ni Fely Ng @Bulgarific | Marso 6, 2024
Hello, Bulgarians! Muling pinuri ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang Pag-IBIG Fund nang ideklara ng ahensya ang P48.76 bilyong dibidendo na ipapamahagi sa mga miyembro nito bilang kita sa kanilang mga ipon sa 2023, ang pinakamataas sa 43-taong kasaysayan nito.
Para sa 2023, nakakuha ang Pag-IBIG Regular Savings ng annual dividend rate na 6.55 percent habang ang Modified Pag-IBIG 2 (MP2) Savings ay nakakuha ng annual return rate na 7.05 percent, parehong record-high simula noong pandemic.
Ang anunsyo ng dividend rates sa ipon ng mga miyembro ng ahensya ay kabilang sa mga highlight ng Pag-IBIG Fund Chairman’s Report para sa 2023, kung saan nagsalita ang Pangulo sa harap ng pagtitipon ng mga miyembro ng ahensya, partners at stakeholders sa PICC Reception Hall sa Pasay City, noong Pebrero 27.
“If I am to sum up your report, the splendid things that Pag-IBIG has done during what is, unquestionably, a banner year, then, without a doubt it is clear that ‘it is a labor of love’,” sabi ng Presidente.
Nag-ulat din ang ahensya ng ilang record high figures para sa taon, kung saan ang mga home loan ay umabot sa P126.04 bilyon na nagbibigay-daan sa 96,848 na mga miyembro nito na magkaroon ng bago o mas magandang bahay, kabuuang membership savings na nakolekta na nagkakahalaga ng P89.26 bilyon, at cash loan release na nagkakahalaga ng P59. 32 bilyon na tumutulong sa mahigit 2.65 milyong miyembro sa kanilang mga pangangailangang pinansyal. Tinapos ng ahensya ang taon na may pinakamataas na kabuuang asset, na umaabot sa P925.61 bilyon.
Sinabi ni Secretary Jose Rizalino Acuzar ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na namumuno sa 11-member Pag-IBIG Fund Board of Trustees, na bagama’t kinakailangan ng ahensya na ibalik lamang ang hindi bababa sa 70 porsyento ng taunang netong kita nito bilang mga dibidendo sa ipon ng mga miyembro, inaprubahan ng Pag-IBIG Board ang record-high na 97.86 percent payout ratio, na nagreresulta sa record-high dividend na P48.76 bilyon.
“2023 now stands as the best performing year of Pag-IBIG Fund. Under the able stewardship of CEO ‘Manang’ Malen Acosta, Pag-IBIG Fund reached new milestones and posted record-high achievements in all areas - from members’ contributions, to housing and cash loans released, to loan collections, up to its total assets and net income. As a result, we were able to declare the highest amount of dividends for our members’ savings in our 43-year history,” saad ng Pag-IBIG Fund chairperson.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.