top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 2, 2024



Fr. Robert Reyes

Unang linggo na ng Adbiyento at apat na linggo na lang ay Pasko na. Ano kayang kakaiba sa Paskong darating? Mayroon kayang masaya’t magandang balita? Mukhang walang tiyak at malinaw na sagot ang mga katanungang ito. 


Makakatulong marahil ang ebanghelyo tungkol sa punong igos noong nakaraang Biyernes. Ito ang sabi ng ebanghelyo: “At sinabi ni Jesus sa kanila ang isang talinghaga,

“Tingnan ninyo ang punong igos at ang ibang mga puno. Pagkakita ninyong nagdadahon na ang mga ito, alam ninyong malapit na ang tag-nit. Gayundin naman, ‘pag napansin ninyo ang mga ito, alam ninyong malapit na ang paghahari ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo na hindi lilipas ang salinlahing ito at mangyayari ang lahat ng ito. Lilipas ang langit at lupa ngunit, hindi lilipas ang aking mga salita.” (Lucas 21:29-33)


Pansinin ang kalikasan, tingnan ang punong igos. Ito ang unang bilin ng Panginoon. Huwag maging bulag sa ipinapahiwatig ng kalikasan. Matatapos at matatapos din ang taglamig, ang kadalasa’y brutal na lamig ng taglamig (o winter). Hindi mapipigil ang katapusan ng tag-ulan at ang pagsunod ng tag-init. At ganyan din ang tag-init na mapapalitan ng tag-ulan at taglamig.



Nagbabago ang panahon at hindi nananatili at laging umuusad. Sa kanluran merong apat na panahon: narinig natin noong araw ang awit, “Winter, Spring, Summer and Fall… you’ve got a friend.” Apat na yugto ng taon at ang pagkakaibigan. Kung nagbabago ang panahon, hindi ba’t magbabago din, paganda o hindi, palalim o hindi ang pagkakaibigan? Ano ang takbo ng mundo ng tao? Iba ba ito sa kaharian ng Diyos? Maraming ilusyon ang mundo ng tao. Nangunguna na ang mga ilusyon ng pera, kapangyarihan, lakas, ari-arian. At balutin mo pa ang lahat ng ito ng palamuti ng unli. Unli money! 

Noon ang kanta ay “I want to be a millionaire.” Iba na ngayon, “I want to be a billionaire!” Unli power! Tingnan natin ang kasalukuyang bangayan ng dalawang makapangyarihang dinastiya. Para sa tao ba ang kanilang away o para sa kani-kanilang pamilya? Kapangyarihan pa more! Kapangyarihan forever! 

Habang napapako tayo sa kahibangan ng mundo ng unli, hindi natin napapansin ang pagdating ng kaharian ng Diyos. Matatapos at magbabago ang lahat ngunit hindi matatapos ang walang katapusan. Hindi mababago ang walang pagkaluma, walang pagkakupas na kaharian ng Diyos.


Napakaraming ilusyon na pumapatay at nakamamatay. Hindi natin pansin o ayaw nating pansinin na lumilipas, kumukupas, nawawala ang lahat ngunit mayroong laging bago, laging buhay, laging bumubuhay. “Lilipas ang langit at lupa, ngunit hindi lilipas ang aking salita!” Ito ang sinabi ni Kristo noon, at totoo ito hanggang ngayon.

Pumasok na ang Disyembre. Unang linggo na rin ng Adbiyento. Lumalamig na at ramdam na ang malapit na Pasko. 


Pasaya na nang pasaya ang kapaligiran. Dumarami ang mga kumukutitap na Christmas lights. Dumarami ang mga palamuting pamasko. Nakatutuwa, nakabubusog sa mata, ngunit ito ba ang Pasko? Gusto ng mundo ang mga kumikislap na ilaw. Tingnan natin ang lahat ng mall. Gusto ng mundo ang mga regalo. Tingnan natin muli ang mga mall. Ngunit, ito nga ba ang Pasko? Tingnan natin ang ating kalooban. Ano ang nasa loob natin? May bago ba o kumukutitap ba? May mga regalo ba?


