top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Jan. 13, 2025



Fr. Robert Reyes

Dumaan ang Pasko, ang Bagong Taon, ang Tatlong Hari o Epipaniya at ngayong linggo, matatapos ang pagdiriwang ng panahon ng Pasko sa pista ng Binyag ng Panginoon. 


Sa magkabilang bahagi ng pista ng Binyag ng Panginoon ay ang pista ng Poong Hesus Nazareno at ng Santo Nino de Cebu. Bagama’t tahimik ang selebrasyon ng pista ng Binyag ng Panginoon, ganoon na lang ang init at tindi ng pagdiriwang ng pista ng Poong Hesus Nazareno at ng Santo Niño.  


At hindi rin magtatagal, ipagdiriwang din sa Biyernes Santo ang alaala ng kamatayan ni Hesus sa pista ng Santo Entiero.


Ano nga ba ang pinakamatingkad na pista sa kamalayan, pagkatao at pag-uugali ng karamihan ng mga Pinoy?


Sinimulan ng pista ng Nazareno ang Enero ngunit tatapusin ng pista ng Santo Niño ang buwang ito. Sa ikatlong linggo ng Enero ipagdiriwang sa Cebu (Sinulog) at Tondo ang pista ng Santo Niño. 


Dinala sa Pilipinas ang pinakaunang imahe ng Santo Niño ni Ferdinand Magellan noong taong 1521. Makalipas ang 20 taon, dinala naman ni Miguel Lopez de Legazpi noong 1972 sa Cebu ang imahe ng Santo Niño. Kasabay din ng pista ng Santo Niño sa Cebu at Tondo, ang pagdiriwang ng Ati-Atihan sa Kalibo, Aklan. Nagkaroon din ng sariling pagdiriwang ang Iloilo na tinawag na “Dinagyang” kung saan nagpapaligsahan ang iba’t ibang pangkat sa pagsayaw ng “Ati-Atihan.” 


Bagama’t batang-bata ang pista ng Dinagyang na sinimulan ni Padre Ambrosio Galindez, kura-paroko ng Parokya ni San Jose, malinaw ang kaugnayan nito sa pista ng Ati-atihan sa Aklan.


Kahit na kaisa-isa lang ang pista ng Poong Hesus Nazareno na ipinagdiriwang tuwing Enero 9, marami ang pista ng Santo Niño. 


Subalit sa taong ito, nagpasya ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na palaganapin sa buong bansa ang debosyon sa Nazareno. Kung pagbabasehan ang bilang ng deboto na dumadalo sa pista ng banal na imahe, panalo na marahil ang Nazareno. Taun-taon tila parami nang parami ang lumalahok sa Traslacion, kung saan hindi na bumababa sa anim na milyong deboto ang nagsusumiksik sa Quirino Grandstand hanggang Basilica Minore ng Quiapo para manalangin at magsakripisyo habang binabagtas ang 6.5 kilometrong ruta ng Traslacion.


Sa tanong na, ano nga ba ang debosyon na merong pinakamatingkad na epekto sa pagkataong Pinoy? Nazareno ba o Santo Niño? Ito ang ating kasagutan, sa anumang debosyon ay laging mahalagang tingnan ang kaugnayan ng debosyon sa transpormasyon o pagbabago ng deboto. Mahirap sukatin ang pagbabagong dulot ng debosyon sa Nazareno at Santo Niño. Ngunit, ngayong taong 2025 na idineklarang Jubileo ng Pag-Asa ni Papa Francisco, mahalagang tingnan ang isang mahalagang sangkap ng transpormasyon o pagbabago at ito ay ang pag-asa. 

Naniniwala ba tayo na may magbabago pa sa ating mga sarili, pamilya, pamayanan at lipunan? Madalas mapag-usapan sa mga malalaking pagtitipon kung meron pang pag-asang magbago ang ating bansa.


Maliban sa pag-asa, meron pang ibang sangkap ang pagbabago, ang pananampalataya. Nakatuon ang mga deboto ng Nazareno at Santo Niño kay Hesu-Kristo. Anuman ang ginagawa mula sa paglalakad, magdamagan na nakayapak o sabay-sabay na pagsayaw, nakatuon ang buong pagkatao ng mga deboto sa ating Panginoong Hesu-Kristo.


