top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | October 3, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang ugali at magiging kapalaran ng Dog o Aso ngayong Year of the Metal Rat hanggang sa 2021 o Year of the Metal Ox.

Kung ikaw ay isinilang noong 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006 at 2018, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Aso o Dog.


Sa pakikipag-ugnayan at aspetong pandamdamin, nais at palaging naghahangad ang Aso na maging malaya, ngunit sa pagiging malaya na ito, hindi pa rin maaalis sa kanyang isipan ang pagmamahal at pagmamalasakit sa kanyang pamilya. Ito ang kadalasan at tunay na motibasyon ng isang Aso—ang maging malaya habang pinapangalagaan ang kanyang pamilya.


Anuman ang mangyari, nananatiling tapat ang Aso sa kanyang pamilya at anumang pagkakamali ng isang miyembro, laging handa niyang patawarin ito at pagbigyan upang makapagsimula ng bago at mas masayang tahanan.


Bagama’t mahilig magduda at matagal magtiwala, sa sandaling nakuha mo ang tiwala ng isang Aso, habambuhay ka na niyang sasambahin at mamahalin, gayundin, habambuhay siyang magiging tapat sa iyo hanggang sa sukdulang ipagkaloob niya ang lahat at handa rin siyang magsakripisyo alang-alang sa pagmamahal niya sa iyo.


Dagdag pa rito, ayaw na ayaw ng Aso na makakita ng taong inaapi at nakararanas ng kawalan ng katarungan. Sa ganitong sitwasyon, nag-aapoy siya sa inis at galit dahil para sa kanya, batid ng kanyang puso na walang dapat apihin na nilalang ng mga nakatataas.


Kaya naman kadalasan, ang Aso ay nagiging rebelde at oposisyon sa mga may kapangyarihan, higit lalo kung ang naghaharing uri ay nang-aapi at nang-aabuso ng mga maliit na mamamayan. Dahil dito, karamihan sa mga Aso ay nagiging labor leader, tagapagtanggol ng mga naaapi at kadalasan, sila rin ang mga nagiging martir at bayani para sa pagmamahal sa maliit na uri ng nilalang at para sa kanilang sinilangang bayan.


Sa pakikipagrelasyon, tugma-tugma ang Aso sa Kabayo at Tigre kung saan habambuhay na makadarama ng ligaya, pagmamahal at kalinga ang Aso sa piling ng nabanggit na animal signs.


Dagdag pa rito, sinasabi ring ang relasyong Aso at Tigre, ganundin ang relasyon ng Kabayo at Aso ay mananatili nang tapat sa isa’t isa habambuhay.


Kung nais naman ng Aso ang masarap at panghabambuhay na kaibigan at kasama, na tugmang-tugma rin sa kanyang panlasa, bagay sa Aso ang Daga, Ahas, Unggoy at Baboy.


Sobrang hinahangaan naman ng Kuneho ang kakaibang ganda, katalinuhan at karisma ng Aso, kaya ang pakikipagrelasyon sa Kuneho ay tinatayang magbubunga rin ng panghabambuhay na ligaya.

Itutuloy

 
 

Bagay sa Year of the Dog dahil laging ipinaglalaban ang karapatan ng ibang tao

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | October 1, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang ugali at magiging kapalaran ng Dog o Aso ngayong Year of the Metal Rat hanggang sa 2021 o Year of the Metal Ox.

Kung ikaw ay isinilang noong 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006 at 2018, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Aso o Dog.


Sa career at propesyon, dahil sa kakaibang husay sa pangangatwiran at lagi niyang ipinaglalaban ang karapatan ng mga naaapi at maliliit na nilalang, bagay na bagay sa Aso ang pagiging abogado, labor leaders, union organizer at social worker. Puwede rin sa kanya ang pulitika o pamumuno sa isang bayan o lungsod upang maisagawa niya ang pangarap niyang pagkakapantay-pantay ng karapatan ng mga tao at magkaroon ng isang payapa, ideal at maunlad na lipunan na matagal na niyang nais makita at maisagawa sa kanyang mga nasasakupan.


Dagdag pa rito, tugma at bagay din sa kanya ang mga gawaing may kaugnayan sa sining, pag-arte, literatura, musika, pagpipinta at iba pang gawaing made-develop at mai-express ng isang Aso ang kakaibang husay at lihim niyang galing sa sining at paglikha.


Ang propesyong may kaugnayan sa pagpapari at pagpapayo ay bagay na bagay din sa isang Aso, gayundin ang mga gawaing may kaugnayan sa malalim na espirituwalidad kung saan marami ring naging martyr at santo na kabilang sa animal sign na Dog.

