top of page
Search

ni Fely Ng @Bulgarific | November 16, 2023


ree

Hello, Bulgarians! Nagpaalala kamakailan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa kanilang mga accredited health facility sa buong bansa na dapat agad ibawas ang diskwento ng mga senior citizen at person with disability sa kanilang medical bills bago magbayad at lumabas ng ospital.


“Nakatanggap ang PhilHealth ng mga ulat na may mga pasilidad na hindi nagbabawas ng diskwentong ito kaya naman naglabas kami ng PhilHealth Advisory 2023-0036 para magpaalala sa aming mga partner hospital,” ani Emmanuel R. Ledesma, pangulo at punong-tagapagpatupad ng PhilHealth.


Ang nasabing diskwento ay itinakda ng Republic Acts 9994 o Expanded Senior Citizens Act, at 10754 o Expanded Benefits and Privileges of Persons with Disability Act. Ang mga naturang diskwento ay dapat ibawas sa hospital bill sang-ayon na rin sa Performance Commitment ng mga pasilidad sa PhilHealth.


“Kailangan nating ibigay anoman ang mandato ng batas at kabilang dito ang mga pribilehiyo bilang senior citizen o PWD. Ang mga ito ay dapat maibawas sa kanilang mga bayarin sa ospital,” giit ni Ledesma.


Nilinaw naman ng ahensya na sa mga pasyenteng senior citizen na at PWD pa, isang diskwento lamang ang puwedeng magamit.


Narito naman ang pagkakasunud-sunod ng pagbawas ng mga diskwento: Unang ibabawas ang 12% VAT exemption, kasunod ng 20% senior citizen o PWD discount, pagkatapos ay ang PhilHealth benefits.


“Iyon pong balanse ang siya na lamang dapat na bayaran ng pasyente kung mayroon pa, at makikita ito sa kanilang billing statement. Kung ang ating senior citizen member ay na-admit naman sa mga pampublikong pasilidad ay wala na silang babayaran dahil sa No Balance Billing policy,” paliwanag pa ni Ledesma.


Sakaling hindi magbawas ng mga naturang pribilehiyo ang mga health facility, maaari silang sampahan ng karampatang parusa, kabilang ang multa at pagsususpinde o pagbawi ng kanilang accreditation.


Hinikayat din ng ahensya ang mga miyembro at concerned citizens na agad i-report ang ganitong insidente sa Office of Senior Citizens Affairs sa kanilang LGU o sa National Council for Disability Affairs. Maaari ring mag-report sa PhilHealth Callback Channel 0917-898-7442, Facebook page (@PhilHealthofficial) o X (@teamphilhealth).

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 

ni Fely Ng @Bulgarific | November 15, 2023


ree

Hello, Bulgarians! Kamakailan ay nakakuha ang Social Security System (SSS) ng pagkilala mula sa Civil Service Commission (CSC) para sa 100% complaints resolution rate sa mga ahensya ng gobyerno noong 2022.


Sinabi ni SSS President and Chief Executive Officer Rolando Ledesma Macasaet na niresolba ng SSS ang lahat ng mga reklamong inendorso ng CSC’s Contact Center ng Bayan (CSC-CCB) mula Enero hanggang Disyembre 2022.


“This recognition from the CSC underscores our commitment to address and resolve the concerns of our members and a reflection of our tagline,‘masayang tumulong, serbisyong ramdam’,” pahayag ni Macasaet.


Nakatanggap ang SSS ng 556 referral mula sa CSC-CCB, na hinati ito sa 448 request for assistance, 67 complaint, 25 status verifications, 13 komendasyon, at tatlong mga katanungan. Matagumpay na nalutas ng SSS ang lahat ng mga referral na may average response time na 1.7 araw.


Paliwanag pa ni Macasaet na kapag nag-refer ang CSC-CCB ng reklamo o kahilingan, inuuna ito ng SSS at agad itong inaaksyunan para sa resolusyon.


Ang magandang halimbawa ay ang kaso ng isang babaeng miyembro tungkol sa kanyang maternity benefit. “Our team verified her records and coordinated with the concerned bank. We discovered her maternity benefit was not credited because she provided an incorrect bank account.


