top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Oct. 28, 2024



Fr. Robert Reyes

May sikat na kasabihan na ganito: “Kung ayaw laging may dahilan, kung gusto laging may paraan!” Ito ang nakita’t naranasan ng mga dumalo sa ika-95 Alumni Homecoming ng Seminaryo ng San Jose noong nakaraang Oktubre 24 hanggang 25. 


Binayo ng Bagyong Kristine ang bubong ng covered courts sampu ng mga sanga ng mga puno sa paligid nito noong hapunan at programa ng homecoming ng mga obispo’t paring nagtapos sa Seminaryo ng San Jose. Hindi lang angge ang nangwasiwas sa mga handang pagkain gayundin ng mga paring nakapila’t naglalagay nito sa kani-kanilang plato. Naroroon din ang malakas na hangin na may dala-dala pang mga dahon, siit at kung anu-anong pinalilipad nito sa paligid.


Nakatutuwang tingnan ang mga pari at ilang obispo na nakapayong o nakakapoteng may hood na kumukubli sa mga ulong iniiwasang mabasa. At habang kumakain at nagkukuwentuhan, panay ang parinig na, “walang bagyong kaylakas na kayang takutin o siraan ng loob ang sinuman sa pagdalo ng Alumni Homecoming ng San Jose.”


Mabuti na lang at napakinggan namin ang maganda’t mapaghamon na pagbabahagi ni Bishop Raul Dael ng Diyosesis ng Tandag. Ibinahagi ng butihing obispo ang kanyang pag-uunawa sa kabanalan ni San Jose. 


Ayon kay Obispo Dael, kakaibang magmahal si San Jose. Marunong siyang magmahal na hindi umaangkin o sinasarili ang minamahal. Minahal ni Jose si Maria ngunit hindi nito inangkin, hindi sinarili ang ina ni Hesus. Gayundin si Hesus na hindi tinuon sa pagtatagumpay ang kanyang buhay. Hindi niya hinanap ang kapalit ng kanyang mga ginagawa. Gagawa siyang walang bayad, walang stipend maliban sa pagkakataong makapaglingkod. Ang mismong pagkakataong maglingkod ay ang itinuturing niyang kapalit o kabayaran sa kanyang paglilingkod.  


Matindi at matapang ang mga salita at tono ng pananalita ng obispo. Malinaw, masakit at maganda ang kanyang mensahe. Ang lahat ng ito ay bunga rin ng kanyang pinagdaanang pakikipaglaban sa kanser. Dumaan sa sakit, sa malalim na pagdurusa si Obispo Dael hanggang sa kanyang naunawaan na kailangan niyang danasan ang sakit para maintindihan niya ang pinagdaraanang pagdurusa ng iba (mga pari).


Kasunod ng mabigat ngunit malalim na pagbabahagi ni Obispo Dael, salamat kay Bagyong Kristine, may masarap, malinamnam at basang-basang hapunan.


Pawang kinukutya pa ang Bagyong Kristine ng malakas at pinalalakas pang kuwentuhan ng mga alumni ng aming seminaryo. Kulang-kulang isang oras ang balitaan namin habang kumakain. Sa kabila ng basang damit, mukha at ulo, tuloy lang ang tawanan at kuwentuhan. Hindi namamalayang handa na ang entablado para sa munting palabas na handog ng mga seminarista sa alumni. Simple at maikli ang palabas na may halong sayaw, kanta at maiikling diyalogo tungkol sa buhay ng mga pari at sa mga iba’t ibang hamon nito. 


Nagulat na lamang kami nang malaman naming lalabing-lima lamang ang lahat ng mga seminarista. Karamihan sa 15 ay kasama sa nasa entablado. Ilan lang ang nasa backstage para sa props, ilaw, sounds at iba pa. Kaunti, sobrang konti ito kaya naalala tuloy ng marami ang malaking bilang ng mga seminarista noong araw na halos umaabot ng 100 mula kolehiyo hanggang teolohiya. Ang 15 ay bilang lamang ng mga nag-aaral ng teolohiya. Wala nang mga taga-kolehiyo dahil hindi na ganoon karami ang mga nasa kolehiyo ang interesadong pumasok sa seminaryo.


