top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Jan. 4, 2025



Fr. Robert Reyes

Pumanaw noong Disyembre 19, 2024 si Francisco “Dodong” Nemenzo Jr. Si Ka Dodong ang ika-18 presidente ng Unibersidad ng Pilipinas. 


Kakaibang presidente si Dodong. Hindi siya pulitiko o businessman. Isa siyang guro at aktibistang sosyalista. Masasabing isa siya sa mga sinaunang Marxista-Sosyalistang rebolusyonaryo ng ating bansa. 


Noong siya ay bata pa, sumapi siya sa Partido Komunista ng Pilipinas (itinatag noong Agosto 26, 1930 ni Crisanto Evangelista) at mula noon ay nagpakadalubhasa sa pilosopiya ni Karl Marx. Noong namatay si Ka Dodong, sinikap tayong hanapin ng kanyang pamilya para makapag-alay ng misa para sa kanya. Mabuti na lang at nagtiyaga ang kanyang manugang na si Von Fernandez na dating coordinator ng Greenpeace sa parteng ito ng Southeast Asia. 


Nang matanggap natin ang text ni Von, mabilis at malugod nating tinanggap ang paanyaya. Kaya noong nakaraang Disyembre 30, 2024, alas-6 ng gabi, nag-alay tayo ng misa para kay Ka Dodong.


Punumpuno ang bulwagan ng GT-Toyota Asian Center sa UP Diliman. Tahimik na nakaupo sa harapan si Princess Nemenzo, biyuda ni Ka Dodong. Doon sa gitnang harapan, sa sentro ng magagandang halaman at bulaklak, nakaluklok ang metal na urn na taglay ang mga “cremains” ni Ka Dodong. 


Sa gawing kaliwa, naghihintay si Lester Demetilyo (asawa ni Becky Demetilyo) at Astarte Abraham (anak ni Edru Abraham). Nagkasundo kami nina Astarte at Edru na ang mga aawitin sa Misang Katoliko ay mga protestanteng awit na madalas gamitin sa mga serbisyong protestante. May pagka-rebolusyonaryo ang kumbinasyong ito. Ngunit, malinaw na wala namang masama at walang nilalabag na anumang batas ang naturang kumbinasyon.


Sa pambungad na awit, inanyayahan nating manatiling nakaupo ang lahat habang umaawit si Astarte Abraham ng isang imnong protestante. Bagama’t hindi sumasabay ang lahat, buong-buo ang pakikinig at pakikiisa ng lahat sa himig at kabuluhan ng awit.


Damang-dama ang nagkakaisang diwa ng panalangin at pakikiramay ng lahat sa mga nangungulila sa pagpanaw ng mahal at dakilang lider, propesor, aktibista, rebolusyonaryo, asawa, ama, kaibigan, kasama at kababayang Dodong.


Marami tayong ibinahagi tungkol kay Ka Dodong at ang kakaibang epekto nito sa aking buhay. Ilan dito ay ang mga nasulat ni Ka Dodong na nabasa natin na nagkaroon ng malalim sa ating pananaw, pagkatao, pagka-Pilipino at pagka-pari. Nabanggit din natin ang gintong pagkakataon ng pagsasama namin ni Ka Dodong sa UP Diliman mula 1998 hanggang 2003, noong siya ay presidente ng UP Diliman System at tayo naman ang kura-paroko ng Parokyang Katoliko sa campus ng UP Diliman.


Mahalaga ang natutunan natin kay Ka Dodong. Para sa kanya ang pinakamabisang paraan para tutulan at labanan ang mga humahadlang sa positibong pagbabago para sa maliliit at nakakarami sa ating bansa ay ang pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga batayang sektor. Nakasama tayo nina Ka Dodong ng buuin niya ang Laban ng Masang Pilipino. 


Hindi man pala-simba at malapit sa simbahan si Ka Dodong, malapit na malapit ito sa mga mahihirap na sektor. Masasabi nating kilalang-kilala ni Ka Dodong ang “Diyos ng mahihirap” at ang mahihirap at ang kanilang kakaibang pamamaraan ng pagkilala, pagsamba at pagsunod sa Diyos. 


Sa aking halos 43 taon ng pagiging pari, nakita natin ang dalawang grupo sa simbahan.


Pareho silang Katoliko ngunit masasabi kong magkaiba sila sa pagkilala, pagsunod at pagpapasalamat sa Diyos. Alam natin na hindi dalawa ang Diyos: Diyos ng mayaman at Diyos ng mahirap, dahil iisa lamang talaga.


