top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 10, 2023


ree

Lalakbay na patungong New Zealand ang Philippine Women’s Football National Team upang simulan ang kanilang huling mga ensayo para sa 2023 FIFA Women’ s World Cup na magbubukas sa Hulyo 20. Napili ng Filipinas ang Auckland na magsisilbing lugar ng kanilang kampo para sa pinakamalaki at prestihiyosong torneo ng kababaihan.


Magkikita na sa Auckland ang mga manlalaro na manggagaling sa iba’t-ibang sulok ng daigdig at Coach Alen Stajcic na nasa Australia. Ihahayag ng Philippine Football Federation (PFF) ang huling listahan ng mga kandidata sa mga susunod na araw.


Bahagi ng kampo ang pagdaos ng ilang FIFA Friendly subalit hindi ito magiging bukas sa publiko. Ang unang opisyal na laro ay kontra Switzerland sa Hulyo 21 at susundan ng host New Zealand sa Hulyo 25 at Norway sa Hulyo 30.


Bago sila umalis, binigyan ang pambansang koponan ng isang despedida ng Embassy of New Zealand sa tahanan ni Ambassador Peter Kell sa Makati City. Kinatawanan ang Filipinas nina bise-kapitana Hali Long at goalkeeper Inna Palacios kasama sina PFF President Mariano Araneta at General-Secretary Atty. Edwin Gastanes.


Hindi pa nagsisimula ang kompetisyon ay nagtamasa ng malaking tagumpay ang Women’s Football sa paglabas ng FIFA ng tulong pinansiyal sa mga manlalaro, isang usapin na matagal nang ipinaglalaban na malaking agwat na tinatanggap ng mga lalake kumpara sa mga babae. Mapabahagi lang sa Women’s World Cup, bawat atleta ay bibigyan ng $30,000 (P1.68M) at tataas ito hanggang $270,000 (P15.1M) para sa mga kampeon.


Ibinalita din ni FIFA President Gianni Infantino na lumampas na sa isang milyong tiket ang naibenta para sa Women’s World Cup, ang unang beses na nangyari ito para sa kahit anong palaro na para sa kababaihan.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 1, 2023


ree

Mapapanood muli ang Philippine Men’s Football National Team sa harap ng kanilang mga kababayan matapos itakda ng Philippine Football Federation (PFF) ang dalawang FIFA Friendly ngayong Hunyo sa Rizal Memorial Stadium. Haharapin ng Azkals ang hamon ng mga bisita Nepal sa Hunyo 15 at Chinese-Taipei sa Hunyo 19.

Paborito ang Azkals sa bisa ng kanilang mas mataas na FIFA Ranking na ika-136 kumpara sa Chinese-Taipei na ika-156 at Nepal na ika-174. Subalit nanatiling bilog ang bola.

Sa pitong tapatan buhat noong 2010, pantay ang Pilipinas at Chinese-Taipei na parehong may tig-dalawang panalo at tatlong tabla. Ang huli nilang pagkikita ay nagresulta sa 3-0 tagumpay ng Chinese-Taipei noong Disyembre 3, 2017 sa CTFA International Tournament.

Mula 2011 ay nagtala ng apat na magkasunod na tagumpay ang Azkals sa Nepal. Naputol lang ito ng isang 0-0 tabla sa huli nilang pagkikita noong Nobyembre 14, 2017 sa qualifier para sa 2019 AFC Asian Cup.

Mahalaga ang mga larong ito sa paghahanda ng Azkals para sa pinagsabay na qualifier para sa 2026 FIFA World Cup at 2027 AFC Asian Cup sa Nobyembre. Maaaring magkaroon ng iba pang mga Friendly sa Setyembre at Oktubre.

Samantala, sasabak ang Under-23 Azkals sa ASEAN Football Federation Under-23 Championship ngayong Agosto 17 hanggang 26 sa Thailand. Nabunot ang mga Pinoy sa Grupo C kasama ang Vietnam at Laos.

Puno ang kalendaryo at maglalaro din sila sa 2024 AFC Under-23 Asian Cup qualifier sa Setyembre 6 hanggang 12 sa Thailand muli. Lalabanan nila sa Grupo H ang Bangladesh, Malaysia at host Thailand na unang hakbang din patungo sa Paris 2024 Olympics.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 22, 2023



ree

Laro ngayong Sabado – GFA Training Center, Harmon 5:00 p.m. Guam vs. Pilipinas

Bubuksan ng Philippine Women’s Football National Team ang kampanya sa 2024 AFC Under-17 Women’s Asian Cup Qualifiers Round 1 laban sa host Guam ngayong Sabado. Sisipa ang aksiyon sa 5:00 ng hapon, oras sa Pilipinas sa Guam Football Association (GFA) Training Center sa Harmon.

Matapos ng Guam ay haharapin ng Filipinas ang Lebanon sa Miyerkules (Abril 26) sa parehong palaruan at oras. Tatlo lang ang bansa sa Grupo G at tanging ang numero uno ang tutuloy sa Round Two sa Setyembre na tutukoy sa apat na tutuloy sa torneo sa Abril 2024 at samahan ang mga naunang nakapasok na defending champion Japan, Hilagang Korea, Tsina at host Indonesia.

Ang unang tatlo sa Indonesia ay maglalaro sa 2024 FIFA Women’s Under-17 Women’s World Cup na hinahanapan pa ng host. Ang torneo ay para sa mga manlalaro na ipinanganak simula Enero 1, 2007.

Samantala, maaaring malalaman na kung sino ang magiging kampeon ng 2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways sa higanteng salpukan ng Kaya FC Iloilo at Dynamic Herb Cebu FC ngayong Linggo (Abril 23) sa Cebu. Noong isang araw ay naubos na ang tiket ng inaabangang laro na sisipa sa 3:30 p.m.

Hawak ng Kaya ang liderato na may 45 puntos mula sa 15 panalo at tatlong talo habang pangalawa ang Cebu na may 43 puntos galing 13 panalo, apat na tabla at isang talo. Ito ang ika-apat at huling paghaharap ng mga higante ng PFL at ang kampeon ang may pinakamaraming puntos matapos ang apat na round.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page