top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Oct. 7, 2024



Fr. Robert Reyes

Ano ba ang tinatawag na news? Ito ba ‘yung galing sa salitang “new” o bago? O ang ibig sabihin lamang ay balita. 


Ano ang halimbawa ng news na hindi bago dahil “recycled” o lumang pinagmukhang bago? 


Noong nakaraang mga araw, pinawalang sala ng Sandiganbayan sa plunder case ang tatlong malalaking pulitiko at personalidad sa ating bansa. Milyung-milyong piso ang nawala sa pamamahala umano ng tatlong ito ngunit inabsuwelto ng Sandiganbayan. Bago ba ito? Hindi at lumang-luma na ang balitang iyan. Walang dating, walang bigat, walang halaga, walang katuturan. 


Ano ang narinig kong mga reaksyon nang ipawalang-bisa ng Sandiganbayan ang mga plunder case laban sa tatlo? “Ah talaga! Anong bago, ‘di ba?” 


Inaasahan namang ma-dismiss ang mga kaso ng mga ‘malalakas,’ makapangyarihang trapo na kung tutuusin napakalaki ng krimeng ginawa nila laban sa taumbayan ngunit sanay na sanay na ang marami na walang nangyayari sa anumang kaso na kinasasangkutan nila. Walang bago, walang balita. Kung mauulit ang ‘pangungulimbat’ nila, wala ring bago rito, walang balitang may saysay na ilabas ito.


Ano ang tunay na news o totoong balita? Noong nakaraang Biyernes ay nagmisa tayo ng alas-6 ng gabi. Nagulat na lang ako nang babasahin ko pa lang ang mga “intension” o panalangin ng bayan para sa misang iyon. Merong isiningit na kapirasong papel sa gawing kanan ko. Nang basahin ko ay ito ang nakasulat, “Ipagdasal po ninyo ang bagong obispo ng Cubao na si Padre Elias Ayuban CMF.”  Napangiti na lang ako at sa dulo ng mga panalangin, isinunod ko kaagad na basahin ang magandang balita sa bagong obispo ng Diyosesis ng Cubao, Padre Elias Ayuban, Jr. CMF.  

Pagkatapos ng misa ay dali-dali nating tinawagan ang isang kaibigang Claretiano. Masaya’t puno ng kantiyawan ang aming usapan. “Mahusay ang bagong Obispo ng Cubao. Amin yata si Padre Elias Ayuban,” buong pagmamalaki ng aking kaibigang Claretiano. Agad din niyang sinabi na, “misyonero siya at babad sa tao.”  


Hindi na nagpatumpik-tumpik ang kaibigan kong Claretiano na imbitahan akong makiisa sa kanilang pagdiriwang na ginaganap ng sandaling iyon. At dahil hindi naman kalayuan ang Claret sa aming parokya, tinanggap natin ang paanyaya at agad-agad akong tumungo sa kinaroroonan ng bagong obispo ng Cubao.


Masaya ang kapaligiran at wagas ang kagalakan ng pamilya Claretiano sa pagkakapili ni Pope Francis kay Padre Elias bilang bagong Obispo ng Diyosesis ng Cubao. 

Tapos na ang mahabang paghihintay ni Bishop Honesto Ongtioco sampu ng kanyang kaparian. Mula pa nang ipinagdiwang ni Bishop Nes ang kanyang ika-75 kaarawan, nagsimula na ang paghihintay at paghahanda ng lahat. Masayang malungkot ang pagreretiro ng obispo. Pinaglingkuran niya ang kanyang diyosesis ng buong katapatan at pagmamahal. Nakilala at nakasama niya ang kaparian sa paglilingkod sa 49 na parokya na sumasakop sa malawak na teritoryo ng Cubao. 


Nasa 21 taon din ang mabilis na dumaan sa paglilingkod ng mahal naming Bishop Nes sa Diyosesis ng Cubao. Napakaraming pinagdaanan hindi lang ng Diyosesis ng Cubao kasama ng aming obispo kundi ng buong simbahang lokal at ng buong bansa. 


