top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Nov. 23, 2024



Fr. Robert Reyes

Marahil, nakalimutan na ng marami ang nangyari noong Marso 17, 1995. Subalit, marami pa rin ngayon ang buhay na noon para maalala ang pangalang Flor Contemplacion. 


Hindi na ganoon kalinaw ang aking alaala sa mga pangyayari ng araw na iyon, halos 30 taon na ang nakararaan. Pero tiyak kong nagkaroon ng misa sa EDSA Shrine at dumalo tayo. Isang misang protesta laban sa pagbitay kay Flor Contemplacion ang naganap bandang ika-10 ng umaga. Naalala ko ang dobleng lungkot na aking naramdaman dahil magkasunod ang kamatayan ni Flor at ng aking tiyuhin na inatake sa puso. 


Maraming nagalit sa pamahalaan ng Singapore sa pangyayari at ganoon na lang ang pagtindi ng reaksyon ng marami hindi lang laban sa nasabing bansa kundi sa ating sariling gobyerno. Bakit? Dahil sa makupad at mahinang pagtatanggol at pagsuporta sa isang maliit na OFW. 


Noong hinuli si Flor Contemplacion at pinagbintangan sa pagpatay kay Delia Mamaril Maga at sa inaalagaang bata nitong si Nicholas Huang (3 taong gulang).

Ngunit, hindi ganu’n katibay ang ebidensya laban kay Flor. Walang “suspect” sa simula.


Natunton lang ng mga pulis si Flor sa pamamagitan ng diary ni Delia Maga. Dahil dito, hinuli si Flor Contemplacion na madaling nagkumpisal sa krimen. Sa kabila ng lahat, lumitaw ang isang testigo sa katauhan ni Evangeline Parale. Ayon kay Parale, hindi pinatay si Nicholas kundi nalunod. At nang malaman ng nanay nito ang nangyari, doon nito umano pinatay si Delia Maga na kanyang pinagbintangan sa pagkamatay ng kanyang anak. 


Sa kabila ng lumitaw na testigo na pinabubulaanan ang kuwentong si Flor ang pumatay kay Delia Maga at Nicholas Huang, mabagal at mahina ang naging pagkilos ng Philippine Embassy. Ayon sa mga ulat, wala diumanong taga-Philippine Embassy ang dumalo sa mga ‘hearing’ sa kabuuan ng paglilitis kay Flor.


Dalawa ang ebidensyang nakalap ng mga imbestigador kay Flor. Una, ang kanyang kalusugan noong araw ng mismong krimen. Ayon sa kaisa-isang testigong Evangeline Parale, nagkasama sila ni Flor sa ospital at doon nito ibinahagi ang kanyang kalagayang sikolohikal sa araw ng kamatayan nina Maga at Huang. Dumaraan si Flor sa “partial complex seizure” (kakaibang uri ng epilepsy) noong araw ng pagkamatay nina Maga at Huang. Hindi ito tinanggap ng korte kaya’t muling iginiit nito ang pagkakasala ni Flor. Ang ikalawang ebidensya ay ang mismong pahayag ni Flor na siya ay pinahirapan

(tinortyur) para aminin na siya ang pumatay sa dalawa.


Mula Mayo 4, 1991 (araw na natuklasang patay sina Delia Maga at Nicholas Huang) hanggang sa araw ng bitay ni Flor Contemplacion, kakaunti ang nagawa ng pamahalaan para kay Flor. Hindi ito masasabi sa mga grupong tutol sa bitay na kasama rin ang iba’t ibang grupong “anti-death penalty” at “pro-life” mula Simbahang Katoliko na nagkampanya rin sa pagligtas kay Flor Contemplacion. Ano kaya’t tinutukan at pinagtiyagaang tutulan at ipagtanggol ng ating pamahalaan ang pagbitay kay Flor Contemplacion? Baka buhay pa siya ngayon.


At salamat na lang sa tiyaga, malasakit at tuluy-tuloy na pagbabantay ng lahat ng mga grupong inilaban naman ang paglaya ni Mary Jane Veloso sa kanyang kulungan sa Indonesia, malapit na siyang makabalik sa Pilipinas sa ilalim ng programang, “Lipat Kulungan.” 


Hindi pinalalaya si Mary Jane, kundi pinapayagan lang makulong sa sarili niyang bansa. Subalit, malinaw na wala nang intensyon ang pamahalaan ng Indonesia na ipataw ang batas ng bitay kay Mary Jane. Labing-apat na taon mula sa pagkakakulong ni Mary Jane hanggang ngayon, hindi tumigil ang pamahalaan at ang iba’t ibang mga samahan na ilaban ang kaso ni Mary Jane. At kung siya ay pinayagang umuwi na, malinaw na bunga ito ng tuluy-tuloy at sama-samang pagkilos mula diplomasya hanggang mga legal na pamamaraan at ang maraming malikhaing plano para mapanatiling buhay na buhay ang istorya ni Mary Jane.


