top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 12, 2022


“Ipagbawal ang mga baril”, “Isulong ang gunless society”. Ito ang paulit-ulit na isinisigaw ni Nandy Pacheco noong siya’y nabubuhay pa. Paniwala ni Nandy na malaki ang mababawas sa karahasan at krimen sa lipunan kung ipagbabawal ang pagbebenta at pagbili ng baril. Posible ang higit na ligtas at mapayapang lipunan kung merong “gunless society.”


Noong 1987, sa gitna ng kalat-kalat na patayan ng indibidwal at grupong gumagamit ng baril, isinulong ang kilusang “gunless society” ni Nandy Pacheco, kasama ang ilang kaibigan, kasama rin ang kaibigan nating si Frankie Sionil Jose (National Artist for Literature).


Ngayong ipinagdiriwang natin ang Araw ng Kalayaan ng ating bansa, ang ating paglaya sa Espanya, magandang tingnan natin ang kahulugan at kabuluhan ng ating kalayaan sa kasalukuyang panahon.


Hindi natin basta nakamit ang kalayaan. Hindi lang basta nagpasya ang mga Kastila na aalis na sila pagkaraan ng mahigit 300-taong pagsakop sa Pilipinas. Ang kalayaan natin sa Espanya ay malinaw na bunga ng sakripisyo at pagpupunyagi ng mamamayang lumaban sa Espanya sa pamamagitan ng paggamit ng mapayapa o marahas na pamamaraan.


Naroroon ang grupo ng mga manunulat at alagad ng sining na bumuo ng Kilusang Propaganda sa Espanya sa pangunguna nina Jose Rizal, Marcelo del Pilar at Lopez Jaena. Samantala, nagsusulat at bumubuo naman ng kilusang propaganda si Rizal at mga kasama nito sa Espanya, unti-unti namang nabubuo ang kilusang Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga anak ng Bayan. Nagpatuloy ang mga gawain ng dalawang grupo hanggang nagsimulang magsulat at mag-usap ang mga lider ng dalawang grupo.


Ayon kay Bonifacio, hinangaan niya si Rizal at itinuturing na inspirasyon. Nang madakip ito at isinakay sa barko noong 1986, sinikap ni Bonifacio at mga kasama nito na iligtas si Rizal. Hindi natuloy ang pagsasanib-puwersa ng propaganda at rebolusyon. Bagama’t natakot ang Espanya kay Rizal, na walang ibang ginawa kundi ang magsulat ng nobela at ilaban sa pamamagitan ng mapayapang pamamaraan ang kasarinlan ng Pilipinas mula sa Espanya. Sa sobrang takot ng mga Kastila kay Rizal, ginawan ito ng kaso na dahilan ng kanyang pagkakakulong at pagkamatay.


Sa pagpanaw ni Rizal, nagpatuloy si Bonifacio at mga kasama nito sa kanilang paglaban sa Espanya hanggang sa magtagumpay ang mga ito — naitala natin ngayong araw ang Araw ng Kalayaan sa Espanya.


Sa kabila nito, kung meron mang malinaw na dapat maging simbolo ng kawalan ng kalayaan sa araw na ‘to, walang iba kundi si Senadora Leila de Lima. Kung lalaya ang isa, kahit isa lamang sa pagkatao ng senadora, puwedeng pag-usapan at balikan ang ibig sabihin ng kalayaan.


Kung paulit-ulit sinasabi ni Nandy Pacheco na tanggalin at ipagbawal ang baril, dapat paulit-ulit din nating isigaw hanggang sa mangyari na ang “Free Leila, free Leila… Palayain na si Senadora Leila de Lima!”



 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 11, 2022


Napakatagal na ang panahon ng ating kamusmusan at kabataan. Marami na tayong hindi maalala tungkol sa mga panahong ‘yun. Hindi na natin maalala kung magkano ang pinakamababang pamasahe sa dyip, tricycle at bus. Bihira rin tayo sumakay ng taksi noon, ngunit kung kinakailangan, hindi tayo nag-aatubili dahil sa mataas na singil sa pamasahe at mabilis na metro. Pero noon ‘yun, panahon ng dekada ‘60s hanggang ‘70s.


Tahimik at magaan ang buhay. Marami man ang mahirap noon, ngunit hindi kasing dami ngayon. May mga natutulog sa kalye, ngunit karamiha’y matatanda. Wala halos makikitang batang naglilimos at natutulog sa mga “island” at “pedestrian.”


Hindi na maibabalik ang panahon. Ibang-iba noon sa ngayon.


Sa nagdaang 50-taon, nakita natin ang unti-unting paglubog ng moralidad, paninindigan, prinsipyo at maging ang pananampalataya ng maraming mamamayan. Bagama’t nagkaroon ng kakaiba at bukod-tanging yugto sa ating kasaysayan at pulitika mula EDSA-Uno hanggang Dos, madalas nating marinig mula sa mga eksperto sa kasaysayan at sa pulitika, “Oo napaalis ang diktador at ang kanyang pamilya at ilang “cronies”, subalit kaunti lang sila at napakaraming kakampi at kaalyado nilang naiwanan at naging bahagi ng pamahalaan, pribadong sektor, sektor ng edukasyon, simbahan atbp, ngunit dahan-dahan at tahimik nilang isinulong ang pananaw, prinsipyo at pamamaraan ng tila nawala at nasirang kilusang Kilusang Bagong Lipunan (KBL).


Samantala, mainit na usapin ngayon ang “pamasahe”. Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at gasolina, tumaas na rin ang lahat ng presyo ng mga bilihin, kung saan inaprubahan noong isang araw ang “1 Peso Provisional Fare Hike” o ang pahintulot na dagdagan ng piso ang pamasaheng ibinabayad sa dyip. Kaya sa halip na P9 ang minimum na pamasahe, magiging P10 na ito.