Apat na administrasyon ng iba’t ibang presidente ang sama-sama naming hinarap, mula kina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, former President Noynoy Aquino, dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang kasalukuyang Pangulong Bongbong Marcos.


Hindi naging madali at maayos ang buhay ng lahat lalo na sa panahon ni Pangulong Duterte kung kailan naranasan ng maraming pari ang umano’y banta at panggigipit.


Napasama na rin dito si Obispo Nes, Obispo Soc Villegas at Obispo Ted Bacani. 

Simula pa lang sa paglilingkod ni Bishop Nes bilang obispo, naranasan na rin natin ang mahabang paglalayag sa labas ng Diyosesis ng Cubao ng 11 taon mula 2006 hanggang 2017. Hindi naging madali at masaya ang buhay sa simbahan at bansa sa mga panahong iyon. Ngunit sa kabila ng lahat, naging magkaibigan at magkasamang lingkod kami ni Obispo Nes sa Diyosesis ng Cubao.


Masaya at puno ng pag-asa ang balita ng pagbibigay sa Diyosesis ng Cubao ng kanyang bagong obispo. Kung sinu-sino na ang narinig, naisip, inakalang magiging obispo ng Cubao. Wala ni isa ang tumama dahil si Padre Elias ang itinalaga.


Ibang-iba ito sa naunang balita ng mga trapong pinawalang-sala ng mataas na korte ng bansa. Wala namang nagbago sa lipunang tunay na kayhirap baguhin. Ngunit, laging

may pag-asa sa simbahan dahil hindi lang tao ang kumikilos dito kundi ang Espiritu ng Diyos. 


Ito nga ang tunay na news, tunay na balita. At hindi lang ito balita kundi tulad ng Ebanghelyo ay magandang balita. 


Idalangin din natin ito, “Pagpalain ninyo Panginoon ang bagong Obispo ng Cubao na si Padre Elias Ayuban, Jr. CMF. Gamitin ninyo siya sampu ng kaparian at layko ng Cubao sa pamamahayag at pagpapalaganap ng inyong kaharian ng katotohanan, katarungan, pag-ibig, pag-asa at kalayaan. Tulad ng ulan na bumabagsak sa tigang na lupa, muli ninyong patabain ang lupa ng misyon, lupa ng pamamahayag ng inyong mabuting balita sa Diyosesis ng Cubao.” Amen!


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Oct. 5, 2024



Fr. Robert Reyes

Nagsimula na ang pagpaparehistro ng mga kandidato para sa halalan sa Mayo 2025. Mula lokal hanggang nasyonal, sa mga kapitolyo at sa Manila Hotel, makikita araw-araw ang lahat ng kandidato mula sa ‘di kilala hanggang sa matagal nang tumatakbo at nakapuwesto. 


Alam natin kung ano ang pakay ng karamihan sa mga kandidato. Kailangang manalo para protektahan ang poder ng kani-kanilang mga partido at higit sa lahat ng kanilang mga pamilya at angkan. 


Ilan nga ba sa mga kumakandidato ang nagsusulong ng tunay na interes ng taumbayan at ilan ang matagal nang nagpapanggap na isusulong ang interes ng mamamayan ngunit malalaman na lang ng balana ang katotohanan pagkatapos ng halalan?


Sino nga ba sa mga dinami-rami ng kandidato ang may karapatang tumanggap ng ating boto? Sino nga ba ang tunay nating maaasahan na magsisimula ng bagong pulitika na sasalag, lalaban, kokontra sa kultura ng umiiral na pulitika? Sino nga ba ang merong malinaw na pananaw, paninindigan at pamamaraan laban sa namamayaning pulitika ng mga trapo, dinastiya at makasariling mga pamilya at kanilang mga miyembro na gagawin ang lahat para mapanatili lamang ang hawak nila sa poder?


