top of page
Search

ni Clyde Mariano / Gerard Arce @Sports | March 4, 2024





Sumandal ang Terrafirma sa mainit na opensiba sa fourth  quarter para walisin ang 13 points lamang sa second quarter at tinalo ang NLEX, 99-95 para sumosyo sa Blackwater sa pamumuno sa kartadang 2-0 sa Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum kahapon.


Nagsanib-puwersa sina Juami Tiongson, Javier Gomez de Liano, Stephen  Jeffrey Holt, at  John Paul Calvo na nagsumite ng pinagsamang 72 points at iposte ang pangalawang sunod na panalo ayon kay coach Johnedel Cardel na  ngayon lang nangyari sa six years ng coaching career na nanalo ang Terrafirma ng dalawang sunod na panalo.


Samantala, nasilayan na ang pinagsamang husay at ganda ni Adamson University Lady Falcons spiker Barbie Jamili na pinangunahan ang ikalawang panalo laban sa dismayadong University of the East Lady Warriors na nagtapos sa 25-19, 25-19, 26-28, 29-27, sa unang laro ng 86th  UAAP women’s volleyball tournament, kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.


Nagpamalas ng kakaibang laro ang inaabangan ng madla na si Jamili na kumana ng double-double performance sa kabuuang 20 puntos mula sa 18 atake at dalawang blocks, kasama ang 12 excellent digs at anim na receptions tungo sa 2-2 kartada ng last season bronze medalists para sa solong ika-limang pwesto.


Samantala, sinuspinde ng UAAP Board si coach Jerry Yee sa kabuuan ng women’s volleyball season dahil umano sa pakikibahagi sa mga gawaing hindi naaayon sa mga layunin ng liga.


Napagdesisyunan ng UAAP Board of Managing Directors na pagbawalang makapasok sa mga laro ng UE, subalit pinapayagang sanayin ang koponan at pinapayagan lamang magabayan ito sa ibang liga. Inihayag ng BMD na nagkaroon ng reklamo kay Yee ang isang miyembro ng UAAP na sinabing nagkaroon ito ng, “acts inconsistent with the league’s objectives…” 


 
 

ni Gerard Arce @Sports | March 3, 2024





Hindi man hangad ang inaasam na resulta ng laban, patuloy pa ring napasakamay muli ni Filipino mixed martial arts fighter Joshua “The Passion” Pacio ang ONE Strawweight championship belt matapos mauwi sa diskwalipikasyon ang ginawang balibag sa kanya ni dating World titlist Jarred “The Monkey God” Brooks sa 56 segundo ng first round dulot ng ipinagbabawal na spike slam para sa kanilang  rematch, Biyernes ng gabi sa ONE 166: Qatar sa Lusail Sports Arena.



Agad namang idinaan sa pagsusuri at nilagyan ng neck brace support ang tubong La Trinidad, Benguet matapos buhatin at maibalibag ng American fighter na una ang ulo pabagsak na nagresulta sa pagtagilid ng leeg nito, na isa sa mga ipinagbabawal na throw sa ONE Championship. Inakala ni Brooks na nadepensahan nito ang titulo ng awatin at ipatigil ni referee Herb Dean ang laban kasunod ng ilan pang mga upak sa ulo matapos ang balibag, subalit inanunsiyong diskuwalipikado ito sa ginawang throw.


Agad namang dumaan sa Computerized Tomography (CT) Scan ang 28-anyos mula Lions Nation MMA at idineklarang klaro sa naturang pagsusuri para mabilis na ilabas ng ospital.


Naglabas naman si Brooks ng kanyang pahayag sa social media patungkol sa pangyayari na inaming hindi sinasadya ang pangyayari. “@joshuapacio wish nothing but the best for you brother. I hope you’re okay. I am sorry for letting down my family and the organization. I did not intentionally do anything,” saad ni Brooks sa kanyang Instagram post.


Nagkaroon naman ng pagkakataon sina Pacio (22-4, 8KOs, 9 Subs) at Brooks (20-3, 2KOs, 8Subs) sa tinutuluyang hotel at nagawang makapag-usap at magyakapan, kung saan naging emosyonal ang 30-anyos mula Warsaw, Indiana matapos mawala rito ang kanyang korona.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | March 2, 2024





Mga laro ngayong Sabado (MOA)


12 pm – La Salle vs Ateneo (men’s)


2 pm – NU vs UP (women’s)


4 pm – La Salle vs Ateneo (women’s) 


Paniguradong paglalabasan ng ngitngit ng reigning at defending champions na De La Salle University Lady Spikers sa pangunguna ni Rookie/MVP Angel Anne Canino ang Ateneo Lady Blue Eagles sa pagtangkang makabawi sa pagkatalo sa nagdaang laro, habang ipagpapatuloy ng NU  Lady Bulldogs ang 2-game winning streak laban sa bokya sa panalo na UP Lady Maroons sa pagpapatuloy ng aksyon sa 86th season UAAP women’s volleyball tournament ngayon sa MOA Arena sa Pasay City.


Bubuhaying muli ang dating mahigpit na tunggalian sa pagitan Lady Spikers at Blue Eagles sa sagupaang may matinding misyon ang outside spiker na si Canino na matapos ang masaklap na pagkabigo sa nangunguna at unbeaten na UST Golden Tigresses noong nakaraang Linggo na nagtapos sa pambihirang 6-0 run tungo sa 18-25, 23-25, 25-14, 25-16, 12-15 fifth set, kaya’t nakatuon ang pansin sa Lady Eagles na nakuha ang unang panalo sa Lady Maroons sa 5th set, 22-25, 20-25, 25-22, 25-17, 15-9 nitong nagdaang Miyerkules.


Nagtapos ang nine-game winning streak ng Lady Spikers sapol noong nagdaang season, kung saan UST din ang pumutol sa kanilang nine-game winning run sa elimination round upang maiwasan ang step-ladder semifinals at diretsong ticket sa Finals. Paniguradong pilit na muling ibabawi ng 5-foot-11 spiker ang ngitngit na makabawi kasunod ng inilistang 28 puntos mula sa 24 atake. Masasandalan din sa grupo ni multi-titlist coach Ramil De Jesus sina Baby Jyne Soreno, Amie Provido, Alleiah Malaluan, setter Julyana Tolentino, team captain Julia Coronel, libero Lyka De Leon, spiker Shevana Laput at two-time middle blocker Thea Gagate.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page