top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | January 30, 2021



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa pangunahing katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Ox ngayong 2021.


Bukod sa maaasahan, ang Ox ay nagtataglay din ng kakaibang kasipagan. Sila rin ay sadyang mapagmahal sa pribado at tahimik na buhay dahil hindi sila masyadong mahilig sa lipunan at ang mas pinahahalagahan nila ay ang trabaho at mga bagay na pagkakaperahan.


Wala rin sa bokabularyo nila ang salitang pagyayabang o kayabangan at iniiwasan din nila ang maluho at marangyang pamumuhay, kaya sinasabing karamihan sa mga Ox ay madaling umuunlad ang kabuhayan hanggang sa tuluy-tuloy na yumaman. Wala rin silang masyadong pakialam sa iniisip ng ibang tao o kahit ang kanilang mga kapitbahay.

Sa halip, ang mas pinahahalagahan nila ay ang kanilang personal na buhay at kung paano matatapos at pagkakaperahan ang proyektong kasalukuyan niyang ginagawa.


Dahil sa ugaling ito ng Ox, sinasabing isa sila sa mga indibidwal na mahirap maimpluwensiyahan, sapagkat bukod sa pagiging malaya sa pagdedesisyon, may sarili rin silang mundo na sila lang ang nakaaalam at ayaw na ayaw nilang sila ay guguluhin o gagambalain sa pribado at tahimik nilang mundo.


Kaya naman iniisip ng iba na ang Ox ay mahirap pakisamahan dahil sa unang ekspresyon mo sa kanya ay para siyang weird at walang pakialam sa anumang nangyayari sa kanyang kapaligiran.


Ngunit hindi naman totoo na ganu’n ang Ox, sa halip, sa katotohanan ay kasundung-kasundo ng Ox ang kapwa niya na mapag-isa, palaisip at mahusay ding magplano at perpeksyonista, may katalinuhan at pagkatusong Snake at Rooster.


Dagdag pa rito, dahil sa pagiging masyadong praktikal at materyoso na kung minsan ay naisasakripisyo ng Ox ang kaligayahan niyang pandamdamin o pang-emosyon, ganundin ang kanyang pampisikal at personal na pangangailangan, kapalit ng mga kapaki-pakinabang na pangmateryal.


Halimbawa, may girlfriend o boyfriend ang isang Ox, ang totoo ay second priority lamang niya ito dahil ang prayoridad niya ay ang kanyang career at trabaho. Sapagkat ang tunay na ikaliligaya niya sa mundong ito ay ang makitang dumami nang dumami ang kanyang ipon.


Totoong natutuwa siya sa tuwing nakikita niya na ang naiipon niyang salapi sa bawat araw na lumilipas ay kumakapal at lumalago, gayundin ‘pag nakikita niyang nakapagpupundar siya ng kanyang kabuhayan.


Sa ganitong tanaw, mas nagiging maligaya, hindi lamang ang panlabas na katauhan ng isang Ox kundi pati na rin ang kaibuturan ng kanyang puso at kaluluwa.


Kaya naman kung gusto mo ng yaman at material success na mapananatili ng iyong pamilya o angkan, piliin mong makasama o makaisang-dibdib ang isang Baka.


Tulad ng nasabi na, sa 12 animal signs na ipinatawag ni Lord Buddha sa kanyang palasyo, Ox ang isa sa pinakamateryoso at talaga namang mapagmahal sa salapi at napakasinop sa materyal na mga bagay.


Sa kabila ng lahat, sa pakikipagkapwa-tao, sinasabing sa kabila ng kanyang pagiging praktikal at may pagkatuso pagdating sa pera, may bahagi rin naman ng kanyang puso ang malambot.


Kung saan, may hibla rin naman ng awa at simpatya sa mahihirap ang mga Ox. Tunay ngang nahahabag ang kanilang kalooban kapag nakakikita sila ng mga taong naghihikahos o wala na talagang maaasahan sa buhay.


