- BULGAR
- Nov 11, 2022
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 11, 2022
Paano isasalarawan ang pagdaloy ng biyaya ng Diyos? Ito ang unang pagbasa noong Miyerkules, “… Patungo sa silangan ang tubig na ito, pababa sa Arabah. Kapag nakarating ang tubig sa namamahong dagat, magiging malinis ang tubig-dagat. Saanman makarating ang agos ng ilog ay mabubuhay ang maraming isda at mananariwa ang tubig. Magiging masagana ang buhay sa maaabot ng daloy nito.
“Malapit sa ilog sa magkabilang panig, sisibol ang lahat ng uri ng namumungang punong-kahoy na hindi malalanta at palaging magkakaroon ng saganang bunga; mamumunga ang mga iyon, buwan-buwan sapagkat dinidiligan ng tubig na nanggagaling sa Templo. Magiging pagkain ang mga bunga ng mga at gamot naman ang mga dahon.”
Parang tubig na dumadaloy galing sa bundok ang biyaya ng Diyos. Kapag umagos ito sa naghihintay na namamahong dagat, magbabago ang namamahong tubig-dagat. May kakayahang linisin ng sariwang tubig ang nangangamoy at namamatay na tubig-dagat. At ganito ang biyaya ng Diyos kapag ito ay pumasok sa isip, puso, diwa at kaluluwa natin, hindi maaaring hindi magbago at malinis.
At dahil malinis, sariwa at buhay ang tubig na dumadaloy sa ibaba, ito ay pagmumulan ng bagong buhay. Maraming namumungang puno ang sisibol sa gilid ng malinis at sariwang tubig. Dadami ang kabutihang magpapasigla sa buhay at magpapagaling pa ng mga sakit. At ito ang mahalaga at bukod-tanging kabuluhan ng biyaya ng Diyos—kapag may daloy, may buhay.
Noong Martes ng gabi ay inanyayahan akong magmisa para sa yumaong babae. Bago magsimula ang misa, tinanong ko ang mga anak nito kung ilang taon na ang kanilang ina. “67 taong gulang po,” sagot ng mga anak. Tinanong ko rin kung kailan ang kanyang kaarawan. “Ika-23 ng Pebrero, 1955 po,” sagot nila.
Nagulat ako at natigilan dahil isang araw lang ang tanda sa akin ng kanilang ina at oras lang marahil ang tanda niya sa akin. Magkaedad kami ng babae ngunit tumigil na ang tumibok ng kanyang puso at tumigil na ang pagdaloy ng dugo sa kanyang ugat. Wala nang tibok ng puso. Wala nang daloy ng dugo. Patay at matigas na siya. Tahimik akong nagpasalamat sa Diyos na buhay at binubuhay pa Niya ako. Kinabukasan, Miyerkules, nagkita-kita kami ng ilan sa aking mga classmates sa hayskul 1972. Isa-isa kaming dumating sa pinagkasunduang lugar. Nakatutuwang makita ang mga classmates na kay tagal nang hindi nakikita. Napakasayang buhay pa sila at buhay pa ako. Kay laking biyaya na buhay pa kaming lahat. At tahimik ko na namang naisip ang babaeng minisahan ko noong Martes ng gabi. Kasing tanda namin siya.
Samantala, mula simula hanggang matapos ang misa, nakita ko ang masaya’t buhay na buhay na mukha ng mga parukyanong handang muling maglingkod. Tahimik kong nakita’t nadama ang lubhang banal at dakilang pagdaloy ng biyaya ng Diyos, hindi lang sa bawa’t isang parukyanong naroroon kundi sa buong parokyang na pawang ilog na dinadaluyan ng sariwa, matamis at buhay na tubig ng biyaya ng Diyos.
Sa kabila ng aming kahinaan at kasalanan. Sa kabila ng mga bumabara sa aming kani-kanyang buhay, tinatanggal ng Diyos ang bara at hinahayaan niyang dumaloy ang Kanyang buhay. Amen