Nasa 24 na taon na ang nagdaan nang tumakbo ako nang tumakbo sa paligid ng mga mall na sumisigaw at nagmumudmod ng polyeto, “Wala sa mall ang sanggol!” Nagalit at binugaw akong paalis ng mga guwardiya. Ngunit hindi ako tumigil tumakbo at sumigaw, “Wala sa mall ang sanggol!”


Darating na Siya at hindi ito mapipigilan. Darating na siya, hindi sa labas, hindi sa mall, at hindi sa ilaw at regalo. Darating na siya sa ating kalooban. Bubuksan ba natin ang ating mga puso sa Kanya? Nasaan ba siya? Paano natin Siya sasalubungin at papapasukin? Paparating na Siya sa katauhan ng mga taong dapat nating mahalin, patawarin, tanggapin muli.


Simple ngunit totoo ang panawagan ni Mayor Magalong sa mga Marcos at Duterte: “Mag-usap at magkasundo na kayo… alang-alang sa taumbayan.” 


Wala sa labas ang problema. Pinadadami ang mga tao sa EDSA Shrine. Nag-i-instagram naman ang Pangulo. Ngunit hindi naman sila nag-uusap. Kanya-kanyang pangkat at kanya-kanyang ilusyon, samantalang tuloy lang ang paghihirap ng marami. ‘Wag ka at baka nag-iilusyon din ang marami. 


Manahimik, pumikit, manalangin, parating na kayo. Tulungan ninyo kaming sumalubong, tumanggap, magpatuloy sa inyo Panginoon. Amen.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Nov. 30, 2024



Fr. Robert Reyes

Mahigit nang dalawang taon ang lumipas mula nang kumilos ang kapariang Katolikong Filipino sa pagsulong ng moral na pagpili sa halalan. 


Nagbuklud-buklod ang libu-libong kapariang Katolikong Filipino upang hikayatin ang lahat na pumili ng kandidatong batay sa pamantayang moral. Ito ang dahilan sa pagbuo ng Clergy for the Moral Choice o CMC bago ang pambansang halalan noong 2022. 


Sa lahat ng mga kandidato sa pagka-pangulo nakita ng grupo na si dating Vice President Leni Robredo ang pinakamalinis na kandidatong maaaring iahon ang bansa hindi lang sa materyal kundi sa espirituwal at moral na kahirapan. Kaya’t nagtulungan ang mga pari upang ipaliwanag sa lahat kung bakit si Leni ang pinakamalinis at kanais-nais na kandidato sa pagka-pangulo.


Alam na ng lahat ang kaduda-dudang resulta ng halalan na paspasang natapos sa loob ng isang oras mula sa pagsara ng mga presinto noong Mayo 9, 2022. Sa sobrang bilis at laki ng bilang ng mga boto ng nanalo, iisa lang ang nais nitong palabasin. Sa loob pa lang ng isang oras mahigit nang 21 milyong boto ang pumasok para sa nangunguna, imposible nang habulin ito ng sinumang kasunod na kandidato. 


Maraming nalungkot at nadismaya sa katahimikan ng mga naapektuhang kandidato, lalo na ng kampo ni Leni Robredo. Subalit, hindi ganoon ang naging tugon ng ilang grupong tumayo sa harap ng Korte Suprema at Comelec mula 2022 hanggang kasalukuyan. Naroroon ang grupo nina General Ely Rio; Gus Lagman at Frank Ysaac o ang TNTrio. Naroroon din ang malawakang alyansa ng mga iba’t ibang grupong tutol sa dayaan at pambubusabos sa halalan na tinawag ang kanilang sarili na Solidarity for Truth and Justice.


Bunga ng lahat ng mga nangyari at patuloy na nangyayari, isinilang ang grupong Clergy for Good Governance o CGG. Inilunsad ito noong nakaraang Biyernes, Nobyembre 29, 2024 sa Immaculate Conception Cathedral ng Diyosesis ng Cubao. Bunga ang pagkakatatag ng grupo ng paglagda ng 12 obispo at mahigit 200 kapariang Katolikong Filipino.


