top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-takbo| July 06, 2021



Sino ang nagsasabi ng totoo? Hindi pagkakaibigan ang pinag-uusapan sa pulitika, kundi kadalasan ay “interests” lamang. Dati, walang bakbakan ang dalawang pulitiko. Lahat ay napag-uusapan nang maayos dahil iisa lang ang kanilang mga interes. Subalit, malapit na ang eleksiyon at kapwa may “interes” ang dalawa.


At ngayon, malinaw na hindi iisa ang interes ng dalawa. Lumalabas sa bibig ng Pangulo na balak niyang tumakbong VP. Kanino — para kay Sara, na kayanga anak? At si Pacquiao naman ay inihahanda nang patakbuhin ng kanyang partidong PDP-Laban bilang kanilang kandidato sa pagka-pangulo. At gagawin ng dalawang kampo ang lahat para manalo ang kani-kanilang kandidato. Malinaw na laban ng mga partikular, pansariling, pang-partido, pang-pulitikang interes ang pinag-uusapan.


Ang malungkot sa nagaganap na bakbakan ay natatabunan na ang interest ng taumbayan. Kailan kaya magiging mahalaga, magiging sentro o pangunahing interes ng pagtakbo ng mga kandidato sa pulitika?


Kausap natin noong nakaraang mga araw ang kura-paroko ng Laurel Batanggas. Nag-aalala tayo sa kaibigang pari at ang kanyang parukyano. Nasabi ng pari noong nakaraang gabi, “Hindi ako makatulog. Hindi namin alam kung kailan muling sasabog ang bulkan. Sana huwag sa gabi at sa araw na lang ito sumabog.”


May kinalaman ba sa pulitika ang banta ng muling pagsabog ng Bulkang Taal? Dapat lang. Subalit, sa tunay na takbo ng pulitika, basta hindi tuwirang apektado ang mga nakapuwesto na may pinoprotektahan at ipaglalaban na interes sa darating na eleksiyon, hahayaan na lamang ng karamihan sa kanila na mangyari ang mangyayari.


Noong Biyernes ang Ebanghelyo ay tungkol sa muling pagtatagpo ni Kristo at ng mga pariseo. Nakita ng mga pariseo si HesuKristo na kasama ang mga publikano at makasalanan sa bahay ng mangbubuwis na si Mateo. Nagtanong ang mga ito sa mga disipulo ni HesuKristo, “Bakit sumasama sa mga publikano at makasalan ang inyong guro?” Narinig ni HesuKristo ang tanong kaya siya ang sumagot, “Pumarito ako para sa mga may sakit, hindi para sa walang sakit.” (Mateo 9, 9-13)


Marumi ang puso ng mga pariseo. Kabisado nila ang batas — ang letra o titik nito. Subalit, kaya rin nilang balewalain ang diwa o espiritu ng batas. Hindi kaya ito ang ibig sabihin ng pulitika, walang permanenteng kaibigan o kaaway, permanenteng interes lamang? Madaling marumihan ang puso sa pulitika. Hindi ang kapakanan ng iba ang mahalaga kundi ang pansariling interes lamang.


Nakalulungkot kung gaano kabilis magbago ng mga tao dahil sa pulitika. Halimbawa, ang partidong PDP-Laban ay dating lumaban kay Marcos. Ibang-iba na ito ngayon — ito na ngayon ang partido ni Manny Pacquiao.


Tanong ko lang kung kayang kumilos, magsalita ng mga pulitiko na walang bahid o interes ng pulitika? Tanong lamang din natin kung kayang kumilos, magsalita ang mga pulitika na ang tunay na dahilan ay pagmamahal sa bansa at mamamayan at hindi sarili, pamilya o partido?


Sa totoo lang, mas nakasisira ang ingay ng mga pulitiko kaysa sa pag-alboroto ng Bulkang Taal. Subalit, hindi rin inosente ang pag-alboroto nito ngayon. Kung hahayaan lang nating magsalita ang Bulkang Taal kay P-Duterte at Sen. Manny Pacquiao, ano kaya ang sasabihin nito?

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| June 22, 2021



Ipinagdiwang kahapon ang Araw ng mga Ama. Sa nagdaang 11 taon, pangungulila ang ating nararanasan sa nasabing selebrasyon. Namatay ang aking ama noong ika-9 ng Nobyembre 2010. Subalit sa taong ito, sa pagpanaw ng aking sariling ina, 71-araw na ang nakararaan, tiyak na magiging kakaiba ang pagdiriwang ng Araw ng mga Ama. Tulad ng marami nating kaibigan at ka-edad, alam natin ang ibig sabihin ng lubos na pangungulila.


Iba ang pangungulila sa ina, iba ang pangungulila sa ama. Magkatulad, magkaugnay ngunit malalim ang pagkakaiba ng dalawa.


Meron sa konsepto ng kanluraning sikolohiya na tinatawag na “Father Wound”, hindi natin tiyak kung paano isalin ito. Ayon dito ang “father wound” (nawawalang ama) ay ang amang wala hindi lang sa bahay kundi sa buhay ng kanyang anak, lalo na sa kanyang lalaking anak. Maaari rin namang hindi siya wala, ngunit siya ay nagdudulot ng sakit (pisikal) o sama ng loob (emosyunal) dahil sa paraan ng kanyang pagsalita o pakikitungo sa kanyang anak. Dahil dito matindi ang epekto niya sa pagkatao at kaugnayan o relasyon ng kanyang mga anak.