Ano kaya’t ganundin ang naging pagtulong at pagsuporta ng pamahalaan at ng iba’t ibang grupo kay Flor Contemplacion? Siguro si Flor Contemplacion ang isa sa mga tumulong para hindi mabitay at mabuhay pa’t makauwi sa Inang Bayan si Mary Jane Veloso.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Nov. 17, 2024



Fr. Robert Reyes

Taong 2017 nang italaga ni Pope Francis, bago ang linggo ng Pista ng Kristong Hari, bilang Pandaigdigang Araw ng mga Dukha o World Day of the Poor. 


Para kay Pope Francis ang dukha ay pinakapuso o pinakabuod ng Ebanghelyo. Paulit-ulit binabanggit ang mga dukha sa mga pagtuturo ni Kristo at ng mga apostol. Laging hinahamon ni Kristo ang lahat na huwag ipikit ang mga mata sa kalagayan ng mga dukha sa lahat ng bahagi ng mundo. 


Ang mismong “Sermon sa Bundok” o “Sermon on the Mount”, dito ipinaliwanag ni Kristo ang kadakilaan ng “Dukha sa Espiritu” na hindi mapaghihiwalay sa pagtugon at pagkalinga sa mga dukha sa lipunan o sa mundo.


Malinaw na malalim ang dagok na sinabi ni Cardinal Claudio Hummes kay Cardinal Jorge Mario Bergoglio ng Argentina, nang tiyak na sa bilang ng mga pumapasok na boto na siya na ang bagong Papa ng Simbahang Katoliko Romano. Ibinulong ni Hummes kay Cardinal Bergoglio, “Huwag mong kalilimutan ang mga dukha!” At marahil iyon din ang dahilan kung bakit pinili ni Bergoglio ang pangalang “Francesco” para sa kanyang pagiging Papa. Papa Francesco mula sa patron ng kalikasan at patron ng mga dukha na si San Francesco ng Assisi.


Ang tema ng pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Dukha ay “Umaakyat sa Diyos ang panalangin ng mga Dukha.” (Sirach 21:5). Isang mahaba-habang panalangin ang isasagawa namin ngayong Linggo, Nobyembre 17, 2024. Babalik tayo sa parokyang pinanggalingan, ang San Isidro Labrador. Mula ika-7:00 ng umaga hanggang ika-11:00 ng umaga, magtitipun-tipon ang mga maralitang taga-lungsod ng NIA Road at mula rin sa mga pamayanan ng maralitang taga-lungsod sa mga karatig na lugar. 


Ito ang iskedyul ng pagdiriwang:


7:00 nu: Kape at Pandesal sa Health Center ng Barangay Pinyahan, kasama na Bishop-elect Padre Elias Ayuban ng Diyosesis ng Cubao


8:00 nu: Magtutulak ng Kariton ni Kiko si Bishop Ayuban, kasama ng mga maralitang taga-lungsod mula Barangay Pinyahan Health Center hanggang NIA Road

8:30 nu: Pagdating sa NIA Road, paghahanda para sa Misa

9:00 nu: Misa na pamumunuan ni Bishop Elect Elias Ayuban


Sermon ni Bishop Elect Ayuban at pagbabahagi ng ilang kinatawan ng maralitang taga-lungsod.


10:15 nu: Kamayan Agape ng mga Maralitang Taga-lungsod kasama si Bishop Elect Elias Ayuban


11:15 nu: Paalaman, Pasalamatan. Pagbabasbas ni Bishop-Elect Elias Ayuban


Bagama’t hindi pa siya ganap na obispo ng Cubao, napakalaking pasasalamat ng mga bumubuo ng Urban Poor Ministry ng Diyosesis ng Cubao kay Bishop-Elect Ayuban sa kanyang pagpapaunlak sa paanyayang pangunahan ang pagdiriwang ng Pandaigdigang


Araw ng mga Dukha. Tiyak na maaalala ito ng mga maralitang taga-lungsod na malaking bahagi ng mga dukha sa buong bansa. Siguradong maaalala rin ito ng bagong obispo ng Cubao sa mga darating na taon. 


Tulad ni Papa Francesco na pinaalalahanan ni Cardinal Claudio Hummes na huwag kalilimutan ang mga dukha, ganu’n na rin ang munting mensahe ng mga dukha kay Bishop Elect Elias Ayuban. “Obispo Ayuban, huwag na huwag niyo po kaming kalilimutan,” anila.


Hindi lang para kay Papa Francesco o para sa bagong obispo ng Cubao, Bishop Elias Ayuban, kundi para sa lahat ng may posisyon, kapangyarihan at salaping maaaring gamitin para sa iba’t ibang pangangailangan ng tao, lalo na ng mga dukha ang mensaheng ito. 


Kailangang ipaalala sa presidente ng Pilipinas, sa mga senador, kongresista, gobernador, mayor, mga konsehal at kagawad na, “Huwag na huwag ninyong kalilimutan ang mga mahihirap!” 


At hindi lang dito sa atin kundi sa lahat ng bansa sa buong mundo. Huwag sana ninyong unahin ang inyong mga pansariling interes o ng interes ng inyong mga kamag-anak, kaibigan, kaeskwela at kasosyo sa kalakal.