Kung tutuusin hindi ganoon kahirap hanapin ang mga mahuhusay, matitino at maprinsipyong kandidato. Makikita ito sa kanilang pamumuhay, na sa kabila ng kanilang pagkapanalo sa mga nakaraang panahon ay ganoon pa rin ang kanilang estado sa buhay. Simple pa rin, walang luho, walang yabang at ang tanging kayamanan nila ay ang kanilang marangal, malinis at maprinsipyong pamumuhay. Hindi rin lingid sa lahat ang kanilang kakayahang magsakripisyo at magtaya para sa kanilang pinagpapahalagahan at pinaglalaban. 


Sa kabila ng kanilang marangal, malinis at maprinsipyong pamumuhay, marami sa kanila ang pinahirapan o naghirap at nawalan ng panahon, kayamanan, pagkakataon maging ang kalusugan.


Isa sa mga kandidatong personal kong nakilala at nasubaybayan ang nangyari sa kanyang buhay ay si dating Senadora Leila De Lima. Sa maraming taon ng aming pagkakakilala at pagkakaibigan mula pa ng siya’y maging chairperson ng Commission on Human Rights (CHR) hanggang siya’y naging secretary of Justice at senadora, hindi nagbago si Leila. Hindi niya binago o isinuko ang kanyang mga paniniwala at paninindigan. Pinili niyang ipaglaban ang karapatang pantao, ang “rule of law” o pagsunod sa batas at sa diwa nito sa lahat ng panahon, ang karapatan at kapakanan ng mga mahihirap na madalas ding biktima ng mga abuso ng karapatang pantao.


Nang lumaya si Leila noong Nobyembre 13, 2023, sa kabila ng nag-uumapaw na pasasalamat sa Diyos at sa lahat ng mga sumuporta sa kanya, hindi nawala at naisantabi ang puno’t dulo ng lahat ng kanyang pinagdaanang paghihirap. Isa lang ang dahilan ng pagkakakulong ni Leila. Hindi siya tumatahimik sa pag-abuso at hindi pagkilala sa karapatang pantao. At lalo na sa madilim at malungkot na bunga nito, ang libu-libong biktima ng “extra-judicial killings” (EJK) na isinagawa ng mga umano’y alagad ng batas at ng kanilang mga “assets” bilang pagsunod sa utos umano ng Pangulo noon na paulit-ulit isinisigaw: “Kill, kill, kill, patayin, patayin, patayin ang mga pusher, users, mga nagtutulak, gumagamit, ng mga sangkot sa iba’t ibang paraan ng droga”. Ito ang ‘war on drugs’ na sinasabing tanging paraan para muling tumahimik, umunlad at umayos ang ating lipunan.


Nang lumaya si Leila, maraming nagtanong kung tatakbo pa ba siya? At kung tatakbo, sa Senado o Kamara kaya? 


Ngayong simula na ng paghahain ng certificate of candidacy (COC), sunud-sunod na ang tanong ng marami, “Tatakbo ba si Leila?” 


Madalas akong matanong dahil alam ng marami na kaibigan natin ang dating senadora. Wala akong maisagot kundi, ipagdasal natin. 


At ganoon nga ang nangyari. Maraming nagdasal at ilang araw bago ang simula ng paghahain ng COC, lumabas na ang balita na tatakbo si Leila kasama nina Teddy Baguilat at Erin Tanyada sa partylist ng Liberal Party.


Hindi nag-iisa si Leila dahil maraming karapat-dapat nating suportahan at iboto para na rin sa magandang kinabukasan ng ating bansa. Parang ilawan si Leila na itinuturo ang maraming kandidatong katulad niyang malinis, marangal, may prinsipyo at matapang. 