Sa pakikipagrleasyon at pakikisalamuha sa kapwa, ang Aso ang isa sa may pinakamalakas na karisma sa 12 animal signs na ipinatawag ni Lord Buddha sa kanyang palasyo. Kapag nakuha mo na ang tiwala niya, kung ano ang hiling mo, ‘yun mismo ang ibibigay at matatanggap mo sa kanya. Pambihira rin ang kanilang atraksiyon sa panlabas na anyo at kakaibang ligaya ang dulot nila sa romansa at kaligayang pangkatawan. May mga sandali ring nagiging tunay na palaban at may pagka-wild ang Aso pagdating na sa kama.


Gayunman, sobrang loyal o tapat ng Aso sa pag-ibig hanggang sa sukdulang hindi na niya nakikita ang pagkakamali ng kanyang minamahal, ganundin ang pagkakamali ng pag-ibig o relasyong kanyang pinasok, kaya minsan ay nasusuot siya sa isang hangal at immoral na relasyon.


At dahil sa sobrang umibig at magmahal, minsan, ang debosyon na ito sa kanyang pagnanasa at pag-ibig ay nagagawang samantalahin ng kanilang minamahal. Kaya huli na kapag na-realize o naisip niya na sinamantala lamang siya at ginamit ng taong matagal din niyang minahal at sinamba.


Kung maiiwasan ng Aso na sambahin at sobrang maging deboto hanggang sa sukdulang maging alipin siya ng kanyang minamahal, kumbaga, ‘wag masyadong ibigay ang buong sarili at kaluluwa sa kanyang mamahalin, higit na magtatagal at magiging maligaya ang bawat pakikipagrelasyon papasukin ng isang Aso.

Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | September 24, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang ugali at magiging kapalaran ng Dog o Aso ngayong Year of the Metal Rat hanggang sa 2021 o Year of the Metal Ox.

Kung ikaw ay isinilang noong 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006 at 2018, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Aso o Dog.


Bukod sa mabilis magduda o laging naghihinala nang hindi maganda sa kapwa, kilala rin ang Aso sa pagiging malihim. Kaya naman kapag siya ay naging kaibigan mo, hindi mo agad makakabisado ang kanyang ugali dahil kapiraso lamang ng kanyang katangian ang ipakikita at ipadarama niya sa iyo. Likas kasi sa kanya na hindi ibinubunyag ang kanyang personal na buhay, maliban na lamang kung tiwalang-tiwala na siya sa iyo. Kaya naman sa unang pagkikita at inusisa mo nang husto ang mga personal niyang buhay, siguradong sa halip na magkalapit ang loob n’yo, tiyak na lalo siyang lalayo sa iyo.


Sa pakikipagkapwa, bagama’t masakit magsalita at may pagka-prangka, hindi naman niya basta-basta inilalabas ang kanyang galit at pagkainis sa walang katuturang mga bagay. Ibig sabihin, dahil may pagkasupistikado ang kanyang personalidad, hindi siya basta nakikipag-away o nakikipagtarayan. Sa halip, nasasabi lamang niya ang masasakit na mga salita at pakikipagtarayan kapag punumpuno siya ng galit at sama ng loob sa iyo. Dahil para sa isang Aso, ang pagpapasensiya ay higit na mahalaga sa lahat ng bagay at hangga’t kaya pa niyang magpaubaya, magpasensiya, magtiis at magbigay, gagawin at gagawin niya ito. Ngunit kapag napuno na talaga siya, tulad ng nasabi na, sobrang sakit niyang magsalita at sobrang sama kung magalit. Gayunman, ang ikinaganda sa isang Aso, hindi naman siya nagtatanim ng sama ng loob sa kanyang nakakagalit. Sa halip, laging bukas ang kanyang puso sa pagpapatawad at pakikipagkasundo.


Ang isa pa sa mga katangian ng Aso na kakaiba ay hindi siya materyoso. Ang nais lamang niya ay komportableng buhay at hindi siya mahilig mag-ipon, magkuripot at magpayaman. Para sa kanya, higit na mabuti ang magpakain sa mahihirap at kapus-palad, kaysa ipanglustay at ipampasarap ang sobrang pera. Tunay na may mabuting kalooban ang isang Aso sa kaibuturan ng kanyang puso na laging handang tumulong sa mga naaapi, mahihirap, kapus-palad at wala nang inaasahan pa sa buhay. At dahil sa kabutihang-loob na ito ng Aso, sa tuwi-tuwina, siya naman ay lalong pinagpapala ng nasa itaas, kaya bihira kang makakikita ng Aso na kapos sa buhay. Kumbaga, langit mismo ang laging sumusubaybay sa kanila at saanman sila mapadpad ay lagi nang ipagkakaloob sa kanila ang suwerte at magagandang kapalaran, lalo na sa panahong ito ng pandemya at sa susunod pang mga taon ng kanyang buhay.

Itutuloy

 
 
RECOMMENDED
bottom of page