top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 23, 2024



Fr. Robert Reyes

Balik-likas, balik-pag-asa ang tuluy-tuloy na pinagnilayan ng mga parokyano ng Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa Project 8, Quezon City. Pagkatapos ng pagninilay at panalangin, kasunod na ang pagkilos. 


Sa loob ng siyam na araw, binigyang-diin ang siyam na hamon tungo sa pagbabago ng buhay at kakaibang pagbabalik-loob na tawagin nating Pagbabalik-Kalikasan.


Sa mga naturang araw, isa-isang tiningnan namin ang gastos at trahedya ng pagkalimot at pagtalikod sa mga bagay na likas sa malusog at mabungang buhay ng tao.


Una, kinalimutan at pinabayaan natin ang tamang paghinga at ang baga.


Pangalawa, pinabayaan at inabuso natin ang sistema ng ating pagkain at pagtunaw o maayos na paggamit ng pagkain. Kilalang kantang Pinoy ang “Bahay Kubo,” ngunit nananatiling cute na kanta na lamang ito. Sa sobrang dami ng mga fast food resto sa paligid, nakalimutan at tuluyan na nating tinalikuran ang pagtatanim, pag-ani at pagkain ng gulay.


Pangatlo, maliban na lang kung may polio, na-stroke o na-amputate ang ating mga paa at binti (dahil sa diabetes), ganoon na lang kahalaga ang ating mga paa at ang maayos at mabungang paggamit ng mga ito. Sa mga bansa sa buong daigdig, mahilig at sanay ang marami sa paglalakad o sa pagtakbo. Salamat sa lahat ng uri ng sasakyan sa ‘Pinas, dumadami na ang tinatamad sa paggamit ng kanilang mga paa. Magsisimba na lang sa simbahang walang dalawang daang metro ang layo sa kanilang bahay, maghahanap pa ng dyip, tricycle at ngayon ng Grab taxi o car o ang mas popular na Angkas, Move-it, Joyride at ang nagkalat na mga kolorum na motorsiklo.


Pang-apat, ang isa sa pinakauna at hanggang ngayon pangkaraniwan at batayang bahagi ng katawan para sa paggawa o trabaho ay ang ating mga kamay. Maraming hindi na inaalagaan ang kanilang mga kamay. Hindi na karaniwan ang tinatawag na manual labor lalo na nang maranasan ng lahat ang napakaraming uri ng trabahong online.


Panglima, hindi sapat na maging manggagawa lamang tayo na marunong gumamit ng kamay sa paggawa at paghahanapbuhay. Kaya sinabi ni San Francisco: “Sinuman ang magtrabaho na gamit ang kanyang mga kamay ay manggagawa. Artesano ang sinumang marunong magtrabaho gamit ang kamay at ulo (utak). Alagad ng sining ang sinumang gumagawa na gamit ang kamay, isipan at puso o kalooban.”


Upang ipaliwanag ang tatlong antas ng paggawa mula sa ordinaryong manggagawa tungo sa artesano hanggang alagad ng sining, aking pinagsama ang kamay at mata. Nang matapos likhain ng Diyos ang lahat sa ikapitong araw, sinabi sa Genesis,


“Tiningnan ng Diyos ang Kanyang ginawa at sinabi Niyang, ‘Mabuti, maganda ang aking nilikha’.” Kailangang tingnan gamit ang matang pisikal at matang intelektuwal, emosyonal at espirituwal upang hindi manatiling ordinary o mababaw na gawa ang ating trabaho. Sa paglikha ng anumang bagay na maganda, matalino, malinis at mapagpalaya kailangang laging magkapares ang kamay at mga mata.


Pang-anim, pababaw nang pababaw ngayon ang komunikasyon sa marami. Noong pandemic nagkaroon ng kakaibang antas at uri ng pagtuturo at pag-aaral, face-to-face o online. Siyempre nasanay ang marami sa online, at ang naturang down-side ng online classes ay ang pagkahumaling at pagkaadik sa cellphone. 


Sa halip na tumingin sa mukha ng kausap, mas gusto na nating sa cellphone tumingin at makipag-ugnayan sa isa’t isa. Dito pumapasok ang marahan at maingat na pagtingin sa mukha habang nag-uusap. Kailangang pag-aralan natin muli ang pagtingin sa mukha ng isa’t isa.


