top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | April 4, 2024




Mga laro ngayong Huwebes (MOA Arena)


2 p.m. – UP vs La Salle

4 p.m. – Ateneo vs FEU


Nagpamalas ng matinding opensa at depensa ang National University Lady Bulldogs upang madaling lapangin ang University of the East Lady Warriors sa pamamagitan ng straight set sa 25-14, 25-14, 25-12, kahapon sa unang laro ng 86th UAAP women’s volleyball tournament sa MOA Arena sa Pasay City.


Pinangunahan ni opposite spiker Alyssa Solomon ang atake ng Lady Bulldogs sa pagkana ng 14 puntos mula sa 12 atake at tig-isang ace at block kasama ang 5 excellent digs, habang sumegunda sa puntusan si dating Rookie/MVP Mhicaela “Bella” Belen na kumana naman ng panibagong triple-double sa 13pts mula sa 8 kills, apat na blocks at isang ace, kasama ang 10 excellent digs at 10 excellent receptions.


Nag-ambag din sa opensa si Vange Alinsug sa 9 na puntos, apat na digs at dalawang receptions, gayundin sina Chamyy Maaya sa walong puntos, team captain Erin Pangilinan sa anim puntos at 13 excellent sets ni ace playmaker Camila Lamina.


Dahil sa panalo ay umangat sa 8-2 kartada ang Jhocson lady squad na kinubra ang kanilang three-game winning streak kaantabay ang malaking momentum na panalo na nakuha kontra sa nangungunang University of Santo Tomas Golden Tigresses.


Bumanat ng kabuuang 47 atake ang Lady Bulldogs kaantabay ang 10 matinding blocks kasama pa ang anim na aces at 12 errors ng katuggali, habang bumagsak naman sa 2-7 marka ang UE Lady Warriors.


Nalimitahan naman sa kanyang pinakamababang produksyon si Casiey Dongallon sa 6 na puntos lamang mula sa atake kasama ang anim na digs at apat na receptions, gayundin ang kanilang main middle blocker na si Riza Nogales sa anim na puntos. 


 
 

ni Gerard Arce @Sports | April 4, 2024





Mga laro ngayong araw (Philsports Arena, Pasig City)


4 n.h. – Farm Fresh vs Cignal

6 n.g. – NXLed vs Strong Group


Importanteng koneksyon ang kinakailangang kunin ng Cignal HD Spikers laban sa determinadong Farm Fresh Foxies na parehong naghahanap ng tsansang makakuha ng silya sa semifinal round, habang hanap ng NXLed Chameleons at Strong Group Athletics na matuldukan ang kanilang losing skid sa pagpapatuloy ng umiinit na tagpo ng elimination round ng Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference ngayong araw sa Philsports Arena sa Pasig City.


Nais makabawi ng HD Spikers sa 5th set na pagkatalo kontra sa defending champions na Creamline Cool Smashers sa 28-26, 25-22, 22-25, 21-25, 14-16 para hanapin ang mahalagang panalo upang manatiling buhay ang tsansa sa pwestuhan patungong Final Four semis round na hahataw sa pambungad na laro sa alas-4:00 ng hapon, na susundan naman ng mag-two-game losing skid na NXLed at bokyang panalo ng Strong Group sa alas-6:00 ng gabi.


Dahil sa nakuhang pagkabigo ay bumagsak sa 4-2 kartada ang Cignal para sa ika-anim na puwesto, subalit dalawang laro lang ang diperensya ng anim na koponan, kung saan mahalagang mapagwagian ng HD Spikers ang panalo kontra sa palabang grupo ng Farm Fresh, habang sunod na kakaharapin ang Chert Tiggo Crossovers, Petro Gazz Angels, at PLDT High Speed Hitters at tatapusin ang liga kontra Capital1 Solar Energy Spikers.


Patuloy na sasandal ang Cignal sa mga pambatong manlalaro na sina dating league MVP Ces Molina, ace playmaker Gel Cayuna, Jovelyn Gonzaga, Roselyn Doria, Ria Meneses at Vanessa Gandler laban sa magbabawing Farm Fresh, na may two-game losing skid laban sa Petro Gazz at PLDT, na pangungunahan naman nina Trisha Tubu, Rizza Cruz, Kate Santiago, ace playmaker Louie Romero, Chinnie Arroyo at Caitlin Viray.


 
 

ni Gerard Arce @Sports | April 3, 2024





Kauna-Unahang Pinay weightlifter na si Rosegie Ramos ang makakatuntong sa 2024 Paris Olympics matapos manguna sa Group B at malagay sa ika-walong puwesto sa women’s under-49kgs ng 2024 International Weightlifting Federation (IWF) Olympic Qualifying Tournament nitong Lunes ng hapon sa Phuket, Thailand.


Nanguna ang 20-anyos na pinsan ni Tokyo Olympian gold medalist Hidilyn Diaz-Naranjo sa 190kgs nagn mabuhat ang 87kgs sa snatch at 103kgs sa clean and jerk upang makuwalipika sa Summer Olympic Games sa Paris. 


Hindi naman pinalad ang isa pang Pinay weightlifter na si Lovely Inan na mahigitan ang 12 katunggali ng tumapos ito sa huling pwesto sa 79kgs sa snatch, habang nabigo sa 101kgs sa clean and jerk.


Bukod kay Ramos, umaasa ang pamunuan ng Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) na magagawang makapagpadala ng pinakamaraming barbelista na Pinoy sa Olympics sakaling magtagumpay ang mga nasa World rankings na sina  Diaz-Naranjo sa women’s 55kgs, John Fabuar Ceniza sa men’s 61kgs at Vanessa Sarno sa women’s 71kgs.

Hangad ni SWP President Monico Puentevella na mapanatili o mahigitan pa ng mga nalalabing weightlifters ang kanilang mga puwesto sa Olympic rankings upang matupad ang kahilingang makapagpadala ng apat na national athletes sa Olympics na magbubukas sa Hulyo 26 hanggang Agosto 11 sa Paris, France.        

                   

Maaari lamang na makapasok ang Top 10 lifters para makakuha ng quota place para sa kani-kanilang bansa, gayundin ang tig-isang IWF Olympic Continental rankings at para sa host country o universality place sa pamamagitan ng IWF Olympic Qualification Ranking tournaments simula Agosto 1, 2022 hanggang Abril 28, 2024. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page