top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 16, 2024



Fr. Robert Reyes

Tungkol sa dalawang kakaibang babae ang ebanghelyo noong nakaraang Huwebes. Matanda at hindi magkaanak ang una. Bata at wala pang asawa subalit may katipan ang pangalawa. Ngunit, pinili ng Diyos ang dalawa upang paghimalaan. 


Pinagkalooban ang una ng anak sa kanyang katandaan. Ang ikalawa, ang batang babae na sinabihang, “Maglilihi ka at ipanganganak mo ang isang lalaking tatawaging Jesus.” Ito ang kakaibang istorya ng magpinsang Elizabeth at Maria. Ina ni Juan Bautista ang una, at ina naman ng ating Panginoong Hesus ang pangalawa.


Hindi ibinulgar ng dalawa ang milagrong ginawa ng Diyos sa kanila. Natuklasan na lang ng mga kamag-anak at kapitbahay ni Elizabeth ang hiwaga ng paglilihi niya sa kabila ng kanyang katandaan. Ang mga karaniwang pastol at ang kanilang mga hayop ang saksi sa paglitaw ng bagong silang na banal na sanggol. Doon sa katahimikan ng sinapupunan ng dalawang babae naganap ang dakila’t banal na mga himala ng Diyos.


Ibang-iba ang “kadakilaang” hinahanap ng mundo. Tingnan natin ang naging kapalaran ng dalawang indibidwal din, sina Carlos Yulo at Sofronio Vasquez. Alam nating lahat ang natanggap na karangalan ni Carlos Yulo sa kanyang pagwawagi ng dalawang medalyang ginto sa katatapos lang na Paris Olympics 2024. Hinangaan, pinalakpakan at pinasalamatan ng lahat si Carlos. At tunay namang kahanga-hanga ang kanyang tagumpay at ang malaking pakinabang nito sa kanyang buhay. Sumikat siya sa buong mundo at yumaman sa tinanggap na premyo mula sa Olympic Committee, sa ating gobyerno at sa iba’t ibang pribadong indibidwal at mga korporasyon na nagbigay ng pabuya dahil sa idinulot niyang kadakilaan sa ating bansa. Ngunit, nabahiran ang lahat ng ito ng mga bagay na bunga ng mga pangyayari sa paligid ni Carlos na maaari niyang iwasan pero hindi niya nagawa. Kaya sa kaso ni Carlos Yulo, maraming hindi magandang debate at batikusan pa sa mga pabor o tutol sa kanyang mga sinabi at ginawa, pagkatapos ng kanyang pagkapanalo ng dalawang Olympic medals.

Nang pinagninilayan natin ang buhay ni Maria at ng pinsan niyang Elizabeth noong nakaraang Miyerkules ng gabi, biglang bumungad sa aking mga tainga at mata ang masayang balita na nanalo ang kauna-unahang Asian at pinakaunang Pinoy sa America Got Talent. Nanalo sa isang timpalak sa Amerika ang isang hindi Amerikano, kundi isang Filipino. Natalo niya ang mga lumahok na ‘puti’. Kaya ganoon na lang ang puri sa kanya ng kanyang coach na si Michael Buble. Sabi ni Buble, “Proud sa iyo, hindi lang ang iyong mga kababayan kundi ang milyun-milyong mga taga-Asia na nakita ang iyong tunay at hindi matatawarang galing.”


Sadyang masaya hindi lang si Sofronio kundi ang lahat ng kanyang kababayan. Malayo ang narating ng batang galing sa mahirap na pamilya sa Misamis Oriental. Ayon mismo sa kuwento ni Sofronio, “Kami ay mahirap lamang. Ngunit, sa kabila ng kawalan, merong boses at merong awit. Kaligayahan at lakas ko ang musika.” Tiyak na malinaw ito sa kalooban ng batang dukha, ang lakas at galak na dulot sa kanya ng musika sa gitna ng kahirapan ng kanyang pamilya.


Nakasisilaw ang maraming bagay sa buhay, tulad ng katanyagan, salapi, kapangyarihan, rangya at labis na ari-arian. Sana hindi masilaw si Sofronio. Sana, marinig niya ang munti at tahimik na tinig sa kanyang puso. At doon sa kalaliman ng kanyang puso matagpuan din niya ang sama-samang pasasalamat ng mga kababayang uhaw na uhaw sa tunay at malalim na kadakilaan.


