top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms
Search

ni Fely Ng - @Bulgarific | May 12, 2022



Hello, Bulgarians! Inanunsyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na isinara nito ang taong 2021 na may netong kitang P32.84 bilyon, mas mataas ng P2.8 bilyon o siyam na porsyento kumpara noong 2020. Dahil sa mas pinalakas na koleksyon at paglunsad ng payment facility sa Member Portal, nakakolekta ang PhilHealth ng P171.17 bilyong halaga ng health insurance contributions. Ito ay mas mataas ng 15% dahil na rin sa pagtaas ng koleksyon mula sa self-paying/earning members.


Bukod dito, tumanggap din ang korporasyon ng subsidiyang nagkakahalaga ng P71.24 bilyon mula sa National Government para sa Indirect Contributors. Ang pinaigting na koleksyon ay nakatulong para malampasan ng PhilHealth ang collection target nito ng 10%.


Samantala, umabot naman ng P140.16 bilyon ang benefit claims expense ng PhilHealth noong 2021 at nakapagtala ng dagdag claims na may halagang P20 bilyon. Ito ay mas mataas ng 16% sa P120.9 bilyong naitala noong 2020.


Malaking bahagi ng pagtaas ng benefit claims expense ay dahil sa mas mataas na kamalayan ng mga Filipino tungkol sa iba’t ibang benepisyo ng PhilHealth.


Noong nakaraang taon, bukod sa pagbabayad ng COVID-19 benefits, malaking halaga rin ang ibinayad ng PhilHealth sa claims para sa inpatient at outpatient care, primary care benefits, at Z Benefits.


Sa kabuuan, ang naging koleksyon ng PhilHealth noong 2021 ay mas mataas pa rin ng P31.01 bilyon kumpara sa benefit payments nito para sa parehong panahon.


Lumalabas na nagbabayad ng P0.82 sentimo ang PhilHealth para sa benepisyo ng mga miyembro sa kada pisong nakokolekta nito.


Nagkaroon din ng pagtaas sa investment income ng PhilHealth matapos itong kumita ng P9.5 bilyon, lampas ng 40% sa target nito para sa nakaraang taon.


Ang total assets naman nito ay umarangkada ng 27% o P347.48 bilyon, mas malaki sa P274.46 billion noong 2020. Malaking bagay dito ang pagtaas ng pamumuhunan kung saan ang National Government subsidies at maturities ay ipinuhunan matapos isaalang-alang ang kinakailangang panggastos.


Ang investment portfolio ng PhilHealth na nagkakahalaga ng P331 bilyon ang nagbunsod ng nasabing paglago ng investments nito na kinabibilangan ng special savings deposits (SSD) at time deposits na may pinagsamang halagang P70 bilyon.


Ang mga ito ay itinuturing na madaling i-liquidate at i-convert sa cash sa mga pagkakataong may hindi inaasahang pangyayari sa cash flow ng PhilHealth. Ang iba namang pamumuhunan nito ay nasa government at corporate bonds. May hawak ngayong P177 bilyon reserve fund ang PhilHealth o 25% na mas mataas noong 2020 – dahilan upang magarantiyahan nito ang tuluy-tuloy na benefit payouts para sa mga miyembro sa kanilang mga pangangailangang medikal.

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 

ni Fely Ng - @Bulgarific | May 9, 2022



Hello, Bulgarians! Ayon kay Social Security System (SSS) President at CEO Michael G. Regino, ang pension fund ay nagdagdag ng mga hakbang sa seguridad sa My.SSS Portal nito upang maprotektahan ang mga account ng mga miyembro, employer, at mga pensioner.


Kabilang sa mga bagong hakbang sa seguridad na ipinapatupad ay ang mas mahigpit na mga alituntunin kapag nag-enroll ng disbursement account sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) na nangangailangang mag-upload ang mga miyembro ng proof of disbursement account, katulad ng valid government-issued identification card at chest-level selfie/larawan na hawak ang ID card/dokumento bilang patunay ng disbursement account.


