top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 18, 2023




Pamumunuan ng 2023 Philippines Football League (PFL) champion Kaya FC Iloilo ang 17 koponan na sasabak sa 2023 Copa Paulino Alcantara na magbubukas ngayong Hulyo 15.

Ginanap ang opisyal na bunutan sa tanggapan ng Philippine Football Federation sa Pasig City kung saan nagbuo ng tatlong grupo.

Asahan na magiging mainitan ang labanan sa Grupo A kung saan nabunot ang Kaya at UAAP Season 85 champion Far Eastern University. Sasamahan sila ng mga dating kasapi ng PFL na Loyola FC at Philippine Air Force at Inter Manila FC at Don Bosco Garelli FC.

Lima lang ang nasa Grupo B sa pangunguna ng PFL runner-up Dynamic Herb Cebu FC at Maharlika Manila FC. Hahamunin sila ng University of the Philippines, Pilipinas Dragons FC at Manila Digger FC.

Ang PFL third place Stallion Laguna FC at Mendiola FC 1991 ang tampok sa Grupo C. Nandiyan din ang Davao Aguilas-University of Makati, Adamson University, Tuloy FC at Philippine Army.

Maglalaro ang bawat grupo ng single round at ang dalawang pinakamataas sa bawat grupo at ang dalawang pinakamataas ang kartada sa mga magtatapos ng pangatlo ay tutuloy sa playoffs. Ang quarterfinals at semifinals ay pataasan ng pinagsamang iskor sa dalawang laro habang ang finals ay winner take all.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 17, 2023




Laro sa Lunes – Rizal Memorial Stadium

7:00 p.m. Pilipinas vs. Chinese-Taipei


Humugot ang Philippine Men’s Football National Team ng goal mula kay reserba Jarvey Gayoso na sinamahan ng matatag na depensa ni goalkeeper Patrick Deyto upang maukit ang 1-0 panalo sa bisita Nepal Huwebes ng gabi sa Rizal Memorial Stadium. Ito na rin ay positibong simula sa pagbabalik sa pambansang koponan ni Coach Hans Michael Weiss matapos ang halos isang dekada.

Dumating ang goal ni Gayoso, isa sa bituin ng Philippines Football League champion Kaya Iloilo, sa ika-50 minuto. Umalis sa kanyang puwesto si Nepal goalkeeper Kiran Limbu at nakita agad ni Gayoso ang puwang upang ipasok ang bola sa gitna ng mga nagkumpol-kumpol na kakampi at kalaban.

Pumasok si Gayoso sa ika-44 minuto upang palitan si Patrick Reichelt na nagtamo ng malaking sugat sa ulo at hindi na nakabalik sa laro. Kakapasok lang din ni Reichelt noong ika-37 minuto kasabay ni Enrique Linares upang palitan sina Martin Steuble at Oskari Kekkonen at buhayin ang mabagal na simula ng Azkals.

Nagulat ang marami sa biglang pagdagdag kay Stephan Schrock na inihayag ang kanyang pag-retiro sa pambansang koponan noong Enero sa pagtatapos ng AFF Mitsubishi Electric Cup. Ipinasok siya sa ika-71 minuto at naramdaman ang kanyang presensiya at naalagaan ng mga Pinoy sa kanilang 1-0 lamang.

Ayon kay Coach Weiss, kinuha nila si Schrock matapos mapilay o biglang umatras ang ilang manlalaro. Hindi kasama sa orihinal na listahan, tumutulong sa una si Schrock sa ensayo at naniniwala si Coach Weiss na may ibubuga pa ang beterano.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 12, 2023


Inilabas na ng Philippine Football Federation (PFF) ang mga pangalan ng 29 kandidata para sa Philippine Women’s Football National Team na sasabak sa makasaysayang unang FIFA Women’s World Cup sa New Zealand at Australia ngayong Hulyo. Ang listahan ay puno ng mga kilala at subok na subalit may kasamang ilang sorpresa.

Una sa listahan ang mga forward na sina Sarina Bolden, Chandler McDaniel at Meryll Serrano na mga inaasahan na maghahatid ng mga goal. Ang iba pang mga forward ay sina Isabella Flanigan, Carleigh Frilles at Katrina Guillou.

Ang mahalagang midfield ay sina kapitana Tahnai Annis, Quinley Quezada, Eva Madarang, Sara Eggesvik, Kaya Hawkinson, Jaclyn Sawicki, Isabela Pasion at Anicka Castaneda. Magbabalik sa Filipinas sina Ryley Bugay at Jessica Miclat matapos hindi napili para sa mga nakalipas na laro.

Susi ng depensa si bise-kapitana Hali Long kasama sina Malea Cesar, Sofia Harrison, Maya Alcantara, Jessika Cowart, Alicia Barker, Reina Bonta at nagbabalik na si Dominique Randle. Ang pinakamalaking sorpresa ay ang paglista kay Angela Beard na dating manlalaro ng Australia subalit humingi ng pahintulot mula sa FIFA na lumipat sa Pilipinas, ang bansa ng kanyang ina.

Pagpipilian mahalagang posisyon ng goalkeeper sina Olivia McDaniel at Kiara Fontanilla. Mas babad si McDaniel subalit hindi namigay ng goal si Fontanilla sa tatlong laro habang hindi pa ginagamit sina Inna Palacios at Kaiya Jota.

Itinakda ang Hulyo 9 na huling araw upang magsumite ng listahan ng 23 manlalaro, kasama ang tatlong goalkeeper. Maaaring magpalit bunga ng pilay o sakit hanggang 24 oras.

May pagbabago sa plano ng Filipinas at may isang buwang ensayo sa Sydney, Australia sa gabay ni Coach Alen Stajcic. Tutulak sila pa-Auckland bago ang unnag laro laban sa Switzerland sa Hulyo 21.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page