top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Mar. 9, 2025



Fr. Robert Reyes

Maganda’t malungkot tumira sa ibang bansa. Magandang tumira sa abroad dahil sa maraming makukulay at masasayang alaala ng mga lugar, tao, kultura, relihiyon, kasaysayan at iba pang mga bagay na bumubuo ng matatawag nating ibang mundo. 


Tumira tayo sa Roma mula Setyembre 1983 hanggang Hulyo 1987. Tumira naman tayo sa Tsina noong Pebrero hanggang Disyembre ng 2006. Lumipat at nanirahan tayo sa Hong Kong noong Enero 2007 hanggang Agosto 2009. Sa mga taong iyon, nakita at hinangaan natin ang nabuo at patuloy na binubuo pang ekonomiya, kultura, kapaligiran (pagtatanggol sa likas yaman at ang iba’t ibang aspeto ng kalikasan), at iba pa.


Kung Roma ang pag-uusapan, mula pa ito noong panahon ni Kristo at ni Cesar hanggang sa kasalukuyan ang malinaw na tinutukoy. Napakayaman ng mga naiwanang guho (ruins) ng mga mahahalagang gusaling Romano. Ganu’n din ang mga naiwanang mga gusali (nakatayo pa) mula sa panahon ni Mussolini (EUR) hanggang kasalukuyan. 


Hindi na kailangang banggitin ang naiwanang kayamanan, kultura at kasaysayan ng Kristiyanismo (mula sa panahon ni Emperador Constantino hanggang sa ngayon). Hindi ligtas sa kahinaan ang kapwa namumuno sampu ng pinamumunuan. Naroroon pa rin ang kasakiman at karahasan ng mga makapangyarihan ngunit, naroroon din ang kadakilaan at matayog na pangarap at pananaw ng mga artisan, inhinyero, mga matinong pulitiko, mga simbahan. 


Sa kabila ng mga kalabisan ng mga namumuno, naroroon ang walang hanggang paglikha at pag-unlad ng arkitektura, ingheneriya, ang iba’t ibang siyensiya at sining. At bakit buhay at buo pa ang napakaraming mga imprastruktura sa paglipas ng mahabang panahon?


Sa tatlong taong nanirahan tayo sa Hong Kong at dalawa pang taong nagpabalik-balik tayo bilang OFW, ni minsan hindi tayo nakapagmaneho ng anumang sasakyan. Hindi naman kailangan dahil sa mahusay at sapat na sasakyang pampubliko mula sa kanilang MRT o LRT na dumaraan sa lahat ng uri ng riles: sa ibabaw at itaas ng mga daan hanggang sa ilalim ng mga gusali’t daan, pati na sa ilalim ng tubig (Hong Kong-Tsim Shat Tsui). 


Sa limang taong nagtrabaho tayo sa Hong Kong ilang tulay din ang natapos at ginagamit na. Malawak at tunay na mahusay ang sistema ng transportasyon ng Hong Kong at tuluy-tuloy din hanggang ngayon ang pagpapalawak at higit na pagpapahusay upang maging episyente at epektibo ang mga ito para sa mga mamamayan. 


Malaki ang nagawa ng sistemang galing sa Inghiltera na pinakikinabangan hanggang ngayon. Isa sa pinakamahalagang sistemang iniwanan ng administrasyong kolonyal ay ang kilalang-kilalang “Anti-Corruption Council” na mahigpit na nagbabantay sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan sa tama at mahusay na paggamit ng pondo ng pamahalaan. 


Marami nang nagbago mula nang umalis tayo ng Hong Kong. Halos kumpleto na ang pagbalik ng dating kolonya ng taga-Britanya sa Tsina. Hindi na pareho ang pamamahala ng bagong administrasyon kumpara sa dati. Ngunit mahalagang bigyang-diin ang matibay na pundasyon sa imprastruktura at pamamahala na hanggang ngayon ay pinakikinabangan ng lahat.


Noong mga nakaraang araw, umugong ang mga balita tungkol sa pagbagsak ng Cabagan-Santa Maria Bridge sa Isabela. Nagtungo roon ang Presidente upang tingnan ang naging problema. Ang opisyal na pahayag niya, “Problema sa disenyo,” ang sanhi ng pagbagsak ng tulay. 