Pangpito, isang mahalagang sangkap ng pag-uugnayan ay ang marahan at malalim na pagtingin, at totoo hindi tulad ng peke (pekeng balita o “fake news” at pekeng pananalita) at mababaw (hindi pinag-iisipan, hindi pinipili, walang galang, nakakasira ng dangal, nakakawasak ng pamilya, pamayanan, nakakasira ng bayan). At madalas nating makita ang kababawan ng pakikipag-usap gamit ng cellphone. Madaling maging mababaw at walang katapatan ang pakikipag-usap gamit ng cellphone, walang seryosong pakikinig at walang malalim na paggamit ng tainga.


Pangwalo, kung kailangan ang malalim at tapat na pakikipag-ugnayan ng tao sa tao, ganoon din ng tao sa Diyos. Ito ang ginagawa natin sa panalangin. Hindi sapat ang manalangin gamit ang salita, ang bibig, kailangang matuto tayong magdasal gamit ang puso, mula sa loob, sa kalaliman ng ating pagkatao at kaluluwa.


Pangsiyam, ang ganap ng pakikipag-ugnayan sa Diyos ay mula sa puso at lalung-lalo na mula sa espiritu at kaluluwa ng taong nakikipag-usap sa Diyos. Kaya ang tawag sa malalim na pakikipag-ugnayan sa Diyos ay “union” at kapag tinanggap natin ang katawan ni Kristo, “Communion.” Nais ng Diyos ay ang pakikiisa ng ating espiritu sa Kanyang Espiritu.


Sa darating na Miyerkules, sa araw ng Pasko, ating ginugunita at ipinagdiriwang ang pagkakatawang tao ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus. Nakiisa sa kalikasan at sa tao ang Diyos Ama sa pamamagitan ng Kanyang Anak. Malalim, totoo, tagos sa laman, sa buto hanggang sa espiritu ang Kanyang pakikiisa sa atin. 


Ito ang Pasko, ang Diyos ay naging tao at ang tao ay nakaisa ng Diyos, at ililigtas siya ng Diyos sa kanyang pagbabalik-loob sa Kanya, sa kapwa at sa kalikasan.


Maligayang Pasko, at isang likas at tigib ng pag-asang Bagong Taon sa inyong lahat!

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 21, 2024



Fr. Robert Reyes

Matagal-tagal na rin tayo nagmimisa sa Ace Medical Center, isang pribadong ospital sa tabi ng Quezon City General Hospital sa Project 8, Quezon City. 


Nakatakda ang misa tuwing alas-10 ng umaga unang Biyernes (first Friday) ng buwan.


At sa simula pa lamang napansin na natin ang 10 palapag ng ospital at nagkataon pang nasa ika-10 palapag ang kapilya na pinagdarausan ng misa. Dahil dito naging permanenteng anyaya o hamon na maghintay sa unang palapag ang lahat ng nais magsimba at sa pagdating natin, sabay-sabay kaming aakyat ng 10 palapag hanggang marating ang kapilya. Awa ng Diyos sa tinagal-tagal nating nagmimisa sa naturang ospital, dadalawa pa lamang ang nahikayat nating magtiyagang akyatin ang 10 palapag ng kanilang ospital. At sa halip na magustuhan ng dalawa ang hamon o paanyaya, hindi na natin sila naanyayahan muli na umakyat hanggang sa ika-10 palapag na kasama ko.


Isa sa lagi nating hinihikayat ay ang isang masayahing tao, na sa tingin natin ay isa sa pinakasentro ng buhay sa ospital. Ang pangalan niya ay John Eric Orit na mas gusto niyang tinatawag siyang Erika. Kilalang bahagi ng LGBTQIA si John Eric at hindi niya ito itinatago. 


Mahal siya ng mga tao sa ospital at sa subdibisyong tinitirhan niya sa tabi ng ospital. At mahal din siya ng napakaraming naging bahagi ng mga palabas na siya ang host. Kadalasan sa Tagaytay ang mga palabas at pagdiriwang na ito at kilalang host si John Eric dahil sa kasanayan niyang magpasaya at magpatawa sa mga pagtitipon.