Karamihan sa mga nagpapari ngayon ay medyo may edad na’t nakaranas na ng buhay sa labas, nakapagtrabaho na’t dumaan na sa iba’t ibang pagsubok at paghihirap sa buhay. Kaya malaking bahagi ng 15 seminarista ay may edad na at mas malinaw na sa kanilang gusto sa buhay. 


Mag-iika-9 pa lamang ng gabi nang matapos ang lahat ng aktibidad para sa gabing iyon. Maraming nagmamadaling makauwi sa kani-kanilang tulugan para makaligo at makapagpalit ng kanilang binagyo’t basang-basang mga damit.


Kinabukasan pagkaraan ng agahan, nagkaroon ng business meeting para ihalal ang mga opisyal para sa ika-96 na Alumni Homecoming. Sinundan ito ng isang maikling panayam tungkol sa isang ekspertong nagtrabaho sa larangan ng green energy.


Nagtrabaho ang speaker para sa mga korporasyon patungkol sa mga lupa. Sa bawat hakbang sa paghahanap ng mga lugar sa kabundukan na maaaring pagtayuan ng “wind farm,” napakaraming mga puno ang dapat putulin na nakasasama sa wild life ng mga lugar na iyon. Malala rin ang epekto nito sa mga katutubong namimitas at nanghuhuli lang ng kung anu-ano para mabuhay.


Kapwa sira ang kapaligiran at ang lupang katutubo na minana nila sa kanilang mga ninuno. Ngunit tila walang pakialam ang may-ari ng korporasyon basta’t maitayo niya ang mga turbina, hindi na niya kasalanan ang anumang mangyari sa tao, hayop at likas na kapaligiran ng mga ito.


Sa dulo ng kanyang panayam, naging malinaw sa amin kung bakit nag-resign, umalis at hinding-hindi na siya babalik sa kanyang trabaho. Para sa kanya ay tinutulungan mo ang pagtatayo ng planta ng luntiang enerhiya ngunit bago dumating sa puntong iyon, napakarami mong niloloko at binabawian ng kanilang buhay at kabuhayan (ang malayang pagpitas ng prutas at anumang makakain, maging ang paghuli’t pagpatay ng hayop).


Sinundan ang panayam ng misang napakaganda at napakalalim sa makabuluhang hamon na patuloy na maging higit na misyonero ang Diyosesis ng Cubao, pari, relihiyoso at layko. 


Sa dulo ng misa, sa pagkanta namin ng mga awiting malapit sa puso ng bawat hinubog at naging pari mula San Jose, damang-dama namin ang yaman at lalim ng paghuhubog na tinanggap namin sa aming mahal na Seminaryo ng San Jose. Hail, San Jose!



 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Oct. 26, 2024



Fr. Robert Reyes

Nakakakilabot ang mga salita ni Hesu Kristo sa ebanghelyo noong nakaraang Huwebes.

Basahin natin: “Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang ang pagnanais kong magliyab na sana ito! Ngunit dapat akong mabinyagan ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang ‘di ito nagaganap! Sa akala ba ninyo’y dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa?


Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwa-hiwalay! Sapagka’t mula ngayo’y magkakahati-hati ang limang nasa isang sambahayan, tatlo laban sa dalawa’t dalawa laban sa tatlo; magkakahati-hati sila: ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae.” (Lucas 12:49-53)


Sa misa ng umaga noong nakaraang Huwebes ay binasa natin ito. Inakala nating wala halos magsisimba, ngunit merong humigit-kumulang 50 parokyanong sinalubong ang ulan at hangin na dulot ng Bagyong Kristine. 


Sa omeliyang ibinigay natin noong umagang iyon, binalikan natin ang Bagyong Carina na nagpalubog sa maraming bahay sa iba’t ibang sitio ng Barangay Bahay Toro.