Anuman ang panalangin, pasasalamat o paghingi ng tulong, nakatuon pa rin kay Kristo.

At nakita natin ang dalawang mahalagang sangkap ng debosyon tungo sa transpormasyon: ang pananampalataya (pagtuon sa Panginoon) at pag-asa (pagtiwala na may magagawa, may mababago kasama ang Panginoon). 


Ang tanong hinggil sa pagbabago ay tungkol sa panahong kasunod ng pista at matatawag natin itong panahon ng pag-ibig. Kung titingnan lang natin o aasahan si Hesus ngunit wala tayong gagawin o hindi siya kasama, maaaring hindi natin siya talagang mahal.


Kaya’t mabigat ang hamon sa patuloy na paghuhubog sa bawat deboto, at mananampalataya. Hindi sapat ang debosyon, kailangang-kailangan ang transpormasyon. Hindi sapat manampalataya, magtiwala at umasa, kailangang gumawa, magsikap at magtaya: gumawa, gamitin ang galing at gumastos. Ito ang tunay at ganap na pag-ibig, ang bunga ng panalangin at pagtitiwala.


Mayaman at malalim ang debosyon sa Nazareno at Santo Niño, ngunit hindi nagtatapos ang lahat sa debosyon. Kailangang magsikap na magkaroon ng kongkreto at positibong pagbabago sa sarili, pamilya, pamayanan at buong lipunan. Kailangang magpatuloy ang paglalakad na nakayapak pagkatapos ng pista ng Nazareno at “pagsasayaw at pagpupugay” pagkatapos ng “Dinagyang,” “Sinulog” at “Ati-atihan.” Isang malaki at makapangyarihang puwersa ang debosyon tungo sa transpormasyon at hindi sapat ang pananampalataya at pag-asa na walang pag-ibig.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Jan. 12, 2025



Fr. Robert Reyes

Natapos noong nakaraang Huwebes, Enero 9, ang mahabang prusisyon ng imahe ni Hesus Poong Nazareno lulan ng andas na binagtas ang kahabaan ng 6.5 kilometrong daan mula sa looban ng Intramuros patungo ng simbahan ng Quiapo. Tinawag na Traslacion ang paghahatid ng imahe ng Itim na Nazareno upang balikan ang kauna-unahang paglipat ng imahe ng Poong Hesus Nazareno noong 1787. 


Sa ulat ng kapulisan, tinatayang hanggang anim na milyong deboto ang dumalo sa iba’t ibang bahagi ng pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno. Ang bulto ng mga deboto ay sumama mismo sa mahabang prusisyon na nagsimula ng madaling-araw ng Huwebes, Enero 9, ang araw ng naturang pista. 


Ngunit, Lunes pa lang ng bandang alas-8 ng gabi, nagsimula na ang ‘Pahalik’ sa imahe sa Quirino Grandstand, Rizal Park. Unti-unting dumating ang mga deboto ng Itim na Nazareno mula mga indibidwal, pamilya, grupo, parokya at iba’t ibang sektor ng lipunan na naniniwala sa mapaghimalang kapangyarihan ni Kristo sa pamamagitan ng debosyon na ito.


Ayon sa isang pari, ang debosyon sa Itim na Nazareno, partikular ang Traslacion, ay ang pagdiriwang ng “kolektibong pag-asa” o “collective hope.” Hindi pag-asa ng mga indibidwal kundi ang sama-samang pag-asa ng lahat ng mga debotong dumalo sa pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno sa taong ito. 


Upang madama at maibaon pauwi ang “kolektibong pag-asa” kailangang maranasan, maramdaman, makita ang pagtitiis, pagtitiyaga at pagsasakripisyo ng libu-libo o milyun-milyong maliliit na mga mamamayang deboto ng Itim na Nazareno. Sasamahan ng dagat ng mga deboto, mga mananampalataya ang nagdurusang lingkod ng Diyos (suffering servant of the Lord) na sinasagisag ng imahe ng Itim na Nazareno. 


Maraming masasaktan, magugutom, mapapagod at mahahapo. Laging merong ilang hinihimatay at itatakbo sa ospital. Ngunit, hindi magrereklamo ang lahat dahil bahagi ito ng pananampalatayang pagkakatawang tao, o sa Ingles, “incarnational faith.”


