top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Feb. 2, 2025



Fr. Robert Reyes

Batay sa paring Hesuwitang Horacio de la Costa sa kanyang sanaysay, “The (2) Jewels of the Filipino People,” dalawa ang kayamanan ng mga Pilipino, ang kanilang musika at pananampalataya. Binanggit ni De la Costa ang kinagigiliwang kundiman noong mga nakaraang panahon.


Maalala natin si Sylvia La Torre, ang isa sa mga reyna ng kundiman. Nakilala sa Sylvia sa pag-alay ng kanyang buong buhay sa pagpapalaganap ng kundiman. Malungkot nga lang na kakaunti ang nakakakilala sa kundiman ngunit kitang-kita naman ang pagkahumaling ng kasalukuyang henerasyon sa Pinoy Rock at sa OPM (Original Pinoy Music). Nakapagtataka rin ang matinding interes ng mga kabataan sa Korean Pop at sa matagal na ring kinahumalingang American Pop. 


Noong nakaraang mga buwan tuwang-tuwa ang karamihan ng mga Pinoy nang manalo sa America’s Got Talent ang kauna-unahang taga-Asia at Pinoy na si Sofronio Vasquez. Bagama’t kahanga-hangang nanalo ang isang Asyano na Pinoy sa sikat na paligsahang Amerikano, hindi siya namumukod-tangi. 


Napakarami nang mga indibidwal at grupong Pinoy na nag-uwi ng karangalan sa musika mula sa iba’t ibang bansa. Tunay na magaling ang Pinoy sa musika. Tama si Padre de la Costa.


Pananampalataya. Nakakalat ang mga simbahan, malaki at maliit sa buong bansa. Maski na maliliit na isla ay merong simbahan. Meron ding mga popular na debosyon na sentro ng mga pista ng iba’t ibang mga lugar sa buong bansa. Karamihan sa mga ito ay mga Katoliko-Kristiyanong debosyon  sa iba’t ibang santo. 


Noong nakaraang Enero lang, apat na malalaking debosyon ang natunghayan natin tulad ng Pista ni Hesus Nazareno sa Quiapo, Mayila. Sinundan ito ng pagdiriwang ng Santo Niño de Tondo at Pandacan; Santo Niño ng Iloilo (Dinagyang); Ati-Atihan sa Aklan; Sinulog sa Cebu, at iba pa. 


Ngayong Pebrero ay ang Pagdala kay Hesus sa Templo (Pebrero 1) at ang Candelaria (Pebrero 2). Parating na rin ang kilalang pista ng Mahal na Birhen ng Lourdes (Pebrero 11) at ang popular na People Power Revolution sa Pebrero 25 na Pista ng EDSA Shrine na tinaguriang Shrine of Mary Queen of Peace.


Ganoon na lang ka-relihiyoso ang maraming mga Pinoy. Hindi kumpleto ang buwan kung walang pista o debosyong ipinagdiriwang. At siyempre kasama na rin ang mga kapatid nating Muslim, Lumad, Buddhist at iba pa, na merong kanya-kanyang mga araw ng pangilin.


Natapos noong nakaraang Biyernes ang iba’t ibang pagkilos laban sa problemang nagpapahirap sa ating mga mamamayan tulad ng sinasabing ‘korup’ na budget ng 2025; ang laganap na korupsiyon sa buong bansa na tila bunga ng sistema ng mga dinastiya sa buong bansa. Tila nagsimula ang tatlong mga pagkilos sa Banal na Misa. Hindi na rin tayo magtataka kung bakit ganoon. 


Sa mga nagdaang dekada, mula sa panahon ni Jaime Cardinal Sin hanggang ngayon, naging bahagi na ng sari-saring kilos-protesta ang misa. Lalabanan ang mga problema sa pamamagitan ng mga maiinit at maaanghang na talumpati, ngunit meron at merong panalangin na maisisingit sa simula o katapusan ng pagkilos.


