top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 7, 2025



Fr. Robert Reyes

Noong nakaraang linggo ay pista ng pag-akyat ng Panginoong Hesu-Kristo sa langit.

Dumaan na ang dalawang mahahalagang pista ng muling pagkabuhay ng Panginoong Hesus at ang Pentekostes, ang pagpapadala ng kanyang Espiritu sa mga apostoles at sa buong simbahan.


Dumating na ngayon ang araw ng pagbalik ng Panginoon sa piling ng Kanyang Ama sa langit.  Mababatid ng mga apostol ni Hesus ang kanyang papalapit na pag-alis at pagbalik sa kanyang ama sa mga nakasulat sa ebanghelyo ayon kay Juan 16:16. “Ilang sandali na lang at hindi na ninyo ako makikita, ngunit ilang sandali lang makikita ninyo ako muli.” Aalis na ang Panginoon at hindi na makikita ang kanyang pisikal na kaanyuan, ngunit siya ring nagsabi na makikita pa rin natin siya.


Namatay si Kristo, ngunit sa loob ng tatlong araw ay nabuhay siya muli. Nawala siya ng tatlong araw pero isa ikatlong araw, sa kanyang muling pagkabuhay, nagpakita siyang muli sa ilan sa kanyang mga alagad. At ilang ulit siyang nagpapakita sa kanyang mga alagad hanggang sa dumating na ang sandali ng kanyang pag-akyat at pagbalik sa kanyang Ama sa langit. 


Sa kabila ng kanyang pagbabalik ni Kristo sa Ama, nananatiling buhay, malakas at matibay ang pananampalataya ng kanyang mga alagad sa kanya. Ito ang hamon ng pananampalataya sa lahat, mananatili bang buhay sa ating isip, puso, diwa at kaluluwa ang ating pananampalataya sa kanya?


Kaugnay ng pananalig natin sa pananatili sa atin ng Espiritu ng Diyos, kailangan nating manalangin, magnilay, hanapin ang kalooban at lakas ng Panginoon at patuloy na kumilos para sa kapakanan ng lahat. 


Hindi maka-langit o maka-Diyos lamang ang pananampalataya, maka-tao, maka-lipunan, maka-kalikasan, maka-sanlibutan din ito. At pagdating sa pananaw at pag-unawa kailangan din ng pananampalataya ang maging makatotohanan, makatarungan, makasaysayan at para sa tunay na pagbabago.


Ganito ang kailangan sa ating bansa at kailangan din ng buong mundo. Napakaraming dapat baguhin sa ating bansa ngunit hindi mabibigla ang lahat ng ito. Dahan-dahan, isa-isa kailangang harapin ang hamon ng pagbabago. 


Sa mga nagdaang araw, nabalitaan na lang namin habang nagsasagawa ng Camino de Santiago de Compostela ang ilang pagbabago sa bansa. Bago na ang ating Philippine National Police chief sa katauhan ni Gen. Nicolas Torre III. Bago na rin ang Solicitor General sa katauhan ni Darlene Berberabe ang dean ng UP College of Law.


Ang PNP at ang tanggapan ng Solicitor General ay dalawa sa mahahalagang institusyon ng ating bansa. 


Maraming natuwa nang lumabas ang balita na si tungkol Torre na bagong PNP chief, gayundin Berberabe na ang bagong Solicitor General. Umaasa ang marami na hindi lang magiging sunud-sunuran sa Pangulo ang Solicitor General. 


Dumating na rin ang munting grupo ng mga peregrinong Pinoy mula sa Santiago de Compostela. Isa sa napakaraming banal na lugar na dinadalaw ng libu-libong mga peregrino ang Santiago de Compostela. Karamihan sa mga banal na lugar ay may kinalaman sa mga Milagro ng Mahal na Birheng Maria. Gayunman, kakaiba ang Camino de Santiago de Compostela. Camino o paglalakad ang paraan ng paglalakbay na isinasagawa ng lahat ng mga peregrinong nais marating ang libingan ni Apostol Santiago. Subalit, hindi lang personal kundi mas malawak din ang intensyon ng paglalakad tungo sa Santiago de Compostela.


Iniaalay namin ang huling 25 kilometro sa gitna ng mahaba at mainit na daan mula Salceda, Galicia hanggang Santiago de Compostela para sa malalim, mapayapa at tunay na pagbabago ng ating bansa. Ilang pangulo na mula kay Marcos Senior at ngayon ang kanyang anak na si Marcos Junior na nangarap ang lahat na gumanda, luminis, umayos at magkaisa ang ating bansa. 


Ito pa rin ang panalangin at pangarap ng lahat. Walang sawang panalangin at pangarap naming mga peregrinong Pinoy hanggang marating ang banal na dambana ng Santiago de Compostela.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 1, 2025



Fr. Robert Reyes

Anim na araw nang naglalakad ang munting grupo ng mga Pinoy sa probinsya ng Galicia, España. 


Mula Sarria hanggang Santiago de Compostela isinasagawa ng grupo ang Camino de Santiago de Compostela. Sa mga araw na nagdaan, nababasa na lang namin sa internet ang mga pangyayari sa ating bansa. 