Ginawa ang tulay para kayanin ang bigat hanggang sa 44 tons ngunit hindi ganoon ang disenyong sinunod. Pero, talaga bang problema sa disenyo o sa sistema ang sanhi ng pagbagsak ng naturang tulay? Ito ang mismong paliwanag ng Presidente: “Ang ending nito, ang puno’t dulo nito design flaw. It is a design flaw, mali ‘yung design. Ang history kasi nito dapat ang funding nito was supposed to be P 1.8 billion. Binawasan to under P1 billion para makamura.”


Disenyo ba o sistema? Bakit binawasan ng P1 bilyon? Talaga bang para makamura? Saan napunta ang P1 bilyon?


Magsisimula na raw ang imbestigasyon. Wala kayang magic na mangyayari sa imbestigasyon? 


Kung sa Hong Kong nangyari ito, agad-agad nang sinimulan ang imbestigasyon at hindi magtatagal mabilis na makikita kung sinu-sino ang “nag-magic” sa P1 bilyon. Hindi magtatagal ay meron nang makakasuhan at makukulong. Hindi magpapatumpik-tumpik ang “Independent Commission Against Corruption” ng Hong Kong.

Tingnan natin kung ano ang mangyayari sa kasong ito ng bumagsak na tulay ng Cabagan-Santa Maria sa Isabela. Tingnan natin kung meron nang lalabas na mga pangalan ng malalaking tao at hindi lang ang mga maliliit na contractor, engineer at mga maliliit na kawani ng pamahalaan.


Pagmamahal ba sa bansa ang dahilan ng pagbabawas ng P1 bilyon? Para makamura, makatipid sa gastos? Walang masama sa pagtitipid basta’t malinaw kung bakit nagtipid at kung saan napunta ang tinipid. 


Sistema na itong naturang pagtitipid, pagpapamura. Sistema na ang pangungumisyon ng mga opisyal sa lahat ng proyektong pang-imprastruktura. 


Pagmamahal sa sarili, sa pamilya, sa korporasyon, sa ka-partido, ka-pulitika at hindi pagmamahal sa bayan ang matagal nang umiiral at ipinaiiral ng karamihang nakapuwesto sa pamahalaan. Bahagi na rin ng sistema ang maglagay sa mga maseselan na institusyon ng mga tauhang poprotektahan ang mga nakaupo. 


Matagal nang alam ng marami kung ano ang pangkalahatang paggalaw ng sistema ng katarungan. Kung magnakaw ng pako si Pedro, kulong agad ito. Kung magnakaw ng bilyones ang pangulo, oo nakukulong din ito sa sariling bahay o hacienda (house arrest) o sa paboritong ospital na titiyaking komportable ang buhay ni ma’am o ni sir.


Hangga’t walang pagmamahal sa bayan at mga kababayan, at walang batas na mahigpit na nagbabantay, humuhuli at nagpaparusa sa mga tiwali at korup, mananatiling buhay at malakas ang sistema (hindi ang disenyo) ng pagmamahal sa sarili at hindi sa bayan o kababayan. At hindi magtatagal, meron pang ibang tulay o anumang proyekto ang babagsak hindi dahil sa maling disenyo kundi dahil sa bulok na sistema.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Mar. 8, 2025



Fr. Robert Reyes

Nagsimula na noong nakaraang Miyerkules ang banal na panahon ng Kuwaresma. Miyerkules ng Abo ang simula ng 40 araw ng Kuwaresma, ang malalim na pagninilay, panalangin at pagbabalik-loob na pagdaraanan ng bawat Kristiyano bilang paggunita sa Misteryo Paskuwal ng ating Panginoong Hesus. 


Minsan sa isang taon dumarating ang simple ngunit makapangyarihang paalala ng tunay na kabuluhan at kahalagahan ng maraming ginagawa at pinagkakaabalahan ng tao. Abo mula sa sinunog na mga palaspas na ginamit noong nakaraang Linggo ng Palaspas ay hinaluan ng tubig, binasbasan at ipinahid sa mga noo. 


Minsan sa isang taon, makikita ang maraming noo na pinahiran ng itim na krus sa tinanggap mula sa pari na nagpaalalang, “Mula sa alabok babalik ka sa alabok. Maniwala at isabuhay ang ebanghelyo ni Kristo.”


Kailangang-kailangan nating mapaalalahanan ng napakapayak ngunit malalim na katotohanan ng kabuluhan at kahalagahan ng buhay. May katapusan ang lahat. Sino ka man, anuman ang iyong katatayuan sa lipunan, kilala o hindi, mayaman o pobre, may pinag-aralan o wala, pantay-pantay ang lahat sa harap ng kamatayan, sa harap ng abo o alabok. Bakit kailangang paalalahanan ang lahat? Hindi ba’t alam ito ng lahat?


