top of page
Search

ni Lolet Abania | September 6, 2021



Isasailalim ang Metro Manila sa general community quarantine (GCQ) simula Setyembre 8 hanggang 30 sa kabila ng COVID-19 pandemic, pahayag ng Malacañang ngayong Lunes.


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang granular lockdown ay sisimulan sa Metro Manila sa panahon ng GCQ bagaman aniya, “wala pang guidelines na inilalabas” hinggil dito.


“There are no guidelines yet since the Inter-Agency Task Force is yet to adopt a Resolution on granular lockdown,” ani Roque, kung saan ang ahensiya ang siyang policy-making body ng gobyerno sa pagtugon sa pandemya.


Matatandaang ang Metro Manila ay isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ), ang pinakamahigpit na quarantine classification, mula Agosto 6 hanggang 20 sa gitna ng pagdami ng kaso ng mas nakahahawang Delta COVID-19 variant.


Gayunman, ang quarantine classification sa Metro Manila ay ibinaba na sa modified enhanced community quarantine (MECQ) na naging epektibo hanggang Setyembre 7.


Sa ilalim ng MECQ bahagyang pinapayagan ang non-essential services na mag-operate.


Samantala, umaabot na sa mahigit sa 20,000 kada araw ang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa matapos na makapagtala ang Department of Health (DOH) sa nakalipas na tatlong sunod na araw ng naturang bilang.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 23, 2021



Sinuspinde ang implementasyon ng resolusyong pagpayag sa mga batang edad 5 pataas na lumabas ng bahay dahil sa banta ng COVID-19 Delta variant.


Saad ni Health Secretary Francisco Duque III sa isang teleradyo interview, "Ang latest natin diyan ay hindi na muna natin papayagan sa ngayon para lang makasiguro tayo."


Noong July 9, matatandaang pinayagan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease na lumabas ng bahay ang mga batang edad 5 pataas sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) at general community quarantine (GCQ) ngunit saad ni Duque, "Dahil nagkaroon na tayo ng Delta variant, nagkaisa ang IATF na iatras muna itong resolution na ito.”


Samantala, noong Huwebes, kinumpirma ng DOH na mayroon nang naitalang local transmission ng Delta variant sa bansa. Sa ngayon ay mayroon nang 47 kaso ng Delta variant sa bansa kung saan 36 ang gumaling na, 3 ang nasawi at 8 ang aktibong kaso.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 29, 2021



Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on emerging infectious diseases (IATF-EID) na quarantine classifications sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong darating na buwan ng Hulyo.


Inirekomenda ng IATF na isailalim ang NCR Plus na binubuo ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal sa general community quarantine (GCQ) “with restrictions” hanggang sa July 15.


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inaprubahan na ni P-Duterte na ipatupad ang GCQ “with some restrictions” sa Metro Manila, Rizal, at Bulacan habang GCQ “with heightened restrictions” naman sa Laguna at Cavite.


Papairalin naman ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Cagayan, Apayao, Bataan, Lucena City, Puerto Princesa, Naga City, Iloilo City, Iloilo, Negros Oriental, Zamboanga Del Sur, Zamboanga Del Norte, Cagayan De Oro City, Davao City, Davao Oriental, Davao Occidental, Davao De Oro, Davao Del Sur, Davao Del Norte, Butuan City, Dinagat Islands, at Surigao Del Sur.


Isasailalim din sa GCQ ang Baguio City, Ifugao, City of Santiago, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Batangas, Quezon, Guimaras, Aklan, Bacolod City, Negros Occidental, Antique, Capiz, Zamboanga Sibugay, City of Zamboanga, Iligan City, General Santos City, Sultan Kudarat, Sarangani, Cotabato, South Cotabato, Agusan del Norte, Surigao del Norte, Agusan del Sur, at Cotabato City.


Modified GCQ naman ang paiiralin sa iba pang bahagi ng bansa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page