Ngunit ang tanong, kailan kaya titigil ang pagtaas ng presyo ng krudo at gasolina? Meron nang bulong-bulungan na aabot ito ng P100 sa bawat litro. Maghahanap at maghahanap ng solusyon ang gobyerno para maibsan ang labis na paghihirap na dulot ng pagtaas ng presyo ng krudo at gasolina. Ngunit sa gitna ng paghahagilap ng pangmatagalang solusyon, magkakaroon kaya ng puwang na tingnan hindi kung paano pansamantalang maiibsan ang epekto ng krisis na ito sa buhay ng karaniwang mamamayan, kundi kung paano magkakaroon ng mas malalim at pangmatagalan na solusyon?


Lumalala pa lamang ang mga problemang panlipunan, pang-pulitika, pang-kalikasan at pang-moralidad, madalas nating marinig ang salitang “systemic” at “structural”, tuwing napag-uusapan ang malalim na kalikasan ng problema ng ating bansa. Ito marahil ang tinutukoy ni Jose Rizal na “kanser ng lipunan”. Hindi makikita ang kanser, ngunit damang-dama ito ng nagdurusang pasyente.


Subalit, ibang-iba na ang ating bansa. Kitang-kita at daman-dama na ang kanser ng lipunan — maliit na sintomas lang ang hindi mapigil-pigilang pagtaas ng presyo ng krudo at gasolina.


 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 5, 2022


Uhaw na uhaw ang lupa sa masaganang patak ng ulan. Uhaw na uhaw ang maraming bahagi ng mundo sa katahimikan at kapayapaan. Uhaw na uhaw ang mga inosenteng nakakulong at ginigipit ng makapangyarihang estado. Uhaw na uhaw ang mga tao sa katotohanan, sa mga salitang malinis at walang bahid ng pagmamalabis, pananakot at pambabastos.


Sa iba’t ibang pagkauhaw na nabanggit sa itaas, nais nating bigyang-diin ang napakahalaga at maselang pagkauhaw — ang pagkauhaw sa katotohanan.


Bago pa dumating ang ng COVID-19, nagsimula na ang higit na makamandag at nakamamatay na pandemya — ang pandemya ng sistematikong pagkakalat ng kasinungalingan o “disinformation”, ang sinasadyang pagkakalat ng kasinungalingan o anumang hindi totoo para manira ng tao, grupo, samahan, kilusan, simbahan at maging buong bansa.


Noong mga nakaraang linggo, tumungo ako sa COMELEC daladala ang simpleng mensaheng: “Bantayan ang COMELEC para sa patas, malinis at mapayapang halalan!”


At sa bawat punta natin, wala tayong ibang ginagawa kundi ang magdasal at mag-alay ng misa, naroon ang mga vloggers na kinukunahan ako ng live habang nagkokomentaryo ang mga ito. At siyempre, marami sa mga ito ang hindi pabor sa aking ginagawa. Kaya kung anu-anong hindi magandang komentaryo ang lumalabas sa social media noong mga panahong iyon.


Kaugnay nito, kamakailan lang ay lumabas din ang plano ng Palasyo sa ilalim ng bagong Press Secretary na si Atty. Trixie Cruz Angeles, na kikilalanin (accredit) ang mga vloggers na nais i-cover ang bagong pangulo.


Ngayong linggo ang Pista ng Pentekostes o ng Pagpapadala ni HseuKristo ng Espiritu Santo sa kanyang mga Apostol. Kasunod ng Pag-akyat Niya sa Langit ang Pista ng Pentekostes. Bumalik na Siya sa Ama, ang Anak. At ngayon, ipinadala na ng Ama at Anak ang Espiritu Santo para panatilihin sa isip, puso at kaluluwa ng lahat ng mananampalataya ang espiritu ng katotohanan, katarungan, kapayapaan at kalayaan.


Hindi magiging madali para sa mga disipulo ni HesuKristo ang ipagpatuloy ang Kanyang misyon. Hindi madali noon at hindi rin magiging madali ngayon. Ngayong, laganap na ang sari-saring paraan para salagin at labanan ang pagsisikap ninuman sa pagtaguyod ng marangal na pamumuhay na nakabatay sa mga prinsipyong nagtatanggol sa buhay at dangal ng bawat isa, malinaw ang kakaharaping balakid at panganib ng sinumang magnais na gawin ito.


Noong ika-15 ng Mayo 2022, itinanghal ang sampung bagong santo ng Simbahang-Katolika. Isa na si Padre Titus Brandsma OCD, isang Karmelitanong pari na pinatay sa pamamagitan ng lason na iniksyon sa Dachau Concentration Camp sa Alemanya.


Simple lang ang naging kaso ni Padre Brandsma, hindi niya tinitigilang tutulan ang mga pagsisinungaling at pagmamalabis ng rehimen ni Adolf Hitler. Nagsulat at namahayag nang walang pagod at takot si Padre Titus Brandsma OCD, kaya’t ito’y hinuli ng mga gestapo (pulis ni Hitler) at ikinulong kasama ng mga Hudyo sa Dachau, na malapit sa Munich, Germany. Nadalaw natin noong araw ang Dachau. Sayang at hindi pa natin alam na doon namatay ang banal at matapang na pari.


Isa sa mga kilalang sinabi ni Santo Titus Brandsma ay “He who wants to win the world for Christ must have the courage to come in conflict with it.” Sinumang nagnanais na ipakilala si HesuKristo sa mundo ay dapat handang hindi sang-ayunan nito.”


Sa puntong ito, maraming nakikinig at sumusubaybay sa mga plano ng mga nasa puwesto. Maraming nakababahalang plano ang lumalabas na.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page