top of page
Search

ni Fely Ng - @Bulgarific | October 2, 2021



ree

Hello, Bulgarians! Bilang pakikiisa sa Pandaigdigang Araw ng mga Guro, malugod na inaanyayahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na saksihan ang birtuwal na pagbibigay-parangal sa mga nagwaging Ulirang Guro sa Filipino 2021. Gaganapin ang birtuwal na parangal sa 4 Oktubre 2021, 9:00nu sa KWF Facebook page.


Ngayong taon, pararangalan sina Dr. Romeo P. Peña ng Polytechnic University of the Philippines, Dr. Ma. Lourdes R. Quijano ng Nueva Ecija University of Science and Technology, Dr. Rowel D. Madula ng De La Salle University, Voltaire M. Villanueva ng Philippine Normal University, at Mark-John R. Prestoza ng Quirino National High School

Ang Ulirang Guro sa Filipino ang taunang gawad na ibinibigay ng Komisyon sa Wikang Filipino sa mga pili at karapat-dapat na guro na gumagamit ng Filipino bilang midyum ng pagtuturo.


Alinsunod sa layunin ng KWF na manghikayat at magpalaganap ng wikang Filipino sa pamamagitan ng mga insentibo, grant, at gawad, hinahangad ng tanggapan na makilala at maipagparangalan ang mga natatanging guro sa Filipino na nagpamalas ng angking husay, talino, at dedikasyon sa pagpapalaganap at promosyon ng Wikang Filipino at/o mga wika at kultura sa kanilang komunidad.


Guro ang pundasyon ng sibilisasyon, at sa ganitong pananaw isinilang ang Gawad Ulirang Guro sa Filipino na kumikilala sa mga natatanging guro na pawang nakapag-ambag sa pagpapalaganap ng matalino at malikhaing gamit ng wikang Filipino sa iba’t ibang disiplina, saanmang rehiyon sila nagmula, at nakapagpamalas ng pagpapahalaga sa kultura, kaakuhan, at kayamanang pamana ng bansa.


Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 

Ang pagpapatupad ng batas ay susi sa kaligtasan ng lahat ng mga gumagamit ng kalsada

ni Fely Ng - @Bulgarific | September 07, 2021


Hello, Bulgarians! Kung magmaneho ka sa mga highway sa mga nakaraang linggo, marahil ay napansin mo ang mga two-wheeler na sumasabay sa iyo. Nagtaka ka ba kung bakit ang mga motorsiklo na ito ay halos nagsulputan sa iba't ibang lugar? Napaisip ka na ba kung bakit pinapayagan ang mga ito sa mga expressway?


Kapansin-pansing mula pa noong kalagitnaan ng dekada 2000 ay mas tumaas ang bilang ng mga nagmamay-ari ng motorisklo. Naiulat na mula 2001 hanggang 2019, tumaas ito mula sa 720,000 hanggang sa 1.7M. Gayundin, ang bilang ng mga aksidente na nauugnay sa motorsiklo.


Sa isa pang ulat ng Metro Manila Development Authority (MMDA) Metro Manila Accident Reporting and Analysis System (MMARAS), average ng 86 na aksidente ang nauugnay sa motorsiklo bawat araw sa mga kalye ng Metro Manila noong 2019. Bukod dito, kabuuang 31,279 na aksidente ang naiulat - 17 porsyento na pagtaas mula sa istatistika ng 2018. Sa 31,279 na aksidente, 221 ang naiulat na nasawi.


Sa mga nasawi, ang pinakakaraniwang napapahamak dahil sa mga pinsala na natamo ay ang driver ng motorsiklo, na may 154 mula sa 221 na kabuuang namatay. Habang marami sa mga aksidenteng ito ang nangyari sa mga arterial roads, parami nang parami ang mga motorsiklo na dumadaan sa mga major expressways.


Sa isang ulat na ginawa ng TopGear.com noong nakaraang 2018, ang Toll Regulatory Board (TRB) ay nagbigay-babala sa mga motorsiklong may engine displacement na mas mababa sa 400cc na pumapasok o gumagamit ng mga expressway. Hinimok nito ang mga operator ng lahat ng pangunahing tollway na ipatupad ang mahigpit na pagbabawal sa mga nasabing motorsiklo.


Bukod dito, hinihimok ang mga awtoridad sa tollway na huwag masyadong umasa sa visual inspeksyon o sa laki lamang ng sasakyan. Sa halip, dapat tingnan ng mga awtoridad ang eksaktong engine specification para sa mas mahusay na pagpapatupad ng batas.


