top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 23, 2023



ree

Magbabalik ang Philippine Football Federation (PFF) Women’s League ngayong Hunyo 24 sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite. Sampung koponan ang kalahok sa pangunguna ng defending champion De La Salle University.

Kinoronahan ang Lady Archers noong Pebrero, 2020 o ilang linggo bago ipinatupad ang lockdown bunga ng COVID-19 pandemya. Ito ang ikatlong tropeo ng koponan at sila ang nakakatikim ng kampeonato sa maikling kasaysayan ng liga.

Hahamunin ang DLSU ng UAAP Season 85 champion Far Eastern University, University of Santo Tomas at University of the Philippines at mga Women’s Team ng mga kasapi sa Philippines Football League na Kaya FC Iloilo at Stallion Laguna FC. Kinukumpleto ang listahan ng Azzurri SC, Manila Digger, Manila Nomads at Tuloy FC.

Para kay DLSU coach Alvin Ocampo, maagang paborito ang FEU, isang bagay na sinang-ayunan ng karamihan ng mga coach. Bilang paghahanda para sa pagbabalik, nagdaos ng PFF Women’s Cup noong nakaraang Nobyembre at Disyembre kung saan nag-kampeon ang Lady Tamaraws.

Naniniwala ang mga coach na sina Anto Gonzales ng UP at Ernie Nierras ng Stallion na mahalaga ang pagkakaroon ng liga para tuloy-tuloy ang tagumpay na natatamasa ng Philippine Women’s Football National Team na maglalaro sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa susunod na buwan. Mas maraming kabataan ang naaakit na sumubok maging bahagi ng Filipinas at ang liga ang isang paraan patungo dito.

Nasa plano din ang PFF Women’s League na umangat patungo sa pagiging semi-professional at kung mararapatin ay isang ligang propesyunal gaya ng PFL. Dahil dito, may pagkakataon ipagpatuloy ng mga varsity ang kanilang karera matapos ang pag-aaral.

Samantala, lalahok ang bansa sa 2023 ASEAN Football Federation Under-19 Women’s Championship sa Palembang, Indonesia mula Hulyo 5 hanggang 15. Nabunot ang mga Pinay sa Grupo C kasama ang Thailand at Myanmar.



 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 19, 2023



ree

Laro ngayong Lunes - Rizal Memorial Stadium

7:00 PM Pilipinas vs. Chinese-Taipei


Sisikapin ng Philippine Men's Football National Team na walisin ang kanilang dalawang FIFA Friendly sa pagharap sa bisitang Chinese-Taipei ngayong Lunes simula 7:00 ng gabi sa Rizal Memorial Stadium. Sariwa pa ang 1-0 tagumpay ng Azkals sa Nepal noong Huwebes sa parehong palaruan at todo ganado sila na maghatid saya sa mga kababayan.


Nakikita ni Coach Hans Michael Weiss na magiging mas mahirap na kalaro ang mga Taiwanese. Kahit hindi pa perpekto ang kanilang sistema, may mga patikim na naihatid laban sa Nepalese.


Galing ang Taiwan sa 2-2 tabla kontra Thailand noong Biyernes. Kahit malaki ang agwat ng mga Pinoy sa FIFA World Ranking na #136 kumpara sa #156 Taiwan, pantay na pantay sila sa pitong tapatan mula 2010.


Parehong may tig-dalawang panalo at tatlong tabla ang dalawang bansa. Subalit natalo ang Azkals ng dalawa sa huling tatlo, kasama ang 0-3 sa Chinese-Taipei International Cup noong Disyembre, 2017.

Pag-aaralan pa ni Coach Weiss ang estratehiya dahil may isa pa silang ensayo kahapon. Malaking konsiderasyon ang ilang manlalaro na nasaktan noong Huwebes at mga ilan na hinahabol ang pisikal na kondisyon.


Sa gitna ng maraming hamon, inulat ni Coach Weiss na mataas ang kumpiyansa ng koponan at masaya sila. Ang dalawang friendly na ito ay gagamitin upang masuri ang lahat para sa mas mahalagang 2026 FIFA World Cup at 2027 AFC Asian Cup Qualifiers sa Nobyembre.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 18, 2023



ree

Pamumunuan ng 2023 Philippines Football League (PFL) champion Kaya FC Iloilo ang 17 koponan na sasabak sa 2023 Copa Paulino Alcantara na magbubukas ngayong Hulyo 15.

Ginanap ang opisyal na bunutan sa tanggapan ng Philippine Football Federation sa Pasig City kung saan nagbuo ng tatlong grupo.

Asahan na magiging mainitan ang labanan sa Grupo A kung saan nabunot ang Kaya at UAAP Season 85 champion Far Eastern University. Sasamahan sila ng mga dating kasapi ng PFL na Loyola FC at Philippine Air Force at Inter Manila FC at Don Bosco Garelli FC.

Lima lang ang nasa Grupo B sa pangunguna ng PFL runner-up Dynamic Herb Cebu FC at Maharlika Manila FC. Hahamunin sila ng University of the Philippines, Pilipinas Dragons FC at Manila Digger FC.

Ang PFL third place Stallion Laguna FC at Mendiola FC 1991 ang tampok sa Grupo C. Nandiyan din ang Davao Aguilas-University of Makati, Adamson University, Tuloy FC at Philippine Army.

Maglalaro ang bawat grupo ng single round at ang dalawang pinakamataas sa bawat grupo at ang dalawang pinakamataas ang kartada sa mga magtatapos ng pangatlo ay tutuloy sa playoffs. Ang quarterfinals at semifinals ay pataasan ng pinagsamang iskor sa dalawang laro habang ang finals ay winner take all.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page