Pinagbubuklod ang kapariang kasapi ng bagong kilusan ng mga sumusunod na pitong paninindigan:


Una, ang pagtaguyod ng mabuting pamamahala. Itinataguyod ang pagbabago sa lipunan at ang integral human development.


Pangalawa, ang reporma sa halalan. Isinusulong ang hybrid election system at partylist reforms upang masiguro ang malinis at tapat na halalan.


Pangatlo, ang paglaban sa political dynasties at elitismo. Kinikilala nila ang negatibong epekto ng political dynasties at elitism sa lipunan.


Pang-apat, ang laban sa korupsiyon. Naninindigan laban sa sistematikong korupsiyon at maling impormasyon.


Panlima, ang pagtutok sa karapatang pantao. Pinangangalagaan ang dignidad at karapatan ng bawat indibidwal.


Pang-anim, ang pangangalaga sa kalikasan. Aktibo nilang isinusulong ang mga programang nakatuon sa sustainability.


Pangpito, ang pagtataguyod sa pambansang interes at soberanya. Hinaharap ang mga isyu ukol sa utang panloob at panlabas; kapayapaan at soberanya ng bansa.


Hindi maayos at mapayapa ang kapaligiran samantalang inilulunsad ang bagong grupo ng mga kapariang Katolikong Filipino, ng Clergy for Good Governance. Nagbabangayan at nagkakagulo ang dalawang pinakamalaking dinastiya sa ating bansa. Habang isinasagawa ang legal na imbestigasyon hinggil sa paglulustay ng napakalaking halaga ng isang paksyon at sa pagkakasangkot nito sa napakaraming kaso ng extrajudicial killings, siya namang paggamit ng hindi legal na pamamaraan ng lantarang pagbabanta sa buhay ng ilang nasa katunggaling panig at ang hayagang pagbubusabos sa legal at pormal na proseso ng pag-iimbestiga sa Kamara (Quad at Quinta Committee) at Senado.


Sa paglunsad sa Clergy for Good Governance, magsisimula na ang misyon ng tuluy-tuloy na pagmumulat at paghuhubog ng taumbayan para hindi na magpabiktima sa sistema ng korupsiyon at maling pamamahala ng mga makapangyarihang pamilya na tila ginawa nang personal na pag-aari ang mga lalawigan, siyudad, bayan at mga barangay.


Naitanim na naman ang isa pang mabuting binhi. Pagpalain po ninyo Panginoon ang inyong mga lingkod. Gamitin po ninyo kami para luminis at lumaya ang lahat sa salot ng kasakiman, kasinungalingan at karahasan. Amen.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Nov. 24, 2024



Fr. Robert Reyes

Isang buwan pa subalit abala na ang lahat dahil malapit na malapit na ang Pasko. Ganoon na lang kahalaga ang Pasko sa ating mga Pinoy na kahit Setyembre pa lamang ay naghahanda na para sa nasabing pagdiriwang. Sana lang nga ay tama at maayos ang ginagawang paghahanda at selebrasyon natin nito. 


At sa Pista ni Kristong Hari ngayong Linggo, ipinagdiriwang natin ang pinakahuling Linggo ng taon, at iaalay natin sa Kanya ang papuri at pasasalamat, sa katapusan ng buong taong liturhiko. Tunay na si Kristo ang simula at katapusan ng lahat. Siya nga ang alpha at omega! Ito ang isa sa pinakamahalagang bahagi ng paghahanda. 


Sa araw na ito, Pista ni Kristong Hari ng Lahat ay kailangang tingnan ang hantungan at katapusan ng lahat. Magtatapos na ang buong taon ng kalendaryong liturhiko na nagsimula sa unang Linggo ng adbiyento noong isang taon. 


Ngayong Pista ni Kristong Hari ang huling Linggo ng taon at huling araw ng patapos na taong liturhiko 2023-2024. 


Sa isang linggo, unang Linggo ng adbiyento ay ang unang araw ng bagong taong liturhiko 2024-2025. Hindi pansin ng marami ang pag-inog ng pagtatapos at pagsisimula. Magkahalong lungkot at pasasalamat ang diwa ng araw na ito. Napakaraming nangyari sa patapos na taon. Napakaraming masaya’t malungkot na kaganapan.


