top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Feb. 15, 2025



Fr. Robert Reyes

Ipinanganak tayo 10 taon pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (World War II). Taong 1955, buwan ng Pebrero iyon. 


Ibang-iba ang panahong iyon, naaalala pa natin ang bahay ng aking Lola Pia sa kalye Dimasalang, Sta. Cruz, Maynila. Naalala ko ang puno ng balimbing at ang maliliit na bulaklak na puti at pula na unti-unting nagiging bungang hugis bituin na pahaba. 


Napakalinis ng bahay ng lola ko. Salamat sa kanya at sa mga anak niyang maayos at masipag maglinis ng bahay. Mapayapa, masagana, masaya ang mundo noong mga panahong iyon. Simple ngunit sapat lang ang buhay na handog sa aming magkakapatid ng masisipag naming magulang. 


Guro ang nanay ko at accountant naman ang aking tatay. Nagtuturo sa isang kilalang hayskul sa bandang Maypajo at Tayuman ang nanay ko. Isa accountant ang aking ama sa isang kumpanyang Amerikano ng mga barkong pampasahero. 


Tuwing Disyembre laging may uwing pabo (turkey) at kesong pula ang aming ama. Meron pang kalendaryo ng mga kilalang tourist spots sa Amerika mula Enero hanggang Disyembre. Naaalala ko pa ang sama-samang paghanga ng aking pamilya at lahat din ng mga kababayan nating nakarating sa Amerika. Kaya noong bata ako, buhay na buhay ang naturang ‘American dream’ sa aking mga magulang, mga kapatid, kapitbahay at sa nakararami. Hindi kalaunan dalawa sa aking mga kapatid ay nakipagsapalaran sa paghahanap ng kanilang American dream. Dalawa kami ng kapatid kong lalaki ang naiwan sa bansa kasama ng aming mga magulang.


Hindi rin nagtagal ng marating natin ang bansang kinahumalingan ng marami. Dumating ang pagkakataon nang mag-aral tayo sa Roma. Tuwing summer sa Europa (Agosto-Setyembre) karamihan sa mga kapariang estudyante ang naaanyayahan ng mga parokya sa iba’t ibang bahagi ng Estados Unidos para humalili sa mga kura parokong nais magbakasyon. Dalawang summer tayong tumulong sa St. Andrew the Apostle Parish sa Calumet City, Illinois. At noon din ako nagkaroon ng pagkakataong madalaw ang aking kapatid na babae sa Seattle, Washington at ang mga pinsan ko sa Los Angeles, California.


Presidente ng Amerika noon si Ronald Reagan. At sa mga sumunod na mga taon ng aking pagdalaw sa Estados Unidos nasundan natin ang pamumuno nina George Bush Sr., Bill Clinton, George Bush Jr., Barack Obama hanggang sina Donald Trump, Joe Biden at ngayon Trump muli.


Kapansin-pansin ang paiba-ibang polisiyang panloob at panlabas na pinaiiral ng mga naging presidente. Merong mga pangulong agresibo sa pakikipagdigma at merong hindi. May bukas sa mga migrante, may kritikal at sarado sa mga migrante.


Tuwing madadaan tayo sa harapan ng US Embassy sa Roxas, Boulevard makikita ang mahabang pila ng mga aplikante para sa US visa. Hindi ko alam ngayon kung ganoon pa rin kadami ang mga  aplikante. Ngunit, unti-unti na ring naglalaho ang ningning ng naturang American dream. 


Hindi na ganoon kayaman at kaunlad na tulad ng dati ang Estados Unidos at dumarami ang problemang panloob at panlabas nito. Kaya paulit-ulit na maririnig ang ganitong slogan ng mga tumatakbong presidente: “America Will Be Great Again.” Oo, magiging makapangyarihan muli ang Amerika, ngunit sa anong paraan?


Nang tumakbong presidente si Donald Trump noong 2016, ang kanyang kampanya ay ‘Amerika para sa mga Amerikano!’ ‘Pag nahalal na presidente, pangako ni Trump na ‘magtatayo siya ng pader sa pagitan ng Mexico at Estados Unidos. Palalayasin niya ang lahat ng mga migranteng ilegal!’ Hindi pa nananalo si Trump noong 2016, nagsalita na si Papa Francisco, “Trump is not a Christian. A person who thinks only about building walls, wherever they may be and not building bridges is not a Christian.” 