Maraming Pinoy ang maglalakad ng nakapaa bilang penitensya. Maraming magsisikap na maabot ang lubid na nakatali sa andas at unti-unting hahatakin ang sarili tungo sa andas gamit ang lubid na mahigpit hinahawakan ng libong mga kamay. 


Maraming ang matutulakan. Halos lahat ng sumusunod at nagpupumilit na lumapit sa andas ay masasaktan at mahihirapan. Ngunit, bahagi ang lahat ng ito sa pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga debotong naroroon mula umpisa hanggang katapusan.


Naalala tuloy natin ang ginagawa taun-taon tuwing dumarating ang pista ng Itim na Nazareno ang kapatid na si Padre Emmanuel “Pong” del Rosario na yumao noong Setyembre 17, 2022, na kung mayroong “Batang Quiapo,” si Padre Pong naman ay isang “Paring Quiapo.” 


Masayang kasama si Padre Pong dahil walang kaplastikan, walang pagkukunwari. Kapag siya ay nagbabahagi o simpleng nakikipagkuwentuhan, totoo ang kanyang mga sinasabi na may halong malulutong na mura. Subalit, hindi magaspang at hindi bastos ang mura kundi parang natural na at madulas ang daloy ng salitang lumalabas sa kanyang bibig. 


Naaalala ko rin ang aking yumaong ama na madalas na nagpapakawala ng mura hindi laban kaninuman kundi bilang pamamahayag ng galak, halimbawa na kung nananalo ito sa mahjong laban sa kanyang mga kapatid.


Sa kabilang banda, pangkaraniwan ang kahulugan at kahalagahan ng “itim” na kulay ng

Nazareno. Gustung-gusto ito ng karaniwang Pinoy dahil kakulay daw tayo, lalo na ang sunog na balat ng mga mangingisda, magsasaka at manggagawa. Pinoy na Pinoy na kahit may paghihirap, pagtitiis ay walang kamatayan at pagsuko ng pag-asa sa kabutihan ng Diyos.


Napakahaba ng mga naganap mula pahalik hanggang sa prusisyon. Hindi nagmamadali ang mga deboto dahil kanilang ninanamnam ang bawat sandali ng pakikiisa nila sa imahe ng Itim na Nazareno. 


Kung maaari lang para sa mga deboto na sa kabila ng kanilang kapaguran at sari-saring pananakit ng kanilang pangangatawan, sana’y hindi na matapos ang pagdiriwang ng pistang ito. 


Namumutawi sa kanilang bibig ang katagang, “Mahal na mahal namin kayo Poong Hesus Nazareno. At alam naming mahal na mahal din ninyo kami. Alam naming hindi Ninyo kami iiwanan!” 


Salamat, salamat Poong Hesus Nazareno, ang pag-asa ng masang Pilipino. Amen.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Jan. 5, 2025



Fr. Robert Reyes

Pista ng Epipaniya bukas, Enero 6, 2025. Bumibilang ng 12 araw pagkatapos ng Pasko (Disyembre 25) para ipagdiwang ang araw na ito. 


Bakit 12 araw makalipas ang Pasko? Nang ipanganak si Hesus, nakita ng tatlong pantas ang tala at sinundan ito. Naglakbay sila ng 12 araw bago nila natagpuan si Hesus. At sa dulo ng mahaba’t mahirap na paglalakbay, namalas ng kanilang mga mata ang sanggol na tagapagligtas ng lahat.


May kani-kanyang dalang regalo kay Hesus ang tatlong pantas. Mayroong ginto na simbolo ng paghahari sa mundo, kamangyan (insenso) na simbolo ng Diyos, at mira (langis pang-embalsamo) na simbolo ng kamatayan. Tunay ngang hari si Hesu-Kristo hindi lang ng mundo kundi ng sanlibutan at ng sangnilikha. Tunay ding Diyos si Kristo at nakatakda siyang maghirap at mamatay para sa katubusan ng lahat. Kung araw ng pagtanggap ng regalo ang Pasko, araw naman ng paghahandog natin ng regalo sa Panginoong Hesu-Kristo ang araw ng Epipaniya.


Sa pista ng Epipaniya, mahalagang magdasal at magnilay tayo upang sagutin ang tanong, “Ano kaya ang nararapat na iregalo ng bawat isa sa ating Panginoon?

