top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Jan. 26, 2025



Fr. Robert Reyes

Madalas tayong tanungin kung naiintindihan natin ang bahagi sa Saligang Batas tungkol sa ‘Separation of Church and State.’ 


Tanong natin, “Bakit po ninyo ako tinatanong?” Sagot naman ng nagtatanong, “Kasi po parang hindi ninyo alam na merong probisyon na ipinagbabawal ang mga pari na tulad ninyo na makialam sa pulitika.” 


Marahan naman nating sasagutin ang nagtatanong, “Alam natin ang tinutukoy ninyong probisyon sa Konstitusyon tungkol sa ‘pagkakahiwalay ng Estado at Simbahan.’ At alam ko rin ang ibig sabihin ng paghihiwalay na ito. Hindi pinagbabawalan ang mga pari na magsalita tungkol sa pulitika, maging pabor o laban sa partikular na aspeto nito. Ang probisyon ay hindi tungkol sa mga simbahan kundi tungkol sa Estado na dapat hindi pumabor o lumaban sa anumang simbahan bilang pagkilala sa batayang prinsipyo ng ‘kalayaan ng pagsamba’.” 


Pinagbabawalang paboran ng pamahalaan ang anumang relihiyon o simbahan. Pinagbabawalan ding labanan, gipitin, pahirapan ang anumang relihiyon. Sa totoo lang, tungkulin ng Estado na protektahan ang bawat relihiyon o simbahan para malaya at makabuluhan ng mga itong maitaguyod ang kanilang paniniwala. Kaya nagpapasalamat kaming mga taong simbahan na naninindigan para sa dangal at karapatan ng tao at kalikasan dahil dapat protektado kami ng batas sa aming espirituwal at moral na tungkulin.


Napakalinaw ng prinsipyong ito sa nangyari noong nakaraang Martes sa ibinigay na sermon ni Rt. Rev. Mariann Budde sa “Interfaith Service” sa Washington National Cathedral. Inagurasyon ni US President Donald Trump bilang pangulo ng Estados Unidos noong Lunes at tradisyon ang pagdalo ng nahalal na pangulo at bise presidente sa “Interfaith Service” sa Washington National Cathedral sa kasunod na araw. 


Nang pinaghahandaan ni Bishop Mariann Budde ng Episcopal Church ang kanyang sermon, meron siyang tatlong prinsipyong piniling palawigin bilang mahahalagang sangkap ng pagkakaisa, ang pagkilala sa likas na dangal ng bawat tao, katapatan at kababaang-loob. Ngunit nang pinanood ni Bishop Budde ang inagurasyon ni Trump at nakita niya ang mga nilagdaang executive orders (EO) nito, nakita niyang kailangan ang pang-apat na prinsipyo. Kailangan ang prinsipyo ng ‘habag’ o ‘awa’. Ito ang mahalagang bahagi ng sermon ni Bishop Budde:


“In the name of our God, I ask you to have mercy upon the people in our country who are scared now. There are gay, lesbian and transgender children in both Democratic, Republican and Independent families who fear for their lives.”  


Nakiusap din siya sa ngalan ng mga nanganganib na ma-deport, tulad ng mga Pinoy na walang dokumento at ng mga “bakwit” galing sa iba’t ibang bansa.


Bagama’t hayagang pagsalag sa mga nilagdaang EO ni Trump ang sermon ni Bishop Budde, buong galang at hinahon niya itong inilahad. Walang angas, galit kundi pakiusap sa isang makapangyarihang pinuno sa ngalan ng mga mahihina at maliliit na nanganganib na maapektuhan. Sa Amerika nangyari ang pagsasalita ng isang obispo sa harapan ng presidente. Kung mangyayari ito sa ating bansa, paulit-ulit na namang maririnig ang reklamo ng ilan tungkol sa naturang pagbabawal sa mga taong simbahan na makialam sa pulitika.


Tingnan nga natin ang sinasabi sa Article II, Section 6: “The separation of Church and State shall be inviolable and, no law shall be made respecting an establishment of religion, or prohibiting the free exercise thereof.” 


Sinasabi sa naturang artikulo at section na ang “Pagkahiwalay ng Simbahan at Estado ay hindi mababali at walang pahihintulutang batas na sumusuporta sa pagtatatag ng isang relihiyon o sa pagbabawal ng pangalawa.”