Sari-saring sakuna, natural at pulitikal ang bumayo sa abang mamamayan at bansa. Mula kay Bagyong Carina noong Hulyo hanggang kay “Pepito” ngayong Nobyembre na lumikha ng napakalaking pinsala sa Sta. Ana Cagayan, maraming bahagi ng Isabela, Bicol, Batangas, Catanduanes at Batanes. 


Mula kay ex-Mayor Alice Guo hanggang kay Pastor Apollo Quiboloy, VP Sara Duterte at Royina Garma, na ngayon ay mismong si ex-President Rodrigo Duterte ang lumalabas na mga isyu.


Malinaw sa sakuna ng kalikasan ang katapusan ng mga bundok, lawa, batis, ilog at dagat. Malinaw din ang katapusan ng mga hayop, mga ibon at isda. Ngunit tila hindi natin makita na kasama at hindi tayo mahihiwalay sa lahat ng may katapusan. Kay daming namatay sa mga nagdaang bagyo, mga natabunan sa gumuhong lupa, mga nalunod sa biglang pagtaas at rumaragasang tubig. 


Marahil, dumadahilan ang marami na buhay pa. Malas lang siguro sila. Suwerte naman kami. Ngunit hanggang kailan at gaano katagal ang ating suwerte?


Lumabas na ang arrest warrant ng International Criminal Court laban kay Prime Minister Benjamin Netanyahu ng Israel at kay Yoav Gallant, ang kanyang dating Defense minister para sa crimes against humanity sa patuloy na pagtugis ng Israel sa Hamas sa Gaza Strip na bumuwis na ng mahigit 44,000 Palestino at 1,139 Israeli. 


Naglabas din ng warrant of arrest laban kay Mohammed Deif, lider ng Hamas dahil sa isinagawa nitong pag-atake sa Israel noong Oktubre 7, 2023 (sa Nova Music Festival, Southern Israel) na maraming Israeli ang namatay.


Hinihintay na lang ng marami na mangyari rin ito laban sa mga sangkot sa madugong giyera laban sa droga ng nakaraang administrasyon. Anuman ang mangyari, makulong man o hindi ang mga kinasuhan at pinahuli, mahalagang makita nila ang katapusan ng kapangyarihan. ‘Ika nga, “walang forever para sa lahat ng bagay!” 


Hanggang kailan nasa kapangyarihan sina Russian Pres. Vladimir Putin o Pres. Xi Jinping ng China? Hanggang kailan si US President-elect Donald Trump o si Pres. Bongbong Marcos magtatapos sa kapangyarihan? 


Ngunit hindi ito kinikilala ng mga dambuhalang billboard ng mga kandidatong trapo na nakabalandra sa gitna, gilid, itaas ng EDSA, NLEX, SLEX at sa lahat ng mga kalye. 

Naglalakihang pinotoshop at niretokeng mga mukha ng mga trapo ang, “in da face!” na bumubungad sa atin araw-araw sa ayaw at gusto natin. Iisa lang ang sinasabi ng mga ito, “Nandito kami! Iboboto ninyo kami! Hindi ba ninyo nakikita, forever kami!”


At ito rin ang gagastusan ng marami para sa darating na halalan 2025. “Tatakbo muli kami at titiyakin naming mananalo muli kami. At alam na namin kung paano laging manalo dahil susi ang halalan para sa aming pananatili!” Ito ang nagsisilbing ilusyon ng mga hari at reyna ng mundo.   


Kay hirap talagang tanggapin ang katapusan. Kay hirap tanggapin ang ating kaliitan, ang ating pagiging hamak at wala. 


“Christus vincit. Christus regnat. Christus, Christus imperat!” Si Kristo ang magtatagumpay. Si Kristo ang maghahari sa lahat!


Minsan sa isang taon, sa huling Linggo bago mag-unang Linggo ng adbiyento, pinaaalalahanan tayo na ang lahat ay may katapusan at matatapos kay Kristo ang haring nagtagumpay maski na sa kamatayan. Si Kristong Hari na walang katapusan!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page