Nagbigay na ng hudyat si Papa Francisco ng kanyang binuksan ang Banal na Pintuan sa Basilica ng San Pietro upang simulan ang Jubileo ng Pag-asa, o ang Taon ng Pag-Asa. Sa mundong magulo, marahas at labis na nagtuturo ng pagmamahal sa sarili sa halip na sa kapwa na nangangailangan, lubhang napapanahon ang pagbibigay ng regalo ng pag-asa.


Ayon kay Papa Francisco dalawa ang kalaban ng pag-Asa. Una, kalaban ng pag-asa ang pesimismo (pessimism) o ang negatibong pananaw sa buhay. Anuman ang gawin ninuman ay walang ibubungang maganda. Ito ang madalas na bukang-bibig ng mga nasasakyan nating drayber ng taxi, grab at tricycle, “Tungkol sa taong 2025, wala naman talagang bago. Pare-pareho lang ang mga namumuno sa atin. Lahat sila ay hindi iniisip ang mamamayan. Pansariling interes, pansariling kapakanan lang ang nangingibabaw sa anumang sabihin o gawin ng mga nasa itaas. Wala namang nangyayari sa lahat ng eleksyon. Pare-pareho ang nananalo at ang tumatakbo. Pare-pareho silang lahat. Ito ang dahilan kung bakit hindi na ako bumoboto.” Malinaw ang pagka-nega ng ganitong pananaw. Subalit, hindi natin masisisi ang karaniwang mamamayan na pinaasa nang pinaasa ngunit lagi namang binibigo.


Tuluyan nang nalason at nagsara ang isipan, puso, kamalayan at damdamin ng marami, at iisa lang ang maaaring gawin, kailangang makipag-usap at magpaliwanag sa bawat mamamayan na hindi totoong wala nang pag-asa. Maaaring piliin ang positibong pananaw at ugali sa halip na magpadala sa negatibo at kawalang pag-asa at saloobin.


Maraming sumuko na hindi man lang nagtangkang kumilos at tulungang lumaya ang sinuman sa negatibo’t walang pag-asang pananaw. Ito ang pangalawang kalaban ng pag-asa, ang pagsuko at ang pagtaas ng dalawang kamay, pagkibit-balikat na iisa ang sinasabi, “Pag-aaksaya ng panahon, lakas at pera ang pakikisangkot. Huwag na lang at hindi ka mapapagod at madidismaya.” Kaya iisa lang ang dapat gawin para salagin ang ganitong pananaw. Kailangan ang positibo at sama-samang pagkilos! Kung merong itim na pagkakampihan o kampihan ng mga sakim at masasama, meron namang pagkakaisa ng mabubuti na nagmamahal sa kapwa at bansa.


Sinasabi ng marami na napagod at nagsawa na sa paglaban sa kasamaan, tulad ng bulok at korup na pamumuno. Sa totoo lang, hindi dapat mapagod at umayaw ang sinumang naniniwala at naglilingkod sa Diyos. Tunay na nakakapagod ang gumawa ng mabuti at lumaban sa kasamaan, mapanganib din ito. Ngunit, malinaw at mabisa ang halimbawa ni Kristo, ang Anak ng Diyos, ang sanggol na hinanap ng tatlong pantas na nangahas maglakbay na sumusunod lamang sa isang tala.


Ito ang tatlong magagawa, tatlong maiaalay natin bilang regalong nagbibigay pag-asa. Makipag-usap at sikaping muling gisingin ang kamalayan. Muling magtulungan at magkaisa, bumuo ng mga grupong kikilos para sa kabutihan ng iba, ng mga maliliit at mahihirap, ang mga inaapi at pinagsasamantalahan. Huwag kalilimutang kumilos din para kay Inang Kalikasan (10 taon nang anibersaryo ng Laudato Si ni Papa Francisco sa Hunyo). At pangatlo, sama-samang maglakbay, magsakripisyo at hanapin ang “Sanggol ng Pag-Asa,” ang Panginoong magliligtas sa lahat.


Sa ganitong paraan, matutulungan natin ang Diyos na muling makita siya, ang prinsipe ng kapayapaan, katarungan, kalayaan… ang Prinsipe ng Pag-asa. Amen!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page