Isa ring Francisco ang ating Papa, at tulad ni Ka Dodong, kakaiba ang ating Papa. Alam ni Papa Francisco ang buhay ng mga mahihirap sa buong mundo. Alam din niya ang buhay ng mayayaman. Ganoon na lang ang paalalang bumabatikos sa mga pari at obispo. “Smell like the sheep” (Maging sing-amoy ninyo ang mga tupa). Ano nga ba ang amoy ng tupa? Sa madaling salita, lumabas kayo. Magpaaraw! Bumaba sa mga pamayanan ng mahihirap! Huwag maging iba kundi pagsikapang higit na maging kamukha, kaamoy, kapanalig at ka-pag-asa ang mga maliliit at maralita nating mga kapatid.


Ganitong-ganito ang ginawa namin noong huling araw ng taon, noong Disyembre 31, 2024. Hinanap namin ang mga nakatago, hindi nagpapakitang mga kasapi sa mga pinakamahirap na pamayanan ng ating parokya. Saan namin sila natagpuan? Sa ilalim ng mga tulay ng Project 8, Quezon City.


Nang dumating kami sa mga tulay, nagsipaglabasan mula sa ilalim ang ating mga maralitang kababayan. Bagama’t kami ang may pamasko at bagong taong handog, higit kaming tumanggap. Ito ang naging buhay ng dalawang Francisco: Papa Francisco at Ka Dodong Nemenzo. Hindi ang magsalita’t mangarap kundi makiisa at maging ka-amoy ang mahihirap at inaaping kapwa at mamamayan. 


Mabunga, mapayapa, mapagpalayang Bagong Taon sa lahat!

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 29, 2024



Fr. Robert Reyes

Katatapos lang ng nobenaryo ng Misa de Gallo. Muling nabuo ng maraming parokyano ang kilalang nobenaryo ng misa sa madaling-araw bilang paghahanda sa Pasko o pagsilang ng Panginoon.


Ang naging tema ng buong nobenaryo ay “Balik-Likas, Balik-Pag-Asa.” Pinagnilayan naming lahat ang ilang mahahalagang sangkap ng buhay na likas, likas na buhay bilang pagtugon sa hamon na labanan ang paglaganap ng artipisyal o plastik na pamumuhay na nagiging tatak ng kasalukuyang panahon. Ano ang kabaliktaran o alternatibo sa artipisyal o plastik na pamumuhay? Ito ang buhay na may lalim, malay, pagsunod sa malinaw na hirarkiya ng buti (hierarchy of values), paninindigan at direksyon. Isang matibay na killing o angkla ng buhay na may lalim at malay ay ang pagkilala, pagmamahal at pagtatanggol sa kalikasan.


Kaya’t ito ang ating ginawa araw-araw kasama ang lahat ng mga dumalo sa misa ng ika-4 ng umaga sa Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa Project 8. Pinagtambal natin ang mahahalagang natural na sangkap ng buhay at ang mga bahagi ng katawan (parts and organs of the body). Unti-unti nating pinamalay sa lahat ang hindi sinasadya ngunit nagiging negatibong pag-uugali natin sa pang-araw-araw na buhay.


Una, pinababayaan at binabalewala natin ang malinis na hangin na kailangan ng ating mga baga upang mabuhay tayong lahat ng malusog at mahaba. Sagipin ang hangin at ibalik ang kanyang likas na kalinisan. Gamitin ng maayos ang baga at huminga ng mabagal at malalim.


Pangalawa, hinahayaan nating lumaganap ang marumi at nakakalasong pagkaing puno ng artipisyal, labis na asin, asukal, taba at kung anu-anong nakakasira sa kalusugan. Bumalik sa likas at simpleng pagkain, gulay at isda, pagkain ng ating mga ninunong magsasaka’t mangingisda. Huwag gawing basurahan at sementeryo ang bibig. Kumain lamang ng pagkaing buhay at bumubuhay.


Pangatlo, likas na kilos, mga paa na lumalakad o tumatakbo. Gamitin nang gamitin ang mga paa. Maganda ring magbisikleta. Iwasan ang sasakyan at labis na pag-upo sa likod ng manibela. Magpawis sa paggamit ng paa sa ehersisyo man o paggawa dahil nilikha tayong may paa. Salamat sa mga paa na saan man, anumang layo nila tayong dinadala. Ito ang ating mga paa, sadyang “paag-paa-paa-la” mula sa Panginoong mapagmahal.


Pang-apat, salamat sa mga kamay na gumagawa araw at gabi, mga kamay na nagtatanggol at kumakalinga, mga kamay ng buhay at hanapbuhay. Kamay ng manggagawa, ng magulang at kaibigan, kamay na tagapagtanggol din sa kaaway ay siya ring kumakalinga’t nagmamahal. Gamitin lagi sa mabuti ang kamay at huwag kalimutang pagdaupin ang mga ito sa tuwina sa pananalangi’t pasasalamat sa Kanyang pinagmulan ng lahat-lahat.