Malinaw na wala nang ligtas na lugar sa buong bansa. Tatamaan ng bagyo ang anumang lugar mula Aparri hanggang Jolo. Pagkatapos rumagasa sa Bicol at pinalubog ang maraming bayan ng Albay, dumating naman ang Bagyong Kristine sa lalawigan ng Isabela. Literal na mula timog hanggang hilaga (from south to north) mabilis na naghatid si ‘Kristine’ ng tone-toneladang tubig-baha at nakasisira at malakas na hangin. 


Tulad ng dati at palagi, nagkukumahog ang pamahalaan para lumikom ng salapi at kung anu-anong kakailanganin para sa relief and evacuation operations. Mababaw, sobrang babaw, “band aid” na “band aid” approach ‘ika nga, sa problema.


Laging mga sintomas na lang ang tinutugunan at kapag lumipas na ang bagyo at unti-unting nakapaglinis at nakapag-repair na ang mga sinalanta, balik na naman sa dati ang lahat na parang walang nangyari. Ngunit hindi pag-uusapan at paglalaanan ng solusyon ang mga problema sa mga ugat nito.


Hindi pag-uusapan, bagama’t alam na kung anu-ano ang mga sanhing ugat o root causes ng suliranin sa baha, pagguho, pagbigay o pagkasira ng mga tulay at kalye at iba pang imprastraktura. Suwerte na lang kung medyo luntian at hindi korup ang mayor o gobernador ng isang bayan o lalawigan.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Oct. 20, 2024



Fr. Robert Reyes

Ika-13 ng Marso 2013, mahigit nang 11 taon ang nakararaan nang hinirang na Papa si Jorge Mario Bergoglio. Pinili ni Cardinal Bergoglio ang pangalang Francis dahil sa kanyang paghanga at paniniwala sa halimbawa ni Saint Francis of Assisi. 


Hindi Pransiskano si Pope Francis. Isa siyang miyembro ng mga Hesuwita, ang kongregasyong itinatag ni Saint Ignatius of Loyola. Nagkataong nagsisimula rin ang aking paghuhubog bilang nobisyo ng Unang Orden ng mga Pransiskano sa San Juan de Plasencia sa Liliw, Laguna.


Malinaw na malinaw sa aming mga Pransiskano ang ibig sabihin ng pangalang Papa Francesco o Pope Francis. Maliwanag na maliwanag na magiging sentro sa bagong Papa ng Simbahang Katolika ang mga usaping pangkapaligiran, pangkalikasan. At ganoon nga mula noon hanggang ngayon ang naging pamumuno si Papa Francesco. Kaya ang isa sa pinakakilalang liham pastoral niya ay ang “Laudato Si,” -- Nawa’y purihin ang Panginoon, ang awit sa Inang Kalikasan ni Saint Francis of Assisi o San Francisco ng Assisi.


Pagkaraan ng mahigit limang taon, nagpaalam tayo sa mga Pransiskano upang bumalik sa Diyosesis ng Cubao. Ngunit, hinding-hindi na mabubura sa aking pagkatao’t pagka-pari ang diwa at halimbawa ng buhay ni Saint Francis of Assisi, ang kakaibang pagmamahal ng munting santo sa inang kahirapan at Inang Kalikasan. Sa simula pa lamang, niyakap na ng santo ang buhay ng kahirapan at kapayakan. Iniwan niya ang luho at layaw ng buhay, at yaman ng kanyang amang si Pietro di Bernardone at inang si Pica. 


Madrama ang kanyang pagtalikod sa kinagisnang buhay nang ipinahayag ng kanyang ama sa harapan ng obispo at taumbayan ng Assisi na hindi na niya anak si Francis dahil sa ginawa nitong pamamahagi ng mamahaling telang galing pang Francia sa mga mahihirap ng Assisi. Nang sabihin ito ng kanyang ama, ang payak na tugon ni Francis ay,“Wala akong ibang Ama kundi Siyang kaisa-isang Ama ng lahat sa langit.” At halos kasabay ng kanyang pagbitiw ng mga salitang ito, hinubad ng santo ang kanyang mga mamahaling damit at inabot ang mga ito sa kanyang ama. Tumindig ang obispo upang balabalan ang huba’t hubad na si Francis.


