top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 13, 2021




Inihihirit ng mga mayor ng Metro Manila na isailalim na ang rehiyon sa normal na general community quarantine (GCQ) simula sa June 16.


Pahayag ni Taguig Mayor Lino Cayetano, “Magbobotohan ho kami pero ako, I am in favor of gradual easing of restrictions.” Aniya, nais niyang pagaanin nang dahan-dahan kada buwan ang restriksiyon sa Metro Manila.


Sa ngayon ay nasa ilalim ng GCQ ‘with restrictions’ ang NCR Plus na binubuo ng Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite, at Laguna simula noong June 1 hanggang sa 15.


Samantala, maging si Mandaluyong Mayor Menchie Abalos ay pabor din sa pagsasailalim sa NCR Plus sa mas maluwag na GCQ ngayong sakop na ang A4 priority group na kinabibilangan ng mga economic frontliners sa vaccination program ng pamahalaan.


Aniya pa, “Magpabakuna na sila para talagang makapagtrabaho na sila nang maayos. And, of course, ‘wag pa rin silang makakalimot doon sa kanilang social, health protocol.”

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 11, 2021



Puwede nang lumabas ng bahay ang mga senior citizens na nakatanggap na ng kumpletong bakuna laban sa COVID-19 sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at Modified GCQ (MGCQ).


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque ngayong Biyernes, napagdesisyunan ito ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) sa isinagawang pagpupulong noong Huwebes.


Saad pa ni Roque, "Subject ito sa mga kondisyon tulad ng pagdadala ng duly issued vaccination card at pagsunod sa minimum heath protocols.”


Samantala, limitado pa rin ang pagbibiyahe para sa mga senior citizens maliban lamang sa mga point-to-point travel, ayon kay Roque.


Hinikayat din ni Roque ang iba pang senior citizens na magpabakuna na laban sa COVID-19.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | June 4, 2021



Ilalagay ang Davao City sa modified enhanced community quarantine (MECQ) o mas mahigpit na quarantine classifications simula bukas, June 5 hanggang 20, dahil sa biglaang pagtaas ng COVID-19 cases.


Ayon sa naunang anunsiyo ng City Government of Davao sa kanilang Facebook page, “The City Government of Davao has requested the IATF-RTF to declare a Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) from June 5 to 30, 2021 to allow a circuit breaker in the surge of patients inside hospitals.”


Base naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hanggang June 20 lamang ipatutupad ang MECQ sa Davao City, samantalang ang General Santos City nama’y ilalagay sa general community quarantine (GCQ) o mas maluwag na quarantine classifications hanggang sa katapusan ng Hunyo.


Sa ngayon ay malapit nang maging full capacity ang Southern Philippines Medical Center na pinakamalaking ospital sa Davao, dahil sa biglaang pagdami ng isinusugod na COVID-19 patients.


Base pa sa huling datos ng Department of Health (DOH), ang Mindanao ay nakapagtala ng 11,391 active cases ng COVID-19.


“All public transportation shall be permitted to operate. We need to help our frontliners by making sure that we stay home except for work or business,” dagdag naman ng City Government of Davao sa kanilang Facebook post.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page