top of page
Search

ni Lolet Abania | May 4, 2021




Bumuo ang Department of Agriculture (DA) ng isang research team upang alamin ang potensiyal na maaaring ibigay ng antiparasitic drug na Ivermectin para maiwasan at makontrol ang pagkalat ng African swine fever (ASF).


Sa isang Special Order No. 310, series of 2021, na may petsang April 30, 2021, iniutos ni DA Secretary William Dar na magtatag ng isang research team kung saan tututok sa ASF control and prevention upang maresolbahan ang krisis sa nasabing sakit.


“The research team is tasked to prepare research proposals on the use of Ivermectin, ASF Buster, Cloud Feed and other potential products for the control and prevention of ASF,” ayon sa inilabas na special order ng DA.


“The team is also directed to conduct preliminary field trials of Ivermectin and other agents to produce science-based evidence in support to control and prevention programs of ASF,” dagdag pa ng DA.


Binubuo ang team ng mga technical advisers, kabilang na sina DA Undersecretary William Medrano, National Livestock Program Director Dr. Ruth Miclat-Sonaco, at Bureau of Animal Industry (BAI) officer-in-charge Director Dr. Reildrin Morales.


Inilagay din bilang program leader si BAI OIC-Assistant Director Dr. Rene Santiago habang si Philippine Carabao Center OIC-Deputy Executive Director for Production and Research Dr. Claro Mingala ay assistant program leader.


Ang mga project leaders naman ng research team ay sina National Dairy Authority Deputy Administrator Dr. Farrel Benjelix Magtoto, Pampanga State Agricultural University Associate Professor Dr. Rogelio Carandang, Jr., at BAI Livestock Research and Development Division chief Dr. Marivic de Vera.


Nakasaad pa sa special order na inaatasan ang research team, “to formulate and draft science-based policies for National Guidelines in using Ivermectin and other agents in the control and prevention programs of ASF and collaborate with international research and institution to conduct experiments to support claims in the use of Ivermectin and other agents.”


Matatandaang nagbigay ng matinding atensiyon sa publiko ang Ivermectin dahil sa sinasabing magagamit itong gamot kontra-COVID-19.


Gayunman, hindi pa aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) ang pag-inom ng tinatawag na human-grade Ivermectin sa Pilipinas. Ayon sa batas, ang Ivermectin ay maaari lamang i-prescribe sa mga hayop.


Subali't, ang FDA ay nagbigay na ng compassionate use permit para sa paggamit ng Ivermectin sa mga tao laban sa COVID-19 sa limang ospital.


Ayon naman sa FDA, ang pag-isyu nila ng compassionate use permit ay hindi nangangahulugan na ginagarantiya ng ahensiya ang safety at efficacy nito, bagkus, pinayagan lamang nila ito para sa legal administration ng gamot sa bansa.


Samantala, ang resulta ng clinical trials ng Ivermectin bilang treatment sa COVID-19 ng Department of Science and Technology (DOST) ay posibleng lumabas sa Enero 2022.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 30, 2021




Pinaiimbestigahan ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa Food and Drug Administration (FDA) ang umano’y lumabas na prescription ng anti-parasitic drug na Ivermectin na nakasulat sa tissue at bond paper sa Quezon City.


Aniya, “Kung totoo man ‘yun na nakalagay sa isang tissue or bond paper lang, so part of what the FDA needs to do is investigate such reports. The accountability is clear, it is the doctor who prescribed it who will answer for his action.


“Dapat sundin ito, hindi puwedeng token prescription lang,” sabi pa ni Duque.


Nauna na ring sinabi ng FDA at DOH na huhulihin nila ang mga illegal distributors ng Ivermectin at ang mga magtatangkang gumamit nito na walang CSP (Compassionate Special Permit) sa kasong paglabag sa Republic Act 9711 o The FDA Act of 2009.


Samantala, nabahala naman ang grupo ng mga pharmacists hinggil sa pamimigay ng libreng Ivermectin dahil sa posibilidad na side effects kapag ininom iyon ng pasyenteng may COVID-19, batay sa panayam kay Philippine Pharmacists Association President Gilda Saljay.


Ayon kay Saljay, "Lubos po kaming nababahala sa paraan ng pamimigay ng Ivermectin bilang panangga laban sa COVID-19.”


Paliwanag pa niya, “Walang panghahawakan ang mga pasyente kung sakaling may mangyaring hindi kanais-nais sa kanila. In the healthcare practice, we always believe in accountability, lalo na po dito sa gamot na Ivermectin na under CSP o compassionate special permit."


Sa ngayon ay 5 ospital na ang nakapagsumite ng compassionate special permit sa FDA. Nakatakda na ring simulan ang clinical trial test ng naturang veterinary product sa katapusan ng Mayo o Hunyo.


Dagdag pa ng Department of Science and Technology (DOST), maaaring tumagal ang test hanggang sa anim na buwan.


 
 

PHOTni Lolet Abania | April 29, 2021




Tinatayang 35 residente ng Barangay Old Balara, Quezon City ang nabigyan ng anti-parasitic drug na Ivermectin kontra-COVID-19 ngayong Huwebes.


Ang inisyatibo ng Quezon City sa paggamit ng Ivermectin ay itinutulak para labanan ang respiratory illness kasabay ng pag-asang magagamot ang pasyenteng tinamaan ng coronavirus.


Gayunman, ang mga residenteng tumanggap ng gamot na ito ay pinapirma ng isang waiver. Sumailalim din sila sa konsultasyon ng mga doktor mula sa Concerned Doctors and Citizens of the Philippines (CDCP).


Matapos maipaliwanag sa kanila ang tungkol sa medisina, binigyan sila ng isang prescription kabilang ang 10 capsules ng Ivermectin.


Ngunit ang prescription ay sa isang papel lang nakasulat at hindi sa prescription pad, at nakasaad dito na ang residente ay kailangang uminom ng isang tableta para sa dalawang linggo.


Samantala, tiniyak ni Anakalusugan Party-list Representative Mike Defensor ang publiko na alam nila ang sinasabing doctors’ signatures.


Ayon kay Defensor, sakaling may makaranas ng side effects matapos na gumamit ng Ivermectin ay maaaring i-report sa kanilang barangay habang agad na tutulungan sila ng mga awtoridad.


Ayon naman sa Department of Health (DOH), magiging pananagutan ng mga doktor ang niresetahan nilang mga pasyente dahil wala pa ngang FDA approval ang Ivermectin.


Pahayag ni Usec. Maria Rosario Vergeire, “Ginagamit lang ‘yan for compassionate use, through the hospital. Ngayon, 'pag from the compounding pharmacies naman po, tapos may magpe-prescribe na doctor, ang accountability po niyan, du’n sa mga doctor.


“They have to monitor the patient and whatever will happen, it’s their accountability kasi as we have said, wala pa tayong rehistro riyan and the government cannot assure the quality of this drug.”


Saad naman ni Dr. Eric Domingo ng Food and Drug Administration, “At this time, talagang wala pa po tayong sufficient evidence to say that it helps patients with COVID-19. Hihintayin lang po natin at matatapos naman po ang mga clinical trials at malalaman po natin ‘yung kanyang effect.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page