top of page
Search

ni Lolet Abania | March 11, 2022



Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko hinggil sa pagbili at pagkain ng mga hindi rehistradong Korean food products ngayong Biyernes.


Ayon sa FDA, hindi nito tiyak ang kalidad at kaligtasan ng mga produkto dahil hindi ito dumaan sa proseso ng kanilang ebalwasyon.


Kabilang sa mga unregistered Korean foods ay ang sumusunod:

• CJ Pulito Carrot+Apple na nasa Light Brown packaging na may imahe ng Carrots at Apple, 130 mL

• CROWN na nasa White at Brown packaging na may imahe ng chocolate

• Since 1972 Honey & Apple na nasa Fuchsia Pink packaging na may imahe ng Honey

• TIME Vegetable Dip Snack na nasa Green packaging na may imahe ng Tomato, 70 g

• HAITAI Calbee Especial Edicion Dulce de Leche na nasa Blue packaging na may graphics ng Potato at Honey, 60 g

• HAITAI Low Sugar na nasa White at Blue Carton Box na may imahe ng Crackers, 58g

• OTTOGI Whole Black Pepper

• YJ FOOD Corn Fried, 45 g

• Cream and Green-colored Pouch na may image ng Meat cut

• CW Sesame Stick Biscuit, 85 g


Iginiit naman ng ahensiya na batay sa FDA Act of 2009, ipinagbabawal ang pag-manufacture, importasyon, pagbebenta, at iba pa ng mga unauthorized health products.


Ayon pa sa FDA, posible na tuluyang i-sanction ang mga establisimyento na magdi-distribute, mag-advertise o magbenta ng tinatawag na “violative” food products.


Samantala, inatasan na ng ahensiya ang mga law enforcement agencies at mga lokal na pamahalaan na tiyakin na ang mga naturang produkto ay naalis na sa mga pamilihan o sa mga lugar na sakop ng kanilang hurisdiksyon.


Hinimok naman ng FDA, ang Bureau of Customs (BOC) na pigilan ang pagpapapasok ng mga unregistered imported products sa bansa.


 
 

ni Lolet Abania | March 11, 2022



Pinagkalooban na ng Food and Drug Administration (FDA) ng emergency use authorization (EUA) ang antiviral pill Paxlovid ng Pfizer nitong Huwebes.


“Masaya ko pong ibinabalita sa inyo na naaprubahan na po namin ang Paxlovid kahapon,” pahayag ni FDA Director Oscar Gutierrez sa Laging Handa briefing ngayong Biyernes.


“So dalawa na po ang oral antiviral treatment natin against COVID-19: Paxlovid and molnupiravir,” sabi pa ni Gutierrez.


Batay sa ginawang mga clinical trials, nagpakita ang Paxlovid ng kabawasan sa pagpapaospital at kamatayan para sa mga at-risk na mga indibidwal ng halos 90 porsiyento nang ito ay ipainom sa kanila sa mga unang ilang araw matapos na lumabas ang mga sintomas.


Binigyan naman ang Bexovid, ang generic at mas abot-kayang version ng Paxlovid, ng isang compassionate special permit noong Enero.


Samantala, ayon kay Gutierrez, inaprubahan na rin ng FDA ang isa pang gamot na mula sa Bangladesh.


“At meron pong nadagdag na isang molnupiravir na gamot. Ito po ay galing ng Bangladesh. Molenzavir po ang pangalan,” ani Gutierrez.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | February 11, 2022


Binigyan na rin ng sertipikasyon ng Food and Drug Administration (FDA) ang isa pang self-administered COVID-19 test kit.


Ito na ang ikatlong self-administered COVID-19 test kits na sertipikado ng FDA matapos maaprubahan ang paggamit ng antigen self-test kits ng Abbott Panbio at Labnovation Technologies.


Ito ay nasal swab test kit ng MOHS Analytics Inc., na may 96.43 porsiyentong sensitivity na ma-detect ang COVID-19, ayon sa performance evaluation ng Research Institute for Tropical Medicine.


Base sa updated circular ng Department of Health (DOH), ang bawat self-test kit ay dapat na ibenta sa halagang hindi lalagpas sa P350, gayundin ang retail price cap sa rapid antigen test kit na kailangan ng professional medical assistance sa paggamit.


Hanggang P660 naman ang puwedeng ipresyo rito kung ipapatong ang operation cost sa mga laboratoryo kasama na ang test kit.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page