top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | September 5, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa magiging kapalaran ng Rooster o Tandang ngayong Year of the Metal Rat hanggang sa 2021 o Year of the Metal Ox.

Alalahaning ang Rooster o Tandang ay nahahati sa limang uri batay sa taglay nilang elemento at ito ay ang mga sumusunod:

  • Metal Rooster o Bakal na Tandang - silang mga isinilang noong 1921 at 1981

  • Water Rooster o Tubig na Tandang - silang mga isinilang noong 1933 at 1993

  • Wood Rooster o Kahoy na Tandang - silang mga isinilang noong 1945 at 2005

  • Fire Rooster o Apoy na Tandang - silang mga isinilang noong 1957 at 2017

  • Earth Rooster o Lupa na Tandang - silang mga isinilang noong 1909 at 1969

Sa pagkakataong ito, pag-usapan natin ang magiging kapalaran ng Metal Rooster o Bakal na Tandang ngayong 2020 hanggang sa 2021.


Sinasabing basta ipinagpatuloy ng Metal Rooster ang dati na niyang ugali na praktikal at laging may positibong kaisipan, hindi lamang niya malalagpasan ang krisis na pangkabuhayang dulot ng COVID-19 pandemic, bagkus, malaki ang tsansa na sa panahong ito ng mga pagsubok, maraming matutuklasang bagong oportunidad ng pagkakakitaan ang Tandang na lalo pang ikauunlad at ikalalago ng kanyang kabuhayan.


Sa patuloy na pag-unlad at paglago nito, hindi dapat maging dominante at palautos ang Bakal na Tandang dahil ngayong 2020, may babala rin na maraming maiinis nang lihim kanya kung saan maaaring ito pa ang maging daan upang siya ay tuluyang siraan sa trabaho at negosyo.


Kaya kung mapananatili ng Tandang ang ugali niyang mapagpakumbaba at iwasan ang pamimintas, intriga at pamumula sa kanyang mga kasamahan, malaki pa ang ilalayo at ikauunlad ng kanyang career, negosyo o kabuhayan sa buong 2020 hanggang 2021.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, maraming mga surpresa at biglaang relasyon ang kakatok sa puso ng Metal Rooster. Kung ang nasabing Tandang ay lalaki, malaki ang posibilidad ng nakakikilig at hindi malilimutang biglaang pag-ibig ang mabubuo na labis na magdudulot ng ligaya at sarap.


Kung babae naman ang Tandang, bagama’t marami ring biglaan at hindi pinaghandaang romansa na mararanasan, ang lahat ng ito ay masarap at masaya lamang sa simula. Ngunit sa bandang huli, ito ay magdudulot ng kalungkutan at labis na panghihinayang dahil may babala na ang anumang relasyon na dumating sa panahong ito ng pandemya ay magiging pansamantala lamang para sa babaeng Tandang.


Sa pangkalahatan, sa umpisa lang magiging mabigat ang pag-unlad sa aspetong pangkabuhayan at career, ngunit habang tumatagal, maraming oportunidad ng pagkakakitaan ang mabubuksan na magpapalago sa kabuhayan at career ng Metal Rooster.


Habang sa pag-ibig, maraming maiinit pero minadaling relasyon at romansa ang mararanasan, na tiyak namang magdudulot ng pansamantalang sarap at kaligayahan.

Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | September 3, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, talakayin naman natin ang pangunahing ugali at kapalaran ng Rooster o Tandang ngayong Year of the Metal Rat at maging sa 2021 o ang Taon ng Gintong Baka.

Samantala, kung ikaw ay isinilang noong 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005 at 2017, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Rooster o Tandang.


Bukod sa pagiging matalino, matindi rin ang will power at pagpupumilit ng Tandang kung saan kapag pinlano at pinag-isipan talaga nilang makuha ang isang bagay, tiyak na ito ay kanilang nakakamit.


Sa pakikipagrelasyon, mahirap pakisamahan ang Tandang dahil bukod sa pagiging perpeksiyunista, mahilig din siyang mag-kritiko at mamintas. Dagdag pa rito, hilig niya ring makipag-debate at makipagtalo.


Pero alalahaning kahit nakikipagtalo o nakikipagdebate ang Tandang, hindi naman ito personal kung saan matalo man ang isa sa inyo, hindi naman ito labis na ikinasasama ng kanyang loob dahil para sa kanya, ang pakikipag-debate ay simpleng libangan o pampalipas-oras lamang kahit ayaw na ayaw niyang magpatalo sa kanyang kadebate. At kahit sa maliit na bagay, sadya at talaga namang makakadebate o makikipagtalo sa iyo ang Tandang.


Sinasabing higit na magiging maligaya ang Tandang sa anumang uri ng pakikipagrelasyon kung iiwasan na niyang makipagdebate at igiit ang mga bagay na hindi naman dapat ipilit dahil matapos ng debate, wala rin namang nananalo. Sa halip, nagkakasakitan lang ng pride at ego ang dalawang nagdedebate. Kaya kung matutunan ng Tandang na magpasensiya sa kanyang kausap at tanggapin ang mga imperfection ng mundo, higit siyang magiging maligaya sa pakikisalamuha sa kanyang kapwa.


Bukod sa hilig sa debate at pakikipagtalo, ang isa pang weakness ng Tandang ay ang pamimintas at kahiligan niyang makialam sa mga personal na katangian ng kanyang kapwa, lalo na ng mga taong mahal niya.


Mahirap unawain ang Tandang kung bakit niya ginagawa ito— kung totoo bang concern siya sa tao na pinipintasan niya para maitama ang mali o sadyang likas siyang pintasero at palahanap ng mga pagkakamali?