Napakalayo man, hindi namin maaaring balewalain ang kalagayan ng Pilipinas. Kaya sa mga huling araw ng aming paglalakad, kasama sa panalangin at sakripisyo ng mahaba at mahirap na paglalakad ang kapakanan ng bansa at ng buong mundo.


Nananabik nang makabalik ang lahat ng mga naturang peregrino (pilgrims) sa ‘Pinas upang muling makilahok sa mga usapin, panalangin at pagkilos para sa kapakanan ng


Inang Bayan. Kailangang maintindihan ang mas malalim na kabuluhan at epekto ng mga nagaganap sa ating bansa. Dapat masagot ang mga katanungan tungkol sa iba’t ibang pangyayari. Una, bakit at paano nangyari ito? Pangalawa, ano ang epekto nito? Pangatlo, anu-ano ang sinasabi ng mga lider ng administrasyon at oposisyon tungkol dito? Ano ang nararapat na gawin ng taumbayan hinggil sa isyu?


Kasama sana tayo sa ikatlong paglalayag ng Atin To sa West Philippine Sea (WPS). Ano na kaya ang mga nangyari sa mahalagang paglalayag na ito? 


Nagkagulo at nabulabog ang marami nang isulat ni Richard Heydarian na tila, “Nagkamali si PBBM sa kanyang desisyon na ipahuli at payagang ilipat sa ICC, sa The Hague si dating Pangulong Duterte.” 


Ito ba’y batay sa makatotohanang pagsusuri ng mga legal at pulitikal na datos hinggil sa pag-aresto at paglipat sa dating pangulo sa ICC, The Hague? O isa pa ring pulitikal na haka-hakang lumilitaw dahil sa patuloy na pagtatagisan ng mga Duterte at Marcos, at sa kapansin-pansin na epekto ng pagkilos ng dalawang panig, na sa isang banda ay tila humihina ang hatak ng kampong PBBM at patuloy ang hatak ng katunggali nito? Ngayon pa lang ay nagpoposisyon na ang oposisyon para sa 2028. 


Isa na sa kapansin-pansin na pagkilos nito ay ang pagpapalutang ni Sen. Risa Hontiveros para kumandidato sa mas mataas na puwesto sa 2028. 


Natanggal na sa wakas si Menardo Guevarra bilang Solicitor General at ang ipinalit sa kanya ay si Darlene Marie Berberabe, dating presidente ng Pag-ibig Fund noong 2010, kasalukuyang dean ng UP College of Law. At ang umuugong na planong magkaroon ng “reconciliation” (pagkakasundo) ang dalawang kampong magkatunggali: Marcos at Duterte.


Napakarami pang maaari nating itala rito ngunit hanggang pagtatala na lang ang magagawa kung napakalayo natin sa pinangyayarihan ng lahat. Subalit hindi maaaring tawaran ang bisa at kabuluhan ng panalangin sa mga gumagawa nito. Ipinaliwanag natin sa mga kasama sa Camino de Santiago, na maliit man ang bilang ng mga naglalakbay na Pinoy bahagi pa rin ito ng tuluy-tuloy na paglalakbay ng lahing Pinoy tungo sa kaliwanagan at kalayaan. 


Mahalaga’t magandang tingnan muli ang kasaysayan ng LAKARAN, ang banal na paglalakbay mula kay Herno Pule at kanyang mga kasama hanggang kina Andres Bonifacio ng Katipunan. 


Hindi tumitigil ang LAKARAN nina Pule at Ka Andres. Kung susuriin at pagninilayan natin nang husto, magkakaugnay ang lahat ng mga pangyayari mula noon hanggang ngayon. Ang pagkakaiba lang ay walang isang indibidwal o grupo na tumitimon sa paglalakbay na kailangang gawin ng lahat.


Nakakatulong balik-balikan ngayon ang motto ng bagong Papa Leo XIV. “In Illo Uno Unum.” At sa iisang Kristo tayo ay iisa. Kung iisa ang sinasamba at sinusunod, magkakaisa ang lahat. At ito ang malinaw na problema ng ating bansa ang pagkakahati-hati natin hanggang ngayon. 


Hindi naisama sa listahan ng mga pangyayari sa itaas ang ‘di pagkakaisa o ang pagkakahati-hati ng bansa hanggang ngayon. Hindi naman nangyari ito nang biglaan.


Nangyari ito nang dahan-dahan, unti-unti sa mga pagkakamali ng mga nagdaang namuno at mga sinasadyang proseso ng paghahati-hati.


Oo, mahalagang tanong ang, “Bakit at paano nagkahati-hati, nagkahiwa-hiwalay ang mga mamamayang Pilipino?” 


Sa halip na tangkain nating sagutin ito, sapat na sa ngayon na magpatuloy tayo sa panalangin at pagsasakripisyo para sa Inang Bayan at sa kanyang mga anak, mga magkakapatid, magkakadugong mamamayang Pilipino.


