top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Mar. 1, 2025



Fr. Robert Reyes

Noong nagsimula ang mga kilos protesta sa harapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros halos tatlong taon na ang nakaraan, nagtitinginan ang mga naroroon at maririnig ang pabirong bulung-bulungan, “Panay seniors na tayong naririto, nasaan na ang mga kabataan?” 


Mahigit dalawang taong nagtipun-tipon ang iba’t ibang grupo tuwing huling Biyernes para sa “First Friday Devotion” na binubuo ng rosaryo at misa na sinusundan ng maikling programa ng protesta laban sa malawakang dayaan noong nakaraang pambansang halalan noong ika-9 ng Mayo 2022. 


Hindi ganoon karami ang naroroon ngunit ang pasya ng lahat ay ipagpatuloy ang buwan-buwang protesta tuwing huling Biyernes upang iparating sa Comelec ang walang sawang pagbabantay ng taumbayan laban sa pandaraya at katiwalian.


Sa mga nagdaang buwan nagising at nagsimulang kumilos ang marami laban sa dalawang matinding isyu: ang “impeachment” ni VP Sara Duterte at ang maanomalyang General Appropriations Act 2025 o ang budget ng administrasyong Marcos para sa 2025. 


Nagsunud-sunod ang mga rally mula Enero 31, Pebrero 9 at Pebrero 25. 

Bagama’t hiwa-hiwalay ang mga nag-rally noong Enero 31, ang Tama Na Coalition sa Liwasang Bonifacio, ang Buhay ang Diwa ng EDSA Coalition sa People Power Monument at ang Clergy and Citizens for Good Governance sa EDSA Shrine, hindi nanatiling magkakahiwalay ang mga pagkilos.


Nagkaroon ng munting pagkilos sa Comelec noong Pebrero 10, kung saan muling nagtipun-tipon ang mga medyo may edad at batikan nang mga aktibista. “History repeats itself,” ang isinigaw ng mga naroroon pagkatapos ng ‘flag raising ceremony ng Comelec’ na dinaluhan ng mga matataas na opisyal at kawani. 


At may bigat naman ang sigaw ng mga naroroon dahil karamihan sa kanila ay buhay na noong dekada 70 at saksi sa mga kaganapan mula sa pag-upo at paglayas ng diktador at ng kanyang pamilya sa Malacañang. 


Oo, matatanda ang mga sumigaw at paulit-ulit na sinasabi, “History repeats itself” sa harapan ng Comelec. Dahil naroroon ang tatlo na naging bahagi ng 35 nag-“walk out” sa PICC noong Pebrero 9, 1986, isinigaw din ang, “Cheating in 1986, cheating again in 2022.”


Punung-puno ng sigla, galit at tuwa ang pagbabahagi ng tatlong naging bahagi ng “walk out” ng 35 kawani ng National Computer Center. Bakit? Dahil naroroon sila at gumawa ng kasaysayan sa pag-“walk out” at pagtalikod sa pandarayang naganap sa “snap elections” ng 1986.


Pagkatapos ng makabuluhang protesta ng paggunita sa “walk out sa PICC”, sunud-sunod na ang pagpupulong at pagpaplano para sa malawakan at nagkakaisang pagkilos sa mismong araw ng paglayas ng diktador at ng kanyang pamilya sa Malacañang. 


Malaki ang nagawa ng panawagan ng isang Obispong Katoliko sa iba’t ibang grupo na magkaisa at palakasin ang kolektibong tinig laban sa katiwalian at inhustisya ng kasalukuyang administrasyon. 


Nagkaroon ng pag-uusap ang tatlong koalisyon ng Tama Na; Buhay ang EDSA at ang Clergy at Citizens for Good Governance. Iba’t ibang kulay at edad din ang bumubuo sa tatlong grupong  nagplano ng magkaisang pagkilos. Hindi nalalaman ng karamihan sa amin kung ano ang mangyayari sa Pebrero 25, 2025. 


Nagtanung-tanong kami kung sinu-sino kaya ang makadadalo? Marami kayang mga kabataan ang lalahok? Ilan kayang mga taong simbahan, mga pari, madre, ermano at iba’t ibang organisadong grupong Katoliko? Ilan kayang mga Protestante, Ebangheliko, mga Muslim ang dadalo? Hanggang dumating ang mismong araw ng kilos-protesta, hindi namin alam, hindi namin tiyak kung ano nga ang mangyayari.