Samantala, kung matutunan ng Tandang na 'wag nang pansinin at intindihin pa ang mga negatibong ugali at maliit na pagkakamali ng kanyang mga kasama at mahal sa buhay, siguradong higit siyang magiging satisfied at maligaya sa anumang interpersonal relationship na kanyang papasukin.


Isa lang ang talagang ikatutuwa mo sa pangunahing ugali ng Tandang– 'yung lagi siyang masiyahin at nakatingin sa positibo at magagandang mga bagay. Kaya naman kung gusto mong mawala ang iyong mga problema at bibigyan ka niya ng mga positibong advice, sa gau'ng mga sitwasyon, maaasahan siya.


Sa pag-ibig, tugma ang Ahas na malakas ang intuition at pandama at dahil matalino at tuso, mauunawaan ng Ahas ang lahat ng negatibong ugali ng Tandang. Ang masipag at walang kibo na Baka ay eksakto ring maging karelasyon ng Tandang, dahil kapag sinunod niya ang kapareha niya ito, ang pagyaman ay tiyak na matatamggap ng kanilang pamilya.


Saludo at malaki naman ang paghanga ng Dragon sa Tandang, kaya sa sandaling sila ay nagkaroon ng relasyon, inaasahan ang maunlad at maligayang pagpapamilya.


Bagay din sa Tandang ang mapormang Tigre, tahimik na Kambing, masayahing baboy at maharot na Unggoy.

Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | September 1, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang pangunahing ugali at kapalaran ng Rooster o Tandang ngayong Year of the Metal Rat hanggang sa taon ng Gintong Baka.


Kaya “Gintong Baka” ang 2021 ay dahil tiyak na muling makababangon ang mundo at walang duda, magiging masagana na ulit ang ekonomiya at pamumuhay ng bawat mamamayan sa lahat ng panig ng mundo, lalo na sa ating bansa.


Samantala, kung ikaw ay isinilang noong 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005 at 2017, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Rooster o Tandang.


Dahil may optimistang pananaw sa buhay, anuman ang dumating na pagsubok tulad ngayong panahon ng pandemya, nananatiling nakatayo, lumalaban, matatag at masaya ang Tandang. Ang ikinaganda pa nito sa mentalidad ng Tandang, kahit gaano ka-kumplikado ang isang bagay o pangyayari, nagagawa niya itong gawing simple at nasosolusyunan niya ito sa praktikal at epektibong pamamaraan. Kaya naman kapag may kasama kang Tandang sa buhay, umasa kang anuman ang inyong maging probema, madali itong masosolusyunan ng matalino, kampante, pratikal at napakamapamaraan na Tandang.


Sa panahon ng mga pagsubok, hindi rin basta-basta nabibigo ang Tandang dahil para sa kanila, ang mga pagsubok na ito ay magandang hamon upang lalo pang tumalas at humusay ang kapasidad na mag-isip ng mga solusyon sa mga dumarating na problema. Kaya naman habang may mahirap na suliranin, lalong tumatalino at gumagaling ang Tandang. Sa kaiisip ng mga Tandang, lalo nilang napagaganda at napabubuti ang sitwasyon matapos nilang masolusynan ang kanilang problema, na nagiging daan upang lalong yumabong, lumago at umunlad, hindi lamang ang kanilang pagkatao kundi maging ang kanilang kabuhayan.


Ang problema lang sa Tandang, minsan ay kahit umunlad at lumago ang kanilang kabuhayan, kadalasan ay wala ring natitira sa kanila dahil sa loob ng kanilang puso ay sobra silang matulungin at maawain sa kanilang kapwa, kahit hindi nila ito ipinakikita nang harapan dahil para sa kanila, ang pagiging maawain ay tanda ng kahinaan. Ayaw na ayaw ng Tandang na makikita siya ng kanyang kapwa na siya ay mahina.


Ngunit sa kaibuturan ng kanilang puso, kahit hindi ipinakikita sa panlabas, maawain talaga sila, kaya naman madali mo silang mahihingan ng tulong kung kayong dalawa lang ang lihim na nag-uusap kaysa humingi ka ng tulong sa kanya in public.


Ang isa pang problema sa Tandang ay hindi siya gaanong magaling mag-ipon dahil alam nilang madali siyang makagagawa ng paraan para magkapera o muling dumami ang kanyang pera na nagagawa naman niya. Kaya lang, dahil hindi siya marunong mag-ipon, hindi tumotodo ang pag-unlad ng kanyang kabuhayan.


Gayunman, kung matutunan niyang mag-ipon at hindi niya gagastusin ang kanyang savings, sa kalagitanan ng kanyang edad, mayamang-mayaman na sana ang isang Tandang.


At dahil wala sa bokabularyo ng Tandang ang seryosong pag-iipon upang yumaman, ibang paraan naman ang ibinibigay sa kanila ng tadhana o kapalaran para siya ay yumaman. Halimbawa, isang magsasaka ang naghuhukay sa kanyang bukirin, tapos walang anu-ano, nakahukay siya ng isang banga ng punumpuno ng ginto. Minsan naman ay isang driver ang nakapulot ng bag na punumpuno ng pera sa minamaneho niyang sasakyan. May pangyayari ring tinulungan niya ang matandang babae na tumawid sa kalye o nabundol ng saskayan at matapos gumaling ng nasabing matandang babae, pinamanahan siya ng limpak-limpak na salapi at malaking kayamanan.


Tunay ngang hindi sa pag-iipon at hard work yumayaman ang tipikal na Tandang kundi sa mga biglaang suwerte. Dahil may likas na kabutihang nananahan sa kanilang puso, ginagantimpalaan naman siya ng nasa itaas ng biglaan at malalaking halaga ng magagandang kapalaran at bonggang-bonggang mga suwerte na hindi niya inaasahan.

Itutuloy

 
 
RECOMMENDED
bottom of page