top of page
Search

ni Fely Ng @Bulgarific | Abril 14, 2024



ree


Hello, Bulgarians! Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng pertussis o ubong dalahit sa buong bansa, pinaalalahanan ng PhilHealth ang publiko na sagot nito ang confinement para sa nasabing sakit.


Ayon sa World Health Organization, ang pertussis o kilala sa tawag na “whooping cough”, ay isang respiratory infection na sanhi ng Bordetella pertussis bacterium. Lagnat, ubo at sipon ang karaniwang sintomas nito na tumatagal ng ilang linggo o higit pa. Lubha itong nakahahawa at naipapasa sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahing. Mga sanggol at mga batang hindi pa nababakunahan ng DTaP vaccine (Diptheria, Tetanus and acellular Pertussis) ang madalas tinatamaan ng sakit na ito, ngunit maiiwasan sa pamamagitan ng bakuna at magagamot sa pag-inom ng antibiotic.


Hinikayat ni PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr. ang mga mamamayan na magpakonsulta sa pamamagitan ng PhilHealth Konsultasyon Sulit at Tama (Konsulta) Package kung sila ay nakararanas ng mga sintomas ng pertussis gaya ng lagnat, ubo o sipon. 


Kung kinakailangan ng ating mga Kababayan na magpakonsulta, hinihikayat ko silang mag-avail ng libreng konsultasyon at mga gamot na irerekomenda ng healthcare provider sa ilalim ng PhilHealth Konsulta. Ang dapat lamang nilang gawin ay magparehistro,” aniya. 


Ang PhilHealth Konsulta o Konsultasyong Sulit at Tama ay ang outpatient primary care benefit package na nagbibigay ng libreng konsultasyon, health screening at assessment, mga piling laboratoryo at diagnostic tests, at mga gamot na irerekomenda ng doktor.


Nagpahayag din ng suporta ang hepe ng PhilHealth para sa panawagan ng DOH na magpabakuna at binigyang diin ang kahalagahan ng preventive care, “Bakuna at early detection ang pinakamabisang panlaban sa pertussis. Hangga’t maaari ay siguruhin nating kumpleto sa bakuna ang mga bata at magkaroon ng regular na konsultasyon para maiwasan ang pagkakasakit.”


Para sa mga pasyenteng kinakailangang ma-confine, sinabi ni Ledesma na may benepisyo ang PhilHealth na nagkakahalaga ng mula P13,000 hanggang P19,000. “Batid namin ang mga alalahanin sa gamutan ng pertussis at nais naming tiyakin sa publiko na sagot ng PhilHealth ang pagpapagamot ng mga pasyenteng kailangang ma-confine sa ospital,” dagdag pa niya na kung sakaling magkaroon ng komplikasyon dahil sa sakit na ito gaya ng severe pneumonia, mayroon ding benepisyo ang PhilHealth para rito hanggang P90,100.


Hinimok ng PhilHealth ang publiko na ugaliin ang ibayong pag-iingat. “Patuloy nating gawin ang safety measures na ating nakasanayan noong panahon ng pandemya gaya ng madalas na paghuhugas ng kamay upang maprotektahan ang ibang tao lalo na ang mga bata. Tinitiyak ng PhilHealth na makatatanggap ng serbisyo ang mga pasyente habang nagpapagamot sa ospital.



Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 

ni Fely Ng @Bulgarific | Abril 3, 2024



ree


Hello, Bulgarians! Ipinabatid kamakailan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na bahagi na ng eGovPH Super App ang sarili nitong Member Portal. 


Ito ay upang lalong mapadali ang access sa mga PhilHealth information ng mga miyembro alinsunod na rin sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na padaliin ang mga transaksyon sa gobyerno sa pamamagitan ng digitalization.


Ang eGovPH Super App ay isang one-stop-shop platform kung saan mabilis nang makakapagtransaksyon ang publiko sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng PhilHealth, SSS, GSIS, PAG-IBIG, at mga lokal na pamahalaan.


Ang digitalization ay isa sa ating mga prayoridad bilang tugon sa pagnanais nating mas mapabuti ang serbisyo ng PhilHealth sa mga miyembro,” pahayag ni PhilHealth President at CEO Emannuel R. Ledesma Jr.


Para ma-access ang impormasyon tungkol sa inyong PhilHealth sa eGovPH App, i-download ang eGovPH App sa Google Play Store o Apple App store, mag-sign up gamit ang personal na detalye tulad ng pangalan, petsa ng kapanganakan, address, contact number, at email address. Magpapadala ng One Time Password o (OTP) sa contact number na inilagay para sa beripikasyon. Panghuli ay ang verification ng account.


Madaling gamitin ang eGovPH Super App dahil sa user-friendly interface at automated button nito na nag-uugnay sa mga government site gaya ng PhilHealth kung saan maaaring ma-access ng miyembro ang kanyang membership record, contribution history at registration sa Konsulta Package Provider.


Aabangan din ang iba pang mga serbisyo ng PhilHealth na nakatakdang isama sa eGovPH Super App tulad ng online registration at amendment, registration sa Konsulta Package Provider at paggamit ng QR code para mapadali ang beripikasyon.



Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 
  • BULGAR
  • Mar 16, 2024

ni Fely Ng @Bulgarific | Marso 16, 2024



ree


Hello Bulgarians! Inanunsyo ng PhilHealth na bukas na sa publiko ang hotline nito na (02) 8862-2588 at matatawagan anumang oras kahit na weekend o holiday.


Ayon kay PhilHealth President at Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma Jr., “Ang serbisyo na ito ay maaari nang magamit lalo na ng mga kababayan nating OFWs anumang araw at oras. Hindi na nila kailangan pang maghintay sa pagbubukas ng tanggapan ng PhilHealth dito sa Pilipinas.”


Inilunsad din ng PhilHealth ang “Click to Call” channel kung saan maaaring pindutin ang “click to call” logo sa kanang-ibabang bahagi ng website ng ahensya para may makausap na live agent. Ang serbisyong ito ay bukas din 24/7.


Maaari ring mag-request ng callback ang mga miyembro. I-text lamang ang “PHICallback” <space> mobile number na tatawagan <space> “ang inyong katanungan” sa 0998-8572957, 0968-8654670, 0917-1275987 at 0917-1109812.


Nagpaalala naman si Ledesma sa mga miyembro na gagamit ng callback channel na maging maingat at siguruhing lehitimong empleyado ng PhilHealth ang kausap. 


“Upang maiwasan na malinlang ng mga mapagsamantala na ang pakay ay pagnanakaw ng mga personal na impormasyon, tanungin muna sa ahente ang ilang detalye tulad ng petsa kung kailan nag-request ng callback ang miyembro,” aniya.


Dagdag pa ni Ledesma na ang mga pagbabagong ito ay bahagi ng layunin ng PhilHealth na pagpapabuti ng kanilang serbisyo upang ang mga miyembro ay maging updated sa kanilang health insurance benefits.


Hinihikayat din niya na bumisita sa www.philhealth.gov.ph/ at i-follow ang Facebook page na @Philhealth Official at X account @teamphilhealth upang masubaybayan ang mga bagong impormasyon tungkol sa mga programa at serbisyo ng PhilHealth.

 

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page