Oo, alam dapat ito ng lahat ngunit hindi mo maririnig, mararamdaman sa salita o gawa ng marami ang katotohanang ito. Puno pa rin ng kayabangan at pagkukunwari ang marami sa buong mundo at sa bawat lipunan. 


Noong nakaraang mga araw, napanood ng buong mundo ang nangyaring panglalait ng isang presidente sa kanyang kapwa presidente. Nagharap sina Donald Trump ng Estados Unidos at Volodymyr Zelenskyy ng Ukraine. Umani ito ng katakut-takot na pagbatikos. 


Pinilit ni Trump na makinig si Zelenskyy at tanggapin ang mga sumusunod: 


$350 billion ang ibinigay nila rito. Hindi siya nagsabi ng, “Thank You.”

“You have to be thankful, you are running low on soldiers. You should get a ceasefire.”

“You don’t have the cards. With us you have the cards.”


“They didn’t respect Obama but they respect me.”

“I have empowered you to be a tough guy. But you can’t be a tough guy without the United States.”


“He has tremendous hatred for Putin. I am aligned with the world. I want to be aligned with Europe. The other side is not in love with him (Zelenskyy) either.”


Zelenskyy: “He occupied us in 2014. Those times were Obama. Nobody stopped him (Putin). From 2014 to 2022, people are dying and nobody is stopping him. I signed a deal with him (Putin) a ceasefire deal. After that he broke the deal. He continued attacking.”

Trump: “You are in no position to dictate what we are going to feel. You have allowed yourself to be in a very bad position. You are gambling with World War III. What you are doing is disrespectful to this country. Your country is in big trouble. You are not winning this.”

 

At halos hindi binigyang pagkakataong magsalita si Zelenskyy. Totoo nga ba ang mga

sinabi ni Trump? Totoo nga ba ang mga sinabi ni Zelenskyy na halos hindi nila pinagsalita? Hindi ko sila huhusgahan dito ngunit merong tanong na hindi ganoon kahirap sagutin. Sino ba sa kanila ang tunay na naghahanap ng kapayapaan? Ang presidenteng dinurog na ang kanyang bansa ng isang makapangyarihang dayuhang kapitbahay? Anong mga bansa ba ang matagal nang kilala sa paggawa ng mga armas na ginagamit sa maraming giyera na pinagkakakitaan nito ng malaki? Natapos ang palitan ng mga salita nina Zelenskyy, Trump, na malinaw na hindi nakikinig ang dapat makinig. 


Noong nakaraang Miyerkules ng Abo, nagtungo na naman ang munting grupo namin sa harapan ng Comelec. Ngunit sumama sa amin si Atty. Harold Respicio, ang kinasuhan ng Comelec dahil sa kanyang mungkahing, “Huwag ikonekta sa internet ang mga vote counting machine bago, habang at pagkatapos na pagkatapos ng halalan. Bulnerable, mahina ang mga makina sa mga mahuhusay na “hackers” na kayang-kayang pasukin ang internet at maniobrahin ang resulta ng eleksyon.”


Walang sinabi si Respicio tungkol sa dayaan. Nagmungkahi lang ito kung paano protektahan ang eleksyon laban sa mga may masasamang hangarin at mahusay mag-hack.


Dumating ang maraming media at in-interview si Respicio. Walang takot at malinaw ang paliwanag ng abogadong CPA, IT-expert. 


Sa sobrang linaw at kasimplehan ng kanyang paliwanag mauunawaan maski ng mga bata ito. Kaya sa halip na makinig ang Comelec kay Respicio kinasuhan na lang ito. 


Magtatatlong taon nang nagpupunta ang grupo nina General Eliseo Rio kasama kami sa harapan ng Comelec. Marami ng sulat at pakiusap sina General Rio sa Comelec.


Naghain na rin ng mandamus ang grupo nina Rio sa Korte Suprema. Sumasagot ba ang Comelec? Nakikinig ba sila?


Nasisira ang demokrasya sa maraming bansa. Nasisira ito ngayon sa Estados Unidos.


Matagal nang nasisira at sinisira ito ng mali at masamang pulitika sa ating bansa. At malinaw na sinisira ito ng abo ng kayabangan at pagbabalatkayo ng mga matataas at makapangyarihan.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Mar. 2, 2025



Fr. Robert Reyes

Kung bibigyan natin ng pangalan ang Kuwaresma sa taong ito, ano kayang pangalan ang babagay dito? 