Ayon sa konseptong ito, maaaring mangulila sa ama ang kanyang mga anak maski na buhay pa siya. Malinaw na higit na malalim kaysa sa pisikal ang sugat na ito. Sugatan ang mga emosyon, diwa maging ang kaluluwa ng mga anak ng ganitong ama. At kung marami ang nagtamo ng ganitong uri ng sugat, sugat ng nawawalang ama, tiyak na may malaki at seryosong epekto ito sa mga pamilya, pamayanan, maging sa buong bansa. Ilan ba sa kalalakihan ang nagtamo ng ganitong sugat na hindi pa humihilom dahil marahil hindi nila alam o ayaw nilang harapin?


Bagama’t Araw ng mga Ama (Fathers’ Day) ngayon, mahalagang tingnan din ang katapat, kaagapay ng mga ama, ang asawa, ang ina ng kanilang mga anak — ang babae.


Sa nabanggit nating dalawang isyu ng lalaki: ang sugat ng nawawalang ama (father wound) at ang sugat ng macho, makatutulong na tingnan ang lunas o paghihilom na maibibigay ng mga ina, kapatid, kaibigan, anak, atbp na babae.


Sa halip na ituring na kaaway o kakumpetensiya ang babae, asawa, anak, katrabaho man ito, bakit hindi makiusap at humingi ng tulong sa mga ito sa pagtanggap at paghilom ng sugat ng nawawalang ama at ng macho?


Happy Fathers’ Day sa lahat ng ama, at sa lahat ng magiging ama.

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| June 12, 2021



Tunay ba ang kalayaan? Ito ang tanong naming mag-aaral sa seminaryo noong panahon ng Martial Law. Napakahilig ng mga namumuno na pag-usapan ang kalayaan. Siyempre, ang paborito ng marami ay pag-usapan ang kalayaan sa kahirapan. At dito nakabatay ang karamihan ng mga plataporma ng mga tatakbo para sa anumang posisyon.


Buong-buo, siguradung-sigurado, walang kaduda-duda, walang anumang halong-bola na ipapangako ng karamihan sa mga kandidato ang pag-unlad ng buhay at kabuhayan ng mga botante kung sila ang iboboto. Kayamanan, kaunlaran at magandang kinabukasan!


Ito ang mga katagang paulit-ulit na pinaaalingawngaw sa lahat ng mga miting de avance. Subalit, halos hindi maririnig ang pangakong pagsikapan at pagtulung-tulungan ang kalayaan mula sa sumusunod:


Kalayaan sa mga “trapo” at dinastiya.


Kalayaan sa militarisasyon, sa mapang-abusong kapulisan at kasundaluhan.


Kalayaan sa anumang uri at antas ng imperyalismo, lalo na ngayon mula sa Tsina.


Kalayaan sa kasinungalingan, sa anumang paglilinlang ng medya, opisyal man o kumersiyal.


Kalayaan sa korupsiyon, sa walang kahihiyang pangungulimbat sa kaban ng bayan ng mga naka-puwesto.


Kalayaan sa kamang-mangan.


Kalayaan sa inhustisya at sa hayagang pagpapahina at maling paggamit sa sistema ng katarungan mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas ng Korte ng Katarungan


Kaya’t tingnan natin ang tema ng ika-123 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ngayong Sabado, ika-12 ng Hunyo 2021: KALAYAAN 2021: Diwa sa Pagkakaisa at Paghilom ng Bayan Pagkakaisa at Paghihilom?


Gasgas na ang dalawang temang ito. Magandang itanong kung bakit tayo walang pagkakaisa at kung ano ang sakit na dapat hilumin. Handa na ba ang mga nakatataas na harapin at aminin ang tunay na ugat ng problema at sakit ng ating lipunan?


Nababasa ba ng nakararami ang karaniwang diskurso ng mga trapo at dinastiya?


Ito ang problema, lulon na lulon na ang marami sa kultura ng trapo at dinastiya na sa kabila ng pagkilala sa mga problemang dulot nito ay tuluyan na lang sasabayan ang agos nito. At isang mahigpit na sangkap ng kulturang ito ay ang pagdaloy ng pera mula sa malawak na makinarya na ngayon pa lamang ay nagsisimula nang gumana.


Kalayaan mula sa kahirapan ang paulit-ulit nating narinig at maririnig pa rin mula sa mga kandidato ngunit, naitanong na ba natin kung ano ang sanhi o dahilan ng ating kahirapan?

Bakit hindi nagkakaroon ng pantay-pantay na pagkakataong umunlad ang lahat?


Bakit tila hawak at protektado ng iilan ang kapangyarihan at kayamanan ng bansa?


Napakahalagang makita natin kung sinu-sino ang may hawak ng sistema at pulitika ng eleksiyon; at oo, kung sinu-sino ang may hawak o may malakas na kontrol sa Commission on Elections?


Tunay ba ang kalaaan? Tunay ba ang eleksiyon o halalan?


At kung nais maging makatotohanan ng pamahalaan ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, baka magandang tema ang: kalayaan sa dinastiya at kompromisadong eleksiyon!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page