Dumaan na ang mga bagyo tulad nina ‘Carina’, ‘Kristy’ at ‘Marce’. Wasak ang Batanes at maraming bahagi ng Bicol, Batangas, Cagayan Valley at Isabela. Ganu’n na lang ang panaghoy ng mga maliliit na magsasaka na hindi lang ang mga bahay ang tinangay kundi ang kanilang mga tanim na palay at mga alagang kalabaw, baka, baboy, manok at iba pa. Sino nga ba ang unang tinatamaan ng mga bagyo, baha, guho, sabog ng bulkan, lindol, tsunami, storm surge, at kung anu-ano pa? Hindi ba’t ang mga dukha na kung

minsan ay nakakalimutan ng marami?


Oo, kailangang paalalahanan ang lahat na huwag na huwag nating kalilimutan ang mga dukha! Dahil kung magagawa natin silang kalimutan ay ganoon din natin kadaling kalimutan ang Diyos.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Nov. 11, 2024



Fr. Robert Reyes

Nagpaalam na kamakailan si Obispo Honesto Ongtioco, ang retiradong obispo ng Diyosesis ng Cubao. 


Araw-araw sa mga misa sa lahat ng 49 na Parokya ng Diyosesis ng Cubao, pinasasalamatan at ipinagdarasal ang nasabing obispo ng Cubao. Ngayong natapos na ng retiradong obispo ang kanyang paglilingkod, kailangang magsimula ang paghahanda sa isa pang bagong yugto sa buhay ng batang-batang 21 taong diyosesis. Tunay na nagpapasalamat at nagpapaalam na, ngunit hindi tumitigil at natatapos ang pangangarap. Hindi nawawala, naglalaho at namamatay ang pag-asa.          


Talagang napakabilis ng panahon. Naalala pa natin na isang araw ng Agosto, taong 2003 nang itinalagang unang obispo ng Cubao si Obispo Honesto Ongtioco. Hindi natin maalala kung merong matinding damdamin o kaisipang dumagok sa dibdib at pumasok sa ulo. Ang alam ko lang at batid ng marami na bago ang lahat, ang diyosesis ng Cubao at ang obispo ng diyosesis ng Cubao. Bago ang lahat at sana’y tunay ngang magbago ang lahat.


Mayroong tindahan ng muebles, lamesa, upuan, aparador at marami pang iba’t ibang gamit sa bahay na pag-aari ng isang parokyanong nakilala natin sa parokya na pinakahuling assignment na ibinigay sa atin ni Jaime Cardinal Sin. Ang pangalan ng tindahan ng muebles ay “Luma’t Bago.” At tulad ng tindahan ng muebles, ganoon ang kalagayan ng bagong diyosesis ng Cubao, luma at bago ito. Luma, dahil karamihan ng pari ay galing sa lumang arkidiyosesis ng Maynila na nasa ilalim ng malapit nang magpaalam din na Jaime Cardinal Sin. Hindi na bago sa marami si Jaime Cardinal Sin.


Kilala na siya sa kanyang kakaibang pamumuno sa gitna ng sari-saring hamon ng panahon. Siya ang cardinal ng Maynila mula pa nu’ng simula ng panunungkulan ni yumaong Pres. Ferdinand Edralin Marcos hanggang sa katapusan ng 21 taon ng pagkapit nito sa kapangyarihan.


Naupo ng 21 taon si Marcos at nagkataong 21 taon ding naglingkod si Obispo Honesto Ongtioco.


Dalawang taon matapos ang simula ng bagong diyosesis ng Cubao at pagtatalaga sa kanyang bagong obispo, namatay si Jaime Cardinal Sin noong Hunyo 21, 2005. 


Nang namatay si Cardinal Sin, 21 taon na rin tayong naglilingkod bilang pari. At sa loob ng mga taong iyon, lahat ay nasa ilalim ng butihing cardinal. Anu-ano ang naranasan nating mga hamon sa ilalim ng pamumuno ng yumaong cardinal? Napakarami at punung-puno kami ng pasasalamat at paghanga sa pamumuno ni Cardinal Sin.


Sa loob ng 21 taon din ng paglilingkod ng dating obispo ng Cubao, napakarami ring hamon at pangarap na hinarap at pinanghawakan. Napakahirap, napakamapanganib ngunit tunay namang napakayaman sa kahulugan at kahalagahan ng nagdaang 21 taon, mula kay GMA (9 na taon), PNoy (6 na taon), Duterte (6 na taon) at BBM (mahigit 2 taon).


At sa loob ng nakaraang mga taong iyon, naranasan natin ang pananahimik at pag-iwas sa pagharap at paghamon ng simbahan sa kasamaan. 


Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa pagdating ng bagong Obispo Elias Ayuban. Ang alam ko lang ay hindi mawawala ang mga hamon at pagtataya. Hindi rin mawawala’t mamamatay ang pangangarap. Salamat Obispo Honesto Ongtioco, ngunit tuloy pa rin, kasama ng Diyos at ng mga mahihirap, tuluy-tuloy ang pangangarap at pagtataya!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page