Dumating ang Pebrero 25, unti-unting nagtipon sa EDSA Shrine ang mga grupo sa hanay ng Simbahang Katoliko. Wala pang ala-1 ng hapon, marami nang nasa loob at paligid ng EDSA Shrine. Makapal na ang taong nasa harapan at loob ng EDSA Shrine.


Napakaraming kabataan ang nagsimulang dumating. Maraming mga seminarista, batang miyembro ng religious congregations. Napakarami ring mga kabataang estudyante galing sa iba’t ibang paaralan, kolehiyo at unibersidad. Nang magsimula na ang martsa ng hapon, panay kabataan na ang nakikita namin. Sa harapan, sa likod, sa kaliwa, sa kanan, kabataan maski saan. Naroroon pa rin kaming may edad na, ngunit naroroon ang mga kabataang estudyante.


Ito na nga ba ang pagbabagong hinihintay ng marami? Naririto na ang mga kabataang nag-iisip, hindi nadadala ng mga kasinungalingan ng mga trolls at fake news. Naririto na ang mga kabataang hindi nadadala ng ayuda at mga panandaliang ginhawa mula sa mga amo, padron, ng mga pamilyang trapo at mula sa matatandang dinastiya. Naririto na ang mga kabataang nagpapahalaga sa katotohanan at kasaysayan at handang ipaglaban at ipagpatuloy ang mabuting laban ng mga nakatatanda sa kanila.


Sinabi ng mga pulis, umabot ng anim na libo ang mga naroroon sa EDSA at People Power Monument. Ngunit, merong ibang ulat na umabot ng higit pang 10, 20 hanggang 50 libo ang dumalo, na karamihan sa mga ito ay kabataan. 


Heto na marahil ang pagdurugtong na matagal nang dapat nangyari. Ang pagdurugtong ng ngayon at kahapon, ng ngayon at ng bukas. Ano, sino ang susi ng pagdurugtong na ito? Oo, ang tuluy-tuloy na pagsisikap ng mga nakatatanda, ngunit higit sa lahat ang bukas at masigasig na paninindigan at pagpupunyagi ng kabataan ngayon!


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Feb. 23, 2025



Fr. Robert Reyes

Halos isang buwan na ang lumipas mula nang magkaroon ng tatlong malalaking pagkilos ang tatlong koalisyon laban sa kontrobersiyal na 2025 national budget ng Marcos admin at para sa impeachment ni Vice President Sara Duterte. 


Nagtipun-tipon ang mga estudyante ng ilang kolehiyo at unibersidad sa Liwasang Bonfacio. Nagtungo naman ang ilang grupo sa People Power Monument at ang pangatlong grupo ay nag-rally sa EDSA Shrine. 


Magandang tingnan ang buhay na diwa ng oposisyon dahil tanda ito ng buhay na demokrasya. Awa naman ng Diyos, hindi pa patay ang demokrasya sa ating bansa. Ngunit, malubha na ang kanyang sakit at aandap-andap na ito. Sa kabila ng paghina ng demokrasya, siya naman ang paglakas ng mga trapo at dinastiyang pamilya. Ito na nga kaya ang inireklamo ni Jose Rizal noon na “nakatatakot na kanser na lumalaganap sa ating lipunan?”


Merong iba’t ibang uri ng kanser. At parang isang uri lamang ang mga trapo at dinastiyang pamilya. Mas malala rito ay ang mas laganap na kanser ng pagkamanhid at kawalan ng pagmamahal at pagmamalasakit sa Inang Bayan. Nasaan na ang milyun-milyong nanindigan at bumaha sa EDSA noong Pebrero 22-25, 1986? Ano na ang nangyari sa nagdaang 39 na taon (mula Pebrero 25, 1986) nang sa wakas, lumayas o napalayas ang diktador at ang kanyang pamilya ng galit ngunit mahinahong mamamayan.


Dalawampu’t isang taong pinagtiisan at nilabanan ng marami ang rehimen ng Marcos. Ngunit, lingid sa marami na hindi nag-aksaya ng panahon ang mga Marcos habang naghahanap ito ng mga paraan at pagkakataong makabalik hindi lang sa bansa kundi mismo sa Malacañang. 


Maingat na pagpaplano kasabay ang malalim na bulsa, unti-unting bumalik sila, una sa Senado, pangalawa sa pamahalaang lokal ng Laoag. At sa wakas nakabalik sa Malacañang. Mula Marcos Senior hanggang Marcos Junior, nagtagumpay ang mga trapo at dinastiya hindi lang sa Luzon at Kamaynilaan kundi sa buong bansa.