Ito nga ang dahilan kung bakit napili ng mga nagdaos ng pagkilos sa EDSA Shrine. Kailangang manalangin kay Maria, Reyna ng Kapayapaan para sa kanyang mahal na bayan, “Pueblo Amante de Maria”. Mula alas-2 ng hapon hanggang sa katapusan ng anim na oras na pagkilos sa EDSA Shrine naroroon sa likuran ng mga tao ang malaking imahe ni Maria, Reyna ng Kapayapaan (ng EDSA Shrine). Nagsimula sa panalangin ng mga pari at obispong ebangheliko at bago magtapos nagkaroon din ng misa sa loob ng EDSA Shrine na pinamunuan ni Obispo Gerardo Alminaza ng Diyosesis ng San Carlos, Negros Oriental.


Limang banda at mahigit na 20 pahayag mula sa iba’t ibang grupo ang malinaw na pagtatapatan, pagtutugmaan at pagtatalaban ng musika at protesta. Kinumpleto na ng panalangin ang mabisang kombinasyon ng musika at protesta sa EDSA Shrine. 

Simula lang ito at sana unti-unti, sa pamamagitan ng ating sining, pananampalataya at sama-samang pagkilos tunay na magbago ang ating mahal na bansa. Amen.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Feb. 1, 2025



Fr. Robert Reyes

Tatlong rally ang idinaos noong nakaraang Biyernes, Enero 31, 2025, ang huling araw ng unang buwan ng taong 2025. 


Merong kasabihan sa Banal na Kasulatan na nagsasabing, “ang huli ang mauuna at ang nauuna ay mahuhuli.” Ang araw ding ito ay ang ikalawang araw pagkatapos ng “Chinese New Year” o ang Bagong Taon ng bansang Tsina. At makabuluhan ang hayop na sumasagisag sa taong ito. Ito ang taon ng “ahas na kahoy” o ang Year of the Wooden Snake. Meron kayang kaugnayan ang tatong rally sa taon ng “ahas na kahoy”?


Nabasa natin noong isang araw ang pagninilay ng isang paring Tsino tungkol sa Taon ng Ahas na Kahoy. Ito ang sinabi ng pari: “Nawa’y tulad ng ahas matuto tayong iwanan ang nakaraan, tulad ng pagbabalat ng ahas na nagbabalat at iniiwanan ang mga bagay na hindi na kailangan sa patuloy na pagdaloy ng buhay.” 


Likas sa ahas ang pagbabalat. Likas sa ahas ang pagbabago sa tuwina. Laging nagpapalit ng balat ang ahas sa kabuuan ng kanyang buhay, na hindi madali at masakit kaya’t hindi ito kumakain at kumikilos sa panahon ng pagbabalat. Sana’y tularan natin ang ahas na buong tapang humaharap at sumusuong sa pagbabago.


Dagdag pa ng pari: “Ang ahas ay hindi takot dumaan sa mga masukal, madilim at mapanganib na lugar. Hindi siya mananatili sa isang lugar kundi magpapalipat-lipat ito sa paghahanap ng mga lugar na merong buhay na pagkain. Bukas at handa siyang tahakin ang daan ng pagsubok at pagdadalisay para makamtan niya ang kaganapan ng buhay.”

Pangatlo at panghuli, ayon sa pari: “Ang ahas ay hindi natutulog na nakapikit. Walang talukap ang kanyang mga mata. Laging dilat ang kanyang mga mata sa paghahanap at pagbabantay, paglalamay para sa katotohanan.”


Para sa akin, hindi masama ang ahas. Napakarami nating matututunan sa kanya. Sa totoo lang, ang ahas din ang naging simbolo ng buhay at kaligtasan sa disyerto nang pagtutuklawin ng mga makamandag na ahas ang mga Israelita. Sinabi ng Diyos kay Moises na itaas niya sa kahoy na hugis krus ang isang uri ng ahas upang tingnan ng mga natuklaw ng makamandag na ahas at sila’y maliligtas. Isa ito sa mga unang simbolo ng mismong krus ni Kristo na siyang liligtas sa lahat ng mananampalataya.