“We are continuously monitoring our systems to make necessary improvements to protect the accounts of our stakeholders and ensure that benefit and loan proceeds are disbursed to the rightful recipients. Within this month, the Online Member Data Change Request – Updating of Contact Information will also be resumed through the My.SSS Portal with enhanced security features,” pahayag ni Regino.


“We encourage our stakeholders to refrain from sharing their login credentials and regularly change their passwords so that their accounts will not be compromised. Like we said before, these are like your ATM PIN, anyone with this information could use your account without your authorization,” dagdag pa niya.


Kung ang mga miyembro, employer, at pensioner ay makakita ng anumang hindi awtorisadong transaksyon sa kanilang My.SSS account, o online fraud activity, pinapayuhan silang mag-ulat sa pinakamalapit na sangay ng SSS o magpadala ng e-mail sa Special Investigation Department ng SSS sa fid@sss. gov.ph o tumawag sa (02) 8924-7370. Nakahanda ang SSS na magsampa ng mga kinakailangang kaso laban sa mga indibidwal na nanloloko sa mga miyembro nito.


Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 

ni Fely Ng - @Bulgarific | May 3, 2022


Hello, Bulgarians! Inilunsad ang mga bagong aklat ng KWF Publikasyon noong Abril 29, 2022 sa Bulwagang Romualdez, Komisyon sa Wikang Filipino, 1610 Kalye J.P. Laurel, Malacañang Palace Complex, Lungsod Maynila.


Kabilang sa mga bagong aklat na ilulunsad ang Discursos y articulos varios, Stereologues, May Hadlang ang Umaga, Teatro Politikal Dos, Mas Masaya sa Entablado: Ang Siste sa Piling Dula ni Piux Kabahar, Sinsil Boys: 13 Maikling Kuwento, KALATAS: Mga Kuwentong Bayan at Kuwentong Buhay, Cubao Ilalim: Ikalawang Aklat, Jonas, at Tula Walang Wakas ang Aking Pag-ibig.


Ilan sa mahahalagang akda na kailangang mailimbag ng KWF ay ang mga jornal, saliksik, sangguniang aklat, babasahin, klasikong akdang pampanitikan, tesawro, at diksiyonaryo.

Naniniwala ang KWF na ang mga ito ay mahahalagang sulatin, naratibo, tala, pagsusuri, at salaysay, walang itinatangi na mga akda sa paglilimbag maging ito ay akda ng iisang awtor o grupo ng mga awtor, iisang editor o grupo ng mga editor, antolohista, tagasalin, compiler, atbp., sa pasubaling ang mga akdang ito ay makatutugon sa pangangailangan ng mga iskolar, mananaliksik, mag-aaral, at guro.


Tinutugunan din nito ang pagiging ingklusibo ng publikasyon batay sa misyon ng ahensiya sa pamamagitan ng pagbubukas ng higit na espasyo para sa mga akda mula rehiyon at ang mga akdang hindi makapasok sa mainstream na palimbagan bagaman may kultural na kahalagahan.


Sa ganitong layunin ay mangunguna ang KWF salig sa misyon nito at isinasaad ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas — ang pagsasagawa ng mga patakaran at hakbangin tungo sa itinatadhanang kaganapan ng Filipino bilang wikang opisyal ng pamahalaan at wika ng pambansang edukasyon.


Ang Komisyon sa Wikang Filipino ay nasa pangangasiwa ng pamunuan ni Tagapangulong Arthur P. Casanova kasama ang mga Fultaym na Komisyoner Dr. Benjamin M. Mendillo Jr. at Dr. Carmelita C. Abdurahman.


Ang KWF Publikasyon ay pinangangasiwaan ni G. Rolando T. Glory na bahagi ng Sangay ng Edukasyon at Networking sa pamumuno ni G. Jomar I. Cañega. Sa mga nagnanais na bumili ng mga aklat ng KWF ay maaaring makipag-ugnay kay Bb. Che Rosita sa telepono 899-606-70.

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page