas malaki at mas matangkad na Pinoy boxer na pinuntiryang patamaan sa simula pa lamang ng laban ang bodega at tagiliran ng nakababatang Inoue, kapatid ni undefeated at undisputed junior-featherweight champion na si “The Monster” Naoya Inoue.


Subalit sa pagpilit na ituloy ang kanyang planong tamaan ang katawan ni Inoue, kung saan naging dahilan ng pagkakaudlot ng unang laban nung Nobyembre 15, 2023 dahil sa nakuha umanong rib injury sa ensayo.


 
 

ni Gerard Arce @Sports | February 25, 2024





Mga laro sa Martes (Philsports Arena)


4 n.h. – NXLed vs PLDT


6 n.g. – PLDT vs Choco Mucho 



Hindi nagpaawat sa mabilis na ratsada ang Chery Tiggo Crossovers upang ikamada ang ikalawang sunod na panalo para sa maagang liderato matapos sagasaan ang baguhang Strong Group Athletics sa bisa ng straight set sa 25-12, 25-17, 25-19, sa unang laro ng nakalatag na triple-header ng 8th Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.


Pakitang-gilas si 2022 Reinforced Conference MVP Mylene Paat ng doble pigura para pagbidahan ang atake ng Chery Tiggo sa 10 puntos mula sa siyam na atake at isang service ace upang dalhin sa malinis na 2-0 kartada ang koponan, habang ipinalasap naman sa Strong Group ang magkasunod na pagkatalo matapos yumuko sa Petro Gazz Angels sa straight set noong opening day.


Siyempre yung past two games namin malaking tulong sa amin lalo na sa pagpasok ng mga bagong players at decision-making ng coaches na lahat kami ready talaga at magagamit namin lahat against sa choco mucho next game,” pahayag ni Paat matapos ang laro para sundan ang panalo laban sa baguhan ding Capital1 Solar Energy.” Lahat naman ng teams at players, pinag-aralan namin sila, gayundin yung SGA, talagang nirerespeto namin ang lahat ng mga kalaban namin.”


Sumegunda naman sa 29-anyos na dating Adamson University Lady Falcons si Ennajie “EJ” Laure na ipinalo lahat ng puntos sa atake, gayundin ang tig-pitong puntos nina Czarina Carandang at Princess Anne Robles kasama ang anim na excellent digs, habang may ambag sina team captain Abigail Marano ng anim na puntos at Ejiya “Eya” Laure sa 5 puntos


 
 

ni Gerard Arce @Sports | February 24, 2024





Mga laro ngayong Sabado (Araneta Coliseum)


2 n.h. – Chery Tiggo vs Strong Group


4 n.h. – Cignal vs Akari


6 n.g. – Creamline vs Farm Fresh 



Ipaparada ng Akari Chargers ang kanilang mga bagong manlalaro kabilang si pro-league multi-titlist Celine “Ced” Domingo matapos magsimulang makapag-ensayo sa koponan kasunod ng pagiging free agent nitong nakaraang buwan para sa paghahanda sa kanilang unang salang sa 8th Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference ngayong hapon sa Araneta Coliseum.


Matapos matagumpay na mapagwagian ang kampeonato para sa Nakhon Ratchasima Cat Devils sa Women’s Volleyball Thailand League Championship, agad na umuwi ng bansa si Domingo upang samahan ang kanyang bagong koponan sa kanyang unang ensayo para sa nakatakdang laro kontra sa Cignal HD Spikers sa 2nd game ng 4 p.m. habang hahanapin ng Chery Tiggo Crossovers ang kanilang ikalawang sunod na panalo laban sa bagong koponan na Strong Group Athletics sa 2 p.m. 


Matutunghayan ang pagsisimula ng pagdepensa ng reigning champions na Creamline Cool Smashers kontra sa mas pinalakas na Farm Fresh Foxies sa pinakatampok na laro ng 6 p.m.


Naging malaking tulong ang 24-anyos na dating Far Eastern University Lady Tamaraws sa kampanya ng Cat Devils na madepensahan ang kanilang kampanya sa paglista ng 5 puntos tungo sa 25-18, 25-17, 25-18 laban sa Diamond Food Fine Chef nitong Linggo sa Nimibutr Stadium sa Bangkok, Thailand.


Sa inilabas na post ng kakampi na si Fifi Sharma sa social media ay mabilis na bumalik ng Pilipinas ang 2022 Invitational Conference Finals MVP, suot ang No.13 jersey nito.


Nagsimula na sa kanyang drills sa blocking si Domingo kasabay sina Christine Soyud at Gretchel Soltones, habang masaya itong sinalubong at binati ng kanyang mga kakampi sa pagpasok sa koponan na binigyan ng kaunting pagkilala.   


 
 
RECOMMENDED
bottom of page