top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| April 13, 2021


Noong Biyernes ng umaga, bago ko pagmisahan ang parukyanong namatay sa atake sa puso, natanggap natin ang malungkot na balita na namatay na ang natitirang lalaking kapatid ng aking ama.


Naipasok ito sa ospital noong isang araw dahil sa COVID-19. At pagkatapos ng misa para sa naturang na parokyano, tinawagan ko ang asawa ng isa ring parukyanong namatay sa COVID-19 kahapon. Umiiyak ito nang tanggapin ang aking tawag dahil lumalabas na sa ospital ang bangkay ng kanyang asawa na nasa loob na ng body bag.


Hindi niya makita o mahawakan ang kanyang pumanaw na asawa. Ididiretso na ito sa crematorium na walang kasamang kamag-anak o sinumang may kilala rito. Ibabalik na lang sa kanila ang urn na taglay ang abo ng kanyang asawa. Ganundin ang mangyayari sa asawang namisahan natin noong umaga bago ma-cremate. Libreng delivery daw sa bahay ang urn pagkatapos ma-cremate ito.


Nang inihahatid na ako ng biyuda ng parukyanong minisahan ko bago i-cremate, tinawagan ko ang biyuda ng parokyanong namatay sa COVID-19 na inihahatid na rin sa crematorium. Nang sumagot ito, ipinakilala ko ang dalawang biyuda na nagbigay ng suporta sa isa’t isa.


Naririnig ko ang malungkot na palitaan ng dalawang nawalan ng kanilang mahal sa buhay. Araw ng Kagitingin noon. Kakaibang kagitingan ang hinihingi sa lahat, lalo na sa mga may inaalagaang kamag-anak sa ospital at sa mga naulila sa pagpanaw ng mahal sa buhay dahil sa COVID-19 o sa anumang sakit.


Wala pa masyadong edad ang dalawang parukyanong pumanaw nang magkasunod. Pareho silang edad 59. Magkaiba lamang ang dahilan ng kamatayan, subalit merong naturang “co-morbidity” ang dalawa. O, sa madaling salita ay meron na silang karamdaman nang sila ay mamatay. Ang isa ay ipinanganak na mahina ang puso. Ang pangalawa ay merong diabetes at hypertension. Namatay ang una sa atake ng puso, habang namatay ang pangalawa sa “multiple-organ failure” dahil sa COVID-19.


Hindi na kailangang tumanda para mamatay sa kasalukuyang panahon. Napakaraming apektado ng bagong kapaligiran at kalakaran o ng naturang “new normal” dahil sa pandemya.


Ayon sa maraming pag-aaral, ang mga may edad o ang may edad 60 pataas ay merong higit na posibilidad na mahawahan ng COVID-19 dahil sa kanilang hindi na kalakasang “immune system”, kaya mula nang nagkaroon ng lockdown sa iba’t ibang bansa, ang unang nakaranas ng paghihigpit at ng pagbubukod (isolation) ay ang mga may edad.


Marami itong dalang problema at komplikasyon dahil biglang nawala ang mundong kanilang kinasanayan. Kung noon ay sana’y silang mag-zumba sa barangay Hall o sa park, ngayon ay hindi na puwede.


Napakaraming may edad na nakabukod, nakakulong, naka-ago sa kani-kanilang tahanan, guwardiyado ng mga kamag-anak. Matinding hamon ito sa pamilya kung paano nila mabibigyan ng mahusay na pagkalinga at pagsuporta ang mga may edad upang hindi manghina at magkasakit ang katawan, kundi pati ang isip at pagkatao.


Handa na ba ang pamilya na seryosohin ang pagiging tunay na pamilya sa mga panahong ito? Kung noong isang taon, napakaraming naadik sa social media, Mobile Legend, Netflix, ngayong ikalawang taon ng pandemya, pagtuunan natin ang mga may edad sa ating tahanan. Maging mabuting pamilya tayo para sa kanila at para sa isa’t isa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page