top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| August 07, 2021



Hindi karaniwang matawag ang sinuman na ‘demonyo’. Ito marahil ang isa sa pinakamasakit na insulto na maaaring tanggapin ninuman. Maaaring manggaling ang ganitong batikos mula sa kaaway o sa hindi gaanong nakikilala sa atin, ngunit mahirap isiping manggaling ito mula sa kaibigan o malapit na kamag-anak.


At ito ang masakit sa nangyari — malapit na kaibigan at malapit na alagad si Pedro ni HesuKristo. Siya ang pinuno ng pangkat ng mga alagad ni Kristo. Ngunit, kailangang sabihin ni HesuKristo kay Pedro ang ganun kasakit na salita. Malinaw kay Kristo ang kanyang bokasyon at misyong bigay sa kanya ng Kanyang Ama at walang sinuman ang makapipigil sa kanyang pagtupad dito, kaya isinunod ni Kristo sa batikos na “Satanas” kay Pedro ang, “Huwag mong hadlangan ang aking landas.”


Mula nang lockdown noong Biyernes, sarado na naman ang halos lahat mula sa tahanan, tindahan, malls, simbahan at iba pang pampublikang lugar na maaaring pagtipon ng mga taong nagdadala at magkakalat ng virus, lalo na ng Delta variant. Ano na ang mangyayari sa ating bokasyon at misyon bilang Kristiyanong, alagad ni HesuKristo?


Noong Miyerkules, sinamahan tayo ng ilang parish volunteers sa Sitio Sinagtala sa Project 8, Quezon City. Nagbigay ng 200 food packs ang Social Service and Development Ministry ng Diyosesis ng Cubao. Ibabahagi ito sa ilang higit na nangangailangang pamilya sa nabanggit na sitio. Kasabay ng pagbibigay ng food packs ay ang paglilibot at pagdalaw sa mga tahanan ng mga Persons With Disability; matatanda at magsakit.


Pagod man tayong nakauwi, malaki ang ating pasalamat dahil muli nating nakita at naranasan ang bokasyon at misyon.


Madaling isipin, lalo na sa panahon ng lockdown na delikado at dapat iwasan ang pagdalaw sa masisikip at mataong lugar tulad ng Sitio Sinagtala. Subalit, malinaw ang mensahe ng ebanghelyo tungkol sa paliwanag ni HesuKristo na kailangan niyang pumunta sa Jerusalem. At nang pigilan ito ng kanyang alagad na si Pedro, walang pasubaling tinawag Niya itong, “satanas” at pinagsabihang, “Huwag mong hadlangan ang aking landas.”


Tama, mapanganib at mahirap dumalaw sa matatao at masisikip na lugar ngayong panahon ng pandemya, ngunit kung ating itatanong kung ano at saan ang Jerusalem natin ngayon, mahirap at nakakatakot mang sabihin, ang Sinagtala at ang mga tulad nitong lugar ang ating Jerusalem.


At kung takot tayo at ayaw nating pumunta sa Jerusalem, alalahanin lang natin ang masakit na bansag ni HesuKristo kay Pedro, “satanas,” na sinabihan nitong, “Huwag mong hadlangan ang aking landas.”

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| July 31, 2021



“Umakyat si Moises sa Bundok Sinai upang makaharap at makinig sa Panginoong Diyos. Habang siya’y nasa harap ng Diyos, ibinigay sa kanya ang dalawang tapyas ng bato ng pagkakasundo. At nang bumaba ito mula sa bundok, napansin ng mga Israelita ang kaluwalhatiang nagniningning sa kanyang mukha. (Exodo 35:29-35)”


Nagkataong ito ang pagbasa noong Miyerkules, dalawang araw pagkatapos makamit ni Hidilyn Diaz ang kauna-unahang Olympic gold para sa Pilipinas.