Ngunit, kailangang bigyang-diin natin ang pinagmumulan ng lahat ng mabubuti’t magagandang ugali ni Leila. Sa mahigit na anim na taong pagbabahaginan namin ni Leila at iba pang nakasama sa “Parokya ni Leila” sa Crame Custodial Unit, paulit-ulit ding narinig ng lahat ang pagkilala ni Leila sa pinagmumulan ng kanyang lakas, karunungan, walang sawang pamamahayag sa katotohanan at paglilingkod sa maraming biktima ng abuso sa karapatang pantao, “ang Diyos ay lagi kong pinakikinggan at kinakausap. Siya ang aking lakas, liwanag at gabay sa maraming mahihirap at mga pagsubok na gabi at araw sa kulungan. Salamat sa Kanya na hindi lang lakas, liwanag at gabay kundi tagapagtanggol din nang muntik na akong mawalan ng buhay noong na-hostage at muntik nang bawian ng buhay noong Oktubre 9, 2022.”


Ngayong nasa labas na si Leila, kasama na natin siya. Kasama rin natin ang mga kasama niya na tulad niya ay tatakbo at ipaglalaban ang totoo, makatarungan at mabuti para sa lahat. 


Takbo na Leila. Takbo lahat kayong mga mabubuting kandidato na handang maglingkod at magsakripisyo para sa ating mahal na Inang Bayan at bawat mamamayang umaasa sa inyo. Takbo na kayo!

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Sep. 30, 2024



Fr. Robert Reyes

Sa loob ng ilang araw magsisimula na ang opisyal na pagrehistro ng kandidatura sa iba’t ibang posisyon para sa darating na halalan sa Mayo 2025. 


Nagsimula nang lumabas ang sari-saring line-up ng mga opisyal na listahan ng kandidato sa Kamara at Senado ng iba’t ibang partido. Heto na ang nakalulungkot at nakadidismayang sandali nang magsipaglabasan na naman ang mga pangalan at mukha ng mga hindi na mapalit-palitang kandidato. Lilitaw na naman ang mga dating pangalan na tatakbo bilang gobernador, mayor, senador, kongresista, mga kandidato sa partylist at iba pa. Maririnig na naman ang paulit-ulit na refrain na, “sila na naman, laging sila, wala na bang iba?”


Huwag na tayong magtaka kung bakit pare-parehong apelyido, mukha, partido, reputasyon, motibasyon ang nakikita natin. Tuwing pagpaparehistro ng kandidatura, tuwing kampanya at tuwing araw ng halalan, alam na ng lahat kung ano, paano at bakit tumatakbo ang ating pulitika. Pera, koneksyon, makinarya, padrino-padrina, sari-saring paraan ng “vote-buying” mula paglikha ng napakalaking grupo ng mga “volunteer” na malayo pa ang halalan ay nag-iikot na at kung anu-ano ang ginagawa para kay mam, sir na kandidato hanggang sa mga sari-saring pagbibigay tulong o ayuda sa mga matatanda, may sakit, patay, walang pambayad ng matrikula, walang trabaho, walang ganito, walang ganoon o anumang wala basta lapit lang kay sir, mam na kandidato at hindi kayo mabibigo. 


Ngayon pa lang kasi “maaasahan na si mam, sir na kandidato” eh, kaya huwag kayong mag-atubiling lumapit, tutulungan at aayudahan kayo ni mam, sir na kandidato. Hindi ba ninyo nakikita lab na lab kayo ni mam, sir na kandidato?


Ganito pa, pista, walang tigil o unli-kain, gala, ayuda ang panahon ng kampanya. Talo ang anumang fiesta na tumatagal ng isang linggo. Ang panahon ng kampanya ay mahigit pitong buwan mula Oktubre hanggang Mayo. Tamang-tama ang kantang “Tayo na sa Antipolo”. Parang ganito ang tunog nito kapag kampanya at halalan:


Tayo na sa kandidato, at sa kanya manghingi tayo.