Marahil, hindi aksidente na ahas ang tanda ng Bagong Taong Tsino. Kailangan nating unawain at matutunan ang mga katangiang kakaiba ng tanda ng “Wooden Snake” sa harap ng malulubhang problema ng korupsiyon, marahas, malupit at nakamamatay na gamit ng kapangyarihan at ang kaugnayan ng mga ito sa lumalaganap at kalat na kalat nang mga dinastiya.


Bunga ng isang buwan na tuluy-tuloy na pag-uusap at pagpaplano ng mahigit 70 grupo ang rally sa EDSA Shrine na tinaguriang: “Boses ng Mamamayan, Konsyerto ng Bayan”. Nagsimula ang lahat sa pagsisikap ng kaparian at obispong bumubuo ng Clergy for Good Governance. Nag-usap-usap at nagplano ng malawakang pagkilos ang ilang pari na kasama ang ilang mga kinatawan ng iba’t ibang samahan at kilusan at nabuo ang rally sa hapon ng Enero 31, 2025 sa EDSA Shrine.


Dalawang rally ng mga iba’t ibang grupo ang tututok sa panawagang i-impeach si Vice President Sara Duterte, isa sa Liwasang Bonifacio at ang pangalawa sa People Power Monument. Ang rally sa EDSA Shine ay may mga panawagan:


Boses ng Pilipino

Konsyerto ng Bayan

Marcos-Duterte Managot!

Marcos BADyet Pahirap!

Sara Alis Diyan!

 

Kailangang ma-impeach ang mga opisyal na korup at kurakot.

Kailangang irepaso at palitan ang pinaka-korup (ayon kay Prof Cielo Magno) na badyet.

Kailangan nang pag-usapan, isulong, isabatas ang pagbabawal at pagpapaalis ng mga dinastiya na umaangkin sa pondo ng bayan at mga matataas ng posisyon sa pamahalaan mula lokal hanggang pambansang pamahalaan.


Mahaba ang rally at halos nagtagal ng anim na oras. Merong mga umawit at nagsalita. Merong mga Protestante, Katoliko at Muslim na nag-alay ng panalangin. Nagkaroon bandang hapon ng maikling pagdiriwang ng misa. At sa  pagtatapos inawitan at pinasalamatan ang mahal na Birheng Maria, Ina ng Kapayapaan bago dumagundong ang isang “noise barrage” upang tutulan ang mga problemang dulot ng mga makapangyarihang Pinoy laban sa maliliit at mahihinang kababayan nila.


At ganito nagtapos ang makulay at makabuluhang huling araw ng unang buwan ng Bagong Taon. Mabuhay ang mga mamamayang nagmamahal sa katotohanan, katarungan, kapayapaan at kalayaan.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Jan. 27, 2025



Fr. Robert Reyes

Dalawang kaibigan ko ang nais nating alalahanin at pasalamatan bagaman wala na sila. Nasa 14 na taong patay na si Dok Gerry Ortega ng Palawan at kamamatay lang ng dating paring Heswita na si Dok Nym Gonzalez.


Dapat nasa Puerto Princesa sana ako noong nakaraang Huwebes para samahan si retiradong Obispo Pedro “Pete” Arigo. Kaibigan namin ni Bishop Pete si Dok Gerry. 


Tuwing Sabado ng umaga, sa kumbento ni Bishop Pete nag-aagahan at nakikipagkuwentuhan si Dok Gerry. Mapalad tayo dahil residente tayo sa kumbento ni Bishop Pete mula 2009 hanggang 2011. At sa mga taong iyon, napakarami nating natutunan tungkol sa Palawan mula kay Dok Gerry. 


Mahigpit ang laban ni Dok Gerry sa mga katiwalian sa lalawigan ng Palawan noon sa ilalim ng pamumuno ni Gov. Joel Reyes. Walang kapagurang binabatikos ni Dok Gerry sa kanyang programa sa RMN ang anumang matuklasan nitong katiwalian sa lalawigan ng Palawan mula hilaga hanggang timog. 