Kitang-kita ang tindi ng puwersa sa buong pagkatao ni Hidilyn, tila naghalu-halo na ang takot, kaba at sidhi na magawa at mapagtagumpayan ang pawang imposible, dahil hindi pa nabubuhat ni Hidilyn ang bigat na kanyang kailangang maitaas sa clean and jerk na 127-kg o humigit-kumulang dalawa’t kalahating kaban ng bigas. Dahan-dahang hinawakan ni Hidilyn ang handle bar, huminga nang malalim at itinulak pabalikat ang barbell, huminto sandali at muling itinulak pataas lampas ng ulo ang buong bigat. Nakita ang ilang sandali ng pag-uga sa itaas ng buong bigat, napilitang humakbang nang kaunti, huminto ng ilang sadali, tumigil… tagumpay! At ibinagsak ang barbell pagkatapos nang matagumpay na pagtaas nito.


Napasigaw sa gulat at tuwa si Hidilyn at bigla na lang umiyak. Sa wakas, matagumpay na naitaas ang bigat na hindi kinaya ng kanyang mga kakumpetensiya sa 55-kg category ng weightlifting — nagtamo ng ginto si Hidilyn.


Sa isang panayam kay Hidilyn, ipinaliwanag niya kung ano ang kanyang higit na pinahahalagahan at binibigyang-bigat sa kanyang buhay. Aniya, “Malinaw at simple, ang core values ko. Hindi pera, una ang Diyos, pangalawa ang aking sports.” Madasaling Katoliko si Hidilyn. Noong nakaraang taon, suot nito ang miraculous medal ng Mahal na Birhen sa kanyang mga kumpetisyon.


Sa misa ng ika-7 ng umaga noong Miyerkules, naitanong natin sa mga nagsimba kung ano ang kanilang pinagbabayaran? Nagbabad si Moises sa harap ng Diyos sa pag-akyat nito sa Bundok Sinai. Nakinig si Moises sa Diyos at hinayaang mapuno ang kanyang pakatao ng espiritu ng Diyos. Marahil, kung itatanong kung ano ang core values ni Moises, ang sasabihin nito ay una, ang Diyos at pangalawa, ang kalayaan ng mga Israelita. Malaki ang nagagawa ng pagkakaroon ng core values.


Pagkapanalo pa lamang ni Hidilyn sa gitna ng mga pagbati at pasasalamat, mabilis na nagdatingan ang mga naturang regalo at pabuya dahil sa kanyang kakaibang regalo sa bansa. Milyun-milyong salapi na ang galing kung kani-kanino, bahay, sasakyan at tiyak sa mga darating na panahon, makikita na ang mukha ng ating gintong atleta na nag-eendorso ng iba’t ibang produkto. Gayunman, sana ay manatili ang kanyang “core values” — unahin ang Diyos at pangalawa ang sports.

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-Takbo| July 26, 2021



Pista ni San Tiago (St. James the Greater) ngayong linggo. Sino siya?


Siya ang anak ni Zebedeo, pinsan at isa sa 12-alagad ni HesuKristo. Nakita niya si HesuKristo noong ito ay muling nabuhay kaya’t tinuring siyang apostol, isa sa mga nakakita sa Panginoon. Naglakbay siya mula Judea hanggang España kung saan nito ipinahayag ang mabuting balita. Sa pagbalik nito sa Judea, ipinahuli ito ni Herodes at pinutulan ng ulo noong AD 44.


Si San Tiago ang patron ng España. Ang kanyang paglalakbay mula Judea hanggang España ang naging batayan ng kilalang Camino de San Tiago de Compostela. Ang pinaka-popular na ruta o daan ng Camino ay mula Francia hanggang sa San Tiago de Compostela sa Galicia, España. Aabot ito ng halos 800 kilometro na matatapos sa loob ng dalawang buwang paglalakad ng 20 hanggang 25-kilometro araw-araw.


Nakilala sa buong daigdig ang Camino de Santiago de Compostela o ang Camino. Maraming peregrino o ang nagdadaas ng banal na paglalakbay ang nagsasagawa ng Camino. Marami ring turista na hindi Katoliko o Kristiyano na gumagawa nito para maranasan ang mahabang paglalakad at madalaw ang iba’t ibang magaganda at makasaysayang imprastruktura at lugar na madaraanan. Ngunit ang Camino higit sa lahat ay banal ng paglalakbay na ang layon ay higit na makilala ang panginoon at sa hulihan, higit ding makilala ang sarili.