Kaya ang gagawin nila, walang nakakaalam na tutulungan ng Ox ang mga naghihirap at sobrang naghihikahos sa buhay nang lihim at wala talagang nakakaalam.


Dagdag pa rito, dahil hindi mahilig sa politika at pakikipagbolahan, kahit pilitin mo, hindi ibibigay ng Ox ang kanyang commitment sa iyo o sa isang grupo.


Dahil para sa kanya, kapag kaya niyang gawin ay gagawin, pero kapag hindi niya kaya, hindi niya talaga ‘yun gagawin.


Ayaw niyang mangako, lalo na kung ang pangako sa simula pa lang ay alam na alam na niyang mapapako. Sa halip, bihirang-bihirang magbigay ng pangako ang isang Baka, ngunit sa sandali namang siya ay nangako, kahit ano pa ang mangyari, kahit magunaw ang mundo, tiyak na tutuparin niya ang pangako na kanyang binitiwan.

Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | January 28, 2021



Matapos nating talakayin ang elementong Bakal o Metal sa nakaraang mga isyu, pag-usapan naman natin ang hinggil sa Ox, na siya ring maghaharing animal sign ngayong 2021.


Tandaang ang likas na elementong dala-dala ng Ox bukod sa Metal ay ang elementong Earth o Lupa. Kaya ang kulay na dilaw ay magiging mapalad din sa taong ito, sapagkat ito ay kulay ng lupa, gayundin ang lahat ng kulay na hinango sa lupa tulad ng gold at gray.


Gayundin, tandaang ang animal sign na Ox ay kumakatawan sa Capricorn pagdating sa Western Astrology, kaya ang lahat ng ka-compatible ng Ox ay susuwertehin din ngayong 2021.


Ang animal sign na ka-compatible ng Ox ay ang Snake, na siya namang kumakatawan sa Taurus sa Western Astrology, ganundin ang Rooster, na siya namang kumakatawan sa Virgo.


Ibig sabihin, bukod sa Ox, silang mga isinilang noong 1949, 1961, 1973, 1985, 1997, 2009 at 2021, susuwertehin din ang mga indibidwal na nasa ilalim ng animal sign na Snakes o silang mga isinilang noong 1917, 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001 at 2013, ganundin silang mga isinilang sa taon ng Rooster o silang mga isinilang noong 1933, 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005 at 2017.


Dahil ang Ox ay under sa zodiac sign na Capricorn kung Western Astrology ang pagbabatayan, siya rin ay may ruling planet na Saturn. Ibig sabihin, upang higit na lumigaya at magtagumpay ang mga taong isinilang sa animal sign na Ox, ngayong taon, kailangang magsikap sila nang todo at seryosohan. Dahil sa pamamagitan ng “hardwork,” tunay ngang makakamit ng Ox ang tagumpay at magandang kapalaran sa buong taon.


Dagdag pa rito, sinasabi ring ang animal sign na Ox ay sadyang mapalad tuwing sasapit ang ala-1:00 ng madaling-araw hanggang alas-3:00 ng madaling-araw, habang ang masuwerte namang direksiyon ay ang Hilaga at Hilagang-silangan (North at North-east).


Bukod sa pagiging likas na masipag at masikap, ang mga taong isinilang sa animal sign na Ox ay sinasabi ring maaasahan, nakaayos ang kanilang ginagawa at kalmante sa buhay dahil palagi nilang pinaghahandaan ang kanilang future o kinabukasan.


Bukod sa maaasahan, ang mga indibidwal na naiimpluwensiyahan ng Ox ay kilala rin sa pagiging makatarungan kung saan hindi sila nagpapabaya sa pangako na kanilang binibitiwan. Dahil mahalaga sa mga Ox ang “word of honor” sa pagnenegosyo at kalakalan, karamihan sa kanila ay umuunlad at yumayaman.


Dahil masipag at praktikal, minsan ay kinukulang ang mga indibidwal na isinilang sa animal sign na Ox sa imahinasyon, pagpaplano at pangarap. Pero hindi naman talaga ganu’n, sa halip, ang gusto lamang nila ay kung ano ang kanilang ginagawa, gagawin at nasimulan, gusto agad nila itong matapos at madala sa reyalidad.