Napakahalaga ng pakikinig sa mahinahon at mahiwagang tinig ng kadakilaan at kahiwagaan. Ito ang tinig na narinig nina Elizabeth at Maria. Sinugo ng Diyos ang kanyang mga anghel na gumulat sa dalawang babaeng manghang-mangha sa mga ginawa at patuloy na ginagawa ng Diyos sa kanila. Napakaraming tinig na naririnig nina Carlos at Sofronio ngunit hindi nila dapat balewalain ang tinig na higit na mahalaga sa lahat.


Ito ang ginawa ng dalawang babae na sa kanilang buong buhay, ni minsan hindi nila binalewala at tinalikuran ang tinig na pinakamahalaga sa lahat, ang tinig ng tahimik at malalim na kadakilaan at kabanalan ng Diyos.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 8, 2024



Fr. Robert Reyes

Ika-8 ng Disyembre ngayon, Pista ng Birhen ng Immaculada Concepcion, ang paglilihing walang sala ng ating Mahal na Birheng Maria, ina ni Hesus, ina ng Diyos. 


Mahalaga ang pistang ito dahil ipinagdiriwang ang katangian ni Maria na nagbibigay sa kanya ng kapwa karapatan at karangalan na maging ina ni Hesus, ina ng Diyos. Paano magiging ina ni Hesus, ina ng Diyos si Maria, isang karaniwang babae? Meron ba siyang kakaibang katangian upang siya ang mapiling magbigay buhay sa misong bukal ng buhay?


Natutunan ng lahat ng Katoliko sa kanilang katekismo ang tungkol sa “kasalanang mana.” Makasalanan ang ating mga unang magulang na sina Adan at Eva. Sinuway nila ang Diyos dahil sa tukso ng demonyo na nag-anyong ahas sa hardin ng Eden. Bago sila matukso, malaya at masaya silang gumagala sa malawak at masaganang hardin ng Eden. Puno ng punong prutas at mga gulay ang hardin, kaya’t malinis at walang dugo ang kanilang kinakain. Merong isang puno na hindi nila dapat lapitan at pitasan ng bunga. Ito ang puno ng “kaalaman ng kabutihan at kasamaan.” Maaaring puntahan at pitasan nila ang iba’tibang puno ngunit hindi ang punong ito. At ito ang tukso ng demonyo, “Lapitan at pitasan at kainin ninyo ang bunga ng punong ito at kayo ay magkakaroon ng karunungan ng Diyos. At kayo ay magiging tulad ng Diyos.” Marahil, naisip nina Eva at Adan na hindi lang sila magiging tulad ng Diyos, baka kapag kinain nila ang kakaibang prutas na ito, sila ay hindi lang magiging katulad kundi magiging diyos din!

Ito ang unang kasalanan, ang kasalanan ng kayabangan. Itong kayabangan ang kalimutan, na ating hamak na kalikasan bilang mga nilikha. Hindi tayo masama ngunit hindi rin tayo ligtas sa kasamaan, kahinaan at kamatayan. Kailangan nating kilalanin ang ating kalikasan upang maiwasan ang kapahamakan. Kapag tayo ay yumabang, babalewalain natin ang maraming bagay. Babalewalain natin ang lason sa lahat ng uri at antas nito mula pagkain hanggang gawa, ugnayan sa lahat, sa tao at sa lahat ng nilikha at higit sa lahat babalewalain natin ang lason sa ating pagtingin at pakikitungo sa Diyos.


Hindi ba’t lason ang kayabangan ng maraming tao sa mundo ngayon? Tingnan natin ang nangyayaring giyera at kaguluhan sa Ukraine at Palestine. Hindi ba ito bunga ng kayabangan ng mga namumuno ng mga makapangyarihang bansa? Ilang pakiusap na ang pinaaabot ng United Nations sa lider ng Russia at lider ng Israel upang itigil na ang mapanira’t makamandag at nakamamatay na digma gayundin ang Ukraine at Hamas sa Palestine. Hindi ba’t lason din ang kayabangan ng dalawang nag-uumpugang bundok ng mga makapangyarihang pamilyang pulitikal sa ating bansa? Katatapos lang ng nakapagtatakang panawagan ng mga puwersang lumaban sa mga naturang dilawan ng EDSA Uno. Doon sa EDSA Shrine ni Maria, Ina ng Kapayapaan, nanawagan ang grupo na ang lider ay tinawag na “istupido” ang Diyos, “Tara na at mag-People Power tayo upang suportahan ang aming inuusig na lider.”