Ilang halimbawa na natuklasan ni Dok Gerry. Una, pinuntahan ni Dok Gerry ang mga nai-report nang natapos na mga kalye sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan. Napakaraming mga inulat na kalyeng tapos ay wala ni isang metrong nasimulan. Pangalawa, ang

Malampaya Funds ay inurirat ni Dok Gerry at pilit tinitingnan kung ano ang napunta sa dapat puntahan ng pondo at matindi ang hinala niya na malaki ang nawawala at napupunta sa maling bulsa. Pangatlo, tinutukan din ni Dok Gerry ang napakaraming mga mapanirang industriya tulad ng pagmimina at pagpuputol ng puno maging ang kaingin na nagdudulot din ng malaking pinsala sa kagubatan. 


Noong umaga ng Enero 24, 2011, binaril si Dok Gerry sa ukay-ukay sa tabi ng veterinary clinic nila ni Dok Patty Ortega. Mabuti’t merong padaang truck ng bumbero na nakita ang bumaril at hinabol ito hanggang mahuli. Pagkaraan ng imbestigasyon, nangumpisal ang mga nahuling “assassination team” at itinuro si Gov. Joel Reyes bilang mastermind umano. Ilang taong inilaban ang kaso ng pagpatay kay Dok Gerry nina Patty sampu ng mga anak nila ni Dok Gerry. Tumakas si Joel Reyes kasama ng kapatid nito ngunit nahuli ang dalawa sa Thailand pagkaraan ng ilang taon. Hindi pa rin tapos ang kaso bagama’t nakakulong na sa wakas ang sinasabing mastermind. Sayang na sayang ang mabuting anak, asawa, ama, Kristiyano, mamamayan na si Dok Gerry.


Noong sumunod namang araw, minisahan natin si Nym Gonzalez sa UP, Diliman. Namatay si Nym noong nakaraang Nobyembre 29, 2024. Kilala si Nym bilang dating Padre Nym Sj. Isa siyang “communications expert” na kasama sa pagtatatag ng JesCom Philippines na ginagamit ang media sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. 


Nakilala ko si Padre Nym noong seminarista pa lang ako sa San Jose Seminary at higit ko pa siyang nakilala noong madestino tayo bilang kura ng Parokya ng Banal na Sakripisyo sa UP Diliman. Mahusay mag-lecture at magbigay ng homily si Padre Nym at mabuting anak nina NVM at Narita Gonzalez. Ngunit nagulat ang marami nang nagpasyang mag-asawa si Nym. Matagal-tagal na ring siyang pari. Tatlumpu’t limang taon nang paring Heswita si Nym nang lumabas ito. Naalala natin nang lumabas ang balita ng kanyang pag-alis sa mga Heswita. Ang una nating nakausap ay ang kanyang mga magulang. Nagpapaliwanag si Narita ngunit tahimik lang si NVM. Dama natin ang malalim na damdamin na hindi marahil maipahayag ng ama ni Nym. Madaling magsalita naman at maglabas ng lungkot at anuman ang ina niya. Mula noon hanggang mamatay ang kanyang ama, napansin natin ang katahimikang balot ng lungkot. 


Noong Disyembre 8, 2019, inilabas ni Nym ang kanyang libro, “Confessions of an Ex-Jesuit.” Dito niya ibinahagi ang kanyang totoong paglalakbay bilang pari at bilang dating pari. Nasimulan na natin basahin ang libro at mahusay ang Ingles na ginamit. Maraming nagsasabing ‘eh kasi anak ni NVM’. Subalit marami ring nagsasabing oo anak ni NVM ngunit, anak din ng Ama. Puno ng pagmamahal sa sariling ama at para sa Amang nasa langit.


Muli na naman akong nagtungo sa UP, Diliman na paulit-ulit nating binabalikan. Ganoon din ang Palawan. Kung may pagkakataon babalik-balikan ko rin ang Palawan. 

Naglakbay na sina Dok Gerry at Nym. Tapat at bukas ang dalawa. Hindi pa tapos ang ating paglalakbay. Sana, maging tapat at bukas din tayo hanggang sa katapusan ng buhay na ito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page