Mula noon hanggang sa kanyang kamatayan, suot-suot ng santo ang hamak na damit na galing sa sakong sisidlan ng anumang ani mula sa lupa. Mula noon hanggang ngayon nakilala ang mga anak ni San Francisco sa kanilang buhay na payak at mahirap, at hayagang pagmamahal at paglilingkod sa mga mahihirap, gayundin sa kanilang malalim na pagmamahal at paglilingkod kay Inang Kalikasan.


Nang ako ay hinuhubog bilang bagong Pransiskano, napadala tayo sa simbahan ng mga Pransiskano sa Santa Ana, Cagayan. Naging pastor natin ang batang-batang pari na si Fr. Ricky Ganisi. Doon sa halos dulo ng lalawigan ng Cagayan, natutuhan natin mula sa halimbawa ni Padre Ricky ang buhay ng isang Pransiskanong naglilingkod sa mga maliliit at mahihirap sa bahaging ito ng Region 2. Hanggang ngayon ay nananatiling buhay ang pagkakaibigan namin ni Padre Ricky. Madalas nating maalala ang malalim na tinig ng paring Pransiskano na laging merong baong ngiti maski saan siya magpunta.


Ganoon na lang ang aking pagkabigla noong isang araw, nang binulaga tayo ng larawan ni Padre Ricky sa social media na nagsasabing pumanaw na ang paring Pransiskano sa edad na 47. Hindi lang ako nagulat ngunit labis na nalungkot dahil sunud-sunod na ang pagkamatay ng mga kapatid nating Pransiskano sa mga nagdaang buwan. Hindi lang tayo nalulungkot at nanghihinayang dahil nabawasan ang mga paring naglilingkod sa mga mahihirap, kundi nabawasan ang isa pang saksi sa napakahalagang buhay ng pagmamahal at paglilingkod sa mga mahihirap at sa nanganganib nang Inang Kalikasan.

Hindi mapaghihiwalay ang dalawa, ang mga maliliit at mahihirap ng mundo at ang kalikasan. Sa lahat ng mga sakuna ng kalikasan mula bagyo, buhay sa pagbabago ng panahon (climate change), mga lindol na nagdudulot ng matitinding pagkasira at nakamamatay na tsunami, lubhang nakamamatay na init ng araw, mga sari-saring sakit na bunga rin ng mga ito, at marami pang iba, ang unang-unang tinatamaan at nagdurusa ay ang mga maliliit at mahihirap na mga tao sa mundo.


Kung nakakalimutan ito ng ilang bahagi ng lipunan o simbahan, naroroon ang mga anak ni Saint Francis, naroroon din si Papa Francesco upang magpaalalang huwag na huwag kalilimutan ang mga mahihirap at ang Inang Kalikasan.


Bagama’t patay na si Padre Ricky, isang anak ni amang Saint Francis, ang ningning ng kanyang buhay ay mananatiling buhay sa lahat ng kanyang minahal at pinaglingkuran sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Tuloy lang ang pagsaksi ng mga naiwanang anak ni Saint Francis. Tuloy lang ang pagsaksi ng mga Pransiskanong kapatid ni Padre Ricky sa ating bansa, lalung-lalo na ngayong lumalala ang paghihirap at dumarami na rin ang mahihirap sa isang bansang mayaman ngunit pinagsasamantalahan ng ilan na humaling na humaling sa kayamanan at karangyaan.


Salamat sa mga binhing itinanim mo sa puso ng mga minahal at pinaglingkuran mo,

Padre Ricky. Asahan mong hindi ko hahayaang mamatay ang ningning na ibinahagi mo rin sa aking buhay. Paalam at magkita tayo sa marami pang mga sandali ng pakikiisa sa mga dukha at kay Inang Kalikasan!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page