Matagal na ang lason ng uri ng pulitikang umiiral sa ating bansa. Masyadong kalat at malalim na ang kagat at kapit ng lasong ito sa marami. Kaya’t may debateng mainit na nagaganap ngayon. Ginigiit ng isang panig, “Dapat ma-impeach na si VP Sara.” Sabi naman ng kabilang panig, “Wala nang panahon dahil eleksyon na sa isang taon, maaaring matapos ang debate sa Kongreso at maipadala na ang “articles of impeachment” laban kay VP Sara sa Senado. Subalit, walang mangyayari sa Senado dahil tila mas maraming kakampi ang anak na babae at ang kanyang ama sa mga senador. Kaya mas epektibong kasuhan sa halip na ipa-impeach si VP Sara.”


Mahalaga ang debateng ito, mahalaga na maging bukas ang lahat na pag-aralan nang husto ang tunay na nangyayari sa ating lipunan. Mahalagang tingnan at unawain ang mga pangunahing problema at tukuyin ang ugat ng mga ito.


Natukso ang ating mga unang magulang at sa halip na manatiling inosente, malinis at payak ang kanilang buhay, sumilid sa kanilang isipan ang paghahangad sa kapangyarihan. “At kung kakainin namin ang prutas mula sa ipinagbabawal na puno, kami ay magiging tulad Niya. Kami ay magiging marunong, magiging… diyos!”


Ginanap kagabi sa aming parokya ang isang panayam tungkol sa “Buhay na Pagkain.”


Tila walang kaugnayan ito sa usapin ng mga lason sa lipunan. Ngunit, sa totoo lang, kung meron tayong maaaring simulan upang lumaya sa lason na sumisira at pumapatay sa tao, kalikasan at lipunan, simulan muna natin sa pagkain.


Linisin natin ang ating kinakain. Tanggalin, iwasan ang lason ng artipisyal, karne, labis na asin, asukal, mamantika (baboy). Iwasan ang mga delata at mga processed food. Iwasan ang mga fast food at junk food. Teka, meron nga palang koneksyon. Sino ba ang gumagawa at nagbebenta ng junk at fast food? Sino ba ang nagpaparami at nagbebenta ng mga hayop na pinatataba sa mga pagkain o “feeds” na kahina-hinala? Hindi ba sila-sila rin?


Kung merong likas na pagkain, pagkaing buhay, meron ding likas na pulitika, pulitikang buhay!

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 7, 2024



Fr. Robert Reyes

Tatlong impeachment ang nasaksihan at nalahukan natin. Mula sa impeachment complaint kay dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada hanggang ang tangkang i-impeach si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at itong impeachment case ni VP Sara Duterte. 


Hindi man tayo miyembro ng Kamara o Senado, halos natutunan na natin ang proseso ng sensitibong tungkulin ng dalawang kapulungan ng Kongreso. 


Mula paghahain ng impeachment complaint, mula sa mga karaniwang mamamayan, na hindi lang isa kundi dalawa at higit pa, hanggang sa pagboto at pagpasa nito sa Kongreso, hanggang sa pagpapadala ng mga ‘articles of impeachment’ sa Senado ay madugong proseso ito na pagdedebatehan ng dalawa o mahigit pang pangkat.


Mapapanood at maririnig ang mga argumento ng iba’t ibang panig para at laban sa impeachment.


Batikos ng marami, walang kuwentang pulitika ito at pag-aaksaya ng panahon. Ngunit, napakaraming matututunan dahil lalabas ang mga legal at ilegal na gawain ng nasasakdal. Matututunan ang batas at ang pag-abuso, pagbaluktot dito. Makikita at malalaman ang napakapangit na sabwatan ng mga nasa puwesto para makuha nila ang kanilang gusto, mula pera hanggang posisyon na siyang mga sangkap ng marumi at maling pamamahala. 