We informed the member and guided her on enrolling the correct bank account on the Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) and Benefit Redisbursement Module (BRM) using her My.SSS account so she can finally receive her maternity benefit,” sabi ni Macasaet.


Ayon sa datos ng CSC, bukod sa SSS, ang Department of Foreign Affairs (DFA), ang Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund), Philippine Statistics Authority (PSA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Philippine National Police (PNP) ay nakakuha rin ng resolution rate na 100% noong 2022. Ang iba pang ahensya ng gobyerno na kasama sa top ten ay ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na may 98.08%, Department of Education (DepEd) na may 93.91%, Land Transportation Office (LTO) na may 92.16%, at ang Land Registration Authority (LRA) na may 84.62%.


Itinatag ng CSC ang CCB noong 2012 upang suportahan ang pagpapatupad ng Republic Act No. 9485 o ang Anti-Red Tape Act (ARTA) of 2007. Ito ay nagsisilbing feedback mechanism na itinalaga bilang central helpdesk ng gobyerno kung saan ang mga mamamayan ay maaaring humingi ng impormasyon at tulong sa mga pamamaraan ng serbisyo ng gobyerno at mag-ulat ng mga papuri, pagpapahalaga, reklamo, at puna.

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 

ni Fely Ng @Bulgarific | November 13, 2023


ree

Hello, Bulgarians! Nagbibigay na ang Maynilad ng 41% na diskwento sa Basic Charge sa kanilang “Regular Lifeline” customer, o sa mga hindi lalampas sa 10 cubic meters ang buwanang pagkonsumo.


Ngunit sa ilalim ng ELP, ang mga “Regular Lifeline” customer na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act, o mga customer na nabubuhay sa ilalim ng poverty line, ayon sa itinalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay maaaring mag-apply at maging kuwalipikado para sa mas mataas na diskwento sa kanilang mga singil sa tubig.


Ipapatupad simula Enero 1, 2024, ang Enhanced Lifeline Program (ELP) na inilunsad matapos himukin ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System – Regulatory Office (MWSS-RO) ang Maynilad na magbigay ng diskwento hindi lamang sa mga customer na mababa ang konsumo kundi maging sa mga marginalized customer nito, dahil sila ang naninindigang makikinabang nang malaki sa mga ipon na ibubunga ng “Low-Income Lifeline Rate”.


Ang mga customer na kuwalipikado para sa “Low-Income Lifeline” Rate ay maaaring mag-apply sa pamamagitan ng pagsumite ng kumpletong application form, latest water bill, at photocopy ng kanilang 4Ps identification sa alinmang Maynilad Business Area office o Maynilad Barangay Helpdesk.


Para sa mga hindi benepisyaryo ng 4Ps, kailangan ang certification ng local Social Welfare and Development Office at photocopy ng isang government ID.


Ang mga aplikasyon para sa “Low-Income Lifeline” Rate ay magsisimula sa Nobyembre 13, 2023.


Ang karagdagang impormasyon tungkol sa mga kuwalipikasyon at mga kinakailangan ay makikita sa website ng Maynilad (www.mayniladwater.com.ph) at social media account.


“There are many poor households within our concession area that can benefit from availing of the Low-Income Lifeline Rate, so we encourage all qualified customers to apply to the program,” pahayag ni Maynilad Customer Experience and Retail Operations Head Christopher J. Lichauco.


Ang Maynilad ang pinakamalaking pribadong water concessionaire sa Pilipinas in terms of customer base. Ito ang concessionaire ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para sa West Zone ng Greater Manila Area, na binubuo ng mga lungsod ng Manila (ilang mga bahagi), Quezon City (ilang mga bahagi), Makati (west of South Super Highway) Caloocan, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, Valenzuela, Navotas at Malabon lahat sa Metro Manila.


Ang mga lungsod ng Cavite, Bacoor at Imus, at ang mga bayan ng Kawit, Noveleta at Rosario, ay pawang nasa lalawigan ng Cavite.



Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page