Kaya akala ng iba ay kulang sa imahinasyon at pagpaplano ang mga Ox dahil para sa kanila, kung ano ang mas simple at madaling gawin, ‘yun ang mas tumpak at makapagpapaunlad at magbibigay ng ligaya sa kanilang buhay.


Dahil ang animal sign na Ox, hindi gaanong mahilig sa kumplikado at mabusising mga bagay, tulad ng nasabi na, marami silang accomplishment at madali nilang natatapos ang mga gawaing iniatang sa kanilang mga balikat.


Kaya naman kung ikaw ay manager o supervisor at nagkaroon ka ng tauhan na isinilang sa animal sign na Ox, ikaw ay sadyang magiging mapalad dahil nagkaroon ka ng kasama, siya pa ay masipag at talaga namang maaasahan.

Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | January 26, 2021



Ipagpatuloy natin ang pagbibigay ng kahulugan sa elementong Metal o Bakal na iiral ngayong 2021.


Pero bago tayo magpatuloy, suriin muna natin ang mahalagang katanungan ng ating mga tagasubabay, sinu-sinong animal sign nga ba ang susuwertehin ngayong 2021?


Tandaang dahil elementong Metal ang iiral sa buong taong ito ng 2021, marahil ay maitatanong mo, sinu-sino namang animal sign ang susuwertehin ngayong Year of the Metal Ox?


Sinasabing, “Metal is nourished by Earth and it is nourished by Water.” Ibig sabihin, pinagpapala ng Lupa, ang Metal habang pinagpapala naman ng Metal ang Tubig, kaya naman ang mga animal sign na naiimpluwensiyahan ng Earth at Water bukod sa Metal ay tiyak na susuwertehin ngayong Year of the Metal Ox.


Sa pag-aaral ng Chinese Astrology, may “table” na tinatawag at ito ang Table of Fixed Element ng bawat animal sign at ganito ang nakatala sa nasabing tabulasyon:


Element Animal Sign

Wood Tiger at Rabbit

Fire Snake at Horse

Earth Ox, Dragon, Goat at Dog

Metal Monkey at Rooster

Water Boar at Rat

Kaya ayon sa ating Table of Fixed Element, mapapansin na ang mga animal sign na naiimpluwensiyahan ng Earth o Lupa ay ang Ox, Dragon, Goat at Dog, habang ang naiimpluwensiyahan naman ng elementong Water o Tubig ay ang Pig at Rat.


Ibig sabihin, ngayong 2021 o Year of the Metal Ox, ang unang susuwertehin ay ang animal sign na Ox o silang mga isinilang noong 1949, 1961, 1973, 1985, 1997, 2009 at 2021.


Susuwertehin din ang Dragon o silang mga isinilang noong 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000 at 2024. Susuwertehin din ang Goat o silang mga isinilang noong 1931, 1943, 1955, 1967, 1979, 1991, 2003, 2015 at 2027. Susuwertehin din ang Dog o silang mga isinilang noong 1922, 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018 at 2030. Ito ay dahil ang nabanggit na mga animal signs ay naiimpluwensiyahan ng elementong Earth.


Samantala, susuwertehin din silang mga under ng elementong Water, kabilang ang Boar o Baboy o silang mga isinilang noong 1935, 1947, 1959, 1971, 1983, 1995, 2007, 2019 at 2031 at Rat o silang mga isinilang noong 1936, 1948, 1960, 1972, 1984, 1996, 2008 at 2020.


Habang ang Rooster o silang mga isinilang noong 1933, 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005, 2017 at 2029 at Dog o Aso o silang mga isinilang noong 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018 at 2030, na nagtataglay ng likas na elementong metal ay makasusumpong din ng manaka-nakang suwerte at magagandang kapalaran sa taong ito ng 2021.


Itutuloy

 
 
RECOMMENDED
bottom of page