Natanggal si Erap o sumuko si Erap noong nagsimula siyang litisin ng Senado matapos na pagdebatehan at pagbotohan ng Kongreso ang impeachment complaint laban sa kanya. Nasaksihan natin ang ilang sesyon sa Kamara at Senado, at naroroon din tayo sa EDSA Shrine noong araw na naganap ang “withdrawal of support” o pagbawi ng suporta ng mga sundalo at pulis sa pamumuno ni Gen. Angelo Reyes.


Sa pagbawi ng suporta ng military at kapulisan, napilitang bumaba at magbitiw sa posisyon ni Erap at pumalit naman si Vice President Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa loob ng tatlo hanggang siyam na taong panunungkulan ni Pangulong GMA, naroroon tayong nagmamasid at nag-aaral ng may kritikal na mata sa panunungkulan ni PGMA.


Malinaw kung paano ginamit ng pangulo sa loob ng siyam na taon ang kanyang kapangyarihan para sa kanyang ‘interes’ at ng pamilya. Humantong ang mahabang panahon ng pagbabantay kay GMA sa isang mahalagang pagpupulong ng mga Obispong Katoliko noong Hulyo 6, 2005.


Noong Hulyo 8, 2005, naunang kumilos ang 10 miyembro ng gabinete ni GMA na nagpulong sa Hyatt Hotel upang ilabas ang kanilang pahayag ng pagbawi ng suporta at tiwala sa kanya. Ito ang dahilan kung bakit sila’y tinawag na Hyatt 10. Makaraan ang dalawang araw, Hulyo 10, tayo naman ang nagsagawa ng pagkilos sa People Power Monument sa EDSA. Nagdaos tayo ng “indefinite hunger strike” na humihinging mag-resign si GMA sa People Power Monument.


Mula umaga hanggang hapon, hiningi ko sa mga Obispong Katoliko na pagresaynin si GMA. Samantalang nagsimula tayo ng Black Fast o ang hindi pagkain at pag-inom sa loob ng 24 na oras, hinintay natin ang pahayag ng mga Obispong Katoliko hinggil sa kanilang pasya tungkol kay GMA. Nakadidismaya ang kanilang inilabas na pahayag, pagkaraan ng napakahabang paliwanag: “We are not asking her to resign!”


Dahil doon, tumagal tayo ng 44 na araw na hindi kumakain ng anumang solidong pagkain, ngunit umiinom naman. Nangayayat tayo at nawalan ng 30 pounds. Pagdating palang ng ika-40 araw ng “hunger strike” marami nang pumigil at nagtangkang patigilin tayo. Una sa mga ito ang sarili nating ina na nagsabi, “Anak tumigil ka na, hanggang 40 araw lang nag-ayuno si Kristo, hindi ka si Kristo!”


Tama naman ang aking ina ngunit, medyo may lakas pa ako at matindi pa rin ang galit at pagkadismaya ng marami sa naging desisyon ng Obispong Katoliko. Kaya’t tumagal pa ng apat na araw ang “hunger strike.” At tumagal ng mahigit 100 araw hanggang Disyembre 2005 ang pananatili ng tatlong kubol sa People Power Monument, na nakilalang Kubol ng Pag-asa.


Nagtagumpay ba tayo? Opo, hindi sa paraang inaasahan na pagpapatalsik kay PGMA. Tumagal pa hanggang katapusan ng kanyang termino si PGMA. Natalo ba ang liwanag ng kadiliman, ng kasamaan ang kabutihan? Hindi, dahil hindi tayo tumigil noon hanggang ngayon. Lumaban ang marami sa nangyaring karahasan sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at hanggang ngayon lumalaban pa rin ang marami.


Nagsimula naman ang impeachment process at laban naman ito kay VP Sara, anak ni ex-PRRD. Bagama’t maraming lumalaban na umedad na at matagal nang lumalaban, pinapasa na ng mga ito ang “baton” sa mga susunod na henerasyon. May pag-asa kayang magtagumpay? Tiyak na tiyak nating meron!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page