Bago naganap ang malungkot na pangyayari sa buhay ni John Eric, naramdaman na niya na kailangan niyang magpagamot dahil sa mga nakakabahalang nararanasan niya.


Nasabi na niya sa isang doktor na kilala natin, na kailangan niyang magpaopera ng lalamunan. Kaya lang biglang bawi si John Eric dahil mabilis na ikinatuwiran nito na sa Enero na lang dahil sayang naman ang lahat ng handaan na mami-miss siya kung sakaling may mangyari sa kanya. Sayang at hindi sineryoso ni John Eric ang mahiwagang paanyaya ng Diyos na magpatingin. 


Sabi ng isang doktorang kapitbahay ni Eric, “Sayang at nag-atubili, at hindi itinuloy ni Eric ang operasyon at tiyak na makikita ng mga sanay na doktor kung anumang kritikal na kondisyon na dapat maaga pa lamang ay pansinin na.”


At nangyari nga ang trahedya noong Disyembre 16, unang araw ng Simbang Gabi.


Sinaktan ng ulo si John Eric sa kanyang bahay at doon nawalan ng malay. Itinakbo sa ospital kung saan siya naglilingkod bilang nars at doon tinubuhan at pagkaraan ng ilang araw ay inoperahan. Sa kabila ng lahat, nalagutan pa rin ng hininga si John Eric.


At tila bumalik siya sa Panginoon sa mismong araw ng pagkilala sa mga pumasa sa Nursing Licensure Examination (NLE). Kay hirap unawain ang mga pangyayari. Maraming ulit na siyang kumuha ng nursing board exam at nang pumasa siya sa wakas, doon pa siya binawian ng buhay.


“Balik-Likas, Balik-Pag-Asa” ang tema ng siyam na gabi ng Misa de Gallo sa alas-4 ng madaling-araw. Hanggang kaya natin, kailangang ibalik ang bawat aspeto ng buhay sa nakalimutan at naiwanan nang “ritmo ng kalikasan,” (rhythm of nature). 


At habang nag-aalay kami ng misa ng kalikasan at pag-asa, naroroon sa burulan si John Eric na nagpapaalala sa amin ng karupukan at kahiwagahan ng maikling buhay natin. Sa kabila ng pagiging masayahin ni John Eric, magana siyang kumain at uminom ng softdrink. Marami sa mga pagkaing kinasanayan niya ay ang mga artipisyal na pagkain at inumin tulad ng softdrink, alcohol o alak, junk foods at ang tila “walang kapagurang” lifestyle ng buhay-Maynila. Ngunit, walang buhay na walang kapaguran, kaya’t hindi totoo ang buhay na walang kapaguran. 


Sa loob ng tatlong araw ay Pasko na. Tingnan natin ang sanggol na si Hesus. Hindi siya abala sa paghahanapbuhay. Hindi siya busy sa magkahalong mahalaga at hindi mahalagang gawain. Hindi siya abala at punumpuno siya ng buhay at pag-asa, na hindi sa mga gawain ng buhay. Ang buhay na plastik at artipisyal ay tila sinasagisag ng mall.

Ilang taon na ang lumipas mula ng tumakbo tayong paikut-ikot sa mga mall na sumisigaw at nagmumudmod ng mga flyers na may nakasulat na ganito,


“WALA SA MALL ANG SANGGOL.”  Kung babalikan ko ang pagkatao ni John Eric, para siyang malaking bata na laging masayahin. Hindi masamang mga araw ng pagpanaw, ang mismong simula ng Simbang Gabi, ilang gabi ang layo sa paggunita sa kapanganakan ng Panginoon.


Sa lungkot na nararamdaman ng lahat, nangingibabaw ang halakhak ng masayang nars na si John Eric. Tawa’t halakhak na walang hanggan ang naging buhay ni John Eric at hindi trabaho, pera, ari-arian, laging busy, kabisi-bisihan. Hindi ganoon ang tingin ni John Eric sa trabaho. Buhay ang pagtatrabaho bilang nars, hindi kaabalahan kundi pagdiriwang din ng buhay. Ang bawat sandali ng buhay ay halakhak at pagpapasaya sa kapwa. 