Ngayong halos 40 taon o apat na dekada nang naghihirap ang Pilipinas sa ilalim ng mga trapong pamilyang dinastiya na hawak ang poder mula Malacañang hanggang Senado, Kamara, hanggang mga lalawigan, siyudad, bayan at barangay, may pag-asa pa bang magbago at bumuti ang kalagayan ng nakararaming maliliit, mahihirap na walang tinig na mamamayan?


Tumataginting na “oo” ang sagot ng iba’t ibang grupong nagkaisa at bumuo ng iisang programa ng paggunita sa apat na araw na EDSA People Power Revolution. Ito ang ipinakita ng tatlong koalisyon ng ‘Tama na; Tindig-Pilipinas at Siklab, at Clergy and Citizens for Good Governance. 


Magbabago pa, lalaya at uunlad pa ang mahal nating bansa. Kailangan lang na pagsikapan ng lahat ang pagkakaisa. Nagtanungan ang tatlong grupo, “Puwede ba tayong mag-usap-usap at bumuo ng nagkakaisang programa ng iisang panawagan, iisang tinig at iisang pagkilos?” Ito ang ipinakita ng tatlong malalaking koalisyon noong nakaraang Biyernes, Pebrero 21, 2025. 


Sa isang presscon na ginanap sa Parokya ng Madonna de la Strada sa Katipunan, isang tinig, isang sigaw ang ipinadinig ng tatlong grupo sa buong sambayanan, “Isabuhay ang diwa ng People Power! Marcos, singilin! Duterte, panagutin! Sara, litisin!”


Tatlong kulay ang nagtabi-tabi sa isang mahabang lamesa: itim, dilaw at pula. Kulay na hindi hiwa-hiwalay tulad ng magkakaibang kulay ng bahaghari. Magkakasama ang dalawang pari at isang Obispong Katoliko, mga aktibista ng “First Quarter Storm,” mga progresibong grupo na madalas magkakalayo at nag-iiwasan ngunit nagkakaisa ngayon at ang mga kabataan na kaisa ng mga nakatatanda. Kay gandang tingnan ang nagkakaisang oposisyon at hayaan itong magpalakas ng diwa, loob at paninindigan.


Ito ang mensaheng binigyan natin ng diin. Hindi imposibleng magkaisa ang mga nagmamahal sa Inang Bayan. Hindi imposibleng mag-usap-usap, magkaunawaan at magkasundo sa iisang mensahe at pagkilos at makita’t marinig ang nagkakaisang oposisyon. Hindi ba’t ito ang milagro ng EDSA, ang mapayapang pagkakaisa ng buong bayan?


Kaya mula umaga hanggang gabi ng Pebrero 25, 2025, makikita’t maririnig ang nagkakaisang mga grupo na iisa ang ipinaglalaban. 


Kung bumaha ng dilaw sa EDSA noong Pebrero 25, 1986, babaha naman ng itim, pula at dilaw sa darating na Martes, sa ika-39 taong anibersaryo ng mapayapang People Power Revolution.


Dahil sa pangunguna nina Marcos junior at Duterte daughter, sampu ng mga trapo’t dinastiya sa buong bansa, pinagkakaisa ninyo ang oposisyon. Maraming-maraming salamat po. Buhay na buhay pa ang diwa ng People Power Revolution!

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Feb. 22, 2025



Fr. Robert Reyes

“Baby Boomers” ang tawag sa amin na ipinanganak pagkatapos ng “World War II” noong 1945 (mula 1946 hanggang 1964). 


Karamihan sa amin ay tutungtong na sa edad 70. Medyo matanda na, suwerte at pinagpala kung malakas pa. Pitong dekada na puno ng pangako at hamon, at punung-puno ng pagpapala.


Isinilang ako noong Pebrero 24, 1955 bandang ika-9:32 ng umaga sa Mary Johnston Hospital Tondo, Manila, ayon kay Dr. Benjamin Lazaro, tiyuhin ni Carlos, aking ama. Malusog at mabigat ang timbang ko sa 8 pounds. 


Hindi lang ang nanay kong si Natividad at amang si Carlos ang tuwang-tuwa noong araw na iyon. Lahat ng tiyuhin at isang tiyahin ko sa parte ni Tatay Carlos ay naghihintay sa aking pagdating at nagdiwang nang husto nang nasilayan nila ang pinakauna nilang pamangkin sa kanilang Kuya Carling at Ate Naty. At siyempre tuwang-tuwa si Lola Pia (Policarpia) sa kanyang unang apo.