At nanalo muli si Trump at lalong tumindi ang kanyang paglaban sa mga migranteng ilegal na ngayon ay titiyakin niyang palayasin at pabalikin sa kani-kanilang mga bansa. Kaya muling nagsalita si Papa Francisco ukol kay Trump: “What is built on the basis of force, and not on the truth about the equal dignity of every human being, begins badly and will end badly,” na ang ibig sabihin lamang ay anuman ang itayo batay sa puwersa at hindi sa katotohanan ng pantay-pantay na dangal ng bawat tao, ay nagsisimula ng masama at magtatapos ng masama.


Ganito ang ginawa ni Adolf Hitler sa mga Hudyo. Ibinintang sa mga ito ang pagbagsak at paghina ng Alemanya. Ganito rin ang ginawa ni ex-President Rodrigo Duterte sa mga nalululon sa droga. Ibinintang sa droga ang paglubog ng Pilipinas. Maging si Trump ay ganito rin ang ginagawa sa mga migrante. Kailangang may pagbintangan at ituring na kalaban. Ngunit ano nga ba ang suliranin ng Estados Unidos?


Anuman ang problema ng dating makapangyarihang bansa, hindi solusyon ang mag-scape goat o ibintang sa iba ang problema. 


At marahil ito rin ang problema ng American dream o ng anumang panaginip. Kung pera lang ang tagong pinag-uusapan at hindi ang dangal ng bawat tao, ang mga makapangyarihang korporasyon at ilang mga bilyonaryong mamamayan ang mapapaboran. Kaya, hindi umano mahalaga ang dangal ng mga migranteng ilegal. Sila nga raw ang problema kaya ang pagpapalayas sa kanila ang tanging solusyon. Tama at totoo ba ito? Nasaan na ang American dream?

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Feb. 11, 2025



Fr. Robert Reyes

Naanyayahan tayo noong nakaraang Biyernes sa Agenda, isang media forum sa Club Filipino. 


Si Atty. Fred Mison ang pangunahing host at kasama rin namin si Makabayan Partylist Arlene Brosas. Masigla ang talakayan at lumabas kung gaano kasalimuot at kalalim ang problema ng political dynasties sa ating bansa.


Halos 80 porsyento na ng Senado at Kongreso ang galing sa mga pamilyang dinastiya. Ganoon na rin sitwasyon sa mga lalawigan, lungsod at bayan. Tila ang patakaran ng mga dinastiya sa buong bansa ay “walang alisan, walang palitan.” At ganu’n na nga ang nagyayari sa bawat halalan. Pare-parehong pangalan ang makikita sa balota. 


Sa halip na makita at maramdaman ang tunay na pagbabago, walang nagbabago dahil pabalik-balik lang ang pare-parehong mga pangalan, mukha at apelyido. Nagpapalitan lang ang tatay, nanay, anak, apo, pinsan, pamangkin, manugang, biyenan, bilas at sinumang kamag-anak na kasama sa angkan. Mula barangay, bayan, siyudad, lalawigan hanggang Kongreso, Senado at Malacañang asahan nang pare-parehong mukha, apelyido, pangalan ang makikita tuwing ikatlo at ikaanim na taon. Ito ang mahahalagang tanong na tinalakay sampu ng mga sagot ng mga nagsalita.


Posible pa bang mabago ang ganitong sitwasyon ng pulitika sa lahat ng antas na hawak ng mga dinastiya?


Anu-anong dahilan kung bakit dumarami, lumalaganap at lumalakas pa ang mga dinastiya?


Ano na ang nangyari sa partylist system? Instrumento na rin ba ang mga ito ng mga dinastiya?


Ano ang papel ng Comelec sa lahat ng ito.


Pareho ang sagot namin ni Congresswoman Brosas. Mahirap man ay kayang baguhin ang sitwasyon – edukasyon higit sa lahat. Mga botante ay dapat imulat at bigyang kapangyarihang bumoto nang tama at piliin ang mga alternatibong mga kandidato.


Naidagdag lang natin ang mabisang paggamit ng salapi ng mga dinastiya para ipagpatuloy ang paternalism (patronage politics) sa ating bansa. Ang ayuda sa mga maliliit, sa mga mahihirap na tunay na nangangailangan ay padadaluyin na naman, salamat sa programang AKAP at MAIC. 