Sa kanya na kung tawagin

Ay hi-hi-hihingang walang tigil at tayo

Na sa kandidato…

 

Ang saya-saya ‘di ba. Parang pasyal lang sa Antipolo ang pulitika sa ating bansa. Habang namamasyal lahat ay masagana. Pagkain at sari-saring inumin mula tubig hanggang soft drinks, maging “agua de pataranta”. At unli ring sitsiryang kinukutkot sa gitna ng kuwentuhan at tawanang walang humpay. At huwag kalimutan ang “giveaways” mula ballers hanggang mga sombrero at siyempre t-shirt na may mukha ni mam, sir na kandidato. 


O ‘di ba ang saya-saya at ilang buwan ding merong “allowance” ang mga “volunteers”? Mula sa bibig ng mga “volunteers” ay maririnig mo ang maagang panghihinayang na sana’y hindi ito matapos. Kay saya pala ng panahon ng kampanya, ang panahon ng halalan. Sana’y ganito rin ang buhay pagkatapos at nanalo na ang dapat manalo. Sana rin manalo ang aming kandidato para siyempre, tuloy ang ligaya. 


Ano nga ba ang kuwalipikasyon ng kandidatong pinaglilingkuran ko? Mahalaga pa ba ang tanong na ito? Sino nga ba sa kanila ang may tunay na kuwalipikasyon at kakayahan? Tingnan mo na lang ang mga tumakbo at nanalong senador, ganoon din sa Kamara. 


Sa mga lalawigan, bayan at siyudad, hindi ba’t ang pinakamahalagang kuwalipikasyon ay hindi ang kakayahan, integridad, mabuting reputasyon, pagkataong marangal at kilalang ugali at halimbawa ng taong marunong maglingkod, atbp? 


Hindi ito ang hinahanap ng maraming botante na nasanay na sa karaniwang kalakaran tuwing kampanya at araw ng halalan. Pista ba ang pagsuporta sa kanya? Marami ba siyang ilalargang pondo para sa amin? Bago pa maghalalan marami na siyang naipamigay at sa araw ng halalan siya ang pinakamalaki ang “iniaayuda” sa kanyang mga botante.


Sa paglilingkod, mabuti at tapat ba sa pamamahala? Malinis at lantad sa paggamit ng pondo? Ano ba ang lahat ng ito? Makakain ba ‘yan?

Iniisip ng marami na basta’t may pakinabang siya sa amin ngayon, iyon lang ang mahalaga. Walang silbi ang mangarap dahil sanay na kaming sila at sila lang ang nananalo at namumuno sa amin. Pare-pareho lang naman ang mga kandidato.

Sinuman ang ilagay mo ay pareho ang gagawin. Walang pagbabago dahil ganito na tayo noon, ganito rin bukas.


Mawalang galang mga kababayang botante at kandidato. Hindi pista ang kampanya at halalan. Hindi lang ngayon ang mahalaga kundi ang kinabukasan. Hindi natin tanggap ang nakalalasing at nakabubulag na alak ng “trapong pulitika.” 

Meron at merong matitinong kandidato. Meron at merong tunay at mapagpalayang pulitika. Hahanapin at papandayin natin ito. Kailan, paano, bakit? Ngayon na. Magbahay-bahay, pami-pamilya, bara-barangay. Dahil malaya tayo, hindi bayaran at sunud-sunuran sa kaninuman.


Gising na mga botante. Hindi sila kundi tayo ang pipili. Hindi sila ang may-ari ng puwesto, kapangyarihan at pondo ng lugar na kanilang pinaglilingkuran. Hindi natin kailangan ang kanilang ayuda kung mababago natin ang sistemang kanilang hawak. 

Malaya’t marangal tayong mamamayan. Ang pera at kapangyarihang hawak nila ay mula sa atin at hindi sa kanila. Hindi dapat bigyan ng kapangyarihan at pondo ang hindi karapat-dapat.


Kamamatay lang ni Coritha. Alalahanin ang mga titik ng kanyang kanta:


May bulong dinggin mo

Ihip ng ating panahon

May sigaw dinggin mo

At ubos na ang oras mo

Oras na magpasya

Kung saan ka pupunta

Oras na oras na

Mag-iba ka ng landas.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page