Tatlo ang hinihinging gawin ng lahat ng Katoliko sa loob ng 40 araw ng Kuwaresma: magdasal, mag-ayuno at magkawang-gawa. At ang paulit-ulit na hinihingi ni Papa Francisco sa banig ng karamdaman ay ang manalangin tayo para sa kapayapaan sa buong mundo. Hindi niya hinihingi na ipagdasal siya kundi ang ipagdasal ang mundong nababalot sa hidwaan, karahasan at ‘di pagkakapantay-pantay.


Kaya kung magdarasal tayo sa loob ng 40 araw mula Miyerkules ng Abo hanggang Linggo ng Pagkabuhay, kailangan nating alamin ang pinakamabigat na problema at pangangailangan ng ating lipunan sampu ng buong mundo. 


Sa mga nagdaang buwan, nasaksihan natin ang mala-teleseryeng Congress hearing tungkol sa iba’t ibang mabibigat na isyu mula sa sino ang tunay na Alice Guo, ang papel ni Royina Garma sa madugong war on drugs, ang kontrobersyal na confidential funds ni Vice President Sara Duterte at ang tila maanomalyang General Appropriations Act ng 2025 ni Pangulong Bongbong Marcos.


Salamat sa mga hearing na ito, lumabas maski na paano ang madilim na mundo ng kriminalidad na kinasasangkutan ng matataas na opisyal ng bansa. 

Napanood at napakinggan ang paghahanap sa katotohanan at ang katarungang hinihingi nito laban sa mga nagkasala at ang lunas at kabayaran para sa mga biktima nito. 


At noong mga huling buwan ng 2023 hanggang sa mga unang buwan ng 2024, nasaksihan ng marami ang mahalagang paglalayag ng ilang nagmamalasakit na mamamayan para sa soberanya ng ating bansa sa lupa hanggang sa tubig laban sa pananakop ng imperyong pamahalaang Tsino.


Tatlong mahahalagang isyu ang dapat tugunan at harapin ng ating gobyerno ngayon. Ang tatlong ito rin ang maaaring maging tema ng Kuwaresma sa taong ito. Kuwaresma ng katotohanan, katarungan at kalayaan. Hindi lang personal o indibidwal na pagbabago at pagbabalik-loob sa Diyos ang kailangan kundi ang pagbabago ng buong lipunan.


Papahiran ng abo ang mga noo ng mga mananampalataya sa darating na Miyerkules ng Abo. Hindi lang ang mga indibidwal ang kailangang paalalahanan ng karupukan ng ating buhay at pagkatao. Malakas tayo ngayon, hindi tiyak kung kumusta na tayo bukas. Ilusyon ang pagtayo at pagsandal sa mga bagay na lumilipas at kumukupas. Ito ang payak at hayagang mensahe ng Miyerkules ng Abo: huwag tayong mag-ilusyon at magkamaling tumayo at sumandal sa materyal, sa pera at ari-arian. Huwag tayong umasa at sumandal sa kapangyarihan. Huwag tayong mahumaling at halos sumamba sa ating mga reputasyon at pangalan dahil ang lahat ng ito ay lilipas, kukupas at mawawala.


Dahil sa maling pag-ibig, ang pag-ibig sa sarili lamang na bulag at sarado sa kapwa, sa lipunan, sa kalikasan at sa Diyos, gagawin at gagawin ang lahat, maski na ang mali at masama para lamang mapanatili ang “kapakanan ng sarili” maski na mapahamak ang marami. 


Dahil sa maling pag-ibig, sisirain ang katotohanan at kasaysayan para maitago, makalimutan, mapalitan ng kasinungalingan ang katotohanan. 

Dahil sa maling pag-ibig, paiiralin ang baluktot at hindi makatarungan upang mapagtakpan ang mga pagkakamali, kasalanan at krimen na ginawa ng indibidwal maging ng buong pamilya at angkan o samahan. 


Dahil sa maling pag-ibig, maipagbibili ang ating soberanya at iaalay bilang regalo ang lahat ng ating lupa at karagatan sampu ng bawat mamamayan sa bansang mananakop.

Ilang buwan na lang at halalan na naman sa darating na ika-12 ng Mayo 2025.


Hahayaan ba nating maulit ang kasaysayan? Hahayaan ba nating maging abo ang ating boto, at manaig ang mali at kandidatong papanalunin ng mali at korup na sistema ng halalan?


 
 
RECOMMENDED
bottom of page