Samantala, hinimok ang mga highway patrolmen na siyasatin ang mga dokumento ng mga motorsiklo na hinala nila ay sub-400cc, at pinayuhan ang mga opisyal ng LTO laban sa maling pagdeklara ng makina sa mga papeles ng rehistro ng mga motorsiklo.


Mahalaga rin para sa mga alagad ng batas na huwag umasa lamang sa mga dokumento dahil may mga bikes na mukhang malalaki, ngunit may mga engine displacements na mas mababa sa 400cc. Samakatwid, ang pag-alam kung paano at saan susuriin ang makina ang pinakamahusay na paraan upang malaman kung ang sasakyan ay sumusunod sa batas o hindi.


Ayon sa Department Order 123 ng Department of Public Works and Highway, ang mga motorsiklo lamang na may 400cc ang pinapayagan na mag-operate sa loob ng mga toll at limitadong access sa mga highway. Ang kautusan ay ipinahayag upang matiyak ang kaligtasan ng mga commuter na dumaraan sa lahat ng pangunahing mga expressway sa bansa at hinihimok ang publiko na maging mapagbantay laban sa mga lumalabag sa nasabing pagbabawal.


Panghuli, bilang responsableng may-ari ng motorsiklo, obligasyon mong malaman kung ang sasakyan na mayroon ka ay dapat sa mga expressway. Kung may pag-aalinlangan ka sa engine displacement ng iyong motorsiklo, at hindi mo alam kung saan hahanapin, huwag mag-atubiling humingi ng tulong sa mga tamang awtoridad.


Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 

ni Fely Ng - @Bulgarific | August 16, 2021



ree

Hello, Bulgarians! Magkakaroon ng paglulunsad ng aklat ang Komisyon sa Wikang Filipino sa 18 Agosto 2021, 10:00 nu Bulwagang Romualdez, Komisyon sa Wikang Filipino, 1610 Kalye J.P. Laurel, Malacañang Palace Complex, Lungsod Maynila.


Ang ilulunsad na mga aklat ay ang Paglalaping Makadiwa sa Sinugbuanon’g Binisaya (Lita A. Bacalla); Alaala ng mga Pakpak (Mariel G. Balacuit at Eugene Y. Evasco); Antolohiya ng mga Kuwentong-bayan ng Surigaonon (Aisah B. Camar); Mga Drama para sa Dulaang Pambatà; Mga Dula para sa Teatrong Pambatà (Arthur P. Casanova); Tawid-diwa (Dexter B. Cayanes); Tíra Bákal (Christian M. Fajardo); Pananalig sa Batà (Wenny F. Fajilan); Mga Dula ni Njel de Mesa (Njel de Mesa); Mga Dula ni Severino Montano (Severino Montano; Lilia F. Antonio); Introduction to Bikol: A Bikol-Legazpi Language Book for Filipinos ang Foreigners (Angela E. Lorenzana). Ang mga aklat na ito ay bunga ng proyektong KWF Publikasyon.


Ang KWF Publikasyon proyekto ng ahensiya na naglalayong lumikha ng aklatan ng mamamayan na magtataguyod at magtatampok sa kakayahan ng wikang Filipino at mga wikang katutubo bílang wika ng paglikha at saliksik. Pangarap din nitong magtakda ng mataas na pamantayang pampublikasyon sa pamamagitan ng paglilimbag ng mga akdang de-kalidad, mahahalaga, at yaong may natatanging ambag sa karunungan ng bayan at mundo. Gayundin, nilalayon nitong maglaan ng higit na espasyo para sa mga akda mula sa mga rehiyon, mga teknikal at malikhaing akda. Sa gayon, ang karunungan ng bayan ay maipalalaganap sa publiko.


Ang paglulunsad ng aklat ay isa sa mga paraan ng KWF upang ipakilala sa publiko at palaganapin ang mga karunungan mula sa mga dalubhasa sa wika na kabilang sa iba’t ibang institusyong pangwika, pangkultura, at pang-edukasyon.


Ang paglulunsad ng aklat ay isa sa mga natatanging gawain ng Sangay ng Edukasyon at Networking sa pangangasiwa ni G. Jomar I. Cañega. Ang KWF ay nasa pangangasiwa ni Tagapangulong Arthur P. Casanova, komisyoner para sa wikang Tagalog.


Ang paglulunsad ng aklat ay mapapanood nang live sa opisyal FB page ng Radio Television Malacañang (RTVM), National Commission for Culture and the Arts, at Komisyon sa Wikang Filipino.


Para sa mga nais dumalo sa Zoom, maaaring makipag-ugnayan kay G. Rolando T. Glory sa #09087663290 o mag-email sa rolandoglory1@gmail.com.


Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page