Kaibigan din ng mga dinastiya ang mga obispo, pari, relihiyoso. Madali silang hingan ng tulong para sa malalaking pangangailangan ng mga simbahan. At hindi kataka-takang tila tumatahimik kami kapag malaki-laki na ang natanggap naming “ayuda.” Ito ang isang mabigat na hamon sa mga simbahan. Ito ang hamon ni Papa Francisco na nagsabing, “Nais ko ang isang mahirap na simbahan para sa mahihirap.” (‘I want a poor church for the poor.’)


Hangga’t walang naipapasang batas na may Implementing Rules and Regulations (IRR) laban sa mga dinastiya, patuloy ang pagdami at paglakas ng mga dinastiya. 


“Kaya taun-taon nagpa-file ng Anti-Dynasty Bill sa Kongreso ang aming grupo,” sagot ni Congresswoman Brosas. Parang suntok sa buwan, ngunit kailangang gawin.


Kailangang manatiling mahina at takot ang maliliit at mahihirap. Marami sila at ang kanilang bilang ay mapanganib. Ngunit kung pananatilihin silang mahina at takot madali silang sawayin at takutin. Nakikita natin ang nakalahad na kamay ng pulubi. Sa sistema ng ayuda, sistema ng paternalismo, sistema ng mga dinastiya, laging makikita ang imahe ng mga mahihirap na nakalahad ang isang kamay na pawang nanglilimos. 


Kailangang matutunan ng lahat na ilagay ang kamay sa dibdib upang manalangin at mangakong mahalin at ipagtanggol ang bansa. Pagkatapos ilapat ang kanang kamay sa dibdib, huwag itong ilahad sa aktong paghingi o paglimos kundi pag-aralang ikuyom at itaas na palaban upang ipakita ang tapang at paninindigan sa pagsulong ng kanyang dangal at karapatan.


Hindi madaling linisin ang bansa at palayain sa pananakal ng mga dinastiya. Hindi rin madaling baguhin ang kamalayan at kultura ng pagsandal, paghingi, pag-asa at paglilimos, ang kultura ng ayuda na pinaiiral at pinalalaganap ng mga dinastiya. Subalit, kayang unti-unting pag-aralang magtrabaho, magtiyaga, magkapit-bisig, magtulungan at magkapit-kamay, manalangin at ilapat ang kanang kamay sa dibdib.


Hindi madaling gamutin ang nakasanayang kahinaan at takot. Ngunit hindi imposibleng matutunang mahalin at magtiwala sa Diyos, makiisa sa kapwang maliit at mahirap upang iwasan at iwaksi ang paghingi, pag-asa at paglilimos sa panginoong may pera’t lupa. 


At darating ang panahon na mababawasan hanggang mawala ang kamay na nakalahad na nanlilimos at mapapalitan ito ng kamaong nakataas, naninindigan at umaasang lalaya ang bansa sa paniniil ng kapatid sa kapatid, kabayan sa kabayan at babalik ang pagkakapantay-pantay sa bansang nagising sa bangungot ng mga dinastiya.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Feb. 8, 2025



Fr. Robert Reyes

Kamamatay lamang ng isa sa mga bayani ng mga bundok ng Sierra Madre na si Padre Pete Montallana. 


Inialay ni Padre Pete ang kanyang buong buhay para sa proteksyon ng kabundukan ng Sierra Madre. Alam ito ng daan-daan o baka libu-libong mga Dumagat na nakilala ni Padre Pete sa naturang mga bundok. Bakit ba kailangang protektahan ang mga bundok ng Sierra Madre? Bakit ganu’n na lang ang pagmamalasakit ni Padre Pete para sa mga kabundukan at mga Aeta ng Sierra Madre?


Mahalaga sa kasaysayan, sa pananampalataya, sa sining at para sa kalusugan ng kalikasan ang mga bundok ng Sierra Madre. Salamat sa nasabing kabundukan, dumating man ang sobrang lakas na hangin o ulan ng bagyo, nababawasan ng puwersa ang hampas ng hangin at ulan kaya’t hindi ganoon ang pinsalang tinatamo sa mga bahay at buhay ng mga mamamayan. 


Salamat din sa mga Dumagat at iba’t ibang mga katutubo na pinoprotektahan at hindi sinisira ang bundok, patuloy ang pagdaloy ng biyaya ng kalikasan sa ating mga tao. 

Malinis na tubig at hangin, ang mga sari-saring kayamanang gubat at kabundukan na bumubuhay ay ating tinatanggap. Ano naman ang ating pananagutan sa gitna ng lahat ng pagpapalang ito?