Kinakailangang unawain nang maayos ng mga kasapi ng mga simbahan at ng mga karaniwang mamamayan ang batas na ito at higit pa ay kumilos tulad ni Bishop Budde sa pagsulong ng mga prinsipyo o pananaw na nagtatanggol ng mga batayang dangal at karapatan ng bawat mamamayan. Bahagi lang ng tungkuling moral at espirituwal ng bawat kasapi ng mga simbahan na ipagtanggol ang maliliit at mahihina na karaniwang

walang tinig at kung magsasalita o maninindigan man ay hindi pinakikinggan.


Tumabo ng maraming puna at batikos si Bishop Budde ngunit ngumiti lang ito at nagpaliwanag sa mga sumusuporta at naniniwala sa kanya. Nanawagan lang si Bishop Budde para sa pagkakaisa subalit nilinaw niya ang mga kongkretong maaaring gawin ng bumalik na presidente sa kabila ng kanyang mga babala. Nawa’y hindi mawala ang awa at habag sa ating bansa. 


Dagdag pa ni Bishop Budde, “I think it’s all of us, you know. I think it’is not about me. It’s about the kind of country we are called to be. And that’s what I did my best to try and speak to, to present an alternative to the culture of contempt…”


Dalawang mundo ang nagtatagisan, ang mundo ng kapangyarihan at kasaganahan, at ang mundo ng paglilingkod at pagbabahaginan. 


Nilinaw ni Bishop Budde sa mga makapangyarihan na huwag mabulag at sumamba sa mga sandata ng unang mundo. Maaari pa ring gamitin at gawing bahagi ng pamumuno ang paglilingkod na may habag at awa. Amen!


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Jan. 20, 2025



Fr. Robert Reyes

Sunud-sunod ang mga rally ngayong buwan ng Enero. Katatapos lang ng malaking rally ng Iglesia ni Cristo sa Luneta noong nakaraang Enero 13. 


Sumunod naman ang isa pang rally sa EDSA Shrine. Rally ito ng tatlong grupo na naghain ng impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte. Merong rally noong Sabado, Enero 18. Tulad ng rally noong nakaraang Miyerkules, rally din ito na sumusuporta sa impeachment ni VP Sara. 


Sa darating na Enero 25, magkakaroon ng rally ang mga nais gunitain ang alaala at kontribusyon ni dating Pangulong Cory Aquino na nagdiriwang ng kanyang ika-92 kaarawan, at pagkaraan ng anim na araw susundan ito ng isa pang rally. Magtatapos ang Enero sa isang rally sa Enero 31, na umabot ng limang rally sa isang buwan. Tungkol naman saan ang mga rally na ito? Tunay bang rally ang lahat ng ito o merong mga rali-ralihan.


Hindi natin huhusgahan ang anuman sa mga rally na nabanggit. Ngunit sa naging karanasan natin sa mga nagdaang limang dekada ng mga sari-saring pakikibaka at pamamahayag sa katotohanan at pagsulong sa katarungan at kalayaan, maaari nating sabihing nakita at naranasan na natin ang lahat ng uri ng rally, pagtitipon at pag-oorganisa.


Pag-usapan na lang natin ang iba’t ibang rally ng bawat dekada, mula dekada 70 hanggang kasalukuyan.


Dekada 70. Madaling malaman noon kung ang rally ay panig o laban sa administrasyon dahil malinaw kung sino ang kalaban. Bagama’t iba-iba ang pamamaraan at paniniwala ng mga grupong organisado at lumalaban, malinaw sa karamihan kung ano ang mga problemang umuugat sa bansang sumailalim sa Batas Militar. Buong tapang na lumaban ang mga organisadong grupo. Maraming nakulong, natortyur, nawala at lumayo, nag-eksilyo sa ibang bansa.


Nagamit ang mga sundalo at kapulisan para takutin at supilin ang mga kumikilos para sa katotohanan at katarungan. Normal na ang paggamit ng batuta, fire hose, teargas at ang pag-arestong walang warrant. Nahati ang mga grupo sa tinatawag na demokratikong kaliwa at dulong kaliwa. Meron ding gitna at kanan. Sumama at nakilahok ang mga simbahan mula Katoliko hanggang Protestante, Aglipayan at mga sari-saring sekta.