Panglima, habang gumagawa o lumilikha, pagsabayin ang kamay na masipag at matang mapaglikha ng ganda at kagalakan. Ito ang mga matang mapaglikha at gabay ng mga kamay na masisipag. Huwag basta gumawa, hindi basta masipag, galing at ganda balutin ang bawat gawa sa paggabay ng mga matang buhay at ganda ang laging hanap.


Pang-anim, sa panahon ng makina at gadget, nabura at nawala na ang mga magaganda’t nangungusap na mga mukha. Pumalit na ang “monitor” sa mukha. Bihira na ang mukha sa mukha o face to face noong lockdown. Uso na ang mobile to mobile, gadget sa gadget, halos wala na at napalitan na ang tunay na mukha sa tunay na mukha. Hayagan, malinis, malalim at tunay na ugnayang mukha sa mukha, puso sa puso, kaluluwa sa kaluluwa. Kaya ba ito ng gadget? Kaya ba ito ng AI? Nasa atin ito kung ipagkakanulo natin sa makina at gadget ang tunay nating mga mukha, puso at kaluluwa.


Pangpito, bingi na ang karamihan. Kung anu-anong nakapasak, nakabara sa taingang pisikal pati ang tainga ng isip, puso at kaluluwa. Tainga ang buong katawang nais lumapit at yumakap sa katotohanan. Kasinungalingan ang pagkain ng mata at tainga. Fake news ang pag-araw-araw nating pagkain. Ngunit, puwede namang pumili ng tugtugin at usapin. Mukha sa mukha, tainga sa tainga, tao sa tao, diwa sa diwa, kaluluwa sa kaluluwa.


Pangwalo, dalangin ang buhay, buhay ay dalangin. Pusong marunong magmahal, pusong nagdarasal. Pusong walang galit at poot. Pusong puno ng pag-ibig at pananalig. Pusong laman ay hindi pusong bato. Mahalin ang Diyos, mahalin ang tao, ingatan at mahalin ang puso.


Pangsiyam, mula sa puso, sisirin at arukin ang lalim ng loob. Tuklasin ang espiritu sa kaluluwang bukas at wagas na hinahanap at sinusunod ang Maykapal.


Natapos ang siyam na umaga’t gabi ng Simbang Gabi. Napakagandang tradisyon at lahi ng mga Pilipino ng bansang Pilipinas. Araw-araw babalik sa likas, babalik sa pag-asa. Babalik sa likas na buhay mula sa Diyos ng tao at tanang kalikasan. 2025 taon ng Jubileo, taon ng pag-asa, taon ng puspusang pagbalik sa kalikasang bukal ng biyaya’t pag-asa. Amen!

 
 
  • BULGAR
  • Dec 28, 2024

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 28, 2024



Fr. Robert Reyes

Sa nakaraang dalawang buwan mula Oktubre, napakaraming pagbabagong-kalagayan (transition) ang naganap sa ilang bahagi ng Simbahan. 


Naunang ibinalita na sa wakas may bagong obispo na ang Diyosesis ng Gumaca, Quezon. Noong Setyembre 30, 2024 bandang ika-6 ng gabi rito sa Pilipinas, nakarating ang ulat na hinirang ni Papa Francisco si Padre Euginius L. Cañete bilang bagong obispo ng Diyosesis ng Gumaca, Quezon. 


Taga-Liloan, Cebu si Padre Cañete at 58 taong gulang siya. Nang tanggapin niya ang bagong posisyon sa simbahan naglilingkod siya bilang coordinator-general ng Missionaries of Jesus.


Bata at marami pang magagawang mabuti siya para sa ubasan ng Panginoon. Hindi natin masyadong kakilala si Padre Cañete. Ang higit nating kilala ang pinalitan niyang obispo ng Gumaca na namatay sa atake sa puso noong Marso 16, 2023. Nasa 71 taong gulang lamang si Bishop Vic. Nakasama natin sa seminaryo si Bishop Vic na tinatawag naming Vocam (pinagsamang Vic at Ocampo). Kasama siya sa kilalang grupo ng mga mahihilig magpatawa, magtagumpay man o hindi, nakakatawa man o corny. Kasama na rin sa grupong iyon ang kareretiro lamang na obispo ng Cubao na si Bishop Honesto Ongtioco. Nalungkot tayo nang mabalitaan nating namatay si Bishop Vic. Noong seminarista pa tayo, naglingkod din tayo sa Diyosesis ng Balanga, Bataan. Doon natin natutunan ang pagbibisikleta ng malayuan. At doon din nating madalas dalawin si Bishop Vic sa Morong, Bataan kung saan siya ang kura paroko. 