Maraming uri at antas ng paglalakbay — ganito ang buhay at paglalakbay. Kung ano ang buhay natin ngayon ay dahil sa pinili nating uri at antas ng paglalakbay. Maaaring maging turista tayo habong buhay na basta namamasyal at nagsasaya araw-araw. Walang linaw kung saan tayo tumutungo at bakit tayo naglalakbay. Kung ganito, maaaring matapos ang buhay nating wala tayong narating naabot na lalim sa ating buhay. Kung ang buhay natin ay banal at makabuluhang paglalakbay, ang bawat sandali nito ay mahalaga at may dahilan. Ang bawat yapak ay tungo sa malinaw na diresyon at destinasyon. Malinaw din kung bakit at para saan tayo naglalakbay.


Merong iba’t ibang dahilan ng paglalakbay. Ngayon sa pinagdaraanan ng buong daigdig at ng ating bansa. Una, dahil sa malubhang banta ng pandemya, kailangan natin ang paglalakbay tungo sa kabuuang kalusugan (integral health, wholeness).


Pangalawa, dahil sa indibidwalismo na bunga ng industriyalisasyon at komersiyalisasyon, kailangan natin ng paglalakbay tungo sa pakikipag-kapwa.


Pangatlo, dahil sa pagsamba sa diyus-diyosan ng kapangyarihan at karahasan, naisakripisyo ang libu-libong buhay sa hibang na giyera laban sa droga, kailangan ang paglalakbay tungo sa muling pagkilala, pagtatanggol at pagtataguyod ng dangal at kaapatan ng bawat tao.


Pang-apat, dahil sa walang habas na paglapastangan at pagsira sa kalikasan, kailangan natin angg paglalakbay tungo sa pagbabalik at pakiki-isa sa kalikasan.


Panlima, dahil walang kahihiyang pagtataksil sa soberanya at patuloy na pandarambong sa kaban ng bayan, kailangan natin ng paglalakbay ng kabayanihan.


Pang-anim, dahil sinasadyang paglaganap ng kasinungalingan, kailangan ng paglalakbay tungo sa pagkilala, paggalang at pamamahayag sa katotohanan.


Pampito, dahil sa takot na pinalaganap ng war on drugs at ng pandemya, kailangan ang paglalakbay sa tunay matapang at determinadong pagsulong ng prinsipyo, paninindigan, paniniwala sa iwing kabutihan ng lahat at kabanalan ng lahat ng may buhay.


Puno ng panganib at balakid ang bawat paglalakbay. Paano natin maaabot ang dulo, katapusan at matagumpay na katupran nito? Kakailanganin natin ang sumusunod na anim na elemento:


1) Pagnilayan, pag-aralan pagdasalan ang kaharian ng Diyos, ang puno’t dulo ng paglalakbay;


2) Paghahanda: panahon ng paghahanda, ng isip, puso, katawan at kaluluwa;


3) Pagpapagaang: pagtanggal o pagbabawas ng anumang pabigat o hindi kinakailangang bitbitin;


4) Pag-eensayo: araw-araw na paglalakad sa labas at paglalakbay sa loob o pananahimik; pagsasanay sa hirap, inip, inis at anumang tukso na huminto o lumihis ng landas;


5) Pagtuklas sa kagandahan, kadakilaan at kalayaan ng paglalakad, paglalaknay, pagkilos sa walang hanggang kalawakan at kalooban;


6) Pagtakda ng simula at katapusan na pananagutan at pangangatawanan;


7) Pagalay ng bawat sandali, yapak, halakhak at luha ng paglalakbay bilang panalangin ng pasasalamat at pagalay ng sarili sa Panginoon.


At ngayon, pagkatapos nating pag-usapan ang mga elemento ng banal na paglalakbay, ilang sandali tayong tumigil at huminga nang buo at malalim at tumingin kalayuan at kalawakan at dahan-dahan maglakad at simulan nang maglakbay, kasama si Santiago at ang bawat kapwa-Pilipino at higit sa lahat ang Panginoon.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page