Pitong dekada o 70 taon na ang nakalipas mula nang mabiyaya’t masayang araw na iyon. At nais kong balikan at pasalamatan ang pitong dekada ng makulay at makasaysayang buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa akin. 


1955-1965: Pagsilang, pamilya, kabataan, ang Pilipinas 10 taon pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (WWII) -- (Quirino, Magsaysay, Garcia)


1965-1975: Pagtuklas at pagsunod sa bokasyon at misyon ng pagpapari. -- (Marcos)


1975-1986: Mga magulo at mapanganib na taon sa ating bansa: Martial Law, at pagbubuo ng Samahang Gomburza (Pebrero 17, 1977), pag-iibang bansa (Roma, Italia) -- (Marcos, Aquino)


1985-1995: Ang pangako at pangarap ng EDSA 1986: Paglaya sa diktador, paglilingkod sa ilang taong mapayapa at maunlad, puno ng pag-asa at sigla -- (Aquino, Ramos)


1995-2005: Unti-unting pagtalikod sa diwa ng pagbabago, wagas na pagmamahal sa bayan, pagpapahalaga sa katotohanan at kasaysayan, tunay na paglilingkod. EDSA Dos, EDSA Tres -- (FVR, Erap, GMA)


2005-2015: Balik-kalye, balik-rally. Pansamantalang pahinga at pag-asa muli ngunit bitin at bigo, sayang at panghihinayang -- (GMA, PNoy)


2015-2025: Pagbabalik ng mga trapo, paglaganap ng mga dinastiya, pagkabulok ng pulitika -- (PNoy, Digong, Bongbong); Pag-ulit ng kasaysayan -- (Marcos Sr. noon, Marcos Junior ngayon)

                 

Makulay ang araw ng aking kapanganakan. Katapusan ng EDSA sa Pilipinas noong ika-24 ng Pebrero 1986 at nasa Roma kami noon. Kaharap ko ang dalawang paring Pinoy at merong bote ng Champagne sa aming harap, pero sarado pa. Walang laman ang aming mga baso at nakikinig kami sa BBC Radio, at naghihintay ng anumang masayang balita sa tuluy-tuloy na apat na araw ng mapayapang rebolusyon sa ating bansa. 


Bandang hapon noon sa Roma at umaga sa ‘Pinas nang narinig namin ang masayang tinig sa Ingles: “And the dictator has left. The Philippines is free again!” Noon lang namin binuksan ang bote ng Champagne at pinuno ang tatlong baso at kakaibang toast iyon. “Happy birthday tol at mabuhay ang kalayaan, mabuhay ang bansang Pilipinas!” sabi nila sa akin. 


Bata pa tayo noon, 31 taong gulang pa lamang at tuwang-tuwa kami, ako, dahil uuwi kami sa isang bansang lumaya muli. Makakasama kami sa muling pagtatayo ng nasirang demokrasya, kamalayan, kultura at pagsisikapang ibahin ang istorya ng aming bansa mula sa diktadurya tungo sa kaliwanagan ng bagong pag-asa.

Ngunit agad na naglaho ang mga matatayog at magagandang pangarap. Sa mabilis na nagdaang 39 na taon mula EDSA People Power Revolution at 70 taon mula ng aking pagsilang, malungkot na nasaksihan ang tila kataksilan ng maraming namumuno noon at ngayon. 


Malungkot ding makita at maranasan ang pagsira ng pananaw at maka-bansang pananaw ng taumbayan. Hindi ligtas ang mga simbahan. Tila napaglaruan at nagamit din ang maraming namumuno sa simbahan. At ganito nga ang kalakaran ngayon ng mga nakapuwestong mga miyembro ng mayayaman at makapangyarihang pamilya na kilala sa tawag na dinastiya!


Pitongpu na tayo, medyo may edad na ngunit walang tigil at pagkasawa sa pangangarap at paglaban para sa tama. Mahirap at nakakadismaya ang mga pangyayari ng nakaraang 39 na taon mula Marcos Senior hanggang Marcos Junior. Parang wala tayong natutunan at umuulit lang ang kasaysayan.


Pero, hindi ganoon ang lahat ng mamamayan. Maraming gising pa rin bagama’t may edad na rin. Salamat sa buhay at sa lahat ng hamong hinarap at ipinaglaban. Buhay na buhay pa rin ang maraming baby boomers at mas matanda pa. At dumarami na rin ang mga mas bata sampu ng mga kabataang nangangarap, lumalaban at naniniwala na darating ang araw na muling maririnig natin ang balitang, “lumayas na ang mga trapo’t dinastiya, malaya na naman ang ating bansa!”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page