Minsan nagbibisikleta kaming dalawa dahil napahilig din siya sa bisikleta. Mahigit isang taong walang obispo ang Gumaca, Quezon. Medyo mahirap ang kalagayan ng diyosesis na walang obispo. 


Pansamantalang lumulutang ang diyosesis na pawang manok na pinutulan ng ulo. Bagaman binibigyan ng pansamantalang administrador, nararamdaman ng diyosesis ang bahagyang kalituhan o panandaliang paglutang sa alapaap sa mga panahong wala silang obispo at pumapailalim sila sa isang pansamantalang administrador.  


Nakabubuti rin ang panahon ng mahabang paghihintay. Sana mag-usap-usap, puso sa puso, isip sa isip, kalooban sa kalooban ang lahat ng bumubuo sa diyosesis. At kung gagawin nila ito ng may paghahangad ng tunay at malalim na pagbabago, lalabas at lalabas ang sari-saring kalagayan at problema ng diyosesis mula pinansyal hanggang sa napakaselan na usapin ng “pangkalahatang kalagayan ng kaparian.”


Apat na araw pa lang makalipas ang balita ng paghirang kay Padre Euginius Cañete bilang obispo ng Gumaca, Quezon, lumabas ang ulat na meron nang bagong obispo ang Diyosesis ng Cubao. 


Nagmimisa tayo noon sa aming parokya. Katatapos lang nating magbigay ng omeliya at kababasa lang natin ng pambungad na palangin ng ‘Panalangin ng Bayan’ ang merong nag-abot mula sa likuran ng kapirasong papel na ganito ang nakasulat: “Ipagdasal natin ang bagong obispo ng Cubao na si Padre Elias Ayuban CMF.” Nagulat at natuwa tayo sa balita. Nakatutuwang lumabas ang ulat sa pista ng paborito nating santo na si San Francisco ng Assisi. Binasa nga natin ang magandang balita at kitang-kita ang masayang pagkagulat sa mga mukha ng nagsisimba noon. 


Nang matapos ang misa, tinawagan natin agad ang isang kaibigang paring Claretsiyano. Nang sagutin nito ang tawag natin, walang isang salitang inanyayahan tayo ni Padre Bong Suñas na makibahagi sa kanilang kagalakan na isa sa kanila ay naging obispo ng Diyosesis ng Cubao, “Punta ka rito Robert. Meron kaming munting party para kay Bishop Ayuban. Samahan mo kaming batiin ang bagong obispo.” Sumulat na si Obispo Honesto Ongtioco ng Cubao kay Papa Francisco ng kanyang resignation letter noong Oktubre 17, 2023, nang siya ay umabot sa edad na 75, ang opisyal na edad ng pagretiro ng mga obispo. Mag-iisang taon pa lang mula sa pagreretiro ng obispo ng Cubao nang dumating ang anunsyo ng kanyang kapalit. Mula noon hanggang ngayon, napakarami nang mga pangyayari at karanasan na nagbabadya ng mga magagandang pagbabagong parating sa Diyosesis ng Cubao.


At hindi pa talaga umiinit nang husto ang mga balita ng mga bagong obispo ng Gumaca at Cubao, biglang binulaga ang lahat ng isa pang magandang balita mula Roma, ng bagong obispo ng Balanga, Bataan. Mag-iika-7 ng gabi ng Disyembre 3, 2024, Martes, nang biglang kumalat ang ulat na hinirang ni Papa Francisco na bagong obispo ng Diyosesis ng Balanga, Bataan si Padre Jun Sescon, rector ng Basilica Minore ng Poong Nazareno ng Quiapo. 


Nakatutuwa ang balita dahil nagkasama kami ng halos apat na taon ni Padre Jun Sescon sa Seminaryo ng San Carlo Borromeo, Guadalupe, Makati.


Taga-Bataan naman at dating administrador ng Diyosesis ng Bataan ang yumaong Obispo Victor Ocampo na pinalitan ni Obispo Euginius Cañete na maoordinahang obispo sa Katedral ng Antipolo ngayong Sabado, Disyembre 28, 2024. 


Malakas ang pakiramdam natin na maraming maganda at mahalagang pagbabago ang idudulot ng paghirang sa tatlong obispo na parang napaagang Pista ng Tatlong Hari.


Handog ng Panginoong Hesu-Kristo ang tatlong bago at batang-batang mga pari bilang mga obispo. Ano, paano, kailan ang mga pagbabagong ito sa tatlong diyosesis? Maging bukas at handang tumugon lang ang lahat mula sa layko hanggang mga pari at relihiyoso, maraming magandang mangyayari para sa ikabubuti ng simbahan, ng taumbayan at mananampalataya at sa Inang Bayan na dumaraan sa mabibigat na hamon at pagsubok. Mabait at mabuti ang Diyos. Hinding-hindi matatawaran ang kanyang biyaya!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page