“Imulat po Ninyo kami sa kadiliman ng aming mga pagkakamali. Ituro po Ninyo kami sa tunay na liwanag upang muli kaming magkaisa at sama-samang ipaglaban at makamtan ang kalayaan!” Amen.



 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 25, 2025



Fr. Robert Reyes

Naririto kami, dalawang pari at 11 manlalakbay mula sa Pilipinas para isagawa ang maikling bersyon ng Camino de Santiago de Compostela, mula Sarria hanggang Santiago de Compostela. 


Siyam na araw ng paglalakad ng apat hanggang limang oras. Panalangin at sakripisyo para sa mga kahilingang personal sampu ng mga problemang pambansa at pandaigdigang humihingi ng mapayapa at malalim na kalutasan. 


Sa dalawang antas, isang lokal at ang pangalawa ay global, nagsimula ang proseso ng pagbabago. Natapos ang halalan sa Pilipinas. Naideklara na ang mga bagong senador, kongresista, gobernador, mayor at mga konsehal. 


Magsisimula na ang paglilitis ng Bise Presidente sa Senado at Kamara. Nagsabi na noong Huwebes ang Pangulo na magbitiw ang lahat ng miyembro ng kanyang gabinete. Hindi natin alam kung ano ang ibubunga ng lahat ng ito para sa bansa at mga mamamayan. 


Namatay si Papa Francisco at nahirang ang kanyang kapalit na si Papa Leo XIV. Mula sa Papa ng Pag-asa tungo sa Papa ng Pagkakaisa, magdarasal ang lahat na tuluy-tuloy pa rin ang paglaganap ng pag-asa at nawa’y matamo natin ang pagkakaisa. Ang lahat ng ito ay aming ilalakad at ipagdarasal sa mga susunod na araw. Ito ang unang panalangin na iaalay ng aming munting grupo sa simula ng aming Camino bukas ng umaga:


Panalangin para sa mabuti at banal na buhay-paglalakbay


Panginoon ng mabuti at banal na paglalakbay, Kayo po ang aming mabuting pastol at kami naman ang Inyong mga tupa.


Samahan at gabayan Niyo po kami sa aming buhay at pang-araw-araw na paglalakbay. 

Turuan po Ninyo kaming maglakbay at ipahayag ang Inyong Mabuting Balita gaya ng ginawa ng Inyong mga alagad, tulad ni Apostol Santiago.


Salamat po sa Inyong Pastol na si Papa Francisco na nagturong maging payak at maka-mahirap kami at ang aming mga pastol ay maging sing amoy ng Inyong mga tupa. 

Siya po ang nagsabing maganda at mainam na ang Simbahan ay maging mahirap para sa mga mahirap. Siya rin ang nagsabing mahalin, arugain at ipagtanggol namin ang kalikasan, ang tahanan naming lahat. 


Sinabi rin Niyang magkakapatid kaming lahat (Fratelli Tutti) at isang banal na gawain ang pulitika kung ito ay nakatuon sa pangkalahatang kabutihan (common good). 


At dahil sa pinagdaraanan ng lahat sa ating mundo, itinalaga niya ang taong ito bilang taon ng pag-asa upang himukin ang lahat na maging Manlalakbay Tungo sa Pagasa (Pilgrims of Hope) kasama si Kristo, ang Panginoon ng Pag-asa. At bago siya namatay, inanyayahan niyang maging sinodal, maglakbay, makinig at mag-usap nang sama-sama ang lahat.


Salamat po sa mabilis na paghirang ng kapalit ni Papa Francisco sa katauhan ni Papa Leo XIV. Kung ang buong buhay ni Papa Francisco ay ganito ang pagbabahagi ng pag-Asa ni Kristo sa mahihirap, sa sugatang kalikasan at sa mundong pinagugulo ng mga mararahas at ‘di makatarungang namumuno, hinirang naman ng Diyos si Papa Leo XIV upang tahakin ng lahat ang landas ng pagkakaisa. Ito ang diwa ng motto ni Papa Leo XIV, “In Illo Uno Unum,” (Sa Isa, Iisa Tayo). 


Mula ito kay San Augustino na nagsabing, “Naiintindihan ko ang isa sa iisang Kristo. Marami nga tayo ngunit iisa.” (Mula sa Exposition on Psalm 127 paragraph 2, St. Augustine).

Ganito po ang pinagdaraanan ng buong mundo: ang kahirapan, pagkasira ng kalikasan, ‘di pagkakasundo ng mga bansa at sa loob ng mga bansa, at ang banta ng giyera.


Kasabay nito, ang bawat isa sa amin ay naglalakbay at naghahangad ng kapayapaan, paghihilom, kaliwanagan sa aming mga personal na buhay. 


Alam man o hindi, batid man o hindi, hangad ng bawat isa, naglalakbay ang bawat isa tungo sa mabuti at banal na buhay kasama ang kapwa tungo kay Kristo.


Aniaalay namin ngayon sa aming Camino ang bawat yapak bilang panalanging tigib ng pag-asa at nangangarap sa kapayapaan at pagkakaisa ng lahat!

Amen.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page