top of page
Search

ni Lolet Abania | April 24, 2022



Nakakumpiska ang National Bureau of Investigation (NBI) ng tinatayang 2,000 piraso ng pekeng Chinese insecticide na nagkakahalaga ng P350,000 sa Batangas at Laguna.


Ayon sa NBI, ang mga pekeng insecticide ay mas mabenta sa pamilihan dahil ang halaga nito ay nasa kalahati lamang ng presyo ng tunay na produkto. Subalit anila, mas magdudulot ito ng panganib sa kalusugan ng mga mamimili.


“Ito po kasing mga fake products ay hindi natin mapo-prove kung meron talaga itong efficacy at saka ‘yung quality nito kung talagang mabisa ito para pamatay ng insekto or baka naman kasi ‘yung laman nito sobra-sobra ‘yung chemicals so nakakasama sa gagamit nito,” sabi ni Glenn Ricarte, hepe ng NBI intellectual property rights division.


Sinabi pa ng NBI na humingi na sila ng permiso mula sa korte para agad nilang mawasak ang mga nasabing produkto upang maiwasan na magdulot ito sa mga consumers ng panganib.


“Ito ay sasampahan natin ng paglabag sa trademark infringement kasi ito hazardous substance kailangan natin protektahan ‘yung mga mamimili. Para lahat ng mga products na binebenta sa market ay dumaan sa FDA (Food and Drug Administration),” saad pa ni Ricarte.


Gayunman, wala namang suspek na naaresto sa ginawang operasyon ng NBI.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.


 
 

ni Lolet Abania | March 16, 2022



Umabot sa kabuuang walong self-administered COVID-19 antigen test kits ang inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA).


Ayon kay FDA Director General Oscar Gutierrez, dalawa sa nasabing antigen test kits ay ginagamitan ng oral fluid o saliva bilang specimens habang ang natitirang iba pa ay ginagamit namang nasal swab.


Sinabi pa ng opisyal na ang JusChek COVID-19 Antigen Rapid Test Cassette na oral na ginagamit ay manufactured ng Hangzhou, subalit distributed o imported ito ng dalawang magkaibang kumpanya.


“So posible po ‘yun, inaaprubahan po ng FDA na dalawa po ang distributor,” pahayag ni Gutierrez sa Talk to the People ngayong Miyerkules. Ang Panbio COVID-19 Antigen Self-Test ng Abbot ay distributed o imported ng tatlong magkakaibang kumpanya.


Kabilang sa iba pang test kits ay SARS-CoV-2 Antigen Rapid Test kits ng Labnovation, One Step test for SARS-CoV-2 Antigen kits ng Getein, at SARS-CoV-2 Self-test ng SD.


Ayon naman sa Department of Health (DOH), ang mga self-test kits ay rekomendado lamang para sa mga symptomatic individuals sa loob ng pitong araw mula sa onset ng mga sintomas. Paliwanag ng DOH, “this is recommended, especially if the capacity for timely RT-PCR results is limited or not available.”


 
 

ni Lolet Abania | March 15, 2022



Inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization (EUA) ng Sinovac vaccine para sa pagbabakuna kontra-COVID-19 ng mga kabataang edad 6 at pataas, ayon sa Department of Health (DOH).


“Ang ating FDA ay nagpalabas ng kanyang approved EUA for Sinovac noong March 11 for children 6 years and above,” sabi ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje sa Laging Handa briefing ngayong Martes.


“Kaya ngayon ginagawa na namin ‘yung ating implementing guidelines with inputs from our experts. Gagamitin na ‘yan natin for 6 years and above,” saad pa niya.


Ayon kay Cabotaje, magsasagawa sila ng monitoring hinggil dito, kung saan nakasaad sa EUA ng Sinovac na ang vaccine ay para sa mga “healthy children” o malulusog na mga bata.


“So baka hindi kasama ‘yung ating mga with comorbidities,” sabi ni Cabotaje. Binanggit din ni Cabotaje na ang mga doses na gagamitin para sa pediatric vaccination ay parehong formulation ng mga doses na ibinibigay sa mga adults.


“Hindi kagaya ng Pfizer na may reformulated kasi spike protein ‘yan na concentrated. Dito sa Sinovac, kung ano ‘yung formulation sa adult, ‘yun din ang formulation sa bata,” paliwanag ng opisyal.


“So we don’t need to buy additional Sinovac. We have enough on stock,” sabi pa niya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page