Laging nakaabang ang Iglesia ni Cristo. Bahala na kayong alamin kung saang bahagi ng “political spectrum” pumaloob ang mga simbahan mula dulong kaliwa, demokratikong kaliwa, sentro, kanan at dulong kanan. Kung sa kulay naman, naroroon na ang mga dilawan, pulahan, mga bughaw at puti at marami pang iba.


Mahirap, mapanganib ngunit puno ng makabuluhang hamon ang dekada 70.

Dekada 80. Tumindi ang mga rally. Lumitaw at nagsalita ang isang Cardinal Jaime Sin.


Kasama tayo sa isang maliit na pangkat ng kapariang laging pinatatawag ng cardinal upang pag-aralan ang mga nangyayari at maging handang gawin ang anumang sa tingin ng mahal na cardinal ay nararapat at naaayon sa banal na kalooban ng Diyos. At sa dekada 80 naganap ang pinakaunang mapayapang debolusyon ng EDSA People Power Revolution.


Umalis ang diktador at ang kanyang pamilya at naranasan ng lahat ang panahon ng kapayapaan at katahimikan. Wala nang Batas Militar: curfew, ASO (arrest seizure order), o warrantless arrest (basta magustuhang arestuhin o arestado maski na walang warrant), ‘tortyur at mahabang pagkakakulong’ sa Bicutan, Crame, Aguinaldo at iba pang mga kampo ng military at pulis, nabawasan ngunit nagpatuloy pa rin ang mga nawawala o winawala ng kapulisan o militar na pinaghihinalaang kasapi ng mga grupong kalaban ng estado (enemies of the state).


Dekada 90. Nagpatuloy ang katahimikan sa ilalim ng isang organisadong sundalong presidente. Ngunit nagkaroon ng malalaking rally sa dulo ng kanyang administrasyon.


Ang isang rally ay para baguhin ang Konstitusyon upang pahabain ang kanyang pag-upo sa Malacanang. Ang pangalawang rally ay ang malawakang pagtutol sa pananatili ni FVR.


Dekada ngayon. Patindi at parami nang parami ang mga rally. Nakabalik ang mga pinalayas. Dumami ang mga trapo at dinastiya. Nagkampihan ang mga pulitiko sa ‘pagsipsip’ sa pondo ng bayan. Nagkaisa sa malawakang tila panlilinlang at paggamit ng salapi (ayuda) para pahinain at patayin ang mulat at kritikal na pananaw at kamalayan ng lahat, lalo na ang nakararaming mahihirap. Natuto na rin ang mga trapo na gumawa ng kanilang rally, gamitin ang mga simbahang tila bukas na magpagamit at tumanggap ng anumang pabuyang kapalit.


Sa mga magaganap na rally makikita naman kung ano ang totoo at hindi, malaya o sapilitan, bunga ng paninindigan at prinsipyo o bayaran, mababaw o walang malalim na pag-unawa sa problema o may matalas na pagsusuri at pag-uunawa sa mga problema at sa mga sanhi at ugat ng mga ito.


Kailangang-kailangan ang mga rally na totoo at pang-taumbayan. Mag-ingat tayong magamit, maloko o mabudol. Usung-uso na ito noon at lalung-lalo na ngayon.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Jan. 18, 2025



Fr. Robert Reyes

Madaling bigkasin ang salitang pag-asa. Madaling sabihin na may pag-asa tayo sa taong 2025. Magandang marinig ito ngunit iba ang pakiramdam kapag kasabay ng pagsabi ng “may pag-asa”, mayroong anumang positibo at konkretong mararanasan o makakamit para sa kabutihan o kapakanan ng marami. 


Magandang mapakinggan na may pag-asang bumalik ang kapayapaan sa Palestine, ngunit iba kung marinig natin na pumayag sa ceasefire ang Hamas at ganoon din si Prime Minister Benjamin Netanyahu ng bansang Israel. 


Magandang marinig na may pag-asang magkaroon ng kapayapaan sa Ukraine, ngunit iba kung mapakinggan nating tumigil na ng paglusob ang army ng Russia at nagsimula nang mag-usap sina Presidente Volodymyr Zelenskyy ng Ukraine at Pangulong Vladimir Putin ng Russia.