Naririyan lang ang Sierra Madre, tahimik siyang nagtatanggol sa atin. 


Ang mga kababayan nating katutubo na kaibigan at kaisa ng mapagkalingang bundok ang tumiyak na patuloy hindi lang ang pagdaloy ng kayamanang bumubuhay sa tao kundi ang “buhay na palitan, ugnayan ng tao sa bundok, tao sa tubig, hangin, puno, halaman, hayop at lahat ng buhay na bumubuo sa bundok.”


Ito ang dahilan ng pagmamalasakit ni Padre Pete para sa mga Dumagat ng Sierra Madre. Sila ang buhay na paalala na hindi lang tao ang tumatanggap ng pagpapala ng bundok, pananagutan din ng taong ibalik ang pagpapala sa pinanggalingan nito. Minahal tayo ng bundok, mahalin din natin siya.


Ngunit, dumating na ang malungkot at mapanganib na panahon, ang panahon ng mga dambuhalang korporasyon. Naririyan na silang mga pera at kita at wala nang iba pang pagpapahalaga sa bundok. May ginto at sari-saring mahahaling bato at kristal sa bundok. Maraming mamahaling puno at hayop at ibon. Maraming isdang tabang sa mga batis, ilog at lawa. Maraming tubig para sa pangangailangan ng mga siyudad na pumuputok na sa rami ng tao. Malinaw na perang tumataginting ang dating sa mga korporasyon ng bundok, ng Sierra Madre. 


Hindi pangangalaga at proteksyon ang tingin nila sa bundok kundi isang malaking bangko na taglay ang bilyung-bilyong salaping nakatago.


“Tara na’t bungkalin ang bundok, hakutin ang ginto at mahahaling bato, puno at kung anu-anong kayamanan nito. At napakaraming tubig na pawala na sa mga uhaw na bayan at siyudad, ngunit sagana’t tila walang kaubusang taglay nito. Tubig para sa tao, higit sa lahat para sa mga industriya at pabrikang magpapayaman at magpapalaki pa sa mga dambuhalang korporasyon. At huwag kalimutan ang tubig na magpapatakbo sa mga turbina ng kuryente. Oo, tubig para sa kuryente tulad ng planta ng kuryente sa Lucban.”


Nagkasundo na ang mga korporasyong pag-aari ng mga Rason, Araneta at ang mayor ng Pakil na simulan ang pagbubungkal at pag-aangkat ng lahat ng kayamanan ng bundok ng Pakil na sagana sa tubig. Puwedeng pagkunan ng “hydro-power” ang bundok. Tara na bungkalin at pakinabang natin ang mayamang bundok na bahagi ng Sierra Madre.


Noong nakaraang Huwebes, Pebrero 6, 2025, palabas sa isang sinehan sa Megamall ang pelikulang, “Paquil.” Naroroon ang mga artista at ang mga bumuo sa naturang pelikula. Higit sa lahat naroroon ang kagalang-galang na si Mayor Vincent Soriano ng Pakil. Naroroon din ako sa pakiusap ng mga nagmamalasakit na mamamayan ng Pakil. 


Sa tamang pagkakataon, lumapit ako sa harapan ng mayor at itinaas ang placard na ang mensahe sa nagdidilatang titik: “No To Dam in Pakil”. Siyempre, nagulat ang mayor ngunit hindi siya umalis o nagpakita ng galit. Pareho kaming mahinahon. 


At mahinahong sinabi ko rin sa kanya, “Mayor, itigil na po ninyo ang dam sa Pakil!” Tanong ng mayor, “Are you saying that dams are inherently wrong? Sinasabi po ba ninyo na likas na mali o masama ang dam? At dapat bang pasara lahat ng dam?” 


Hindi po, sagot ko. “Sinasabi po ng mga mamamayan ng Pakil na hindi tama at makasasamang magtayo ng dam sa bundok ng Pakil. Masisira ang bundok. Mapapahamak ang tao, ang kultura, ang pananampalataya, at kung anu-ano pang mahahalagang may kaugnayan sa bundok.”


Kinamayan ko ang mayor at pagkaraan ng dalawang minuto ay umalis na rin.


Nakatunganga na lang ang mga naroroon sa ‘rally ng iisa,’ ngunit kinunan ng video ng kasama kong taga-Pakil at ikinalat na sa social media ang video.

Huwag po. Huwag na huwag po ninyong pa-kill ang Pakil!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page