John Eric, maaaring yumao ka na ngunit walang tigil at walang kapaguran ang iyong walang hanggang galak, tawa at halakhak. Paalam at maraming salamat, kapatid.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 17, 2024



Fr. Robert Reyes

Kahapon ang simula ng Simbang Gabi at unang umaga ng Misa de Gallo. Siyam na araw na lang ng paghihintay sa Pasko. Konting hintay, puyat, sakripisyo at tunay na dasal na lang at dakilang araw na ng kapanganakan ng Tagapagligtas. 


Sa Adbiyento at Paskong ito minarapat ng aming parokya na tugunan ang panawagan ng Santo Papa na maging mga manlalakbay (pilgrims) ng pag-asa sa buong darating na taon. Ngunit amin ding nakita ang isang mahalagang elemento ng paglalakbay na ito. Sana’y maging paglalakbay na kasama at hindi katunggali ang kalikasan. Kaya’t ang tema ng siyam na gabi at araw ng paghahanda sa Pasko ng Panginoon ay “Balik-Likas, Balik-Pag-asa”.


Meron bang malalim na kaugnayan ang pag-asa sa kalikasan? Marahil ito ang isang malalim na problema sa mundo ngayon, ang kakulangan ng malalim na kamalayan at pag-unawa sa kahalagahan ng kalikasan para sa kinabukasan at kaligtasan ng lahat. Sa tuluy-tuloy na pagwasak at pagpatay sa kalikasan, hindi lang nangyayari ito sa kalikasan kundi sa tao at sa lahat ng may buhay sa mundong ito.


Napakalayo na ng tao sa kanyang kalikasan, sa kanyang likas o tunay na pagkakalikha sa kanya ng Diyos. Mula sa pagdating ng makina na dahan-dahang umulad at ganoon na lang kabilis nanaig sa mundo dahil sa teknolohiya na ngayon ay napakabilis nang umuunlad at nagbabago, mukhang sa halip na tao ang magdikta sa makina at sa computer, kabaliktaran ang nangyayari. Tao ang sumusunod at pumapanginoon sa makina at computer. Tingnan lang natin ang napakabilis na pag-unlad ng teknolohiya ng mga robot, ng “robotics” at ng “artificial intelligence” o AI.


Kaya bago tayo tuluyang maligaw ng landas at tuluyang makalimot sa ating likas na pagkatao, kailangan nating matutong bumalik sa ating tunay na pagkakalikha ng Diyos. Kailangan nating bumalik sa ating likas na pagkatao. Dapat nating magbalik-likas. At dahil siyam na araw ang pagdiriwang ng Simbang Gabi at Misa de Gallo, sinubukan naming pag-isipan at dasalan ang tema ng bawat araw.


Ang unang tatlong araw (Disyembre 16,17 at 18) ay tutukoy sa tatlong aspeto ng kalusugan. Disyembre 16, likas-hinga, mabagal at malalim na hinga, balik-baga; Disyembrte 17, likas-kilos, balik-paa; Disyembre 18, likas-pagkain, balik-gulay.


Ang susunod na dalawang araw ay tutukoy sa dalawang aspeto ng likas na trabaho o gagawa. 


Disyembre 19, likas-katawan, balik-pawis; Disyembre 20, likas-gawa, balik-kalinga sa kalikasan.


Ang susunod na dalawang araw ay tutukoy naman sa dalawang sangkap ng tunay at malalim na ugnayan. Disyembre 21, likas-kuwentuhan, balik-mata sa mata (face to face); Disyembre 22, likas-salita, balik-bibig, payak, tuwiran, walang gadget.


Ang susunod at huling dalawang araw,  Disyembre 23, likas-dasal, balik-loob, balik-puso; Disyembre 24, likas-dasal, balik-pamayanan, iwas-selfie.


Sa sobrang layo na natin sa kalikasan at sa sobrang layo na natin sa ating personal na sarili at kalooban, matinding pagkamatay ito. Hindi natin kailangang mamatay, ipagpatuloy lang natin ang pagkalimot sa mga bagay na napakahalaga at likas na bahagi ng ating pagkatao’t katawan, mamamatay na tayo ng unti-unti at mabilis na kapalit natin ang taong mas gugustuhin ang artipisyal at hindi totoo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page