top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | August 29, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang pangunahing ugali at kapalaran ng Rooster o Tandang ngayong Year of the Metal Rat.

Kung ikaw ay isinilang noong 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005 at 2017, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Rooster o Tandang.


Bukod sa pagiging perfectionist at matalino, mahilig ding mag-isip ang Tandang ng kung anu-anong mga bagay dahil para sa kanya, kapag nag-iisip siya at nag-aanalisa, sumasaya at sumisigla ang kanyang pakiramdam. Kaya naman kapag may mga suliraning dapat talakayin at pag-isipang mabuti kung paano lulutasin, kadalasan, siya ang nakatutuklas ng mahusay, kakaiba at epektibong solusyon.


Gayunman, dahil likas na matalino, mapag-isip at praktikal, ang nangyayari, isa ang Tandang sa pinakamahusay na mag-advice sa kanyang mga kasama at kaibigang may problema. ‘Yun nga lang, magaling magpayo at lumutas ng problema ng ibang tao ang Tandang, pero kadalasan, ang sarili niyang problema ay hindi niya malutas.


Ang isa pang napakagandang katangian ng Tandang, halimbawang naging kaibigan o nakasama mo siya, hindi ka niya basta-basta iiwanan hangga’t nakikita niyang namumroblema ka.


Kumbaga, bago kayo magkalayo, gagarantiyahan muna niya na kapag naghiwalay na kayo ay matitiyak na kakayanin mo at may mga nakalatag na kayong dapat gawin sa inyong paglalayo.


Sa madaling salita, ayaw ng Tandang na mang-iiwan siya nang basta-basta sa ere nang hindi alam ng iiwanan niya ang susunod na hakbang na dapat niyang gawin. Ganu’n kahusay ang Tandang—bago niya iwanan ang kanyang kaibigan, kinakasma, asawa o karelasyon, sisiguraduhin niya na ito ay nasa maayos na kalagayan.


Samantala, dahil likas na maganda ang tindig, praktikal at matalino, marami ang naghahangad na makasama ang Tandang, kumbaga sa lalaki ay may pagkasimpatiko ang Tandang at kung babae naman, siya ay may malakas na sex appeal, na nakakaintrigang masarap nga siyang makasama sa kahit na ano’ng pamamasyal o lakaran.


Ang problema lang, kapag nakasama mo na siya, mare-realize mo na maraming bagay kayong pagtatalunan at pagdedebatehan, na kadalasan ay mapapansin mong hindi siya nagpapatalo sa kanyang katwiran, kaya sa bandang huli ay lihim kayong nagkakainisan at nagkakasamaan ng loob.


Ang Tandang kasi ay kahit na nasa maling posisyon o halimbawang maling-mali na ang kanyang pananaw, hindi niya ito isusuko. Sa halip, iimbento siya ng palusot, basta’t makakalusot, kahit sukol na sukol mo na ang kanyang pangangatwiran, kung hindi ka mapagpasensiya, sa umpisa ay masarap kasama ang Tandang. Pero sa bandang huli, habang tumatagal ay unti-unti na kayong magkakasawaan at minsan pa ay nakakairita na.


Ngunit kung matututunan ng Tandang na hindi igiit ang kanyang posisyon o katwiran, kapag napapansin niyang siya ay mali o hindi niya seseryoshing talunin sa debate ang kanyang kausap, mas magiging produktibo at maligaya ang bawat relasyon na kanyang papasukin.

Itutuloy

 
 
RECOMMENDED
bottom of page