Makakatulong banggitin ang isinulat ni Joel Ruiz Butuyan (Philippine Daily Inquirer, “Sources of Optimism in 2025,” sa Flea Market of Ideas, January 2, 2025). Para kay Butuyan tatlo ang maaaring pagmulan ng pag-asa ngayong taong 2025. Una, ang parating na eleksyon sa Mayo. Pangalawa, ang paghahain ng mga kasong impeachment laban kay VP Sara Duterte. Pangatlo, ang banta at malapit na umanong paghahain ng arrest warrant para sa dating Pangulong Rodrigo Duterte ng International Criminal Court.


Maaaring pagmulan ng pag-asa ang darating na eleksyon sa kabila ng nakakaraming hindi magagandang kandidato sa iba’t ibang posisyong pinaglalabanan. Ayon kay Butuyan, hindi tayo kailangang madismaya dahil kakaunti ang magandang pagpipilian. Tingnan natin ang nagawa at ginagawa pa sa Senado gaya ni Senadora Risa Hontiveros. Maghanap pa tayo ng dalawa o tatlo pang Sen. Risa at pagtulungan nating manalong senador. 


Hindi kinakailangang marami ang pagmulan ng pag-asa, hindi naman ganoon kadalasan ang katotohanan. Hindi ko malimutan ang sinabi ng kilalang antropologong Margaret Mead, “Never doubt that a small group of thoughtful, committed citizens can change the world; indeed, it’s the only thing that ever has.” Huwag tayong magduda na ang pagbabago sa mundo ay maaaring magmula sa kaunting nag-iisip at naninindigan dahil sa totoo lang, lagi namang ganoon.


Nagdaos ng banal na misa sa EDSA Shrine noong nakaraang Huwebes, Enero 16, 2025. Inialay ang misa ng tatlong grupong naghain ng impeachment complaint sa Kongreso. Nagkasundong magsanib-puwersa ang tatlong grupo at magkasamang igiit na ituloy ang proseso ng impeachment laban kay VP Sara. Naroroon ang unang grupo na pinamunuan ng dating senadora na si Leila De Lima, mga lider ng civil society at mga kaparian. Ang pangalawang grupo naman ay ang Makabayan bloc na pinamunuan ng dating kinatawang Neri Colmenares. At ang pangatlong grupo ay pinamunuan ng mga kapariang kinabibilangan ni Padre Bong Sarabia, CM.


Punung-puno ang EDSA Shrine at mataas ang enerhiya ng paninindigan at pagpupursige ng mga naroroon. Mula sa maliit na grupong ito magmumula ang pag-asa tungo sa pagbabago. Marami ang wala sa EDSA Shrine noong hapong iyon.

Naghihintay lamang ng tamang panahon upang makilahok at mag-ambag ng lakas ng paninindigan at pakikiisa para sa pagbabago at paglaya ng Inang Bayan sa mga nananamantala at umaapi rito.


Nakatataba ng damdamin ang huling namahayag nang hapon na iyon. Sabi ni Perci Cendaña ng Akbayan Partylist, “Naririto tayo sa EDSA Shrine upang manalangin at humingi ng tulong sa Panginoong Diyos. Makapangyarihan ang panalangin. Makapangyarihan ang Diyos. Magtiwala tayo sa kanya. Tutulungan Niya tayo. Tutulungan Niya ang mahal nating bansa.”


Ito ang mahalagang simbolo ng hindi kalakihang EDSA Shrine, ang bantayog ng kauna-unahang mapayapang rebolusyon sa mundo. Bagama’t halos apat na dekada na ang EDSA People Power Revolution, hindi namamatay ang pangarap ng milyung-milyong mamamayan na lumabas, nanalangin, nagkaisa at lumaban sa katiwalian ng isang rehimen. 


Hindi pa tapos ang EDSA. Nagbalikan at dumami pa ang mga nilabanan at pinaalis ng taumbayan noon. Dito magpapatuloy ang pag-asa sa pagsasama-sama ng mga tinig, pangarap at pagsisikap na totoo, sinsero at konkreto. Iboboto ang may kakayahan at pananagutan. Muling paaalisin ang mga hindi karapat-dapat, at pananagutin ang mga ginamit sa mali ang puwesto at kapangyarihan. Dito magpapatuloy kung saan nagsimula ang lahat. Dito sa mga iilang nagkakaisa sa paninindigan, panalangin at pagpupursige, muling dadaloy ang rumaragasang puwersa ng ilog ng pag-asa at pagbabago.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page